Ni PLACIDO PARCERO
SI Pulog ay isa lamang sa maraming Pilipino sa mga bundok at gubat ng Pilipinas na “nakaligtaan” ng pamahalaan. Siya na isang Pilipino sa dugo at laman at kulay, na katulad ng mga baging, puno at halaman sa mga liblib na pook ng bansa, ay binuhay ng kalikasan, at hindi kailanman naging bahagi ng “kaunlaran”. Siya na natutong mabuhay at bumuhay sa pamamagitan ng lakas ng bisig na nagawang magbungkal at magtanim at mangisda sa ilalim ng sikat ng araw. Sa sibilisasyon na ginagalawan ng higit na nakararami niyang mga kababayan at dayuhan, siya ay isang “patay na kaluluwa” na kaylayo sa mga mata at pagpapala ng Maykapal.
Minsan ko lamang siyang nakita at ni hindi ko nalaman ang kanyang pangalan, nguni’t siya ay tatawagin kong Pulog—kapangalan ng isang bundok. Hindi ko na ganap na matandaan ang kanyang mukha, at kung isang araw ay muli ko siyang makakaharap na nakaamerikana o nakabarong-tagalog ay natitiyak kong hindi ko na siya makilala, nguni’t sa pulutong ng libu-libong Pilipino sa iba’t ibang kabundukan at kagubatan ng Pilipinas, na kailanman ay hindi naging bahagi ng “kaunlaran”, ang “patay na kaluluwang” ito ay aking mamumukhaan.
Naganap ang pangyayaring makaharap ko si Pulog sa ikalawang taon ng paglilingkod ko sa isang komersiyal na banko ng pamahalaan. Noon ay imbestigador ako ng bankong iyon.
Kararating ko pa lamang mula sa Davao, sa pagtingin ng mga lupang isinasanla sa banko ng isang malaking kompanya ng konstruksiyon, nang ibigay sa akin ni Mr. Beltran, ang tagapamahala ng aming departamento, ang susunod kong gawain. Nakasulat sa folder ang pangalan: Fortunato Santos.
“Si Mr. Santos ay isa sa pinakamaimpluwensiyang tao sa Norte,” sabi sa akin ni Mr. Beltran. “Masama man o mabuti ang kanyang pagkatao, mahina man o malakas ang kakayahan niya sa pagbabayad, marunong man siya o hindi marunong magbayad ng kanyang mga utang, hindi ‘yan magiging problema para hindi s’ya pautangin ng banko. Kaya ang magiging base na lamang natin ay sa isinasanla niyang lupa. Kailangan ko ng logical analysis. Pag-aralan mo munang mabuti bago bigyan ng halaga.”
Isang araw kong pinag-aralan ang aplikasyon ni Fortunato Santos. Kalahating milyong piso ang kanyang inuutang at siyamnapu’t anim na ekstrang lupa sa Benguet ang kanyang isinasanla. Dapat nga siyang maging malakas, nakita ko sa impormasyong pansarili niya sa folder. Dati siyang bise-gobernador ng isang lalawigan sa Luson, naging direktor siya ng dalawang malalaki at kumikitang korporasyon ng pamahalaan, at pangulo siya ng tatlong pribadong korporasyong ari niya. Isa siyang mayamang lider-pulitiko at kapartido siya ng noon ay pangulo ng Pilipinas.
Isang araw ay tumanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang tanggapan ni Mr. Santos.
“Ito si Mr. de Aro, representative ni Mr. Santos. Ipinagtatanong ni Mr. Santos kung kailan n’yo puwedeng puntahan ang lupa niya sa Benguet.”
“Sa Lunes ko balak magpunta sa Benguet,” sagot ko.
“Sasama ‘ko sa inyo,” sabi ni Mr. de Aro. “Mauuna na si Mr. Santos sa Baguio at hihintayin n’ya na lamang tayo roon.”
“Alam n’yo ba ang lugar ng lupa?”
“A, si Mr. Santos ang magtuturo sa inyo, ako e hindi ko alam. Saka hindi lang naman pagpunta sa lugar ng lupa ang dahilan kung bakit pupunta sa Baguio si Mr. Santos. Gusto rin daw n’yang makapagbakasyon nang mga ilang araw. Isasabay na nga raw niya sa pagpunta n’yo sa Benguet.”
“Bus ang sasakyan ko, gusto n’yo bang sumabay?”
Nagkayari kaming magkikita ng ikaanim ng umaga sa istasyon ng bus sa Dimasalang.
Si Pulog ay isang kalahi, at isang kabalat, at tulad sa isang Pilipino ay may karapatan sa lupang minana sa mga ninuno.
LUNES, ikaanim at kalahati ng umaga, umalis ang bus na sinakyan namin ni Mr. de Aro patungong Baguio. Nagtabi kami ng upuan.
