DADDY AKO NG ANAK MO

Ang kamay niyang may hawak na tuwalya ay hinawakan ko, at saka siya hinalikan.

Ni Ceferino J. Reyes

(Nalathala: LIWAYWAY, Agosto 13, 1973)

SI Pol ay kanayon ko, kababata at naging kamag-aral sa Maynila. Nagkasama pa kami nang may dalawang taon sa isang boarding house sa Sampaloc. Nguni’t hindi ako nakapagpatuloy ng pag-aaral nang takasan ko ang isang pananagutan, at sa pagtakas kong iyon ay kasama ring nilayuan ko si Pol.

Mangyari pang sa haba ng panahong ipinagsama namin ni Pol, alam namin ang ugali ng isa’t isa. Ang kahinaan ng isa’t isa. Halimbawa’y alam kong maawain si Pol, at alam naman niyang pangahas ako, mapagwalambahala. Kalakip ng pagiging maawain ang pagiging responsable ni Pol. Kalakip naman ng pagiging mapangahas ko at mapagwalambahala ang mandin ay katigasan ng aking damdamin. Si Pol, kahit lalaki, ay madaling mapaluha, at nakita ko iyon nang ilibing ang kanyang lola, na dinaluhan ko rin bilang pakikiramay. Nang ilagak na sa puntod na lupa ang bangkay, nagpanangisan ang mga babaing kaanak ng namatay. Nakita kong isinuot ni Pol ang kanyang salaming may kulay, at kahit di ko nakita ang pagluha niya, alam kong kaya siya nagsalamin ay para itago ang pagkahawa sa nag-iiyakan noon.

Kakatwa kasi sa aming nayon sa Batya na lumuha ang isang lalaki.

May sampung taon nang iniiwasan ko si Pol, nguni’t totoo palang maliit lamang ang daigdig. Akalain mo bang nang bumili ako ng abono para sa aking tanim na “Masagana 99” ay magkita kami. Hindi ko siya napansin, o kung nakita ko man ay baka hindi ko na namukhaan; tumaba siya kaysa rati, at mukhang maligaya, dahil totoo rin sigurong ang kaligayahan ay nagpapabata sa mukha ng tao. Mukhang bata pa si Pol, pagkaraan ng sampung taon. Di tulad kong mukhang matanda kaysa talagang edad ko. Umitim kasi ako kaysa rati. Sino ba ang hindi iitim pag sa bukid ang trabaho mo?

Sa wari ko ay may magandang trabaho si Pol, nguni’t may hiwatig akong di iyon lamang ang balong ng kaligayahang nagpapabata sa kanyang anyo.

“O, Mensio, kumusta?” bati niya sa akin. Pasakay na ako sa diyep na biyaheng Balagtas (sa Meykawayan kami nagkita), at nauntol ang pagpanhik ko sa estribo.

“Pol?” May pag-aalinlangan ako dahil nga sa may ipinagbago ang kanyang anyo kaysa noong kami’y magkasama.

Nagtawa siya. “Aba’t me peligro palang nalimutan na ‘ko ng kumag na ‘to!”

Ang salitang kumag ay nagpagunita sa akin sa lalaking kababata ko, kanayon at kamag-aral.

“Tumaba ka kasi… at baby faced pa rin,” sabi ko. “Ikaw, kumusta?”

Sa halip na sagutin ang sinabi ko, hinawakan niya ang isang braso ko at niyaya sa isang malapit na kapihan.

Si Pol, na sa boarding house ay tila patpatin at dibdiban ang pag-aaral, ay waring nagkaroon ng isang napakalaking transpormasyon. Siguro’y dahil sa wala na siyang iniintinding mga aralin, naisaloob ko.

“Hindi mo ba itatanong kung ano ang buhay namin ni Estrella?” nang nakaupo na kami sa harap ng isang mesa ay tanong niya, na nakabigla sa akin.

