ANG BAHA

Sinikap niyang mailulan sa bangka ang ilang mga baro at mga kagamitan pagkatapos na isa-isang maisakay niya sa bangka ang kanyang mag-iina.

Ni Adriano P. Laudico

MALIGAYANG Bagong Taon, Diana, — ang halos pabulong na sambit ni Vic pagkatapos na mahagkan niya sa mga labi ang dalagang kasayaw nang mga sandaling iyon sa nagsisikip na bulwagan ng isang litaw na liwaliwang panggabi at sa gitna ng hindi magkamayaw na ingay na naghahari sa masayang paligid, ilang saglit pagkaraang ihudyat ng sirena sa mga taga-siyudad ang pagpapaalam ng lumang taon. —Patawarin mo ako sa kapangahasang nagawa ko. Nag-uumapaw sa kaligayahan ang aking puso, Diana, ngayon ko lamang naramdaman ang ganitong kaligayahan pagkatapos ng anim na taon. Natatandaan mo pa ba, Diana?

—Pinatawad kita, ngunit binigla mo ako at kahiya-hiya sa mga tao, — ang tugon ng marilag na dalaga samantalang pinaliligid niya ang kanyang tingin sa ibang mga pareha na ang karamihan ay naghahalikan din. Talagang sa Maynila ay mabilis ang takbo ng panahon at makabago ang pag-uugali ng karamihan. Kapag dumaratal ang Bagong Taon ay nakakalimutan na ng mga magsing-ibig ang mga sa-unang pag-uugali at napadadala sa bagong kabihasnan. Ang ganitong tagpo sa isang liwaliwang pang-gabi kung Bagong Taon ay isa na namang pangkaraniwang pangyayari. Ngunit natatalos ni Diana na ito’y mahirap mangyari sa kanilang nayon sa Kabisayaan na kinakitaan niya ng unang liwanag, o sa alinmang nayon sa ibang panig. At kung hindi lamang may sariling pitak sa kanyang puso ang may kagagawan ng ganitong kapangahasan ay walang salang mahigpit na tinutulan niya.

“Natatandaan mo pa ba, Diana?” ang giit ni Vic, samantalang binubusog ng kanyang mga mata ang pambihirang alindog ng babaing itong gumanap ng isa sa pangunahing papel sa isang kabanata ng kanyang buhay, may anim na taon na ngayon ang nakararaan. Muling tumugtog ang batikang orkestra nang unti-unting mapawi ang pag-iingay ng mga nagsasayang kapareha. Muling naglapat ang kanilang dibdib at muli silang umindak sa banayad at masuyuing himig ng tugtugin.

“Vic, papano kong makakalimutan?” ang mahinang pakli ni Diana na sandaling tinitigan ang lalaking hinding-hindi niya maaaring makalimutan. “Kaya ako kapiling mo ngayon ay sapagkat sariwa sa aking alaala ang lahat ng nakaraan sa atin.

Lalong hinigpitan ni Vic ang pagkakasapo niya sa malantik na baywang ni Diana. Sa balintataw ng kanyang mga mata ay minsan pang sumagi ang makulay nilang pag-iibigan ni Diana nang may anim na taon na ang nakalilipas.

Panahon ng pananakop noon at nakabilang si Vic sa hindi mabilang na magigiting na lalaki at babaing nagsuong ng kanilang mga buhay sa kamatayan upang mailigtas sa paniniil na mabagsik na kaaway. Sa isang liblib na pook sa isang mataas na bundok nagtagpo sina Vic at Diana, ang dalagang taga-Bisaya na nag-aaral sa Maynila ng pagka-nars at nagpasiyang umanib sa dakilang layunin upang makatulong sa mga kawawang nasasalanta ng digmaan. At sapagkat kapwa bata at kapwa walang kapanagutan sa buhay, ay hindi kataka-takang nagkatugon ang kanilang mga puso at umusbong sa kanilang dalawa ang isang pambihirang pag-iibigan.

Mahigit na isang taon ding nagkasama ang dalawa sa isang pangkat. Isang araw ay ipinasiya nilang pagtalikin ang kanilang mga puso sapagkat walang nakatatalos kung kailan magwawakas ang digmaan. Sapagkat kabilang sa “combat unit” si Vic, ay nagkaroon siya ng pagkakataong bumaba ng bundok at makipagkita sa ilang kapalagayang loob niya sa pinakamalapit na bayan. Sa tulong ng mga ito ay nakahiram siya ng isang traheng pangkasal para kay Diana. Kahit sa bundok gagawin ang kanilang kasal ay hinangad ni Vic na maging isang tunay na pagbubuklod ang kanilang mga puso. Ibig niyang iharap si Diana sa dambana na nakagayak ng isang magandang traheng pangkasal. At nagkapalad naman siyang makatagpo ng isang traheng sa kanyang palagay ay lalong magpapaganda kay Diana.

