MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG

Nasaksihan ng hari na ang pinapanghuhuli ni Pedro ng ibon ay isang agilang pinaamo nito.

Tatlong Tagubilin ng Isang Ama

Ni Severino Reyes

SI Pedro ay isang binatang matalino. Bagama’t hindi siya anak mayaman ay nakapag-aral, nguni’t wala nang itustos ang kanyang amang si Tandang Juan.

Noon ay panahon pa ng Kastila sa Pilipinas, at nagkataong dumalaw sa ating bansa ang Haring Norodon I ng Kambothe. Nagpalathala sa mga pahayagan ang hari na nangangailangan ng mga Pilipinong musiko at platero. Maraming tumugon sa palathala, at si Pedro ay isa sa mga napiling ipagsama ng hari. Mahusay tumugtog ng biyolin si Pedro.

Bago umalis si Pedro ay kinausap ng ama.

“Pedro,” ani Tandang Juan, “tatandaan mo ang tatlong tagubilin kong ito. Una, huwag kang paninibulos sa mabuting pakita ng sino mang pinuno sa bansang patutunguhan mo pagka’t hindi mo totoong kilala ang kanilang ugali. Ikalawa, huwag kang mag-aaruga ng hindi mo anak. Ikatlo, ang ano mang lihim na magpapanganyaya sa buhay mo ay huwag mong ipagkakatiwala kahit na sa iyong asawa, pagka’t ang lihim na mabatid ng babae ay hindi na lihim.

Makaraan ang maraming araw na paglalakbay ay sumapit si Pedro sa kaharian ng Kambothe. Kinalugdan siya ng mga tao roon, lalo na ng hari, dahil sa kanyang mga pambihirang karunungan. Mahusay si Pedro sa panghuhuli at pagpapaamo ng maiilap na ibon, tulad ng lawin at agila.

Isang araw, naisipan ni Haring Norodon I na padalhan ang hari sa Siam ng mga ibong nahuli ni Pedro. Nasiyahan ang hari sa Siam, at nagsadya tuloy sa Kambothe. Doo’y nasaksihan niya na ang pinapanghuhuli ni Pedro ng ibon ay isang agilang pinaamo nito.

“Diyata’t napaamo mo ang agila at nauutusang manghuli ng ibon?” ang namamanghang bulalas ng hari sa Siam.

“Opo, mahal na hari,” ang tugon ni Pedro. “Nagagawa pong hulihin ng agilang ito kahit ang mga ibong sa kataasan ng paglipad ay halos hindi na natin makita.”

Ang hari sa Siam ay totoong naakit, kaya hiniling niya kay Haring Norodon I na pasamahin sa kanya si Pedro. Nayag naman ang hari sa Kambothe. Bakit ay magpinsan sila ng hari sa Siam.

Totoong nabuhos ang loob ng hari sa Siam kay Pedro. Tuwang-tuwa ang hari tuwing makahuhuli ng ibon ang agila ni Pedro.

Parang kapatid ang pagtingin ng hari kay Pedro. Kasalo niya ito sa pagkain, kasama sa mga pagliliwaliw, dinudulutan ng lahat ng ginhawa. At dumating ang araw na ipinakasal pa niya kay Pedro ang kanyang magandang kapatid na si Khat-Haka.

Noon naaalala ni Pedro ang tagubilin ng kanyang ama na huwag na huwag siyang paninibulos sa mga pakitang-loob ng sino mang pinuno ng ibang bansa. Naisip niyang mali ang kanyang ama.

Nang sina Pedro at Khat-Haka ay maligaya nang nagsasama ay namatay ang isang ministrong balo at nakaiwan ng isang anak na binata, si Sung The Liang. Sa testamento ng yumao ay nakasaad ang kanyang tagubiling iniiwan niya ang anak sa mag-asawang Pedro at Khat-Haka, yamang ang mga ito ay hindi pinagkalooban ni Bathala ng bunga. Gayon na lamang ang tuwa ng mag-asawa. Magandang lalaki si Sung The Liang, at napatunayan nilang mabait.

Si Khat-Haka ay isang babaing malambing, at dumating ang araw na hinimok niya si Pedro na tigilan na nito ang panghuhuli ng ibon upang lagi niyang makapiling.

“Mahirap iyan,” ani Pedro. “Magagalit sa akin ang kapatid mong hari. Alam mo namang tuwang-tuwa siya sa mga ibong nahuhuli ko.”