Ang isang bagay na pinakaiiwasan ko, at sanhi ng paglayo kay Pol sa nakaraang sampung taon, ay itinatanong sa akin ngayon. Si Estrella nga ang tinakasan ko noon.

“K-kumusta s-siya?” pagbibigay ko sa tinig na gumatol.

“Malaki na si Boy… namin.” Nakatawa siya. Noon ay nakaorder na siya at tila nakatalagang makipagtagalan sa akin. Ang sako ng abonong binili ko ay ipinakilagay sa isang boy sa kapihan sa isang sulok.

Bigla, may sumurot sa aking alaala. Nanlamig ako.

“N-nag-aaral na?”

Tumango si Pol. Parang nagmamalaki. “Pero, solong-solo ang loko.”

“Nag-planning kayo?” Unti-unti, ang pag-aalapaap ng loob ko ay nawawala na.

Nagtawa siya. Tawang puno ng kawalang-malay. “Malilimutin ka na nga. Katunayang tumatanda ka na, kumag. Di ba sinabi ko na no’ng araw sa ‘yo, sterile ako. Na tatlong doktor ang pinagpaeksaminan ko at pawang iisa ang kanilang mga findings. Sterile ako.”

Saka ko lamang nagunita. Malimit nga pala noon na niyayaya ko siyang lumabas kami, mag-good time, pero tumatanggi siya. Akala ko naman ay dinidibdib lamang niya ang pag-aaral.

Ni ayaw nga niyang manligaw. Sa boarding house noon, may mga boarders ding babae. Mga estudyante rin. Sina Myrna, Sonya, Judy. Pulos magaganda. Nguni’t kung nakikipaghunta sa amin ang mga iyon, si Pol ay nagpapaalam agad. Sinasabi tuloy ni Myrna na snub si Pol.

Woman hater siguro,” hula naman ni Sonya.

“Baka ‘ka mo homosexual,” husga naman ng prangkang si Judy.

Ang kay Pol na pagiging malayo sa babae ay sinabi ko sa kanya, batay sa nagiging reaksiyon ng mga kasama namin sa boarding house.

“Di nila alam ang dahilan,” malungkot na sabi niya. “Kasi, pag nakipaglapit ako sa isang babae, maaaring matutuhan kong mahalin. Pag niligawan ko, tiyak na aking tototohanin, pakakasalan.”

“Ngayon?”

“Ang kaso, di ako maaaring mag-asawa, kumag. Ang dahilan, sterile ako.”

Matagal akong napamulagat, di makapaniwala. Sa tingin ko kasi, si Pol ay tunay na larawan ng isang ganap na lalaki.

Dumating ang aming order, at hindi ko tininag iyon nang hindi tinagin ni Pol. Inayos lamang niya ang aming pagkain-hamburger sandwich at ice cream.

Gusto ko nang putlin ang paghaharap naming iyon. Idahilang kailangan akong makauwi agad. Para kasing inaalinsangan na naman ako, dahil ang pinupunta ng aking pakikipag-usap ay ang ayaw kong mapag-usapan, nang ako ang isang kausap. At sa pagkalito yata, nahawakan ko ang kutsarita at kumutsara ng sorbetes.

“Baka nga malusaw ‘to, kainin na natin,” sabi niya.

May tinatawag tayong guilty conscience at gayon ang naramdaman ko noon. Parang ayaw kong ungkatin, o maungkat, ang tungkol kay Estrella. Ang pagkakatakas ko noon.

Kung ano nga ang pagiging malayo ni Pol sa babae, gayon naman ang pagiging malapit ko sa kanila. Nguni’t hindi sa mga babae sa boarding house. At lalo nang hindi kay Estrella, na pamangkin ng aming kasera noon, katulong sa pag-aasikaso sa mga boarders, st nag-aaral sa gabi.