Ngunit, sa kasamaang palad ay inabutan si Vic ng mga Hapones sa bayan at nagkaroon ng isang madugong sagupaan sina Vic at ilang kasama niya at ang mga kawal na singkit. Nasugatan si Vic at siya’y nadakip. Gumaling siya sa kanyang mga sugat at mga bagong sugat na kanyang natamo sa mga berdugo ng Fort Santiago at sa bilangguan ng Muntinglupa na pinaglipatan sa kanya. Subalit hindi na niya nasilayan uli ang babaing pinakamamahal niya nang labis.

Nang makabalik ang mga Amerikano ay napasama si Vic sa maraming nakalayang bilanggo ng mga gerilya rin at sila’y nagsitulong sa pagtugis sa mga tumakas na kaaway. Sa kabilang dako naman ay napilitan silang magbalik sa kanilang bayan nang makalaya na ang Maynila at ang kanyang bayan.

Tinunton ni Vic ang kinalalagyan ni Diana, subalit hindi naipagtapat sa kanya ng dalaga ang bayang pinanggalingan nito. Sinikap niyang makatagpo ng anumang balita tungkol kay Diana sa mga may kapangyarihan, ngunit dahil sa karamihan ng mga talaan ng mga sari-saring pangkat ng mga gerilya ay hindi rin niya nakamtan ang mga ulat na kinakailangan niya upang matagpuan si Diana. Sa kabilang dako naman ay hindi nagkaroon ng pagkakataon si Diana na makaalis agad sa kanilang bayan sapagkat ayaw siyang tulutan ng kanyang mga magulang na mawalay na naman sa kanilang piling. Umasa na lamang ang dalaga na baka siya matunton ng lalaking pinagsanglaan ng kanyang puso.

Nang mawalan na ng pag-asa si Vic na masisilayan pa niya si Diana, ay nanumbalik sa kanyang puso ang dating pagmamahal sa kanya ng kasintahan sa pagkabata- si Teresa. Nairaos ang kanilang kasal sa kasiyahan ng kanilang mga magulang at kaibigan. At sapagkat may pitak din naman sa puso ni Vic si Teresa, at dahil sa ulirang pagmamahal sa kanya ng kanyang kasintahan sapul pa sa pagkabata, ay naging maligaya ang kanilang pagsasamahan. Lalong tumimyas ang kanilang buhay mag-asawa nang sila’y pagpalain ng Diyos na magkaroon ng dalawang supling, isang babae at isang lalaki. Itinabi ni Vic sa kailali-laliman ng kanyang puso ang larawan at alalahanin tungkol kay Diana at ibinuhos niya ang kanyang pagmamahal at paglingap sa katali ng kanyang dibdib- kay Teresa.

Sinikap niyang mailulan sa bangka ang ilang mga baro at kagamitan pagkatapos na isa-isang maisakay niya sa bangka ang kanyang mag-iina.
 

Ilang araw bago dumating ang Bagong Taon ay lumuwas si Vic sa Maynila upang ayusin ang kahuli-hulihang ulat tungkol sa kanyang pagiging isang tunay na gerilya. Ang pagkabalam ng pagkakaloob sa kanya ng salaping gantimpalang karapat-dapat niyang matamo ay ang pangyayaring hindi napatala ang pangkat na kanyang kinaaniban at kinailangang pa ang ilang taon upang maisa-ayos ang salaping malaon din niyang hinintay.

Huling araw noon ng taon at ang balak niya’y magbalik na sa kanilang nayon. Sabik na sabik siyang maipakita kay Teresa ang tsekeng natanggap niya. Ngunit, sa isang hindi sinasadya at inaasam-asam na pagkakataon ay nakatagpo niya sa isang kilalang restaurant ang babaing sinikap niyang makalimutan sa loob ng anim na taon – si Diana. Ang kanilang pagtatagpong ito’y naging hudyat upang manumbalik sa kanya ang nakalipas at tila isang malaking bahang hindi niya mapigil. Nakalimutan niya ang balak na makabalik sa kanila nang araw na iyon. Sa halip ay inanyayahan niya si Diana na magsaya silang dalawa sa isang bantog na liwaliwang panggabi nang gabing iyon. Dagling sumang-ayon si Diana sapagkat hindi pa nakakatkat sa kanyang puso ang pagmamahal kay Vic.

