Ni Ernesto Lawagan
“Ang DIYOS ay ating kanlungan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan. Kaya’t hindi tayo matatakot kahit gumuho ang lupa, kahit bumulusok ang bundok sa dagat, at kahit ang tubig niyaon ay humugong at mangagalit sa pagyanig.” – Mga Awit 46:1-3
MAY kasabihan ang mga Pilipino: “Bato bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit.” Pero paano ka pang magagalit kung ang batong lalagpak sa iyo ay singlaki ng bundok. Aba’y wala nang matitira sa iyo kundi alikabok. Ni hindi ka makatatakbo, makaiiwas o makapagtatago. Ang tanging magagawa ng tao ay lumuhod o magpatirapa at manalangin.
Nitong mga nakaraang buwan, halos linggo-linggo ay hinahagingan ang planeta natin ng mga asteroid galing sa kalawakan. Halos linggo-linggo ay high on alert at matamang nagmamatyag sa labas ng himpapawid ng ating planeta ang National Aeronautics Space Administration (NASA) at iba pang astronomical observatories sa buong mundo sa mga humahagibis na piraso ng batong-kalawakan.
Ito ngang nakaraang mga buwan, ang nakatawag-pansin sa mga astronomo ay ang Asteroid 2024 YR4. Ang dahilan ay ang mga unang mataas na pagtaya na maaaring sumalpok sa daigdig sa hinaharap.
Kung saka-sakali, may kakayahan ba ang sangkatauhan na pigilan ang ganitong maaaring mangyari?
ANG PAGBULUSOK NG MGA TALA
Ang asteroid o talang-bato ay isang bagay sa kalawakan, na tinatawag ding minor planet o maliit na planeta. Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa Asteroid Belt na nasa pagitan ng mga planetang Mars at Jupiter, humigit-kumulang 180 hanggang 320 milyong kilometro mula sa daigdig. Ang Asteroid Belt ay puno ng mahigit 10 bilyong piraso ng mga asteroid na ang laki ay mula isang butil hanggang halos isang libong kilometro ang mean diameter katulad ng pinakamalaki na nadiskubre sa kasaysayan ng astronomiya, ang Ceres. Dito ay nag-uumpugan ang mga ito, at ang mga nasisipa ay lumulunsad palabas paikot sa araw kung saan ang orbit o inugan ng mga “runaway asteroids” na ito ay maaaring mag-intersect o sumalikop sa inugan ng Earth. Ito ang mga tinatawag na orbit-crossers na kabilang sa listahan ng mga near-Earth objects (NEO).
Sa pinakahuling pinalabas na listahan ng NASA (Disyembre 2024), may 37,255 na mga talang-bato bukod pa ang mga comet o buntala na itinuturing na mga NEO. Sa bilang na ito, halos kalahati ay higit sa 100 metro ang laki, at lagpas isang libo ang may laking isang kilometro o higit pa ang diametro.
Ang composition ng mga asteroid ay may tatlong klase: C-Type (Carbonaceous o binubuo ng hard clay o matigas na luad at silicate rock o batong silika), S-Type (Stony o mabato na may kahalong silika, bakal at nickel), at M-Type (Metallic na halos ang kabuuan ay bakal at nickel o iba pang metal).
Ang comet o buntala ay bagay rin sa kalawakan na higit na malayo ang pinagmulan. Higit itong malapad bagama’t karaniwang malaking bahagi ay binubuo ng yelo. Kaya kapag ito ay uminog sa araw, ang pagkatunaw ng yelo ay tila lumilikha ng nagliliwanag na buntot. Ang meteoroid naman ay maliit na piraso ng asteroid o comet na humiwalay. Kapag ito ay bumulusok papasok sa atmosphere ng mundo, tinatawag itong meteor o bulalakaw. Napakabilis ng pagbulusok nito kaya nag-iinit at natutunaw na lumilikha ng guhit ng liwanag sa himpapawid na tinatawag na “shooting star.” Kapag may naiwang labi sa nilagpakang lupa ng bulalakaw, ito ay tinatawag na meteorite o taeng-bituin (Hindi po ako ang nagliwat nito. Kung ako, ang ibibigay kong pagliliwat sa meteorite ay “labilakaw.” ).