“Mabuti kaya’y patayin mo ang agilang alaga mo, at nang may madahilan ka sa pagtigil sa panghuhuli ng ibon,” ang mungkahi ni Khat-Haka.

Pinag-isipan ni Pedro ang mungkahi ng asawa. At nagunita na naman niya ang mga tagubilin ng ama, lalo na ang tungkol sa paglilihim sa asawa at sa pag-aaruga ng di niya anak. Naisip niyang mali nga ang kanyang ama. Nagunita niyang napakabait ng kanyang anak-anakang si Sung The Liang.

“Dalawa nang tagubilin ni Ama ang nagmintis,” ang nasabi ni Pedro sa sarili.

Nasaksihan ng hari na ang pinapanghuhuli ni Pedro ng ibon ay isang agilang pinaamo nito.

ISANG hatinggabi, si Pedro ay ipinatawag ng hari.

“Bakit kaya?” ang naitanong ni Khat-Haka.

“Marahil ay natuklasan na sa palasyo na patay ang agila.”

“Ha? Bakit? Pinatay mo na ba?”

“Oo. Iyan ang gusto mo, di ba? Ipaglihim mo sana ito. Baka malaman ng kapatid mo ay papugutan ako.”

Nguni’t ang totoo ay hindi pinatay ni Pedro ang agila. Upang mapagbigyan ang asawa ay bumili siya ng ibang agila at iyon ang kanyang pinatay. Ang kanyang alagang agila ay dinala niya at itinago sa bahay ng isa niyang kaibigan sa labas ng bayan. Itinagubilin niyang mabuti ang kanyang agila at bibigyan niya ito ng pabuya.

“Araw-araw ay dadalawin ko rito ang aking agila,” ang wika pa noon ni Pedro.

“Nguni’t mayroon pa akong ipagbibilin sa iyo na huwag mo sanang kalilimutan.”

“Ano iyon?” ang tanong ng kanyang kaibigan.

“Ito’y kung saka-sakali lamang. Kapag nakarinig ka ng anim na putok ng kanyon sa kuta, sumakay ka sa kabayo at dalhin mo ang agila at hanapin mo ako. Pagkatanaw mo sa akin, kahit saan ako naroon ay pawalan mo ang agila at nang makalapit sa akin.”

“Oo, gagawin ko iyan,” ang pangako ng kaibigan ni Pedro.

At ngayon nga’y nakakagulo sa palasyo sapagka’t natuklasan na ang patay na agila. Tinanong ng hari si Pedro, nguni’t nagmaang-maangan siya. Ang hari ay nagpatawag ng isang beterinaryo at ipanabiyak ang ibon upang malaman kung ano ang ikinamatay niyon. Gayon na lamang ang galit ng hari nang sabihin ng beterinaryo na nilason ang agila. Ang hari ay tumawag ng pulong ng mga ministro, at ipinagkaisahang sa sandaling mahuli ang lumason sa ibon ay papupugutan sa liwasan.

Nakaraan pa ang ilang araw, at nagulat na lamang si Pedro nang bigla siyang dakpin ng mga kawal ng hari at dalhin sa piitan. Nabatid niyang natuklasan na siya ang lumason sa sa agila.

Halos masira ang ulo ni Pedro sa kaiisip kung paanong natuklasan ang kanyang lihim.

Nang litisin si Pedro ay saka lamang niya nabatid na ang nagsuplong sa hari ay ang kanyang asawa. Noon muli niyang nagunita ang tagubilin niyon, at ngayo’y napahamak siya.

“Ama ko, may katwiran ka,” ang lipos ng dalamhating nasambit ni Pedro. “Hindi nga dapat ipagkatiwala sa asawa ang lihim na magpapanganyaya sa aking buhay. Patawarin mo ako!

Lalo nang naragdagan ang sama ng loob ni Pedro sapagka’t mula nang siya’y dakpin ay hindi man lamang dinadalaw ng kanyang asawa at ng kanyang anak-anakan man. Kung anu-anong hinala ang pumasok sa isip ni Pedro. Nagtaksil na rin kaya sa kanya si Sung The Liang? Ano ang kataksilang ginagawa nito?

Nanaog ang hatol ng hukuman: pugutan si Pedro sa liwasan.