Maaga pa lamang ay dinaanan ni Vic si Diana sa “apartment” na tinutuluyang pansamantala nito. Ang dalaga’y nagtungo sa Maynila upang mamili para sa katatapus-tapos na Pasko, ngunit nawili siya nang nawili sa siyudad hanggang sa abutin siya ng huling araw ng taon. Ngunit, ipinasiya niyang magbalik sa kabisayaan kinabukasan – at sa lalaking natanguan niyang pakakasalan, Si Berting.

Subalit ang hindi inaasahang pagtatagpo nila ni Vic ang nagpalimot sa kanya sa lahat. Samantalang nagsasayaw silang dalawa nito sa masikip na bulwagan, ay walang nararamdaman ang kanyang puso kundi ang dating pag-ibig na muling nagbalik sa kanya.

“Diana, lumipad tayo bukas kahit na saan,” ang samo sa kanya ni Vic samantalang nag-uulayaw silang dalawa sa kanilang mesa sa isang sulok ng “night club” pagkatapos na mahapo silang dalawa sa kasasayaw. “Mayroon akong sapat na salapi upang mabuhay tayo sa isang paraiso sa loob ng mahabang panahon. Ngunit, bago ka magpasiya’y ibig kong ipagtapat sa iyo na ako’y hindi mo tulad na malaya pa – ako’y may asawa na at dalawang anak. Malaon kitang pinaghanap, subalit hindi kita natagpuan. Ngunit, walang halaga silang lahat sa akin maliban sa iyo, Diana. Tatalikuran ko ang lahat mapapasaakin ka lamang.

“Mayroon ka na palang pananagutan, Vic,” ang malungkot na pakli ni Diana. Mahapdi ang ipinagtapat ni Vic sa kanya, ngunit ibig mangibabaw sa kanya ang malaking pagtatangi niya rito. Malaking pagtatalo ang naghahari sa kanyang kalooban nang mga sandaling iyon. Sumagi rin sa kanyang isip si Berting na pinapaghintay niya nang maraming taon bago iginawad ang kanyang pasiya. Kung hindi sila nagkitang muli ni Vic ay walang salang magbabalik siya sa kanilang bayan kinabukasan upang tuparin ang pangakong nabitiwan niya kay Berting. Ngunit, ngayon ay sakbibi siya ng isang malaking pag-aalinlangan at sa kanyang palagay ay nakahihigit ang kanyang pagmamahal kay Vic. Subalit, ito’y hindi na ang dating Vic – siya’y isang taong may asawa at mga anak. Isang malaking pagkakasala ang kanyang magagawa sa Diyos at sa tao kung tutugunin niya ang mainit na pagluhog ni Vic.

“Umuwi na tayo, Vic,” ang kanyang pakiusap. “Bukas ng umaga ay malalaman mo ang aking pasiya.”

At napahinuhod si Vic. Inihatid niya ang dalaga sa tinutuluyan nito at nagbalik siya sa otel na kanyang tinutuluyan. Mag-uumaga na halos nang makatulog si Vic. Walang laman ang kanyang kalulwa at dibdib kundi ang magandang larawan ni Diana.

Sa kabilang dako’y hindi na natulog si Diana. Pinagbiling-biling niya sa kanyang pag-iisip ang malaking suliranin niya at pagkaraan ng ilang oras ay ipinasiya niyang tanggihan ang pagsamo ni Vic. Isang maikling sulat ang iniwan niya sa tagapamahala ng “apartment” upang ipagkaloob kay Vic at pagkatapos ay naghanda siya upang makabalik sa kanilang nayon. Umagang-umaga ay nagsadya si Diana sa tanggapan ng eroplano at nagbakasakaling may eroplanong patungo sa kanilang bayan. Natatalos niya na walang eroplano nang araw na iyon sapagkat Bagong Taon. Sa kabutihang palad naman ay may isang eroplanong de cargamentong lilipad nang umagang iyon na magdaraan sa kanilang bayan. Sa kanyang pakiusap ay pinayagan siyang sumakay sa eroplano kaya siya lamang ang bukod – tanging pasahero ng sasakyang panghimpapawid nang ito’y lumipad nang umagang iyon.