Maganda, sabagay, si Estrella, sa sukatan ko ng kagandahan. Bilugan ang kanyang mukha, hindi katangusan ang ilong, nguni’t bumagay sa mukha niya. Katamtaman ang taas, at sa akin, higit na naging maganda siya dahil sa kanyang pambihirang katawan. Sa kanyang buhay na buhay na dibdib. May kapilyuhan ako, at kung ubos na ang aking kanin, ako kunwa ang sasandok, pero masagilahan ko lamang si Estrella, at oras na masanggi ko ang dunggot ng dibdib niya, may nararamdaman akong kakaibang init.

Binibiru-biro ko rin siya, pinagpaparinggan ng mga bola.

“Ang sarap mong magluto,” sasabihin ko. “Kapag ikaw ang magiging watiwat ko, siguro’y tataba ako.”

Kitang-kita kong mamumula siya, ngingiti. Tila kumakagat. Habang si Pol ay walang kibo, pangiti-ngiti lamang, at parang pagbibigay ng pagkakataon, mauunang aayaw sa pagkain.

Nguni’t ganoon lamang ako kay Estrella. Hindi ako seryoso. Gusto ko pang uminom sa maliliit na bar at makipagbiruan sa mga babaing tagapagsilbi roon. Humawak-hawak sa kamay, dumikit-dikit, at kung makatiyempo, ay paraanin ang simbuyo.

Isang gabi, lasing akong umuwi sa boarding house. Tahimik na. May mangisa-ngisang pintuang na kabukas nang bahagya. Naisip kong ang nakatira roon ay nag-aaral ng leksiyon. Hahapay-hapay akong patungo sa pintuan ng silid namin ni Pol, nang maramdaman kong may kasunod ako. Si Estrella.

“Kumain ka muna,” sabi. “Iniinit ko ang ulam. Nag-iisang kumain si Pol, dahil wala ka nga.”

Umikot ang tingin ko sa lahat, at pati yata ang utak ko. Sa umikot kong tingin, ang kagandahan ni Estella ay tila naghuhuyo. Nasamyo ko ang mahinhing bango niya.

Sa pagpihit ko, muntik na akong masubasob. Napahawak ako kay Estrella. Parang gusto kong ilabas ang aking nainom. Inakay niya ako, at nagulat pa nang hindi niya tutulang isampay ko sa kanyang balikat ang isa kong bisig. Talagang tila ako mabubuwal kung walang hahawakan.

Ang kamay niyang may hawak na tuwalya ay hinawakan ko, at saka siya hinalikan.

Tahimik sa kumedor at ako’y bumitiw kay Estrella at mabilis na tinungo ang comfort room at binigyan doon ng laya ang laman ng aking sikmura.

Nakatukod ang aking dalawang kamay sa dinding upang hindi mabuwal. Nang pagkuwan ay naramdaman kong may kamay na humawak sa akin. May mainit na tuwalyang dumampi sa aking batok. Pumihit ako, matapos pahirin ng likod ng kamay ang kung anong naiwan sa aking labi.

Ang mainit na tuwalya ay marahang humaplos sa aking manhid na mukha.

“Bakit ka uminom nang sobra?” May sumbat sa tinig ni Estrella.

Hindi ko gaanong alam ang nangyari. Ang kamay niyang may hawak na tuwalya ay hinawakan ko, at saka siya hinalikan. Yumakap siya sa akin.

Hindi ko nakuhang kumain pa nang gabing iyon. Nahiga ako sa tabi ni Pol na busog na busog sa isang uri ng kaligayahan.

Iyon ang naging simula ng pagkakaunawaan namin ni Estrella. Iyon din ang naging simula ng paglala ng aking kawalang pananagutan. Nagtataka pa ako kung mapansin kong tapos na pala ang buwan ay hindi ako sinisingil ng aming kasera. Si Estrella ang kahera sa boarding house at tiyak na pinagtatakpan niya ako.

