BIGO BA ANG BURGIS?

"Saka na natin pag-usapan iyan, Arnel. Puwede mo akong angkinin maski hindi kita iniibig."

ni RODIE MARTE METIN

SA loob ng silid-aralang iyon na nasa ikalawang palapag ng punong-gusali ng kanilang pamantasan, si Mira ang kamag-aral niyang unang nagsabing siya’y may kaisipang burgis. Ang katagang burgis ay salitang ikinakapit ng mga may kaisipang “progresibo” sa mga taong gumagalaw, nag-iisip, naniniwala at nabubuhay sa kapamaraanan ng establisimyento. Ang establisimyento ay ang kasalukuyang sistema: may mahirap, may mayaman, may mga obrero, mga walang hanapbuhay; at ang masakit tanggapin, ang kasalukuyang sistema ng pamumuhay sa loob ng establisimyento ay nagluwal ng isang sosyo-ekonomikong kalagayan ng tao na sobra ang dami ng mga naghihikahos (85%) at lubhang kakaunti ang nakaririwasa (15%).

Si Mira, isa sa mga opisyal ng Samahan ng mga Kababaihang Progresibo sa kanilang pamantasan, ay may kaisipang radikal. Ito ay batid ni Arnel. Hindi pa niya nagiging kamag-aral ang dalaga sa asignaturang iyon ay kilala na niya ito. Si Mira ang naging pangalawang pangulo ng Commerce Student Council noong nakaraang taon, at sa kasalukuyan ay aktibong opisyal o kasapi ng iba’t ibang kapisanan ng mga mag-aaral sa pamantasan, gayon din ng isang popular na pambansang samahan ng mga progresibong estudyante.

Hindi akalain ni Arnel na magiging kaklase niya ang dalaga sa Finance 9, isang asignatura ng Pangangalakal na na ang pangkalahatang paksa ay tungkol sa pangangasiwa ng Gobyerno sa punto de-bista ng Pananalapi.

Tinawag siyang burgis ni Mira sa loob ng silid-aralang iyon pagkatapos nitong kuwestiyunin ang kanyang kasagutan sa isang tanong ng kanilang propesor. Itinanong ng kanilang propesor ang ganito: “Posible bang mabuhay ang mayayaman kung walang gobyernong nagpoprotekta sa kanila?”

Si Arnel ay mabilis na sumagot ng oo. Saka sinundan niya ng mahaba-haba ring pagpapaliwanag:

“Noong unang panahon, ang mayayamang tao ay nabuhay nang di halos kinandili ng isang makapangyarihang gobyerno. Samantalang ang mahihirap ay umaasa sa sariling lakas ng bisig para sa proteksiyon, ang mayayaman ay nakauupa ng mga sandatahang alipin upang sila’y mapangalagaan laban sa masasamang-loob. Noon ay walang public schools para sa mahihirap, pero ang mayayaman ay nakauupa ng mga pribadong guro; walang ospital ng pamahalaan, nguni’t sila’y nakakukuha ng mga dalubhasang manggagamot sa pamamagitan ng salapi. Samakatwid, masasabing ang pamahalaan ay umiiral nang higit para sa mahihirap at di para sa mayayaman.”

Ang propesor ay magbibigay na sana sa kanya ng isang mataas na marka, nguni’t si Mira ay tumayo at humingi ng pahintulot na rekonsiderahin ang kanyang kasagutan.

“Para ba niyang sinabi, sir,” anang dalagang sa propesor naka tingin, “na kung wala ang mayayaman ay hindi magkakaroon ng pamahalaang kakandili sa mahihirap. Para rin niyang ibig palitawin na ang gobyerno’y di gaanong kelangan ng mayayaman!”

At si Arnel ay napalunok sa pagkakaupo: ang ibig sumalansang sa kanyang kasagutan ay isang babaing subok ang katalinuhan at kakayahan sa pakikipag-argumento; samantalang siya’y karaniwang estudyante lamang at sapat na sa kanya ang makakuha ng markang mas mataas sa tres.

