MAGAGANDANG MGA MATA

“Mapalad ho kayo sa pagkakaroon ng isang mabait na anak, Aling Berta,” ani Ulpiano.

Ni GERVASIO B. SANTIAGO

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 1, 1960)

NAKAHINGA nang maluwag si Consuelo nang sabihin ni Dr. Montable, espesyalista sa mata, na ang mata niya’y kauri ng matang hinahanap nito para sa isang pasyenteng may isang matang bulag.

—Talaga ba, Ineng, na buo na sa loob mo na ipagbili ang iyong isang mata? — tanong pa ni Dr. Montable nang lumabas na sila ng silid na pinagsurian ng mata ni Consuelo.

—Opo, —ani Consuelo. —Ako nga po ang nakiusap sa inyong boy na kapitbahay namin. Siya po ang nagbalitang may isang pasyente kayo na nangangailangan ng isang mata. Bago kayo makakuha ng eye bank ay nagsadya na nga ako rito.

Napailing si Dr. Montable. —Makababawas nang malaki sa ganda mo, pag nawalan ka ng isang mata, — anito.

—Sapat na sa akin ang isang mata, Doktor, at saka…limang libong piso! —Pilit na ngumiti si Consuelo.

Napaungol si Dr. Montable.

—Nguni’t sino po ba, Doktor, ‘yong pagbibigyan ninyo ng aking isang mata?

—Si Ulpiano Katindig…at itinuro ni Dr. Montable ang lalaking nakasalaming may kulay na nasa silya sa may harap ng mesa ng doktor.

—Siya pala! — sambit ni Consuelo.

Sinulyapan ni Consuelo ang lalaking iyon na nakasalaming may kulay. Tumindig ito mula sa pagkakaupo sa silyang nasa harap ng mesa ni Dr. Montable at magalang na yumukod sa kanya.

—Dapat nga pala kayong magkakilala, — ani Dr. Montable at inilapit siya nito sa lalaking iyon.

—Ulpiano, ito’y si Consuelo, — sabi ni Dr. Montable. —Ang kanyang mata’y kauri ng iyo…kakulay ng mata mo at siyang tamang ilipat ko sa iyo.

—Maraming salamat, Binibini, — ani Ulpiano at iniabot kay Consuelo ang kamay. Naramdaman ni Consuelo ang mahigpit na pagkakapisil nito sa kanyang kamay.

Inanyayahan ni Dr. Montable si Consuelo na maupo sa silya sa harap ng mesa. Si Ulpiano ma’y naupo rin sa katapat na silya. Inilabas ni Dr. Montable ang pormularyo ng kasunduan sa pagkakaloob ni Consuelo ng kanyang mata kay Ulpiano.

Nilagdaan ni Consuelo ang kasunduan. Nanginginig nang bahagya ang mga daliri niya, nguni’t nilakasan niya ang kanyang loob.

—Kailan po gaganapin ang operasyon, Doktor? —usisa ni Consuelo.

—Sa lalong madaling panahon, — tugon ni Dr. Montable. —Patatalastasan kita, Ineng, tungkol sa bagay na ‘yan.

Pinukol ni Consuelo ng tingin ang kaharap ng binata na walang kaimik-imik. Nakapangunot-noo pa nang bahagya.

—Inyo na ang isa kong mata, G. Katindig, —nawika ni Consuelo at pilit siyang ngumiti.

Napapitlag si Ulpiano na parang nabigla sa pangungusap ni Consuelo. Napahagod ang isang kamay sa buhok.

—Parang hindi ako makapaniwala – ang ipagkakaloob ninyo sa akin ang inyong mata, — ani Ulpiano na napailing.

—Kailangan ko ang inyong limang libong piso, G. Katindig, — matapat na sagot ni Consuelo.

—Marahil nga ho, pagka’t bihirang tao ang makapagbibili ng mata, kahi’t na sa limang libong piso.