Lagi ring masarap ang aking ulam, at natutuhan ko tuloy na huwag sumabay ng pagkain kay Pol. Sa simula ay parang nagtaka siya, nguni’t nang lumaon, alam kong alam na niya ang dahilan. Hindi patay na lukan si Pol.

Minsan, bago kami natulog, naibalita ko sa kanya ang ugnayan namin ni Estrella. Parang paghingi ng payo, at bilang pagtatapat na rin sa kanya bilang isa kong matalik na kaibigan.

“Kung hindi mo rin lang tototohanin, habang maaga ay tigilan mo,” ani Pol. “Magiging masakit sa kanya kung kailan hindi na kayo makaiiwas sa isa’t isa ay saka ka lalayo.”

Naaawa si Pol, naisaloob ko.

“Pero, may nangyari na sa amin,” sabi ko. “Iyan nga ang iniintindi ko. Alam mo namang di pa ako puwedeng mag-asawa. Wala pa ‘kong trabaho at nagluluko pa sa pag-aaral. Baka makahadlang pa sa pagtatapos ko.”

Alam ni Pol na ang nagpapaaral sa akin ay ang kapatid kong matandang binata na nagsasaka sa amin sa Batya.

Parang nahindik si Pol sa aking sinabi. Nakita kong may lumatay na kung ano sa kanyang dating payapang anyo.

“Gayon pala’y bakit mo siya pinangahasan?” aniya na tila na ninisi.

Paano ko maipaliliwanag sa kanya na si Estrella ang nagbigay ng pagkakataon? Na si Estrella ang tumukso sa akin?

“Kawawa naman siya,” ulit ni Pol. “Gusto ko na nga bang paalalahanan ka noon pa. Kaya lang ay baka masabi mong nanghihimasok ako sa pansarili mong problema. Saka, hindi ko iniisip na gayon.”

Hindi ako sumagot.

“Sabagay, hindi pare-pareho ang lalaki,” patuloy niya, “Ako, sa aking hininga, bago ko gawin ang isang bagay, sampung beses ko munang iisipin. Saka pag ginawa ko ang gayong bagay, sa harap man ng kahit sino, handa akong panagutan iyon.”

Gusto siguro ni Pol na masaktan ako, at matutong managutan kay Estrella, kaya nagsalita ng ganoon. Nguni’t wala yata sa diksiyonaryo ko ang gayon. Pinagkibitan ko lamang siya ng balikat.

At isang gabi, ang katotohanang kinatatakutan ko ay dumating. Lihim akong kinausap ni Estrella. Sinabing may nararamdaman siyang pagbabago sa kanyang katawan. Sabi niya’y tumigil, may dalawang buwan na, ang kanyang menstruation.

Inaasahan ko na iyon, at handa rin ang isasagot ko, sakali nga. “Hayaan mo’t uuwi ako at sasabihin ko sa amin,” panatag na sabi ko.

Pumanatag na rin si Estrella, na labis sigurong umiibig kaya madaling maniwala. Umuwi nga ako nang dumating ang Sabado. Nguni’t upang hindi na bumalik pa sa boarding house, kay Estrella, at kay Pol.

HINAHALU-HALO ni Pol ang sorbetes sa malaking kopita. Mandin ay iniisip ang sasabihin, o inihahanap ng mabuting simula.

“Masyal ka naman sa bahay,” maya-maya ay sabi niya. “Ang tagal ka na naming hinahanap.”

Tiningnan ko si Pol, dahil hindi ko gaanong naintindihan ang ibig niyang sabihin.

“Ipinagtatanong kita, kumag,” ulit ni Pol, at nagtawa. “At kahit saan kami mapunta, minamataan ka namin.”

“Bakit?” nakuha kong itanong.

“Hmmm…” at tumingin si Pol sa malayo; kumikislap ang mga mata niya. “Gustung-gusto kasi namin ni Estrella na makita mo… ang iyong anak.”

Bigla ang pagkagimbal ko. Batid kong tinakasan ng dugo ang aking mukha.

