Ni CORAZON A. EVANGELISTA
(Nalathala: LIWAYWAY, Hulyo 28, 1975)
KAIBIGAN ko si Edith, at katapatang-loob. Limang buwang nagkasama kami sa boarding house ni Mrs. Lacsina, sa UP; kumukuha ako ng master noon; si Edith ay graduating sa BSE, at major niya ang Psychology.
Ang napansin ko, si Edith ay tulad ng maraming teen-agers na mapusok, at dahil ako’y may edad sa kanya, bagama’t major ni Edith ang psychology, malimit na parang ako pa ang nagpapaliwanag sa kanya ng sikolohiya, sa praktikal na buhay.
“Gusto ko nang mamatay, Cora,” sabi niya isang gabi, at napansin kong may-hawak siyang pills. Ang pills ay inagaw ko, itinapon.
Nang usisain ko si Edith, nalaman ko lamang na nakagalitan siya ng ama, at binantaang aalisan ng allowance, dahil nabalitaan ng ama niya na siya ay may steady at malimit silang mag-date.
Violent type, naisaloob ko. Nagkahiwalay kami ni Edith nang makatapos ako at makapagturo sa isang paaralang ekslusibo sa Cubao, nguni’t muli kaming nagkasama nang sa anyaya ko, makapagturo rin siya sa paaralang pinagtuturuan ko. Para makatipid, inukupa namin ang isang pinto ng apartment, at naghati sa upang P150 isang buwan.
Ang apartment namin ay nakatayo sa tabi ng isang squatters area, at nakita namin ni Edith ang pangmukhang sikolohiya ng buhay. Mature na siya nang kaunti kaysa nang magkasama kami sa boarding house ni Mrs. Lacson, nguni’t naroon pa rin ang kanyang kapusukan. Na malimit kong ikatakot kay Edith.
“Kung hindi ko na matiis ang pain, talagang buo na sa loob ko na magpakamatay,” malimit niyang masabi. Na lagi kong sinasansala.
Nagkatampuhan pala sila ng kanyang ama, at nangyari iyon nang tanggihan niyang makipag-break kay Bert, na labis inaayawan ng kanyang ama. Si Bert, ayon sa ama ni Edith, ay palikero, lady killer. Dahil tapos na si Edith, ay nakapagturo na nga, sa tulong ko, siya ay namamahay na nang bukod. Sumama na nga sa aking tinutuluyang silid.
“Bata ka pa kasi, kaya ganyan ang mentalidad mo,” sabi ko. “Walang sakit na di matatanggap. Masakit lang ang isang bagay sa simula.”
“Hindi, Cora,” sabi niya. “Sawa na ‘ko sa buhay. Gusto ko nang mamatay.”
Bulaklak ng dila, naisaloob ko. Kung alam lamang niya ang hirap ko, nguni’t inilihim ko kay Edith ang sarili kong mga kalungkutan. Kung paano ng hindi kami nagbabati ng isang kapatid kong lalaki; kung paanong pakiwari ko’y walang pagmamahal sa akin ang aking sariling ina. Ang patatalusira ng naging katipan ko, na biglang napakasal sa iba, gayong wala naman akong alam na nagawang pagkakamali, ni hindi kami nagkakagalit.
Ang gayong kaisipan ni Edith, nang tuklasin ko, ay nalaman ko ang dahilan: lumaki siyang spoiled. Maykaya ang kanyang mga magulang, at siya ay pinalayaw. Naisip kong dapat lamang na lumaki siyang maramdamin, masyadong sensitibo, at madaingin.
“Sinunod ko ang tibok ng aking puso,” sabi niya, “at nagalit si Tatay. Sabi ko, hindi ko maaaring talikuran si Bert.”
“Gayon pala,” sabi ko kay Edith, “ba’t di pa kayo pakasal ni Bert? Para mapanatag ka na.”
Natatakot ako, lihim kay Edith, na hindi sila magkakatuluyan ni Bert. Sa paminsan-minsang pagdalaw ni Bert sa tinutuluyan namin ni Edith, nadama ko ang laki ng pag-ibig niya kay Bert. Nguni’t aywan ko, may kutob naman akong hindi tapat si Bert sa kanya. Para bang ang gusto lamang ni Bert kay Edith ay ang ganda ni Edith, ang kasariwaan ng katawan nito. Malimit, magkukunwa akong hindi sila pinapansin o nakikita; nguni’t kahit matalikod lang ako, kung magkausap sila, alam kong mapusok si Bert.
“Wala pa siyang matatag na trabaho,” sabi ni Edith.
“Madali nang pumasok siya ng trabaho,” sabi ko.
Ipinagtapat ni Edith na si Bert ay drop-out, at dahil hindi nag-aaral, palamig-lamig. Sa taya ko pa, dahil may trabaho si Edith, malimit na humingi si Bert ng pera sa kanya.