ANG entabladong bibitayan ay nakatayo sa gitna ng liwasan. Maraming tao ang naroon upang sumaksi sa pagbitay kay Pedro. Lahat sila’y nahahabag at may ilan pang nagsumamo sa hari na patawarin na nito ang bayaw, nguni’t naging matigas ang puso ng hari.

Makailang sandali ay nakita na ng mga tao na inihahatid ng mga kawal si Pedro. Nakatali ang kanyang mga kamay. Iniakyat siya sa bibitayan.

Pabulong ang pag-uusap ng mga tao: “Sayang na lalaki iyan! Nagkaroon ng walang hiyang asawa! Dapat sana’y pinatawad siya ng hari pagka’t maaari pa namang makapagturo siya ng ibang agilang makapanghuhuli rin ng ibon.”

Nakita ng madla na lumapit si Pedro sa hari.

“Mahal na hari,” ang wika ni Pedro, “ang alam ko po’y may batas na nagpapahintulot na ang isang bibitayin ay gumawa ng panghuling kahilingan.”

“Oo,” ang tugon ng hari.

“Ano ang ibig mong hilingin?”

“Hihilingin ko pong paputukin nang makaanim na ulit ang ating kanyon sa kuta bago ako patayin.”

“Masusunod ang gusto mo,” ang wika ng hari.

Hindi nagluwat at narinig ang anim na malalakas na putok ng kanyon. Lumuhod si Pedro at nagdasal. Nang makita iyon ng berdugo ay nabaghan siya. Si Pedro ay kaibigan niya. Kasa-kasama rin siya ni Pedro at ng hari sa panghuhuli ng mga ibon. Binagabag ng budhi ang berdugo, at tumakas siya.

Sa utos ng hari, isang heneral ang tumayo sa entabladong bibitayan at nagsalita sa harap ng mga taong-bayan at ipinahayag na tumakas ang berdugo.

“Mabuti nga!” ang sigawan ng mga tao. “Huwag nang ituloy ang pagpugot diyan!”

Nang mapawi-pawi ang ingay ay muling nagsalita ang heneral: “Ang sino mang umakyat dito upang pumugot sa ulo ng taong ito ay pagkakalooban ng pabuyang sanlibong piso at kung binata ay ipapakasal ng mahal na hari sa magiging balo ng pupugutan.”

Nanginig ang mga laman ni Pedro. Hinihintay niya ang tampalasang mangangahas na pumugot sa kanyang ulo upang magkamit ng pabuya at mapakasal sa kanyang maiiwang asawa.

Maya-maya’y may umakyat sa bibitayan. Nanlisik ang mga mata ni Pedro nang makilala ang lalaki, si Sung The Liang, ang kanyang anak-anakan. Ngayo’y naunawaan na niya kung bakit siya ipinagkanulo ng kanyang asawa. Marahil ay may lihim nang pagkakaugnay na nagaganap kina Khat-Haka at Sung The Liang noon pang una. Muling nagunita ni Pedro ang mga tagubilin ng ama, at napaiyak siya.

Sa darating naman ang kaibigan ni Pedro na pinag-iwanan sa kanyang agila. Pagkatanaw nito kay Pedro ay biglang inalpasan ang agila. Lumipad ang agila at dumapo sa balikat ni Pedro.

“Ano ang kahulugan ng pangyayaring ito?” ang naitanong ng namamanghang hari.

“Narito po ang agilang nanghuhuli ng ibon,” ani Pedro. “Tingnan mo po’t nakakabit sa kanyang paa medalyang ginto na may tatak ng iyong armas reales.”

Hindi nakapangusap ang hari nang makilalang ang agila ay iyon ngang tagahuli ng maiilap na ibon. Ipinagtapat ni Pedro ang buong pangyayari.

“Ang pinatay ko po ay ibang agila,” ani Pedro. “Ginawa ko po iyon upang mapagbigyan lamang ang aking asawa. Siya po ang mapilit sa paghiling na patayin ko ang agila.”

Pinalaya ng hari si Pedro.

“Bumalik ka sa aking palasyo,” ang wika ng hari. “At si Khat-Haka ang ipakukulong ko sa bilangguan.”

“Huwag na po, mahal na hari,” ang tugon ni Pedro. “Uuwi po ako sa Pilipinas. Kung buhay pa ang aking ama ay hihingi ako ng tawad dahil sa paglabag ko sa kanyang mga tagubilin. Kung siya nama’y patay na, itatangis ko na lamang sa kanyang libingan ang pagkakamaling nagawa ko.”