Gayunpaman ay humanda siya para ipagtanggol ang kanyang panig. Kung hindi niya maipagtatanggol ang kanyang katugunan, baka mababang marka ang isulat ng kanilang propesor sa kanyang class card.

“Nais kong sabihing may kamalian nang konti ang mga sinabi niya, sir,” pagpapatuloy ni Mira na sumulyap pa kay Arnel.

Kung bakit sa isang iglap na pagtatama ng kanilang paningin ni Mira ay pumitlag ang puso ni Arnel. Aywan niya kung dahil sa ganda at kislap ng mga mata ni Mira at sa simpleng kagandahang morena ng dalaga, o dahil sa lantarang pagkritika nito sa kanyang katugunan sa tanong ng propesor kaya siya kinabahan.

“Bakit mo nasabi iyan?” itinanong ng propesor.

 “Sapagka’t sa kasalukuyan, ang gobyerno’y kasangkapan ng mayayaman…ng mga oligarkong tao upang mapanatili nila ang kanilang kalagayang maganda sa sinapupunan ng establisimyento!” tugon ni Mira na ang kalistuhang-isip ay masasalat sa paraan ng pagsasalitang parang laging memoryado at maayos gayong sa katunaya’y di naman.

Si Arnel ay tumayo at humarap kay Mira.

“Sa papaanong kinakasangkapan ng mayayaman ang pamahalaan upang mapanatili nila ang kanilang katayuan sa sosyedad?” itinanong niya kay Mira.

Si Mira ay humarap din kay Arnel at si Arnel ay lalong kinabahan. Ang kaharap niya’y isang kagandahang may angking katalinuhan, katalinuhang higit pa marahil sa taglay niya.

“Ang pamahalaan ang gumagarantiya sa karapatan nila sa kanilang mga kayamanan. Mas marami ang mahihirap; kung walang pamahalaan, nanganganib ang buhay at ari-arian ng iilang nakaririwasa. Magkakaroon ng agawan at labu-labo,” ang tugon ni Mira.

“Masyadong malawak ang ibig mong sabihin,” pangiting saad ni Arnel. “Bakit hindi mo iugnay sa paksa ng ating asignatura? Halimbawa, sino ang nagpi-finance sa pamahalaan sa pamamagitan ng buwis?”

“Siyempre, ang lahat ng taong nasa ilalim ng naturang pamahalaan.”

“Sino ang nagbabayad ng mas maraming buwis, mayayaman ba o mahihirap? Manggagawa ba o ang mga may-ari ng malalaking pagawaan at negosyo?”

“Sabihin nating mayayaman ang nagbabayad ng mas maraming buwis.”

Napangiti si Arnel. Nag-iisip na nang husto si Mira. Sa kanilang dalawa ni Mira nakatuon ang pansin ng lahat nilang kamag-aral sa asignaturang iyon.

“Ang buwis ay ginagamit ng pamahalaan sa pagpapagawa ng public schools, ng public hospitals, sa pagbabayad sa suweldo ng mga guro, doktor at nars; buwis din ng mayayaman ang ginagamit sa pagpapagawa ng public high ways, roads and bridges, at higit sa lahat, ang ibinubuwis ng mga na kaririwasa ay ginagamit din ng pamahalaan sa pagmamantine ng pulisya para sa ikapananatili ng katahimikan, at ng ating sandatahang lakas para sa proteksiyon lahat laban sa external aggression o para sa ikapananatili ng pambansang sekuridad!”

Bahagyang naningkit ang mga mata ni Mira. Gayunman ay hindi iyon nagdulot ng anyong galit sa bilugang mukha ng dalaga. Sapagka’t may tawang sumungaw sa mga labi nito. Marahil ay natatawa si Mira dahil para rin itong nagagandahan sa katwiran niya.

“Iyan ay katwirang burgis! Ikaw ay may kaisipang burgis,” ang nakangiting wika nito kay Arnel upang marahil ay hindi isipin ni Arnel na masyadong personal ang kanyang kritisismo.

“Marahil nga ay burgis ako,” nakatawang sagot naman ni Arnel.