Marahang nagtawa si Consuelo. —Pinagtatakhan ninyo na ipinagbibili ko ang aking mata? Sasabihin ko sa inyo ang dahilan. May sakit ang aking ina, kailangan niya ang operasyon sa bato, at ang limang libong piso’y labis-labis na makapagligtas sa kanyang buhay.

Hindi nalingid kay Consuelo ang pagkakatinginan nina Ulpiano at Dr. Montable.

—Ang hinihiling ko lamang ay mailihim sa aking ina ang bagay na ito, — sabi pa ni Consuelo. — Hindi siya papayag kapag nalaman iya. Iibigin pa niya ang mamatay sa kanyang sakit.

Tumindig na si Consuelo. Tumindig din sina Ulpiano at Dr. Montable.

—Aalis na po ako, Doktor, — at iniabot sa manggagamot ang kanang kamay. —Ipasabi na lang ninyo sa inyong boy na kapitbahay namin kung kelan ninyo kailangan ang aking mata.

—Oo, Ineng, — ani Dr. Montable, at naramdaman ni Consuelo ang mahigpit na pisil sa kanyang kamay. — Ipasasabi ko sa iyo.

Ngumiti lamang si Consuelo. Iniabot din sana niya kay Ulpiano ang kanyang kamay, nguni’t nagpauna ng pagsasalita ito.

—Ihahatid ko na kayo sa bahay, — magalang na pag-aalok ni Ulpiano. — Naririyan sa daan ang aking awto, at pauwi na rin lamang ako.

Hindi kaagad nakatugon si Consuelo. Waring nag-alinlangan siya.

—Daramdamin ko ho, pag tinanggihan n’yo ako. Akin na ngayon ang isa ninyong mata at dapat na pag-ingatan ko rin, — patawang badya ni Ulpiano.

—Huwag kayong mag-aalala, — pakli naman ni Consuelo. —Dalawampu’t dalawang taon nang napag-iingatan ko ‘yan.

—Mabuti na ‘yong dalawa tayo ngayong nag-iingat!

MARAHAN ang pagpapatakbo ng tsuper ni Ulpinao. Magkatabi sa likurang upuan sina Ulpiano at Consuelo. Kapwa sila walang kibo at may katahimikang matagal na nakapagitan sa kanila.

Kahi’t gayong walang kibo si Consuelo ay maraming napagbabaki-baki ang kanyang isip. Maikli lamang ang panahong nag-uugnay sa kanya at kay Ulpiano, nguni’t may pagkagiliw na siyang nararamdaman dito. Hindi masasabing magandang lalaki si Ulpiano. Ang salaming may kulay nito’y nakadidilim pa nga sa mukha. Matipuno ang pangangatawan, at mataas sa kanya nang may limang dali. Kayumanggi ito. Nguni’t sa kabila ng panlabas na kaanyuang iya’y waring may higit na magandang katauhang natatago. Magalang ito. Hindi man palakibo’y masaya ring kausapin. Sa pakiramdam ni Consuelo ay hindi siya lubhang nalulungkot na si Ulpiano ang mag-ari ng isang mata niya.

Bakit kaya siya nabulag? naitanong ni Consuelo sa sarili. At iyan din ang tanong na hindi niya napaglabanang ibasag sa katahimikan nila.

—Bunga ng isang karamdaman sa mata, — sagot ni Ulpinao. —Unti-unting lumabo ang aking mata hanggang sa tuluyan nang hindi makakita.

—At isang magandang kapalaran pa rin ninyo ang kayo’y maykayang bumili ng matang pamalit, — susog ni Consuelo.

—Siyanga, — ayon ni Ulpiano na bahagyang napatango. —Ang nakaliligalig sa akin ay kailangang mawalan ang iba ng mata upang magkaroon ako. Napapangitan akong maging bulag ako, nguni’t sisira naman ako ng ibang kagandahan upang takpan ang kapangitang ‘yan. Kakatwa, ano?