Ano ba ang magagawa ng sangkatauhan sakaling ang isang malaking talang-bato o buntala ay nakatakdang sumalpok sa ating planeta? Mapipigilan ba ang mangyayaring pagkagunaw?


Sa nakaraang dalawa’t kalahating dekada, tila dumadalas ang paghaging ng mga near-Earth objects (NEO) katulad ng mga asteroid at comet sa ating planeta. Minamarkahan itong NEO, kapag ang orbit o inugan ng isang talang-bato o buntala ay lumapit sa loob ng 1.3 astronomical unit (a.u.) ang layo sa araw kaya lalapit din sa daang-inugan ng Earth. Isa sa bawat taon mula 2001, mahigit sampu mula 2005, at mahigit 100 mula 2020. Ang pinakamalapit na humaging sa atin ay ang kasinglaki ng bus na Asteroid 2020 VT4 (Nobyembre 14, 2020), na nasa layo lamang na 380 kilometro sa lupa. Sa paningin ng ordinaryong tao, ang 380 kilometro na halos kasinglayo mula Manila hanggang Vigan, Ilocos Sur, ay malaking distansiya. Datapuwa’t kung pag-uusapan ang galaw ng mga planeta at tala sa kalawakan, ang distansiyang ito ay maituturing ng lubhang malapit at may kaakibat na malaking panganib.
Mula ng matuklasan ang Asteroid 2024 YR4 ng Asteroid Terrestial-Impact Last Alert System (ATLAS) noong Disyembre 27, 2024, naging laman na ito ng mga balita. Halos kasinglaki ito ng Boeing 747 na eroplano. Araw-araw ay matamang binabantayan ang galaw nito sa kalawakan habang papalapit sa ating planeta. Ito ay dahil may posibilidad umano itong sumalpok sa mundo sa Disyembre 22, 2032.
Nito lamang Abril 11, 2025, ang Asteroid 2023 KU na kasinglaki ng 35 palapag na gusali ay humaging sa daigdig sa bilis na 64,000 kilometro bawat oras at sa layong halos isang milyong kilometro. Kahit sa ganitong distansiya, binabantayan pa rin ang mga ganito kalaking talang-bato. Dahil maaaring sa isang hindi inaasahang pangyayari, katulad ng biglang paglihis ng galaw nito dulot ng hindi nakikitang gravitational forces o kaya’y makahagip ito ng isa pang bagay sa kalawaan, ito ay magbiglang magbago ng direction o tunguhin.
Una na rito, isa pang nakatawag-pangamba nang ito ay matuklasan noong Disyembre 24, 2004 ay ang higit na malaking Asteroid 99942 Apophis, na sa unang pagtataya ng mga astronomo ay nakapagtala ng pinakamataas ng tsansa ng pagsalpok sa ating planeta. Kung ang Asteroid 99942 Apophis ay sasalpok sa mundo, lilikha ito ng pagsabog na mahigit isang milyong beses na mas malakas kaysa sa dalawang bomba atomika na pinasabog ng Amerika na gumunaw sa mga lungsod ng Nagasaki at Hiroshima sa Japan noong World War II. Nakaragdag pa sa pangamba at takot dito ang mga social media posts ng mga doomsayers o nagkakalat ng balitang lagim na ito na raw ang sinasabi sa Bibliya na magpapasimula ng pagkagunaw ng mundo. Ang pangalang Apophis ay mula sa pangalan ng ahas na diyos ng kaguluhan ng mga sinaunang Ehipsyo. Ayon sa mga pagtataya, lalapit ito sa mundo sa araw ng Biyernes, Abril 13, 2029 (Pansinin pa na kapag pinagsama ang mga numero 2+0+2+9, ang suma ay 13 din). Di ba may pamahiin na ang numero 13 (maliban sa bilang ng baytang sa hagdanan) at ang Friday 13th ay nagdadala ng kamalasan. Ang payo ko, huwag maniwala sa pamahiin.