“Nguni’t habang ang nasasangkot o habang ang pinag-uusapan ay ang asignaturang ito na Public Finance, kelangang mag-isip ako sa kaisipang burgis… at least, para makakuha ng pasadong marka at makapagtapos ng Komersiyo ngayong taon!”

“Samakatwid ay naniniwala ka talagang natatag sa estado ang pamahalaan para sa kapakanan ng mahihirap?” giit pa rin ni Mira na ngayon ay parang kasiyahan ang ikinikislap ng mga matang nakatitig kay Arnel.

“Iyan ang ideyal na dapat paniwalaan… na dapat namang mangyari. At kung sa iyong sariling pananaw, ang ating pamahalaan ngayon ay waring natatag di dahil sa kapakanan ng mahihirap kundi para sa mga nakaririwasa, sa wari ko’y labas na iyan sa paksang pangkalahatan ng asignaturang ito. Gayunman, ipagtatanggol ko hanggang sa aking libing, ‘ika nga, ang karapatan mo sa kapaniwalaang iyan!” At umupo na si Arnel, at siya’y naligayahan nang si Mira ay makipagtawanan sa kanilang mga kamag-aral na lahat ay natuwa sa huli niyang sinabi.

DATI-RATI ay hindi siya pinapansin ni Mira sa kampus kahit nagkakasalubong sila nito. Sino ba naman siya para pagkaabalahan ng isang kilalang lider-estudyante? Sino siya para batiin o ngitian man lamang ni Mira kung sila’y nagkakasalubong? Siya’y isa lamang sa libu-libong mag-aaral na wika ng mga progresibo at radikal ay “walang pakikisangkot,” burgis, at inidibidwalista. Siya’y isa lamang working student na kung matatanggal sa trabaho bilang clerk-typist ay baka hindi na makapagpatuloy ng pag-aaral. Alam kaya ni Mira na gustuhin man niyang sumama sa mga rali at demostrasyon ay hindi niya magagawa? Alam kaya ni Mira na gusto rin niyang maging isang lider-estudyante nguni’t di niya magawa sapagka’t bukod sa tinitipid niya ang kanyang buwanang suweldo ay nagpapadala pa siya ng pera sa kanyang mga magulang at kapatid na nasa lalawigan? A, hindi alam ni Mira. Nguni’t alam ni Mira, alam din ni Arnel, na siya ay alipin ng kabulukang umaalingasaw sa kasalukuyang sistema.

Alam din ni Mira, natitiyak ni Arnel, na siya’y biktima rin ng mataas na presyo ng mga bilihin, ng kawalang-katiyakan ng buhay sa bansang ito; alam ng mga katulad ni Mira na siya’y kasangkapan ng Kapital, hindi isang kapantay na katulong nito sa pangyayari ng mga produktong ipinagbibili sa lalong mataas na pakinabang. Siya, si Arnel, ay isa lamang manggagawa na nagbibili ng lakas ng bisig at konting talino para bayaran buwan-buwan ng minimum na suweldong sapat lamang ikabuhay ng isang tao sa paghihikahos. Salamat na lamang at wala siyang pamilya. Salamat at binata pa siya. Isang binatang minsa’y tinawag na burgis ng isang Mira na may kaisipang progresibo. Isang manggagawang tinawag na burgis sapagka’t nag-aaral ng ekonomiya nina Adam Smith, David Ricardo, Malthus, Keynes at iba pang burgis na ekonomista.

Dati-rati nga’y hindi siya pina pansin ni Mira kahit makasalubong niya ito sa loob ng kampus. Nguni’t mula nang magkasagutan sila nito sa asignaturang iyon, malayo pa siya’y nakatawa na si Mira kapag nagkakasalubong sila nito. Maski saan. Sa koridor patungo sa aklatan. Sa gate ng kampus. Sa hintayan ng mga sasakyan. Siya’y lagi nang tinatawanan ni Mira. Binabati. Minsan, ay tinawag sa unang pangalan.

“Uuwi ka na, Arnel?” minsan ay bati ni Mira sa kanya nang makasalubong niya ito sa pinto ng main building.

“Oo, M-mira…” Tumango siya at gustong ipagtaka kung bakit maagap din niyang natugon si Mira sa pagsambit ng una nitong pangalan.

