INA AT ANAK

Tula ni DR. FAUSTO J. GALAURAN

(Sinulat sa bayan ng Kapas, Tarlak, noong unang araw ng Hulyo, 1945, araw ng paglaya sa mga Bilanggong Pilipino)

ANG PAGPAPAALAM…

Humalik sa kamay ng ina ang anak…

“—Nanay, aking ina, huwag kang umiyak;

umalis man ako’y hindi magluluwat

at sa ating dampa ay babalik agad…

Ang digmaang ito’y hindi magtatagal

at ang hukbo natin ang magtatagumpay;

sa pagbabalik ko, asahan mo, Inang,

ang irog mong bunso’y pilit matatanghal…

Hinugot sa dibdib ng ina ang kwintas,

kwintas ng rosariong marumi’t malibag;

At saka sinabing luha’y nalalaglag,

“—Ang kwintas na ito’y baunin mo, anak…

Sa araw at gabi ikaw ay magdasal,

Humingi ng awa sa Poong Maykapal…”

“—Ang kwintas na ito’y asahan mo, inang,

hindi mawawaglit sa aking katawan…”

II

ANG PAG-ALIS…!

Kapuwa may luhang naghiwalay sila,

ang anak, di halos mabuhat ang paa;

kahi’t nagsisikip ang dibdib ng ina,

mukha’y nakangiti’t kakaway-kaway pa…

Umalis ang anak, nagtungo sa digma,

naiwan ang ina sa ulilang dampa,

ang kanyang pag-asa’y hindi nawawala

muling magbabalik ang anak na mutya…

Dumaan ang araw, lumipas ang buwan,

sa kubo, ang ina’y laging naghihintay;

sa araw at gabi’y laging dinarasal,

babalik, babalik ang anak na mahal…

Natutulog siyang hihinahinagpis,

nagigising siyang may kaba sa dibdib…

Pag-ibig ng ina ay isang daigdig

sangmundong tuwa ma’y hindi makapalit…

III

SALAGIMSIM…!

Isang paruparo na lilipad-lipad

sa kanyang kandungan ay biglang nalaglag;

nang kanyang suriin, siya’y nanggilalas,

may sugat sa dibdib at bali ang pakpak…

Isang hatinggabi, siya’y nagulantang,

tila may tumawag sa kanya ng “Inang…!”

napabangon siyang hindi mapalagay,

nanalangin tuloy sa harap ng altar…

Tinutop ng ina ang puso sa dibdib

dibdib na tila ba ibig na magsikip;

nagunita tuloy ang bunsong umalis

baka nasawi na’t di makababalik…!

Di kaginsaginsa’y natapos ang digma,

umuwi ang Hukbo na nagkakatuwa;

sa kinapal kapal kanyang nililisa,

ang irog na anak, bakit nawawala…?

IV

“REQUIEM…”

Hinagkan ng Araw sa tuktok ng bundok

ang nangakatirik na maraming kurus;

mga tanod wari sa hanay ng puntod

ng maraming kawal na dito’y nalugmok…

Sa putok ng kanyong kay raming nabuwal,

may basag ang bungo, sabog ang katawan;

sa may dako roon, nagkalat ang patay

may durog na buto’y lasog na kalansay…

Sa libis ng isang matarik na gulod,

may isang libingan sa lilim ng kalyos

at sa nagbabantay na ulilang kurus

ay may nakasabit na kwintas na lagot…!

Ang kwintas na yao’y nakuha sa dibdib

ng patay na kawal na doo’y umidlip;

oh kwintas ng ina sa bunsong umalis

pabaon sa anak na di nagbalik…!