Sumunod ay ang Asteroid 367943 Duende, na humaging sa lupa sa layong 27,743 kilometro noong Pebrero 13, 2015. Higit itong malapit kaysa sa mga satellite na nasa geosynchronous orbit na umiinog sa Earth. Malaking pagkawasak ang magaganap kung ang 47-metrong talang-batong ito ay sasalpok sa daigdig.
Sa kabutihang-palad, batay sa mga sumunod na pagsasaliksik at pagtataya, ang Asteroid 2024 YR4, Asteroid KU at Asteroid 99942 Apophis ay hindi tatama sa daigdig. Ayon pa nga sa ulat na pinalabas ng mga astronomo noong Abril 2025, ang Asteroid 2024 YR4 ay ang Buwan ang tinutumbok sa Disyembre 22, 2032. Ang Asteroid 367943 Duende naman ay higit na malayo na ang distansiya – 2.2 milyong kilometro – sa muli nitong pagdalaw sa taong 2046.
ANG BANTA NG MALAWAKANG PAGKAWASAK
Sa kaniyang aklat na Worlds in Collision (1950), sinabi ng Russian-born author at scholar na si Immanuel Velikovsky (1895-1979) na ang mga continent o sangkalupaan ng Atlantis at Lemuria ay lumubog sa karagatan sanhi ng pagbulusok dito ng dalawang malalaking buntala o kometa. Pinagtawanan siya ng scientific communities ng kaniyang panahon dahil sa kaniyang mga teorya at sinulat na aklat. Makalipas ang 20 taon ng panunuya sa kaniya, napatunayan na marami sa konsepto niya ang isa-isang nagkaroon ng katuparan.
Ayon naman sa pananaw ng American astronomer, planetary scientist at Pulitzer Prize-winning author na si Carl Sagan (1934-1996), ang daigdig ay isa lamang “maliit na butil ng alabok sa napakalawak na sansinukob” at nagbabala siya na “ang posibilidad ng isang malaking talang-bato na sasalpok sa daigdig ay napakataas – mataas pa sa porsiyento ng mga tao na nasasawi dahil sa pagbagsak ng eroplano.”
Sa kaniyang pagtaya, sinabi ni Sagan sa huli niyang interview sa Reuters noong 1994 na “ang isang talang-bato na kayang gumunaw sa mundo ay maaaring dumating sa loob ng susunod na siglo.” Ang pagsalpok ng talang-bato, katulad ng iba pang mga siyentista, ay inihalintulad niya sa kaganapang nangyari sa daigdig 65 milyong taon na ang nakaraan. Ito ay nang isang humigit-kumulang 18 kilometrong talang-bato ang bumulusok sa daigdig at naging sanhi ng pagkalipol ng mga dinosaur.
Naaalaala niyo pa ba ang tungkol sa Shoemaker-Levy Comet na tumama sa planetang Jupiter noong July 1994? Ito ay binubuo ng 12 major fragments na ang pinakamalaki ay apat na kilometro ang lapad. Ito ay nadiskubre ng Amerikanong research scientist at geologist na si Eugene Shoemaker (1928-1997) at ng asawa niyang si Carolyn, at ni David Howard Levy. Ang pagsalpok ng mga buntala at pagsabog na naganap sa Jupiter, na natanaw hanggang sa Earth, kung dito mangyayari ay pagkagunaw ang magaganap at katapusan na ng lahat ng nabubuhay sa daigdig. Sinabi pa noon ni Shoemaker na may 12 hanggang 40 porsiyento na maaari itong mangyari sa daigdig sa loob ng 70 taon.