May ilang saglit silang nagkatitigan. Parang may gustong sabihin si Mira sa kanya. At sapagka’t wala itong masambit na mga kataga’y si Arnel ang nakadama ng uneasiness. Kaya sila’y mabilis na nagpaalaman sa pagsasabi ng, “Sige… e… tutuloy na ako.”

HABANG lalong nagiging popular si Mira sa loob ng kanilang pamantasan ay naliligalig nang lihim si Arnel. Kinukutya niya ang sarili kung bakit siya’y unti-unting nahahaling kay Mira. Kinukutya niya ang sarili kung sa pagbabasa niya ng aklat ay nakikita niya sa mga pahina niyon ang ngiti ni Mira, ang kislap ng mga mata nito. Kinukutya niya ang sariling puso sa pagtibok nito nang dahil sa isang lihim na hangarin.

Umiibig ang burgis sa dalagang aktibista?

SA isang muling pagkikita nila ni Mira sa labas ng silid-aralan ay nakapaglakas-loob siyang anyayahan ito sa kanilang kantina sa pamantasan.

Siya’y pinaunlakan ni Mira at sa kanyang paningin ay nag-anyong masidhi si Mira na sumama sa kanya, na makipag-usap sa kanya.

“Ano’ng pag-uusapan natin?” tanong agad ni Mira nang makaorder na sila ng mamimeryenda.

May pag-uusapan ba sila ni Mira kaya niya ito niyaya sa kantina? Gusto lamang ni Arnel na mapalapit siya kay Mira. Gusto lamang niyang makita ang kaanyuan nito sa malapitan. At kung mayroon siyang ibig pag-usapan nila ni Mira, iyon ay tungkol sa kung bakit hindi na niya maiwaksi sa isip ang katauhan ng dalaga, kung bakit sa lahat halos ng oras ay naiisip niya ito at kapag naiisip niya ito ay nakadarama siya ng paghahanap, ng kakulangan sa buhay: hindi kakulangang materyal na sakop ng ekonomikong pangangailangan ng tao, kundi isang kakulangang pandamdamin.

“Kung ano’ng ibig mo … ‘yon ang pag-usapan natin,” itinugon niya kay Mira.

“Pag-usapan natin ikaw at ako, Arnel.”

“Ha?”

“Ikaw, ayon sa mekanismong nagpapaandar sa iyong isip, at ako, ayon sa kapaniwalaang nag-papakilos sa akin.”

Mabilis niyang naunawaan si Mira.

“Sa pagsasabi mo ng katagang mekanismo ay parang gusto mong sabihing may eksaktong pattern ang takbo ng aking utak, Mira?”

“Mayroon,” sabi ni Mira. Si Mira’y nakatawa sa kanya at ngayo’y hindi niya naiibigan ang tawang iyon.

“Ano ang mekanismong iyon?”

“Ang mekanismong nagpapatakbo sa iyong isip ay ang balangkas ng sistemang ito: kailangan mong gumawa, magtrabaho para mabuhay. Ikaw ay pinakikilos ng sistema, hindi nga lamang direktang dinidiktahan. Nguni’t ang iyong utak ay ikinundisyon ng mga kapaniwalaan, tradisyon, kultura at kapamaraanan ng Sistemang ito. Hindi ka malayang nabubuhay, ikaw ay alipin!”

Naiinis, nagtataka at nagugulumihan si Arnel habang sinasabi ni Mira iyon. Ano ba ang babaing ito na kung magsalita sa harap niya’y parang isang pontipikong kapangyarihan? Ibig bagang gibain ni Mira ang kanyang katauhan? Bakit?

“Hindi ako alipin,” paasik halos ang pagsasabi ni Arnel niyon. Nanalim ang kanyang titig kay Mira nang di niya nalalaman. Nguni’t si Mira’y nanatiling nakatawa, tawang hindi niya nagugustuhan.

“Alipin ka ng iyong boss kung nag-oopisina ka!”

“Nag-oopisina ako pero hind ako alipin ng aking boss! Hindi niya ako pinilit na magtrabaho para sa kanya. At kung gugustuhin ko’y malaya akong makaaalis sa aking trabaho!”

