Ni NARCISO S. ASISTIO
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 6, 1961)
WARING masikip pa ang pinaglalagusan ng hininga ni Ofelia kahit nang makalabas na siya sa gusali pagamutan at malanghap na niya ang malayang simoy ng hanging wala nang magkakalangkap na amoy ng mga gamot at ng kung anu-ano pang amoy sa dinaanan niyang mga pasilyo. Nagsisikip din ang kanyang isipan sa magugulong larawang hindi mapaknit doon.
Huminga nang malalim si Ofelia nang bumungad siya sa tarangkahan ng pagamutan. Bahagyang nagluwag-luwag ang kanyang dibdib. Iginala niya ang tingin sa mga nagdaraang sasakyan. Naghahanap siya ng taksing walang lulang pasahero. At bahagya pa siyang nagitla nang may pumaradang kotse sa kanyang tabi. Nakilala niya ang kotse. Nakilala niya ang nag-iisang lulan niyon: si Deo.
Umibis si Deo at nakangiting lumapit sa kanya. “Ba’t ka nariyan?” tanong nito.
Hindi agad nakatugon si Ofelia. “E… naghihintay ako ng sasakyan…” Ang kanyang tugong iyon ay parang isa na ring pag-iwas na banggiting sa ospital siya galing.
“Halika, ihahatid na kita. Pauwi na rin ako, e.”
Hindi nakatanggi si Ofelia nang hawakan ni Deo ang kanyang kamay. Inalalayan siya ni Deo sa pagsakay sa kotse. Magkatabi sila sa unahang upuan. Makailang saglit ay tumakbo na ang sasakyan.
“Mabuti’t dito ako napadaan,” sabi ni Deo. “Inihatid kong pauwi ang isa kong kliyente riyan, e. Bakit hindi ka sa kotse ninyo sumakay?”
Sa kotse ninyo! Ang tinuran ni Deo ay waring sumundot sa damdamin ni Ofelia. Kung batid lamang ni Deo… kung magkakaroon lamang siya ng lakas ng loob na sabihin dito ang buong katotohanan…
Ugali na niya ang pag-alis ng bahay ay tawagin ang tsuper, ipalabas dito ang kotse. Nguni’t kangina’y hindi niya nagawa iyon, at hindi rin niya nagawa noon pa mang sinundang pagtungo niya rito sa ospital. Nahihiya siyang di niya mawari, nakukutyang kung paano. Parang may nagpapadama sa kanya, sa loob ng kanyang sarili, na wala siyang bahagi sa lahat ng kasaganaang tinamasa na niya. At sa kanyang isip ay saglit na nabuo ang larawang yaon ng babaing nakahiga sa isang walang bayad na silid sa pagamutan. Para pa niyang naririnig ang paos na tinig niyon, parang nanggaling sa hukay: Anak ko, anak ko…
Pumikit si Ofelia. Mariin. Nais niyang pigilin ang luhang nais dumaloy sa kanyang mga mata. Tinig ni Deo ang nagpabalik sa kanyang lumipad na kamalayan.
“Saan ka ba galing, sa ospital? Aba, bakit… bakit ka ganyan?” At nang balingan ng tingin ni Ofelia si Deo ay nakita niyang nakatingin ito sa kanya. Nasa mukha ni Deo ang pagtataka. Napansin nito ang kanyang anyo. “May… may dinaramdam ka ba?” lipos ng pag-aalaalang dugtong ni Deo. “May… may sakit ka ba? Napatingin ka ba sa ospital?”
Umiling si Ofelia. Kinailangan niya ang paglalakas loob bago siya nakatugon. “May… may dinalaw ako…”
“Sino?”
Muling napipi si Ofelia. Inilayo niya ang tingin kay Deo. Tumanaw siya sa labas ng bintana. At hindi naman dinugtungan ni Deo ang pag-uusisa. Iniliko nito ang kotse, pakanan, at maya-maya’y nasa Dewey Boulevard na sila. Sila ni Deo ay kapwa sa Quezon City uuwi.
“Hindi ko maintindihan…” At ang sinabi ni Deo ay dinugtungan ng isang buntunghininga. “Napapansin ko… noon pang isang pagdalaw ko sa iyo… na may iniintindi ka. Itinanong ko sa iyo noon, ayaw mong sabihin. Pero… paano man… nahahalata ko. Ano nga ba iyon?
Nagunita ni Ofelia ang sinabi ni Deo. Noon pa’y nais na niyang ipagtapat kay Deo ang katotohanan. Nguni’t pinanghinaan siya ng loob. Katipan niya si Deo at natakot siyang layuan nito kapag nabatid ang katotohanan. At ngayon, ang tungkol sa bagay na iyon ay kung ilang gabi nang hindi niya ikakatulog. Nakadarama siya ng malaking pagkukulang sa katipan. Sa kabilang panig naman ay naroon ang malabis na pangamba.