Si Consuelo naman ang nagkibit ng balikat. —Sa akin ay hindi kakatwa ‘yon, — aniya. — Nasabi ko nang ang buhay ng aking ina ang ibig kong iligtas. At hindi ‘yan lamang…ang kuwaltang maaaring matira sa magagasta sa operasyon ay mapupuhunan namin. Makapagbubukas kami ng isang tindahan ng sari-sari.

Naputol ang kanilang pag-uusap nang mamalayan ni Consuelo na malapit na sila sa kanyang tinitirhan. Ipinahinto niya sa tsuper ang awto sa tapat ng isang may kalumaan nang bahay na yari sa tabla at yero.

—Sa entresuwelo kami nakatira. Magdaan ka muna kung ibig mong makilala ang aking ina, — wika ni Consuelo.

—Ikagagalak kong makilala ang iyong ina, —ani Ulpiano

Makipot ang entresuwelong iyon. Kalahati lamang ng silong ng di naman kalakihang bahay. Madilim. Sa pinakasalas ay may isang lumang set ng mga likmuan. Tinungo nila ang pinakakabahayan, na may isang talampakan ang angat ng suwelo sa semento. Dinatnan nila ang isang tumba-tumba, may ilang puti nang nakasalit sa mga buhok, payat at namumutla.

—Nanay, siya’y si Ulpiano Katindig. Naging kaklase ko ho siya sa haiskul. Nakatagpo ko ho siya sa paghahanap ko ng trabaho kangina. Si Ulpiano ho pala’y makatutulong sa atin sa ospital…para sa inyong operasyon! — may pagkakailang wika ni Consuelo at isang makahulugang sulyap ang iniukol niya kay Ulpiano.

—Siyanga ho, — ayon ni Ulpiano at kinamayan ang babae.

—Salamat na lang kung matutulungan nga ho ninyo kami, — sabi ng ina ni Consuelo.

Ngumiti lamang si Ulpiano. Nakita ni Consuelo ang pag-aalinlangan ng binata. Kaya siya na rin ang bumago sa usapan.

—Si Marta, Nanay…wala ho yata? — tanong ni Consuelo na hinahanap ang batang kapatid.

—Nagpunta sa tindahan…pinabili ko nga ng kagitnang bigas, e!

Upang maiwasan ni Consuelo na humaba pa ang pakikipag-usap sa kanyang ina, ay niyaya niya si Ulpiano sa salas. Doon sila nag-uusap.

Naipagtapat ni Consuelo kay Ulpiano na noong buhay ang kanyang ama na may ilang taon nang namamatay ngayo’y mabuti-buti rin ang kanilang kabuhayan. Malaki-laki rin ang kinikita ng kanyang ama. May sarili silang bahay. Nakapag-aral siya at pati ang kanyang kapatid na si Marta.

Nagsimula sa kanilang mag-anak ang kahirapan sa pagkamatay ng kanyang ama. Ang kanyang ina’y naging masasakitin. Palibhasa’y haiskul lamang ang kanyang natapos ay hindi siya makakita ng mabuti-buting mapapasukan. Nananahi lamang siya ng mga baby dress sa bahay. At dahil sa patuloy na pagkakasakit ng kanyang ina’y naipagbili tuloy ang kanilang bahay, at ang halagang napagbilhan ay naubos na rin.

—Natuklasan sa pagsusuri na may sakit siya sa bato, — pagtatapat pa ni Consuelo. — Kailangan niya ang operasyon. Nguni’t wala kaming magugugol. Mabuti nabalitaan ko sa pamamagitan ng boy ni Dr. Montable na may nangangailangan ng isang mata, ikaw na nga. Kaya hangga’t maaga’y gusto kong malipat na ang mata ko sa iyo, at nang maisagawa naman ang operasyon ng aking ina, — dugtong pa ni Consuelo.

—Sa bagay na ‘yan ay si Dr. Montable ang nakakaalam, —pakli ni Ulpiano. — Pero kung talagang kailangan nang maipaopera ang iyong ina’y maipagpapauna ko ang kalahati ng halagang ating kasunduan.