Ang isang asteroid fragment na kasinglaki ng munggo ay makapapatay ng isang tao kapag tinamaan nito. Ang isa namang kasinglaki ng jeep ay kayang gumawa ng butas sa lupa na lagpas tatlong palapag na gusali ang lalim at kasinglawak ng isang football field. Ang katulad ng Asteroid 2024 YR4, na humigit-kumulang 60 metro ang diameter, kapag tumama sa lupa ay gagawa ng crater na kalahati hanggang dalawang kilometro ang lawak at lalim na mahigit 200 metro, at kung sa dagat naman ay lilikha ito ng malaking tsunami. Maihahalintulad ito sa asteroid na tumama sa Tunguska, Russia noong Hunyo 30, 1908. Tinatayang ang lakas ng pagsabog na naganap ay katumbas ng sa 12-megaton hydrogen bomb. Ang shockwave na dulot nito ay tumupok sa lahat ng punongkahoy sa loob ng mahigit 2,150 square kilometer ng kagubatan, ang bugso ay umabot hanggang England na mahigit 6,000 kilometro ang layo, at ang mga debris ay kumalat sa palibot ng buong mundo. Pakalimiin mo pa, ayon sa ilang pagsasaliksik, na hindi lumagpak sa lupa ang talang-bato o buntala na ito kundi sumambulat sa himpapawid sa taas na 10 hanggang 14 na kilometro.
Ang isang talang-bato o buntala na may mean diameter na 15 hanggang 20 kilometro kung tatama sa mundo ay maituturing na extinction level event (ELE) o pagkagunaw.
MAY MAGAGAWA BA ANG SANGKATAUHAN?
Ano ba ang magagawa ng sangkatauhan sakaling ang isang malaking talang-bato o buntala ay nakatakdang sumalpok sa ating planeta? Mapipigilan ba ang mangyayaring pagkagunaw?
Noong 1967, isang Massachusetts Institute of Technology (M.I.T.) professor na nagngangalang Paul Sandorff ang nagbigay ng hamong pagsusulit sa kaniyang mga estudyante: “Paano mo ililigtas ang mundo kung ang Asteroid Icarus na halos isa’t kalahating kilometro ang diametro ay sasalpok dito sa loob ng anim na buwan?” Ang sagot ng kaniyang mga estudyante, na binansagang “Project Icarus,” ay maglunsad ng mga nuclear-tipped missiles at pasabugin ito sa tabi ng asteroid upang baguhin ang tunguhin ng pagbulusok nito at lumihis at maiwasan ang pagtama sa daigdig. Binigyan ito ni Sandorff ng 90 porsiyento tsansa ng tagumpay. Nakatawag-pansin ito sa media at lumaganap ang kamalayan tungkol sa isang panganib na manggagaling sa kalawakan. Dito rin nabuo ang konsepto ng pelikulang Meteor (1979), kung saan nagtulong ang America at Russia upang pigilan ang pagtama ng isang malaking bahagi ng talang-bato sa lupa sa pamamagitan ng kanilang oribiting missile platforms.

Ang dalawa pang konsepto ay ang pagtatanim ng bomba sa asteroid o comet katulad ng ginawa sa mga pelikulang Armageddon at Deep Impact (parehong ipinalabas noong 1998), at ang direktang pagpapatama ng mga nuclear missile upang pasabugin ito sa maliliit na piraso. May panganib pa rin sa ganitong paraan dahil kung ito ay lubhang malaki, ang natibag o sumambulat ng mga fragments ay hindi lahat matutunaw kundi babagsak pa rin at tatama sa lupa o sa dagat. Isa pa ay ang panganib na idudulot ng nuclear fallout.
Noong 1973, itinatag ni Eleanor Helin at Eugene Shoemaker ang Planet-Crossing Asteroid Survey (PCAS) sa Palomar Observatory sa California. Ito ang kauna-unahang astronomical program na nakatuon ang buong pansin sa paghahanap at pagtatala ng mga asteroid na napapalapit sa ating planeta.
Nang pinag-uusapan sa NASA ang tungkol sa “Dinosaur Extinction Theory” noong 1980, na naganap dahil sa pagtama ng isang malaking talang-bato, nabanggit nila sa talakayan na ang “isang kahalintulad na salpukan ay maaaring mangyari sa hinaharap at lumipol sa sangkatauhan.” Sinimulan na nilang pag-isipan noon kung ang isang “runaway asteroid or comet” ay kayang masubaybayan at mapigilan kung sakaling ito ay lalapit o tatama sa mundo.
Sa mga sumunod na dekada, halos taon-taon ay nagtitipon ang mga pangunahing astronomo at planetary scientists upang talakayin ang tungkol sa panganib ng mga NEO. Ang paghahanap, pagtatala, pagsusubaybay, pagsasalisik at maging ang mga paraan kung paano mapipigilan ang pagsalpok ng mga NEO sa mundo ay pinag-uusapan.