Malaya ka ring magugutom.”

“’Tangna! Sa pag-uupisina ba lamang ako mabubuhay?”

“Mayroon ka pa bang alam na paraan para mabuhay nang di maglilingkod sa iba?” Nakangiti si Mira.

“Maski magtinda ako ng balut.”

“Saan ka kukuha ng balut?”

At nayamot si Arnel. “Lintik! Ang kinukuwestiyon mo ay ang mismong sistema ng pamumuhay! Matatakasan mo ba ang lahat ng ito karaka-raka?”

“Relaks ka lang!” sabi ni Mira na napahagikhik. “Ang temperamento mo’y repleksiyon ng iyong katauhan. At talaga namang ang sistema ng pamumuhay ang kinukuwestiyon ko… hindi ang tao. Hindi ikaw. Sapagka’t ikaw ay kaisipan… at ang sistema’y likha lamang ng ilang superyor na kaisipan ng tao upang pagsamantalahan ang nakararami!”

HINDI niya akalaing gayon kahirap na kausap si Mira. Hindi niya akalain na masusukol siya nito sa katwiran. Ang nangyari ay parang isang hamon sa kanya.

Isinumpa niya sa sariling paiibigin niya si Mira. At kailangang hindi siya mabigo. Posibleng mas matalino si Mira kaysa kanya, nguni’t kapag ito’y umibig sa kanya, ang katalinuhan nito’y isusuko sa pagmamahal at paghanga sa kanya. Imposibleng ang isang progresibong kaisipan ay walang pusong maaaring umibig sa burgis.

“Saka na natin pag-usapan iyan, Arnel. Puwede mo akong angkinin maski hindi kita iniibig.”

Mula noon ay madalas na niyang yayain si Mira sa kantina. Naging tagapakinig siya ng mga sinasabi nitong kaugnay na lahat sa “ikahahango ng masa,” ng tungkol sa peyudalismo, imperyalismo at pasismo. Ang totoo’y parang ibig na rin ni Arnel na yakapin ang bagong ismong nais nitong ipunla sa kanyang isipan. Lalo na nang isalaysay ni Mira kung papaano pinagsasamantalahan ng mga feudal lord ang mga magsasaka at mga manggagawa sa buong mundo. Lalo na nang ipaliwanag sa kanya ni Mira na ang magagandang tradisyon, kaugalian at kultura ng bansa sa kasalukuyan ay isa lamang conscience pacifier o panahon sa kabulukan ng sistema. Kapitalistang siyang pinakabalangkas ng Establisimyento.

Nguni’t habang siya’y unti-unting natututo kay Mira, ang hangarin niyang paibigin ito ay nag-aalab. At isang hapon nga na muli niya itong yayain sa university canteen, ipinagtapat niya kay Mira na ito’y iniibig niya.

“Iniibig kita, Mira,” lakas-loob niyang nasabi kay Mira.

At si Mira’y hindi agad nakahuma. Para bagang hindi nito inaasahang sasabihin niya iyon. Sinipat siya nitong mabuti. Madalian nitong pinag-aralan kung nagbibiro siya o hindi. At nang matiyak na serious siya, si Mira ay ngumiti nang makahulugan.

“Hindi mo ako iniibig, Arnel,” sabi ni Mira. “Kailangan mo lamang ako para mapunan ang isang pangangailangan: companionship, o kaya’y sex… o kaya’y isang status symbol.”

Nayanig si Arnel.

“Mira?!”

“Hindi mo na kailangang tawagin iyon ng Pag-ibig.” Nagmamalaki ang ngiti ni Mira. Parang nakakalalaki.

“Iniibig kita, Mira!” sinabing pagalit ni Arnel.

Tumawa si Mira. “E, bakit ka galit? Relaks ka lang.”

“Kung companionship lamang ang kelangan ko, hindi lang aktibistang tulad mo ang puwede kong kaibiganin agad.”

Sex kung gayon?”

“Marami pa riyang ibang seksi.” Gustong galitin o yamutin ni Arnel si Mira pero siya ang nayayamot.