Napatitig si Consuelo kay Ulpiano. Parang nakabigla sa kanya ang kagandahang-loob na iyon.

—Bukas ng umaga’y babalik ako. Maipapasok mo na sa ospital ang iyong ina, —at tumindig si Ulpiano at siya’y kinamayan.

IPINASOK nga ni Consuelo sa ospital ang kanyang ina. Inilagay pa niya sa isang silid na may bayad si Aling Berta. Dalawang libo’t limang daang piso – ang paunang bayad sa kanyang ipinagbibiling mata. Batid ni Consuelo na lalabis pa ang halagang iyon sa magugugol sa operasyon ng kanyang ina.

Kasama ni Consuelo si Ulpiano nang ipasok sa ospital si Aling Berta. Sa awto ng binata sila sumakay. Hanggang sa pakikipag-usap ni Consuelo sa pagkuha ng silid na may bayad ay kasama pa rin si Ulpiano. Nalubos tuloy ang paniwala ni Aling Berta na si Ulpiano nga ang tumulong sa kanila sa pagkakapasok niya sa ospital.

—Maraming salamat sa kabutihan ninyo sa amin, Mang Ulpiano, —nasabi ni Aling Berta nang nasa ospital na siya. —Loobin nawa ng Diyos na makaganti kami sa inyo.

“Mapalad ho kayo sa pagkakaroon ng isang mabait na anak, Aling Berta,” ani Ulpiano.

—Wala ho kayong dapat ipagpapasalamat sa akin, Aling Berta, — tugon ni Ulpiano at pinisil niya ang isang kamay ng maysakit. —Mapalad ho kayo sa pagkakaroon ng isang mabait na anak, —at saka pangiting sumulyap kay Consuelo mula sa likod ng may kulay na salamin.

Mula nang mapasok sa ospital si Aling Berta’y panay ang dalaw ni Ulpiano. Laging may dalang mga alaala – mga prutas, bulaklak at mga pagkaing hindi bawal sa maysakit. At sa pagbabantay ni Consuelo sa kanyang ina’y nakikibantay rin ang binata.

Marami silang napag-usapan tungkol sa kanilang sarili. Naipagtapat ni Ulpiano kay Consuelo na ulila na siyang lubos. Naiwanan siya ng kaunting kabuhayan ng kanyang ama, isang maliit na bahay-kalakal na umaangkat at nagbibili ng mga tela. Iyon ngayon ang kanyang pinangangasiwaan.

Nang magaling-galing na si Aling Berta, at maaari nang maiupa ng tagapagbatnay, ay sinusundo ni Ulpiano si Consuelo sa ospital at inihahatid niya sa bahay. Madalas ay namamasyal muna sila – kung minsa’y naglalakad-lakad sa Luneta. Kumakain sila sa restawran, at kung minsan nama’y bumibili ng luto na at sa bahay nagsasalo.

—Siyanga pala…marami ka nang nasabi sa akin tungkol sa iyong sarili, nguni’t may isang bagay kang nakakalimutan, — nakangiting wika ni Ulpiano, isang gabing magkausap sila pagkatapos magkasalo sa pagkain sa bahay.

—Ano ‘yon?—patakang usisa ni Consuelo.

—Tungkol sa iyong mata, — ani Ulpiano na nakatitig kay Consuelo. — Siyempre’y may masasabi ka tungkol sa iyong mga mata.

—Anong masasabi ko?

—Gaya ko halimbawa, — wika pa ni Ulpiano na parang pagpapaliwanag. — Noong ako’y bata…natatandaan kong madalas sabihin ng aking Tatay: kuha sa mata ng iyong nanay ang iyong mga mata, maganda ang kanyang mga mata!

Marahang napatawa si Consuelo. — ‘Yon pala ang ibig mong sabihin, — aniya. — Alam mo, noong ako’y munti… mga mata ko rin ang unang nababati sa akin.

—Siyanga, magaganda nga ang ‘yong mata!