“Mapalad na tao ‘yang si Mr. Santos,” sabi sa akin ni Mr. de Aro. “Nagsimula siya sa wala ngayo’y ubod na ng yaman.”
“Gano’n ba?”
“Oo. Makikitang hirap muna ang dinanas n’ya bago s’ya nakatapos ng pag-aaral. Palibhasa nga e maulo, natutong lumapit sa pulitiko, nagkaroon ng maraming koneksiyon. Nang magkaroon ng konting kapital e nagnegosyo, nakapamili ng lupa at naging bise-gubernador sa aming lalawigan.”
Nagsawa ako sa kapupuri ni Mr. de Aro kay Mr. Santos at ang paksa ng aming usapan ay ibinaling ko sa kung saan-saan.
Sa Naguilan Road nagdaan ang bus paakyat sa Baguio pagka’t sinarhan ang Kennon Road likha ng madalas ng pagbagyo at pag-ulan. At habang pataas nang pataas ang bus sa tinutumbok nitong lalapad-kikitid na lansangang nanggigilid sa bangin ay napansin kong pakapal nang pakapal ang hamog sa aming harapan.
Ikatlo ng hapon kami dumating sa sentro ng Baguio. Nagtuloy kami ni Mr. de Aro sa otel na tinutuluyan ni Mr. Santos. Ito raw ang bilin ni Mr. Santos sa kanya, at makaraang makapagkumustahan at makapagbalitaan kami ni Mr. Santos ay nalaman kong may inireserba na siyang silid para sa akin at bukod na silid para kay Mr. de Aro.
May kasama si Mr. Santos sa kanyang silid – si “Misis”, pagpapakilala niya – isang babaing mestisahin na marahil ay wala pang tatlumpung taong gulang. Sa saglit na pagkakatalikod sa amin ni Mr. Santos ay naibulong sa akin ni Mr. de Aro na si “Misis” ay “babae” ni Mr. Santos.
Kinabukasan ay nagtanong ako sa mga lokal na sangay ng tanggapan ng pamahalaan tungkol sa mga talaan ng ari-arian, at katulad ng kinalabasan ng pagsusuri ko sa Maynila ay wala akong nakitang hindi legal sa pagkakagawa ng mga kasulatan. Ang titulo ng lupa ay maayos, gayon din ang deklarasyon sa pagkakabayad ng buwis. Ang mga ito ay nasalin sa pangalan ni Mr. Santos sa pamamagitan ng bilihan. Ang lupang nasasakop ng mga kasulatan ay nabili ng nabilhan ni Mr. Santos sa unang nakabili ng lupa sa pamahalaan. Ang lupa y dating reserbasyon para sa kagubatan ng Pilipinas. Una itong nabili sa pamahalaan may anim na taon na ang nakararaan, mula sa petsa ng pagkakagawa ng titulo sa lupa ni Mr. Santos. Kinagabihan ay sinabi ko kay Mr. Santos na sa susunod na araw ay maaari ko nang puntahan at bisitahin ang pook na kinaroroonan ng lupa.
“B’weno, anong oras mo gustong lumakad bukas?”
“Agahan natin.”
Kinabukasan, sa oras ng aming napagkayarian ni Mr. Santos, sakay ng isang kotse ay bumaba kami sa bayan ng Sablan. Kasama namin si “Misis” at si Mr. de Aro. Sa nakabukas na diyaket ni Mr. Santos ay nakita ko ang nakasukbit na baril sa kanyang baywang, bukod pa sa automatic carbine na ipinadala niya kay Mr. de Aro.
“Mabuti na ang nag-iingat…kaya nagdala tayo,” sabi niya.
Sa isang panig ng Naguilian Road kami bumaba.
Naglakad kami nang naglakad. Hawi ng talahib, yukod-iwas sa mga sanga ng mabababang punungkahoy. Parang kay layo ng aming nilakad, mahigit pa marahil sa kalahating kilometro, sinabi ni Mr. Santos.
“Nandito na tayo,” pagkuwa’y sabi ni Mr. Santos. Itinuro niya sa akin ang isang mataas na punong pino sa isang mataas na burol na ayon sa kanya, siya niyang palatandaan ng lupa. Inakyat namin ang bundok na iyon at mula roon ay itinuro sa amin ni Mr. Santos ang mga hanggahan ng kanyang lupa. Dinukot ko sa bulsa ng aking diyaket ang maliit na largabistang dala ko at sinipat ko ang paligid.
Ang lupang nasasakop ng titulo ni Mr. Santos ay isang payapang kaluntian sa malayo. Ito ay waring gumugulong na damuhan at mabababang punungkahoy na napaliligiran ng maliliit na bundok. Ang mangilan-ngilang punong pinong nangatutok sa langit ay waring nagpipilit makaabot sa alapaap.
Naglakad pa kami at hindi nagtagal, sa isang maluwag na panig ng lupa, naganap ang pangyayaring makaharap ko si Pulog.