“Ano nga iyon, Fel?”
Muling sumulyap si Ofelia kay Deo. Nakita niya sa mukha nito ang paghihirap din ng loob. At nakadama siya ng waring sumbat sa pagkaisip na ang kanyang paglilihim ay isang pagkukulang sa katipan. Bakit hindi niya maipagtapat kay Deo? Kung talagang mahal niya ito… Maano kung layuan siya ni Deo? Talaga namang iyon ang dapat mangyari. Hindi siya karapat-dapat sa katipan…
Bahagyang nangangatal ang tinig ni Ofelia nang siya’y magsalita. “A-alam mo ba… kung sino ang dinalaw ko sa ospital?”
Nanatiling nakatingin sa kanya si Deo. Naghihintay ng sasabihin pa niya.
“Ang… ang aking ina…”
Nakita niya ang pagkabiglang nalarawan sa mukha ni Deo. Dagling binawi nito ang tingin sa kanya at kinabig ang manibela ng kotse upang iwasan ang isang sasakyan. Nguni’t sandali lamang ang pagkabiglang nalarawan kay Deo. Tumawa ito at nagsalita nang hindi tumitingin sa kanya.
“Nagbibiro ka ba, Fel?”
Wala siyang madamang kaligayahan sa napipintong pagsisilang na muli, sapagka’t baka maulit ang nangyari sa una nilang supling: pinakamahal nila iyon nguni’t…
Nakadama ng waring pag-iinit ng damdamin si Ofelia. “Hindi ako nagbibiro, Deo. Hindi ito ang sandali para ako magbiro. Pakinggan mo sana ako… at unawain.”
Naging pormal ang mukha ni Deo. “Sige, ituloy mo.”
“Ang alam mong ina ko ay si… si Mama… si Donya Adela. Pero… kailan lang niya ipinagtapat sa akin… ampon lang pala niya ako. Ang aking ina…”
Naputol ang pagsasalita ni Ofelia. Paano niya masasabi kay Deo ang tungkol sa kanyang ina, ang kahihiyan? At nagbalik sa kanyang isip ang mga ipinagtapat ni Donya Adela tungkol sa kanyang ina. At ang sinabi pa nito: Ibig ko sanang manatiling lihim iyan. Pero may sakit ngayon ang ina mo. Patawirin. Ang kanyang anak ang laging tinatawag-tawag. Ayaw kong ipagkait sa kanya ikaw na makapagpapaligaya sa kanyang mga huling sandali. Ayaw kong mamatay siyang naghihirap ang loob… susumbatan ako ng aking budhi…
Yaon ay hinalinhan ng ibang larawan sa isip ni Ofelia: ang unang pagdating niya sa pagamutan. Kasama niya noon si Donya Adela. Ito ang nagpakilala sa kanya sa isang babaing bagama’t ayon sa tuos ni Donya Adela ay may mahigit lamang apatnapung taong gulang ay mukhang matandang-matanda na dahil sa taglay na sakit. Buto’t balat na lamang ang babae. Ang sakit ay kanser sa bituka. Iyon ang kanyang ina. Na sa isang silid na walang bayad sapagka’t mahigpit na tumanggi nang sabihin ni Donya Adela na ililipat sa isang may bayad na silid.
“Huwag na ho,” sabi noon ng babae. “Mamamatay rin lang ako, h’wag n’yong pagkagastusan pa nang malaki. Mas ibig ko na ang ganito. Sapat na ang naibigay n’yo sa anak ko ang magandang kinabukasang hindi ko naibigay sa kanya.”
At noon, aywan niya kung lukso ng dugo o bunga ng pagkaisip na sa kabila ng naging kasamaan ng kanyang ina ay hinangad nitong madulutan pa rin siya ng magandang buhay kahit mangahulugan ng pagdurusa nito, nadama niyang mahal na mahal niya ang kanyang ina. Naiiyak na niyakap niya ito. Nagsalikop sa kanyang leeg ang mga yayat na bisig nito, nadama niya ang init ng dibdib na kay-raming taong nangulila sa kanya.
“Salamat sa inyo…” At itinitig ng kanyang ina ang luhaang mata kay Donya Adela, at sa kanya. “Salamat, anak. Mamatay man ako, maligaya na rin ako.”
At nang sumunod ngang dalaw niya sa ina ay nag-iisa na siya. Gayundin ngayon na siya niyang ikatlong dalaw.
“Fel…” tinig ni Deo ang pumukaw kay Ofelia, “naniniwala ako sa sinabi mo. Pero maano iyon? Kahit hindi ka anak ni Donya Adela…”
“Pero meron kang hindi pa alam sa ina ko.”
“Ano man iyon…”
“Hindi, Deo. Dapat na malaman mo kung ano iyon. Pagkatapos… pagkatapos… para huwag mo akong masyadong kamuhian kung layuan man kita.”