—Kaya maaari na ngang pamalit sa iyong napinsalang mata, —at masayang nagtawa pa uli si Consuelo.

—Hindi ka ba nalulungkot? — tanong ni Ulpiano.

Hindi agad nakatugon si Consuelo. Ang tanong na iya’y naitatanong din niya sa sarili nitong huling mga araw. May mga sandaling sa kanyang pag-iisa’t pag-iisip, ay naiisip niya ang nalalapit na pagkawala ng isa niyang mata. Nguni’t nagtataka siya kung bakit tila hindi siya nagdaramdam na katulad noong una.

—Hu, hindi ko na iniisip ang bagay na ‘yon, — sagot ni Consuelo na nagkibit pa ng balikat. —Natutuwa ako’t ligtas na ang aking ina.

MAGALING na nga si Aling Berta. Nailabas na ito ng ospital. Nagpapalakas na lamang sa bahay ang matandang babae.

Patuloy si Ulpiano sa pagdalaw kina Consuelo. Nguni’t hindi dumarating ang patalastas ni Dr. Montable ukol sa paglilipatan ng mata.

—Hindi pa ba gagawin ang operasyon sa ating mata? — may pagkainip na usisa ni Consuelo isang gabing magkausap sila ni Ulpiano. — Wala pa bang sinasabi sa iyo si Dr. Montable?

—Huwag kang mainip, — ani Ulpiano.

—Ibig ko nang matapos, — ani Consuelo na saglit pang pinatulos ang kanyang nguso. — At saka…ibig ko rin namang makita sa iyo ang mga mata ko. Nag-aalala aking baka hindi bumagay sa iyo.

— ‘Yan din nga ang inaalaala ko, — nakangiting turing ni Ulpiano. — Baka hindi bumagay sa akin…kasi’y napakaganda niyang mga mata mo!

Sinadya ni Consuelo na huwag sagutin iyon. Ngumiti lamang siya. Saglit na napatitig siya sa mga mata ni Ulpiano na ikinukubli ng may kulay na salamin.

—Siyang pala, —sabi ni Consuelo, — hindi ko pa nakikitang nag-alis ka ng iyong salamin.

Umiling si Ulpiano. —Ayokong makita mo ang mga mata ko na may pinsala pa.

Nguni’t ang pagdating ng araw ng paglilipat ng mata ni Consuelo sa mata ni Ulpiano, ay nakainipan na ng dalaga. Patuloy ang pagdalaw ni Ulpinao kay Consuelo. Patuloy na sila’y nagkakasama sa pamamasyal. Nguni’t ang operasyon ay hindi pa isinasagawa. At nahahalata ni Consuelo na parang iniiwasan ni Ulpiano na mapag-usapan nila ang tungkol sa bagay na iyon.

Hindi malaman ni Consuelo kung ano’t hindi pa isinasagawa ang operasyon. Parang may pag-aatubili siyang nararamdaman kay Ulpiano, at isang araw nga, hindi na siya nakatiis at muli siyang nag-usisa. Maluwat pang napatitig muna si Ulpiano sa kanya bago ito nagsalita.

—Hindi na matutuloy ang operasyon! — sabi ni Ulpiano.

—Ano, bakit hindi? — napalakas ang tinig ni Consuelo.

—Hindi ko maatim na sumira ng ibang kagandahan para takpan ang aking kapangitan! — pailing na tugon ni Ulpiano.

—Paano ang ating kasunduan? Ang ipinaunang bayad mo sa akin, at … ang iyong mata? — sunud-sunod na usisa ni Consuelo na parang nalilito.

—Maaari nang maghintay ako ng ibang mata, mula sa eye bank, — ani Ulpiano. — Alam na ito ni Doktor. Ang mahalaga sa akin ngayo’y ang iyong mata…mananatiling magaganda ang iyong mata. Natutuhan kong ibigin ang iyong magagandang mata at palagay ko ba’y bahagi na rin iyan ng aking buhay!