Napatda kami sa paglakad nang bumulaga sa aming harapan ang isang lalaking pandak, may malapad na katawan, may mahabang buhok na marahil ay isang taon nang hindi napuputlan.
“Ano ang kailangan n’yo sa aking lupa?” Paos ang kanyang sigaw. “Ano ang kailangan n’yo sa aking lupa?”
Nagkatinginan kaming magkakasama. Si “Misis” ay napahawak sa bisig ni Mr. Santos.
“Kaibigan, namamasyal lamang kami.” May pagpapakumbaba sa tinig ni Mr. Santos. “Kung hindi ako namamali, ang lupang kinatatayuan nati’y sakop pa ng aking lupa.”

“Wala kayong lupa rito! Amin ang lupang ito! Mga mangangamkam ng lupa ng may lupa!”
“Baka luku-luko ‘yan,” halos pabulong na sabi sa amin ni Mr. de Aro. “’Buti yata’y bumalik na tayo.”
“Mabuti pa nga,” sang-ayon ni “Misis”.
“Kung ang mga kasamahan ko’y nagawa n’yong palayasin sa lupang ito, ako’y hindi ninyo matatakot ng inyong mga baril!”
“Alam ko na,” sabi sa akin ni Mr. Santos. “Isa ‘yan sa mga iskuwater na hindi napaalis ng nabilhan ko ng lupang ito. Huwag na tayong makipagtalo’t wala tayong laban sa sira ang ulo.”
Tumangu-tango ako saka ko binalingan ang aming kaharap. “Dating lupang-gubyerno ang lupang ito.”
“Anong gubyerno? Anong gubyerno? Ang lupang ito ay inyong kinakamkam. Ilang ulit ninyong aangkinin ang aming lupa? Ang lupang ito ay amin! Lupa ito ng aming mga magulang! Lupa ito ng aming mga anak!”
“Sa gubyerno nabili ang lupang ito,” sabi ko. “Dati itong reserbasyon para sa kagubatan ng bansa.”
“A! Ikaw! Ikaw! Kayong lahat!” Isa-isa kaming pinagsusurot ng aming kausap. “Ilang ulit ninyong ipagbili ang aming lupa? Nananahimik kami, darating kayo, guguluhin kami at aangkinin ang aming lupa!”
“Tena na kayo,” yakag sa amin ni “Misis”.
Nagpauna sa paglakad si Mr. Santos, nakakapit sa kanya si “Misis”. Susunod na ako nang marinig ko ang pagkakasa ng baril ni Mr. de Aro. Bigla akong napalingon sa kanya.
“Bakit?”
“Wala, gusto ko lang takutin ang luku-lukong ‘yan.” Nagtatawa si Mr. de Aro. Nguni’t sa mukha ng ibig niyang takutin ay wala man lamang bumakas na takot.
“Sige! Sige, barilin mo ako! Hindi mo ako mapapalayas ng baril na ‘yan!” sabi nito, at sa aking isip ay pinagtawanan ko si Mr. de Aro.
Sumunod kami kina Mr. Santos at habang papalayo kami ay inihahatid kami ng tinig ng aming iniwan.
“Layas! Layas! Mga mangangamkam! Hindi ninyo ako mapapalayas sa aking lupa! Darating kayo! Guguluhin kami! Aangkinin ang aming mga lupa!”
Sa kotse, nang pabalik na kami sa Baguio, ay halos wala kaming imikan.
“Palalayasin ko ang iskuwater na iyon,” sabi ni Mr. Santos.
Sa aking sarili ay alam kong hindi iskuwater si Pulog, at lalong hindi siya nasisiraan ng bait. Siya ay isang Pilipino, sa dugo at laman at kulay, na walang nagawang kasalanan kundi ang hindi maging bahagi ng “kaunlaran” at “nakaligtaan” ng pamahalaan.
Nang makabalik na ako sa Maynila, mula sa Baguio, at gawin ko ang aking report tungkol sa siyamnapu’t anim na ektaryang lupang nasasakop ng titulo ni Mr Santos, sa isang bahagi ay ganito ang aking inilagay:
Sa ngayon, maliit lamang ang halaga ng lupang ito. Isa lamang itong magandang tanawin, isang kaluntian ng waring gumugulong na damuhan at kahuyan na napapaligiran ng mga bundok. Sa sibilisasyong ating ginagalawan, ang lupang ito ay katulad lamang ng isang maliit na loteng aangkinin nguni’t hindi pagbabahayan ng mga mayayaman. Sa panahong ito, ang lupang iyon ay mahalaga lamang sa kamay ng mga taong magpapala lamang sa hangad na mabuhay at bumuhay. Ang hinaharap lamang ang makapagsasabi kung kailan iyon aabutin ng kaunlaran.
A, pagsapit ng panahong iyon, ang bahaw na tinig ni Pulog ay mamamayani sa karimlan.