ANG TAO AT ANG LEON

Tula ni FLORENTINO T. COLLANTES

I.

May isang aliping nakatanikala

na ibinibilanggo sa loob ng lungga,

sa ininot-inot at pagtitiyaga

niloob ng Diyos na makakawala.

Ang unang ginawa’y nagtasgo sa bundok

at sa tanikala’y bato ang lumagot,

sa puno ng kahoy ay biglang lumuhod

ang pasasalamat dinasal sa Diyos.

Sa matinding pagod, matapos magdasal

sa lilim ng kahoy himbing na nahimlay,

walang ano-ano siya’y nagulantang

sa ungol ng hayop na umaatungal.

Tinunton sa gubat ang ungol at daing

hanggang sa makita kalagimlagim,

isa palang leong nahulog sa bangin

ang paa’y nasubyang ng mga patalim.

II.

Tinulungan niyang umahon ang leon

sa kinahulugang malalim na balon,

binunot ang subyang na nangakabaon

ginamot ang sugat, saka pinainom.

Ang hayop man pala na ubod ng lupit

napaamo rin ng pusong malamig,

mabangis na leon ay naging mabait

lumuhod sa tao’t sa paa’y humalik.

Ang leon man pala na hari sa bundok

marunong tumingin ng utang na loob

sa taong nagligtas payukong naglingkod

mistulang alipin na susunod-sunod.

Namuhay sa bundok ang tao at leon

nagmahalan silang may ilan ding taon,

at ang buhay nila sa ginayon-gayon

pinaghiwalay rin sila ng panahon.

III.

Ang tao’t ang leon nang magkahiwalay

kapuwa inabot ng kapahamakan,

ang aliping takas nadakip na naman

sa lunggang madilim muling inilagay.

At ang naghahanap na ulilang leon

ay nahulog naman sa isang patibong,

at ang napagbigya’y isang emperador

sa haulang bakal doon ikinulong.

Naging kahatulan sa tao’y patayin

sa gitna ng plasa sa pistang darating,

ilaban sa hayop nang upang silain

sa tiyan ng gutom doon na malibing.

Ginutom ang leon at hindi binigyan

nang kahi’t na ano sa kinalalagyan,

kaya pag may tao na napagmamasdan

pag angil, ang ngipin ay inililitaw.

IV.

Dumating ang pistang kapanapanabik

sa dami ng tao ang plasa’y nagsikip,

kabilang ang hari sa mangagmamasid

sa taong lalaban sa leong mabangis.

—Ayan na ang tao, — ang sigaw ng lahat, —

Iyan ang lalaban sa leong marahas!,

haula nang buksa’t ang leo’y lumabas

nabingi ang hari sa mga palakpak.

Taong sisilain ay biglang humanda

sa pagdating nitong leong maninila,

nang sasagpangin na’y biglang nagsalita

ang gutom na leo’y napahintong bigla.

Sa halip managpang ang leo’y yumuko

humalik sa paa ng abang bilanggo,

at ang tao nama’y lumuhod, naupo

niyakap ang leong hindi makakibo.

V.

Ang sangkaharia’y nataka’t namangha

at ang hari naman sa awa’y naluha,

may puso rin pala kahi’t maninila

kung ang sisilai’y ang nagkawanggawa.

Ito palang leo’t ang taong lumuhod

ay sila rin yaong nagsama sa bundok,

nilimot ang bangis ng leong dayukdok

dahil sa pagtanaw ng utang na loob.

Sa malaking habag nitong emperador

ay pinawalan na ang tao at leon,

ang pagmamahalang katulad daw ng noon

ay dapat lumagi sa habang panahon.

Nariyan ang isang gintong halimbawa

na dapat makintal sa puso at diwa,

sa pinakahayop pag ikaw’y naawa

may gantimpala ka sa Poong Bathala.