Ni AURELIO NAVARRO
(Nalathala: LIWAYWAY, HUNYO 3, 1946)
DAPITHAPON…
Sa tuktok ng isang mataas na burol ay magkaakbay kaming nakatayo ni Lumeng. Minamasdan namin noon ang malawak na lupaing nasa sa aming paanan. Ang matataas na palay na sunud sunuran sa mahinhing pagaspas ng hangin ay lumilikha ng isang tugtuging nakalulugod sa puso namin. Samantalang minamasid ko ang kariktan ng tanawing iyon, isang ngiti ng kasiyahan ang napansin kong namilaylay sa mga labi ni Lumeng.
“Eduardo,” mahinay niyang pukaw sa akin, “anong ligaya ko!” Ako’y hindi tumugon. Marahan ko siyang pinihit upang mapaharap sa akin. Naaninag ko sa kanyang mga mata ang kasiyahan. Nabasa ko sa maamo niyang mukha ang kaligayahan. Ako’y hindi nakapagpigil, at siya’y aking nayakap at nasiil ng matutunog na balik.
Mayamaya pa’y minasdan naming muli ang malalagong palay na bunga ng aking mga pagpupunyagi at paggawa. Kami ay nangarap nang gising… at sa pangangarap namin, si Lumeng ang muling unang nagising.
“Eduardo,” aniya, “nagugunita mo pa ba?”
“Oo, Lumeng,” tugon ko at napatingin sa malayo. At ang lumipas kong kahapon ay isa-isang nagbalik sa akin. Muling nanariwa sa aking alaala ang isang kabanata ng aking buhay na nagbigay sa akin ng isang mabuting aral.
Isang gabi noon, may walong taon na ang nakalilipas. Ako noo’y lalabing walong taong gulang lamang. Nang gabing iyon, yari na sa aking kalooban ang gagawin kong pagtatapat sa aking mga magulang tungkol sa matagal ko nang binabalak na paglayo sa kanilang piling at paninirahan sa magulong lunsod ng Maynila.
Pinagtibay ko sa aking sarili ang bagay na ito, sapagka’t yamot na ako sa aking kalagayan …suya na ako sa pagsasaka… kinayayamutan ko na ang lupang araw-araw na lamang ay siya kong inaasikaso. Ang nais ko ay mag-iba naman ng hanapbuhay at huwag nang bumalik kailanman sa nayong una kong kinakitaan ng liwanag.
Aandap-andap ang aking kalooban nang simulan ko ang aking pagtatapat. Kaming tatlo ng aking ama at ina ay kasalukuyan noong magkakaharap sa hapag na kakanan at pinagsasaluhan ang biyaya ng Diyos.
“Tatang,” ang simula ko, ” ayaw ko na pong manatili dito sa lalawigan.”
Si Inang at si Tatang ay kapuwa natigilan. Nagtaas sila ng paningin at ako ang kanilang tinitigan. Nabakas ko sa kanilang mukhang pinatanda ng mga guhit ng panahon ang pagkabigla.
“Ano?” ang halos magkasabay nilang wika, na tila nag-aalinlangan sa kanilang narinig.
“Ayaw ko na pong manatili dito sa lalawigan,” ang banayad kong ulit.
“Bakit, Eduardo, nasisiraan ka na ba ng bait?” ang sambit ni Tatang.
“Hindi po, nguni’t…”
“Nguni’t ano? Ano ang pumasok sa ulo mo at saan mo binabalak na pumaroon?” tanong ni Tatang na kahahalataan na ng galit.
“Sa Maynila po,” marahan kong tugon. “Sapagka’t tingnan po ninyo, Tatang. Hindi po ba ako ay pinapag-aral ninyo?”
“E, maano iyon. Masama ba kung ikaw ay nakatuklas ng karunungan?”
“Hindi nga po, nguni’t pinapag-aral po ba ninyo ako upang ang aking natutuhan ay bulukin na lamang sa aking isipan? Ang pinag-aralan ko po ba ay aking nagagamit sa pag-aararo, sa pagsusuyod at pagtatanim na pawang mga karaniwang gawain na di kailangang gamitan ng isip at talino?”
“Aba, Eduardo, magdahan-dahan ka! Huwag kang pabigla-bigla!” Ang putol ng aking ama, na tuloy nang tumindig at hindi tinapos ang kanyang pagkain.