“Fel, bakit….”
“Iyan ang pasiya ko.” At nadama ni Ofelia na nagiging matatag na ang kanyang loob, ngayong nasimulan na niya ang pagtatapat.

Batid niya, hindi siya karapat-dapat kay Deo. Nabibilang ito sa mayamang angkan, sa mataas na lipunan. Isang abugadong may matunog na pangalan at magandang hinaharap at malaking bupete sa Eskolta na pinagdarayo ng mayayamang kliyente.
“At ipinasiya ko ring… aalis ako kay Mama… kay Donya Adela. Siguro… pagkamatay ng aking ina…”
“Pero bakit nga?” May pagkagulumihanan sa tinig ni Deo.
At isinalaysay ni Ofelia ang isang bahagi ng buhay na nabatid niya buhat kay Donya Adela. Ang kanyang ina ay isang hostess sa nait-klab, noon. Napariwara ito. Ang kanyang ama ay tsuper ni Donya Adela. Nguni’t ang kanyang ama ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob na panagutan ang ginawa nito sa kanyang ina. Bagong silang siya nang mamatay sa isang aksidente ang kanyang ama. At ang kanyang ina ay hindi na nakaahon sa pagkakasala. Nagpalipat-lipat ito sa iba’t ibang lalaki matapos na ipagkaloob siya kay Donya Adela na balo at walang anak. Matagal na hindi nabalitaan ni Donya Adela ang kanyang ina, at nang huling mabalitaan ay nito ngang dalaga na siya at nakatapos na ng pag-aaral at nasa ospital ang kanyang ina.
Ang hiniling ng kanyang ina kay Donya Adela ay ang makita man lamang siya at mahagkan bago iyon mamatay. At hindi naman tumanggi si Donya Adela. Ang katwiran ng Donya ay may husto na siyang isip at tatag at hindi na makasisira sa kanyang katauhan mabatid man niya ang madilim na kahapon ng kanyang ina. Nguni’t hindi batid ni Donya Adela na kasintahan na niya si Deo, na ang katotohanang yaon ay makasisira sa kanilang pag-iibigan.
“Kahit ano pa ang sabihin mo, Fel,” sabi ni Deo nang makatapos ng pagsasalaysay ang dalaga, “wala akong alam kundi mahal kita. Hindi ko mapapayagang ang tungkol sa ina mo ay ilagay mong hadlang sa atin.”
Kangi-kangina pa nailiko ni Deo ang sasakyan buhat sa Dewey Boulevard, at ngayo’y nananalunton na iyon sa Highway 54. Mga ilang sandali na lamang at makararating na sila sa uuwian.
“Pero…” tutol ni Ofelia, “ang hinaharap mo, ang lipunan, ang…”
“Tama na nga iyan.” At napansin ni Ofelia na tumigas nang bahagya ang tinig ni Deo. “Sa akin ay walang halaga ang iba pa, ang lipunan, ang kung ano mang nasa isip mo. Ang mahalaga sa akin ay ang mabuhay ako nang maligaya at walang isusumbat ang budhi. Kung pakikinggan kita, hindi ako magiging maligaya…”
Napatitig si Ofelia kay Deo.
“Kung iiwan mo ang mama mo, saan ka pupunta?” patuloy ni Deo. “Oo nga’t mabubuhay ka nang maayos pagka’t may karera kang tinapos, pero mangungulila ka sa pagmamahal ng isang magulang. Kung layuan mo ako, matatahimik ka ba? Sa halip na magamot ang sugat ng alaala mo’y lalo iyong lulubha.”
Ginagap ni Deo ang kamay ni Ofelia.
“Fel, hindi ko pa ito nasasabi sa iyo… pero ngayon… ibig kong pakasal na tayo. Hindi ka tatanggihan nina Mama, sa kabila ng lahat. Kilala mo sila. Pero gayunman, mamumuhay tayo nang bukod, bukod sa kanila, bukod sa lipunan… Ang ating buhay ay sarili natin. Tayo lamang ang nakaaalam kung ano ang mabuti, kung paano tayo magiging maligaya.”
May katahimikang pumatlang sa kanila. At unti-unti, nadama ni Ofelia na napapawi sa kanyang isip ang madidilim na alalahanin. Tumanaw siya sa labas ng bintana ng kotse. Sa ayos ng liwanag, batid niyang lumulubog na ang araw. At maya-maya pa’y natanaw na niya ang tahanan ni Donya Adela at nadama niya na may isang kapangyarihan doong naghahawak sa kanya, pumipigil, at naramdaman niya ang pagpisil ni Deo sa kanyang kamay at narinig ang pagsasalita nito at napikit siya… Hindi niya natanggihan ang kanyang damdamin. Isinubsob niya ang mukha sa balikat ni Deo.