“Naghahanap nga raw siya,” ani Edith, buong tiwala.
Nguni’t iba ang kutob ng loob ko, iba. Pakiwari ko’y ayaw talaga magtrabaho ni Bert; at wala itong inaatupag kundi mga chicks. Nababalitaan kong maraming girlfriend si Bert. Ewan ko kung alam iyon ni Edith, nguni’t hindi ko sinasabi sa kanya. Natatakot ako sa pagiging violent type ni Edith.
Malapit nga kami sa squatters area, at halos natutunghan lang namin, sa kabila ng mataas na pader na naghihiwalay sa apartment at sa slum, ang isang barungbarong. Sa barungbarong ay may nakatirang isang matandang lalaki, na marahil ay mahigit nang singkuwenta anyos ang edad. Tuwing umaga, o tuwing gabi, naririnig namin na gumigitara ang matandang lalaking iyon, na nalaman namin na bulag pala. May kasama itong isang batang babae, na hindi naman kamag-anak. Kung inampon ng matanda ang batang babae, ko kung kusang doon tumira ang batang babae para samahan ang matanda, hindi namin alam.
Nakalilibang sa amin, o sa akin (hindi ko alam kay Edith) ang pagtugtog ng matanda ng gitara. Kung minsa’y umaawit pa ito ng kantahing naging popular marahil sa panahong kami’y dalagita ni Edith.
“Pa’no nabubuhay ‘yan?” minsang magkatabi kaming nakadungaw ni Edith, at nakatingin sa barungbarong, at naitanong niya.
“Nagpapalimos siguro,” sabi ko. “Madalas, nakikita nating umaalis sa umaga, bumabalik sa gabi.”
“Kawawa naman,” sabi ni Edith.
“Talaga,” ayon ko. “At sa buhay na ‘to, maraming kawawa. Hindi ba.”
“Talaga,” sabi ni Edith. “Sa Cambodia at Vietnam nga, nakita mo naman, daming nagkakamatay. At sumasabog ang mga pamilya.”
“Hindi pa tayong mas’werte rito,” aniko.
Ang matandang lalaki, na bulag, ay hindi ko inasahang magkakaroon ng malaking papel sa buhay ni Edith, at siya noon, sa amin ay isang karaniwang nilikha, na kaawa-awa.
Maliban sa pagkaawa, walang naging interes si Edith sa matandang lalaki at sa batang kasama nito, nguni’t ako’y nagkaroon ng interes na malaman kung sino ang matandang lalaking iyon. Wari ko’y may ikinukubling magandang kasaysayan ang kanyang buhay.
Ang batang babae, na kasama ng matandang bulag, ang inusisa ko isang araw. May pintuan ang apartment na nakaharap sa pader, at ang pader, na may malaking uka, ay maaaring lusutan ng isang tao. Hindi marahil napansin ng may-ari ng apartment ang butas sa pader, o kung nakita man ay nakatamarang ipasara.
Doon nagdaan ang batang babae isang umaga. Nagulat ako, nang pumasok sa ibaba ng apartment, at manghihingi sa amin ng kape.
“Me sakit po si Lolo, at hindi nakalabas kahapon,” anang bata.
Binigyan ko ng kape at apat na pandesalang batang iyon, na parang bukong nilanta ng panahon, sa aking tingin.
Nagpasalamat ang batang babae, at nang paalis na ito, naisip kong mag-urirat. Naitanong ko kung sino ang matandang kasama niya.
Sinabi ng bata, at ako ay nagulat.
“Isang panahon hong siya ay dinudumog ng mga tao.”
“E, kelan pa siya nabulag?”
“Mga sampung taong na po,” sabi ng bata.
Kagigising ni Edith, at paglabas niya ay nakita ang bata, na paalis na at inusisa niya ako.
“Nanghingi ng kape, at binigyan ko,” sabi ko.
“Kawawa naman,” sabi ni Edith, nguni’t iyon lamang ang sinabi.
Ang mga suliranin ng buhay ay hindi madala ni Edith, hanggang sa makatagpo niya ang isang matandang lalaking walang paningin.

LAGI na akong nangangamba sa kapusukan ng loob ni Edith, at isang gabi, ang pangamba ko’y naging takot. Hindi siya pumasok ng eskuwela, o hindi nagturo nang araw na iyon, at ang sabi’y may mahalaga raw lakad. Nang magkita kami nang gabi, napansin ko ang kakatwang kilos niya, ang pagiging tahimik. May botelya siyang dala, nakabalot, na hindi ko pansin kung ano.
“Saan ka ba galing?” usisa ko, at sinabing di siya kakain ng hapunan. Busog pa raw siya.
“Wa-wala. Me nilakad ako,” sabi niya.