“Nang di ka na magbalik noon,” patuloy ni Pol, “ay kinausap ako ni Estrella. Pinamanhikang puntahan kita. Nalaman na kasi ng tiyahin niya ang kanyang kalagayan. Pero sinabi kong hindi ka na babalik…”

Gusto ko na noon na lumubog sa aking kinauupuan.

“Bakit mo sinabi ‘yon?” pagkuwan ay itinanong ko. May pagkasuya sa aking tinig.

“Hindi ba’t nang mag-usap tayo noon, gayon ang tema ng sinabi mo, hindi mo siya maaaring pakasalan…”

“Sana’y nilibang mo na lang, umisip ka sana ng mga…”

“Iyon ang hirap sa atin, kumag. Alam mo namang di ko magagawang dagdagan pa ng kirot ang sinapit niya. Ba’t mo siya paaasahing magbabalik ka e talaga namang di ka na magbabalik? Dahil tumakas ka na. Ayokong pati ako ay maging kasangkapan pa sa pagsugat sa kanya.”

May katwiran si kumag, naisip ko.

“Iba nga ang ginawa ko,” patuloy ni Pol. “Sabi ko, me proposisyon ako. Sinabi kong aminin niya sa kanyang tiya na ako ang kanyang kasintahan. Na ako ang ama ng dinadala niya. Ayaw niya. Pero sa bandang huli, nakumbinse ko rin.”

Aywan kung bakit ngayo’y naging parang interesado ako sa sasabihin pa ni Pol. Naghintay ako.

“Kinausap ko ang tiyahin niya. Sinabi kong magtatapos lang ako ng pag-aaral sa taong iyon, at pagkaraan ay pakakasal kami ni Estrella. Nayag naman.”

Kumutsara ng sorbetes si Pol. Ginaya ko siya. Ayaw mapawi ang tila panunuyo ng aking lalamunan.

“Nang gumradwet ako,” pagkuwan ay patuloy ni Pol, “naghanda pa ang tiyang niya para sa pagtatapos ko. Kumbidado lahat ang boarders doon. At doon na rin namin ibinunyag ang aming balak na pagpapakasal.”

“Pero…” Nawala ang gusto kong sabihin.

“Hindi ko siya iniibig,” agaw ni Pol. “Alam mong ni hindi ko siya pinag-uukulan noon ng ibang pagpansin. Pero naisip kong madaling matutong umibig. Nasa puso natin ang pag-ibig. At kailangan lamang nating ibigay iyon sa iba. Alam mo bang may iba namang gusto lang manghihingi, nguni’t ayaw magbibigay?”

Namula ako. Nadama ko ang tulis, ang hayap ng sinabi ni Pol.

“Nakasal nga kami, at pinalaki namin ang anak mo, na para ring tunay na anak ko.” Hindi nagbabago ang pagiging aliwalas ng mukha ni Pol. “At masuwerte na rin ako, kumag. Dahil hindi naman ako magkakaanak kung sa sarili ko lang. Pero isipin mong nagkaroon ako ng anak. At alam mo, nakaluluko ang kapilyuhan ni Boy. Hiling ko sa ‘yo’y pasyalan mo naman siya, para mo makita, at maniwala sa mga sinabi ko.”

Hindi ako nangakong papasyal kina Pol. At alam kong nang maghiwalay kami ni Pol, ipagpapatuloy ko ang pag-iwas sa kanya, at kay Estrella. Ayaw ko nang magkaroon pa ng mantsa ang kanilang payapang kaligayahan. Ayaw ko na ring makita pa ang bata, ang “anak” ni Pol na ako ang Daddy, na hindi ko maaangkin sa harap ng sino man, sapagka’t hindi ko pinanagutan nang kailangan niya ang aking pananagutan.

Ayaw kong pati siya ay umusig sa akin, sa aking patuloy na pagtakas.