“Nguni’t, Tatang…ang habol ko. “Nais ba ninyong sa habang panahon ay dumito na lamang ako? Ibig ba ninyong manatili na lamang akong isang magsasakang tulad ninyo na wala nang pag-unlad sa buhay?”
“Eduardo, lapastangan ka!” Ang nanginginig ang tinig na tugon ni ama, at isang mariing sampal ang ipinadapo sa aking pisngi, na ikinatapon nang inusubo kong kanin.
Hindi ako nakapagtimpi. Napoot ako sa aking ama, kaya nuon din ay tinungo ko ang aking silid, samantalang nanaog naman si Tatang sa sama ng loob sa akin. Binalot ko ang lahat ng aking damit at nang ako’y lumabas ng silid, naroroon ang Nanay ko at naghihintay, tumatangis.
“Eduardo, aking anak, saan ka paparoon?” Ang lumuluha niyang tanong sa akin. “Huwag kang umalis… huwag mo kaming iwan… alam mo namang ang tatay mo ay matanda na at hindi na kayang balikatin ang mga gawain dito sa atin.”
“Inang,” ang wika ko. “Hindi na po mababago ang aking kalooban. Dinaramdam ko pong sumuway sa inyong kahilingan.” Matagal na hindi nakaimik ang aking ina at nakita kong pigtang pigta sa luha ang kanyang mga mata.
“Ikaw ang bahala, anak ko,” ang humihikbi niyang turing sa akin. “Kung inaakala mong mapapabuti ka sa Maynila, ikaw ay hindi ko pipigilin. Nguni’t papaano si Lumeng? Hindi ba’t yari na ang salitaang kayo’y pakakasal sa hinaharap na tag-araw?”
“Opo, Inang… nguni’t aanhin ko po ba si Lumeng? Totoo nga pong si Lumeng ay maganda, mahinhin at manipag, subali’t siya po naman ay mangmang at makaluma pa. Huwag kayong mag-alaala, Inang. Kayo ay aking uuwian ng isang mamanuganging higit na lalong maganda at matalino pa kay Lumeng. Isang babaing maipagmamalaki at ikapupuri ninyo sa nayon natin.”
Si Inang ay hindi tumugon at ako’y kanyang niyakap. Humagulhul siya ng iyak at ayaw akong pawalan sa kanyang mga bisig.
“Huwag kayong mabahala, Inang. Hindi ako manaano sa Maynila. Sayang lamang ang aking pinag-aralan kung hindi ako magtagumpay sa aking mga balak,” ang aliw ko sa kanya, at ako’y humalik sa kanyang kamay at tuloy nang lumisan.
Ako nama’y pinapalad, sapagka’t tatatlong linggo pa lamang ako sa Maynila ay nakakita na ako ng mapapasukan. Naging kawani ako ng isang malaking bahay-kalakal ng mga puting dayuhan, at ang sinasahod ko ay isang daang piso isang buwan. Palibhasa noong mga panahong iyon ay magaan pa ang kabuhayan, ang kinikita kong iyon ay labis labis upang masunod ko ang layaw ng aking katawan.
lisang buwan pa lamang ako sa Maynila ay nagkaroon na ako ng napakaraming mga kaibigan, sapagka’t bukas ang aking mga palad sa lahat ng oras. Ang mga kaibigan ko ang nagturo sa aking sumayaw. Pati ang paninigarilyo at pag-inom ng alak na dati-dati kong kinasusuklaman ay akin ding natutuhan at naibigan. Walang sayawang hindi ko dinadaluhan at lagi akong kasama sa lahat ng lakaran.
Ano pa’t sa loob lamang ng isang buwan, ang aking nayong tinubuan, sanipu ng aking mga kalalawigan at magulang, ay akin nang nalimutan. Si Lumeng ay hindi man lamang sumagi sa aking alaala kahi’t minsan. At kung kaya ko lamang magunita na ako pala’y may Inang naiwan at hindi nakalilimot sa akin, ay kung aking tinatanggap ang kuwaltang palihim niyang ipinadadala sa akin.