Status symbol?”

“Ang kailangan ko’y ikaw, Mira…at ang pag-ibig mo.”

At nagtatawang tumayo si Mira. “Saka na natin pag-usapan iyan, Arnel. Puwede mo akong angkinin maski hindi kita iniibig. Iyang tinatawag na pag-ibig ay ang pananaig ng sentimyento sa wastong takbo ng utak.”

Tumayo na rin si Arnel. Sa pagtayo niya’y naramdaman niya ang hapdi ng pagkabigo kay Mira. Naramdaman niya ang sampal sa kanyang pagkalalaki… sa kanyang pagkatao, burgis na pagkatao!

Marahan, mababa ang kanyang tinig nang sabihin kay Mira, “I’m sorry, Mira. Nagbibiro lamang ako. Hindi totoong iniibig kita. Tama ka. Ang gusto ko lamang sa iyo ay sex. At sana, ito na ang maging huling pag-uusap natin.”

Saka mabilis na humakbang papalabas ng kantinang iyon si Arnel. Nagsinungaling siya, alam niya. Mahal niya si Mira. Iniibig. Nguni’t ang superyor na utak ng dalaga ay hahamak lamang sa kanya. Ang paniniwala nito’y lalait lamang sa kanyang katauhan ay mahirap nang matinag. Maaaring sa ikabubuti niya ang mag-isip sa paraang kagaya ng kay Mira. Nguni’t ang kabutihan niyon ay di pa sapat upang takpan ang hirap na daranasin ang kanyang kabuuan kung tatalikdan niya ang maraming kinamihasnang paniniwala, attitude, values, tradisyon, kaugalian at pangkalahatang kultura. Kung basta lamang sana napapalitan nang pag-ayon ang utak at ang kalikasan ng tao, makakamtan niya si Mira. At si Mira ay hindi na makakamtan sa pamamagitan ng pag-ibig. Kailangan pang gamitan ito ng katwiran, ng superyor na ideya.

MARAMI nang linggo ang lumipas mula noon. Marami na ring pagkakataong umiwas si Arnel kay Mira. Isang semestre ang nagdaan. Nakilala ni Arnel ang isang babaing hindi kasing-logical ni Mira. Nakakilala niya si Lanie.

“Ikaw ang babaing kauna-unahan kong inibig at iibigin, Lanie,” sabi niya kay Lanie nang magtapat siya rito.

“Baka binobola mo lang ako?” tugon ni Lanie

“Papaano nga kita bobolahin e mahal kita?”

Siya’y sinagot ni Lanie. Siya’y inibig ni Lanie. At si Lanie ay hindi niya ginamitan ng progresibong pangangatwiran. Ilohikal pa nga ang mga sinasabi niya kay Lanie. Nguni’t si Lanie, sa kanyang kasalatang pang-ekonomiya, ay isang malaking kayamanan ng kanyang katauhan. Maski ibigay sa kanya ang lahat ng kayamanan ni Haring Solomon, o kaya’y ni Ford, o ang buong kayamanan man ni Onassis, hindi niya ipagpapalit si Lanie. At naniniwala siyang gayon din si Lanie sa kanya: pinakamahalaga siya sa buhay ni Lanie.

At sapagka’t kailangang siya ang bumuhay kay Lanie, hindi ang estado, hindi ang Gobyerno ng Estado, kailangan niyang makibaka, makipagkompetisyon sa iba’t ibang lakas ng daigdig. Kailangang siya ang bumuhay kay Lanie kahit buong husay ring mabubuhay si Lanie ng iba. At sa paraang ganito niya kapantay ang lahat ng kalalakihan sa daigdig!

Si Mira? Si Mira ay gustong mabuhay sa ilalim ng isang sistemang laging lohikal, maayos at makatwiran. At sapagka’t hindi pa iyon dumarating, si Mira ay hindi pa nabubuhay. Kaya si Mira ay hindi pa marunong umibig: sex, companionship. Ito ang kahulugan ng pag-ibig para kay Mira. Si Mira ay hindi pa para sa panahong ito. At siya, si Arnel, ay nais nang mabuhay sa kasalukuyan.