Noong Oktubre 2022, inilunsad ng NASA ang Double Asteroid Redirection Test (DART), na binansagan nilang “World’s first full-scale planetary defence mission.” Isang 500 kilogram na spacecraft ang ibinunggo nila sa Binary Asteroid 65803 Didymos at ang moonlet nitong Dimorphos sa bilis na 24,000 kilometers per hour. Matagumpay nitong nagawang baguhin nang bahagya ang inugan ng talang-bato. Bagama’t bahagya lamang ang paglihis ng trajectory o tilakbo nito, napatunayan na posibleng mailihis ang direction o tunguhin ng isang bagay mula sa kalawakan na nagbabantang bumulusok sa mundo.
Upang higit na mapaigting pa ang paghahanda at pagsawata sa panganib ng mga NEO, ang NASA ay maglulunsad sa 2027 ng isang space-based NEO surveyor, isang sasakyang pangkalawakan na sadyang ginawa upang tugunan ang panganib ng mga talang-bato at buntala.
Nahagingan na tayo ng mga talang-batong kasinglaki ng refrigerator, jeep, building, at eroplano. Ang masasabi ko, huwag munang mangamba sa mga ito. Ngayon, kapag kasinglaki na ng bundok ang nagbabantang papalapit sa ating planeta katulad ng propesiya sa Apocalipsis 8 sa Bibliya, may magagawa kaya tayo upang pigilan ito?
Nasusulat: “Hinipan ng ikalawang anghel ang kaniyang trumpeta, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay bumulusok sa dagat: Ang ikatlong bahagi ng dagat ay nagkulay dugo, at ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat ay nasawi, at ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat ay nawasak.” (Apocalipsis 8:8-9). Kung uunawain, ito’y naglalarawan ng isang asteroid o talang-bato na pabulusok sa dagat. Nag-aapoy ang mga talang-bato at bulalakaw sa pagpasok sa atmosphere ng mundo dahil sa matinding init na dulot ng friction at air compression.
Ang sumunod na talata: “Hinipan ng ikaltlong anghel ang kaniyang trumpeta, at nahulog mula sa langit ang isang tila malaking bituin na nagliliyab gaya ng isang sulo at bumulusok sa ikatlong bahagi ng mga ilog at bukal. Ang pangalan ng bituin ay Ahenho (Kapaitan)….” (Apocalipsis :10-11). Muli, pang-unawa ang kailangan. Ang isang comet o buntala ay tinatawag din shooting star (“bumubulusok na bituin”) kapag ito ay pumasok sa atmosphere ng daigdig, pansinin na kahalintulad ito ng apoy ng isang “sulo” na itinatakbo ng mayhawak. May isang buntala na ang pangalan ay Comet Encke na isa ring NEO. Ito ay may halos limang kilometrong diametro at umiinog sa araw sa bawat 3.3 taon. Bagama’t ang pinakamalapit na distansiya nito sa Earth batay sa kaniyang inugan ay malayo pa sa 50 milyong kilometro, may dala pa rin itong panganib. Ayon sa mga pagsasaliksik, may ilang pirasong natapyas sa buntalang ito na tumama na sa lupa sa mga nakaraang panahon. Ang pinakamalaki, ayon sa sapantaha ng Czech astonomer na si L’ubor Kresák (1927-1994), ay ang tumama sa Tunguska noong 1908. Malaking bahagi ng composition ng buntalang ito ay calcium, na isang “mapait” na mineral element.
Sa kasaysayan, lahat ng mga propesiya at parusang-utos na nakasulat sa Bibliya ay nangyari, malibang ang DIYOS ay nagdalang-habag at bawiin ang mga ito tulad ng mga nakatala sa I Cronica 21:15, II Mga Hari 20 (Isaias 38), at Jonas 3. Ang tanging magagawa ng tao ay manalangin sa DIYOS na Makapangyarihan sa Lahat ng awa at pagpapatawad sa pangalang ng Panginoong Jesus Cristo na ating tagapamagitan.