Sa isang anyaya ng aking mga kaibigan ay nakilala ko si Elena. Sa unang pagtatama pa lamang ng aming paningin, ang puso ko’y nabihag na ng kanyang kariktan. Ang kagandahan ni Elena ay ibang-iba kay Lumeng… isang daigdig halos ang kaibahan. Si Elena ay larawan ng isang babaing makabago at matalino. Putol ang kanyang mga buhok. Ang kanyang mga pisngi at labi ay mapupula. Ang kanyang mga kuko ay mahahaba at kinulayan. Hakab na hakab ang kanyang damit, at kung humakbang ay masiglang-masigla, na tila naaangat sa lupa.
“Ito ang babae kong pinapangarap,” ang naibulong ko sa aking sarili nang makilala ko siya.
Kailanman ay hindi dapat ikahiya ang isang mabuting hanapbuhay, sapagka’t sa mundo ay walang pinakaabang hanapbuhay kundi iyong dinadaan sa masama–dakila at kapuri-puri ang alinmang gawaing naaalinsunod sa mga aral ng bathala…

Simula noon, sa tahanan ni Elena ay lagi na akong naging panauhin. Ang pagkikilala namin ay yumabong nang yumabong hanggang sa mamulaklak at magbunga ng pag-ibig. Nang ipagkaloob sa akin ni Elena ang kanyang matamis na Oo, itinuring kong pinakamapalad na ako sa ibabaw ng daigdig.
Si Elena ay mahal na mahal ko. Sa ganang akin, siya ang diwang nagbibigay kasiglahan sa akin… ang kaluluwang bumubuhay sa akin… ang dugong nananalaytay sa aking mga ugat at nagpapatibok ng puso kong umiibig. Kaya naman hindi ko nais masugatan ang kanyang damdamin nang siya’y hindi magtampo sa akin.
Ang lahat ng mahiling niyang makalulugod sa kanya; ang ano mang mapita ng kanyang pihikang puso; at kahit ano ang maibigan niya, ay parang salita ng Diyos sa akin. Pikit-mata akong tumatalima sa kanyang mga hangarin, sukdulan mang ikabaon ko sa mga utang.
Natatandaan ko pa, isang gabing kami ay may dadaluhang kasayahan. Pagdating ko sa kanila, agad niya akong sinalubong.
“Edy,” ang malambing niyang tawag sa akin. “Ayaw ko nang dumalo sa ating paparoonang kasayahan.”
“Bakit, aking giliw?” ang masuyo kong tanong sa kanya. Buong paglalambing pa niyang inayos ang aking kurbata at panyo, saka siya sumagot na pina mumungay na maigi ang mga mata.
“Papaano, irog… ay wala akong mga sariwang bulaklak na maikakabit sa tapat ng aking dibdib.”
“lyon lamang pala…” ang sukli ko naman. “Hayaan mo’t ako’y mananaog at ibibili kita. Magbihis ka na at natitiyak kong hindi ka pa natatapos ay naririto na ako at dala ang iyong napipita.” Napaalipin ako sa kariktan.
Lumipas ang isang taon. Buwan ng Nobyembre noon. Matunog na ang balita tungkol sa nalalapit na digmaan. Ilang buwan na lamang at kami ni Elena ay haharap na sa dambana.
Isang araw, samantalang ako ay nasa sa bahay-kalakal na aking pinaglilingkuran, isang liham ang iniabot sa akin ng aming tagahatid liham. Nakilala ko sa mga titik na nakasulat sa ibabaw ng sobre, na iyon ay galing sa aking nanay. Agad ko itong binuksan sa pag-asang ang nilalaman ay may kalakip na kuwaltang karaniwang niyang ipinadadala sa akin. Nabigo ako sa aking ina asam-asam. Sa halip na isang “hiro postal” ang aking matuklasan. Isang liham lamang ang laman. Ang isang bahagi ng liham ay nagsasaad ng ganito.
“… dinaramdam ko nang labis, aking anak, ang hindi na kita mapadalhan ng tulong. Alam mo, natuklasan ng iyong Tatang ang pagpapadala ko sa iyo ng kuwalta. Siya’y nagalit at kamuntik na akong pagbuhatan ng kamay. Eduardo, marahil ay ito na ang huling liham ko sa iyo, sapagka’t pati na ito’y, pinapuputol na rin ng iyong ama. “
Sa halip na ito ay ikalungkot ko at magdalang habag ako sa aking ina, ako’y nagalit pa at pinagpunit-punit ang liham.