Magsasalinggo nang di dumadalaw sa apartment si Bert doon, at minsang mag-usisa ako, sinabi ni Edith na nagtatrabaho na si Bert. Natuwa pa nga ako. Nguni’t ang nakita kong katamlayan niya ngayon ay nagbibigay ng hinala, na may kinalaman kay Bert ang pagkabalisa niya.
“Matutulog na ‘ko, ha?” sabi niya at iniwan ang paghahain ko ng hapunan. “Kumain ka nang mag-isa.”
Sinundan ko siya ng tinging naghihinala. Hindi ko itinuloy ang paghahapunan. Pinakiramdaman ko si Edith, nang pumanhik sa itaas. Narinig kong isinara niya ang pinto, ang kutob ko’y lumalaki. Dali-dali, ako’y pumanhik.
Hustung-hustong inabot ko si Edith sa isang ayos na di ko maipagkakamali. Tinakbo ko siya sa pagkakaupo sa aming kama, hawak ang isang maliit na botelya ng lason!
“Hu-huwag!” pigil ko, sabay agaw sa botelyang hawak niya nang mahigpit, handang tunggain ang laman. “Ba-bakit ba?”
Noon lamang umiyak si Edith, at sumubsob sa aking dibdib. Umiyak na parang bata.
“Bakit? ‘Tong taong to. Nakakanerb’yos ka . . .”
“Ibig ko nang mamatay, Cora!”
Hinagud-hagod ko ang kanyang likod. Inaliw. At ako’y nag-usisa. Ipinagtapat niya ang lahat.
“Napikot siya, Cora . . . at . . .” Si Bert! Si Bert na noon pa’y hinihinala ko nang hindi tapat ka Edith.
“Isipin mo, nagawa kong tikisin ang aking ama dahil sa kanya . . . Ngayo’y . . .”
“Pasalamat ka’t nakaiwas ka sa gayong uri ng lalaki,” sabi ko. “Isipin mo, kung kayo ay nagkatuluyan. . . “
Hindi siya nakaunawa. Nagtatakang tumingin sa akin.
“Di ko lang masabi sa iyo, Dith,” sabi ko. “Kahit nagkatuluyan kayo ni Bert, alam kong luluha ka. Siya ang uring lalaking hindi masisiyahan sa isang babae.”
Natigilan si Edith.
“At kabaliwang tapusin mo ang lahat dahil lang sa kanya. Maraming lalaki, Edith. At baka higit na mabuti. . . higit na. . .”
Umiyak si Edith, “Siya lang lalaki para sa akin. I love him so much. . . Gusto ko nang mamatay!”
Ang botelya, na alam kong lason, at nasa aking kamay, ay inisip kong itapon. Tinapik ko sa braso si Edith, tinungo ang bintana, at ang botelya ay aking itinuwad ang laman, saka ang bote ay inihagis. Narinig ko ang pagkabasag ng botelya nang tumama sa pader.
Nagbalik ako kay Edith.
“Kalukuhang tapusin mo ang buhay mo, Edith,” sabi ko. “Bata ka pa.”
Tumawa ako. “Nakikita mo ang matandang bulag diyan sa kabila?” sabi ko. “’Yong ipinaghingan ng kape ng batang babae kanginang umaga. . .”
Tumango si Edith. Nakamata sa akin.
“Alam mo ba kung sino siya?” at ibinulong ko kay Edith, at siya ay nagulat. “Isipin mo bang iyan ay isang tanyag na mang-aawit no’ng araw? Na nagkaroon iyan ng isang panahong nakita ang kagandahan ng daigdig, na hindi pa siya bulag. Isipin mo ang sakit niyon, Edith. Nakita mo ang kagandahan ng mundo, at pagkatapos, hindi mo na nakikita ngayon. Pero, bakit hindi naisip ng matandang iyan na magpakamatay? Gayong kung sa atin, kung sa atin nangyari iyan, ay baka nagpakamatay na tayo?”
Napamaang si Edith.
“Maliit o di gaanong masakit ang nangyari sa iyo,” dugtong ko. “Hindi sapat para ipaghinagpis, lalo na para hangarin nating tapusin ang lahat. Bata ka pa. Ang matandang bulag sa kabila, matanda na, bulag pa, ay higit na nakakikita ng liwanag…”
Nakaunawa si Edith. Si Edith na major sa sikolohiya.
Narinig namin ang mahina, tila dumaraing na tugtog ng gitara sa barungbarong, at tinungo namin ang bintana.
“Ang matandang bulag,” sabi ko kay Edith.
“Higit nga siyang kawawa,” bulong ni Edith, at hinagisan ng tingin ang barungbarong, na nahuhugisan pa rin namin, matatag na nakatayo sa gitna ng dilim ng gabi.