Nang dumating si Vic sa “apartment” ay nakaalis na si Diana. Pasalagmak siyang umupo sa pinakamalapit na silya at nanginginig ang kanyang kamay na tinunghan ang liham. Gayari ang nilalaman ng kalatas:

Vic-

Hindi ko maaaring tanggapin ang iyong pakiusap sa akin. Batid mo na marahil kung bakit. Inaamin kong ikaw ay mahal pa sa akin at marahil ay matatagalan bago kita tuluyang malimot, ngunit ang dapat mong gawin ay magbalik sa piling ng iyong asawa at mga anak. Kung malaya ka pa, ay walang salang hindi ako mag-aatubiling tanggapin ang iyong alok.

Kaya, limutin mo na tayo’y nagkita pang muli. Pilitin mong iwalay sa inyong puso ang ating pagtatagpo na katulad ng sinisikap kong pagwawaksi sa aking puso. Ako’y nagbabalik sa amin upang pakasal kay Berting. Marahil ay matututuhan ko ring mahalin siya.

Ipinakikiusap ko sa iyong huwag mong tangkaing sundan ako sapagkat mabibigo lamang ang iyong pakay. Ang ating pagmamahalan ay natapos na noon pa mang hindi matuloy ang ating pag-iisandibdib. Paalam…

Diana…

Paglipas ng unang simbuyo ng kanyang kalooban, ay unti-unting nagliwanag ang kanyang nadirimlang isip. At sa pagbabalik ng kanyang hinahon ay umukilkil sa kanyang pag-iisip ang mga larawan ng kanyang asawa at dalawang anak. May katwiran si Diana. Kailangang magbalik siya sa piling ng kanyang mag-iina.

Nang umaga ring iyon ay gayon na lamang ang kasayahang naghari sa ilang araw na inulilang tahanan ni Vic dahil sa kanyang pagsipot. Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Tessie dahil sa malaking halagang nakamtan ni Vic at dahil sa pagbabalik nito sa unang araw ng bagong taon. Ikinubli ni Vic ang malaking pagkabigo ng kanyang nasiphayong hangarin at sinikap na huwag ipahalata ito sa kanyang nagmamahal na kabiyak.

Kinagabihan ay isang masaganang hapunan ang lalong nagpataba sa nagmamahal na puso ni Tessie. At si Vic naman ay nakararamdam ng isang kaginhawaan na nagpapalubag sa kanyang kalooban. Malaon nang nahimlay ang kanilang dalawang anak ay patuloy pa ang kanilang masayang pag-uulayaw na mag-asawa.

Sa simula’y nakaramdam sila ng isang pagbabago ng hangin. Pagkaraan ay humahaganot na ang hangin sa bubungan ng kanilang munting tahanan at pagkatapos ay bumagsak ang ulan. Noon napagwari ni Vic na may unos na darating at siya’y hindi nagkamali. Hatinggabi na nang ibuhos ng Katalagahan ang isang kakila-kilabot na pagngingitngit. Nang bahagyang lumiliwanag na, ay napansin ni Vic na malakas ang pagtaas ng tubig at hindi magluluwat at aabutin ang sahig ng kanilang bahay. Kailangang lumikas sila.

Noon din siya sinugod ni Vic ang nag-aalimpuyong unos sa labas ng kanilang tahanan. Sa kabutihang-palad ay nakahiram siya ng isang bangka sa kanyang kumpareng Pepito. Nang makabalik siya sa kanila na lulan ang bangka, ay nasa may sahig na ang baha. Dinikap niyang mailulan sa bangka ang ilang mga baro at kagamitan pagkatapos na isa-isang maisakay niya sa bangka ang kanyang mag-iina. Yakap-yakap ni Nina ang manika nito at ayaw bitiwan.

Ang baha ay tumagal hanggang kinabukasan. Malaking kapinsalaan ang nagawa nito. Subalit, sa kanilang paghihintay sa pagbuti ng panahon sa toldang ipinatayo ng Krus na Pula, ay ganoon na lamang ang kasiyahang naghahari sa kalooban ni Vic. Kung nagkataon ay nangasawi ang kanyang kapilas ng buhay at mga supling. Tunay na may katwiran si Diana. Katulad ng baha, ay nanumbalik ang katatagan sa kanyang pagkatao pagkatapos ng unang simbuyo ng kalooban. Ang kanyang buhay ay nasa piling ng kanyang mag-iina.