“Maano kung hindi ninyo ako tulungan,” ang wika ko sa aking sarili. “Kaya ko namang buhayin ang aking sarili…”
Dumating ang ika-walo ng Disyembre… Sumiklab ang digmaan. Ang bahay-kalakal na aking pinaglilingkuran ay nagpinid ng mga pintuan, at ako’y nawalan ng hanapbuhay. Anong lagim ko noon! Papaano’y naalaala ko ang aking kalagayan. Wala na akong pinagkakakitaan at wala kahi’t kasing man lamang na naingatan.
Nang may ilang buwan na ang hukbo ng nanikat na Araw sa Maynila, lalong naghikahos at nag-aalat ang kabuhayan. Dahilan sa aking kagipitan, ipinagbili ko ang aking orasang pangkamay at pati aking mga damit na maiinam upang maitakip ko sa aking mga pagkakautang at ang malalabi ay aking maipagtawid-buhay. Ang salaping natira sa akin ay hindi nagtagal sanhi sa kamahalan ng lahat ng bagay, kaya muli na naman akong natulad sa maraming kulang-palad na halos sumasala sa pagkain sa araw-araw.
Datapuwa’t buo pa rin ang aking kalooban at ang pag-asa ko ay ang napakarami kong kaibigan, na noong mga nakaraang panahon ay akin din namang natulungan.
“Mabubuhay ako,” ang wika ko sa sarili. “At mamatay man ako sa gutom ay hindi ko na nais magbalik sa aking nayon. Parang tinikis ako ng Pangi noong Diyos… “
Dumating ang araw na ako’y walang-wala. Ang aking tinutuluyan ay pinipigipit na ako sa aking kabayaran. Sumagi sa aking alaala ang aking mga kaibigan. Isa isa ko silang ginaygay. Nilapitan ko sila… pinakiusapan… nagmakaawang humingi ng tulong. Nguni’t ako’y kanilang sinawi… hinalakhakan… nilayuang tulad sa isang taong may nakahahawang karamdaman.
At isang hapong kararating ko pa lamang buhat sa kagagala sa mga lansangan sa pagbabakasakaling makakita ng aking ikabubuhay, naalaala ko si Elena.
“Papaano ang pag-iisang dibdib namin ni Elena?” ang naitanong ko sa aking sarili.
Noon din ay aking tinungo ang tahanan ni Elena. Malayu-layo pa ako, ay natanawan ko na siyang nakapangalumbaba sa palababahan ng bintana. Kitang-kita ko, na ako’y natanawan na niya nang may ilang hakbang na lamang ako sa kanilang tahanan. Subali’t siya ay nagkanlong nang ako’y papasok na nang bakuran.
Dati-dati, kung ako’y dumarating, malayu-layu pa ako, ay kanya na akong kinakawayan. At pagpasok ko ng bakuran, naroroon na siya sa may pintuan at naghihintay. Subali’t noon, ako’y takang-taka, sapagka’t matagal na akong nakalikmo sa silya, ay hindi pa rin siya lumalabas ng silid.
“Ano, Eduardo, kumusta ka,” ang tuyot niyang bati sa akin nang siya ay lumabas na ng silid.
“Mabuti naman, Elena,” ang sagot ko.
“Bakit ka ba napasugod dito sa amin?” ang nakapamaywang niyang tanong na muli sa akin.
“Dahil sa iyo, Elena,” ang wika ko. “Alang-alang sa ating pag-ibig at kung tunay ngang ako’y minamahal mo, iurong natin ang ating pag-iisang dibdib. Maghintay tayo hanggang sa bumuti buti ang panahon… nalalaman kong makapaghihintay ka, hindi ba?” At ako’y tumindig at lumapit sa kanya.
Napaurong siyang bigla na tila baga ako pinandirihan.
“Eduardo,” aniya, “nababaliw ka ba? Ang ibig mo bang sabihin ay hintayin kita… ikaw…? Naku, Eduardo, pinatatawa mo ako. Hindi ang kagaya mo, Eduardo… Iyang ayos mong iyan…” At siya ay napahalakhak.
Nanliit ako sa aking mga narinig. Halos matunaw ako sa aking pagkakatayo. Noong mga sandaling iyon, higit na mamasarapin ko pa ang gumuho ang langit. Sa isang kisap-mata, tinalikuran ko siya. Nanaog ako nang walang paalam at lumakad nang walang patutunguhan.
“Oh, parusa ng langit!” ang naibulalas ko. Hindi ko sukat akalaing ang Oo pala ni Elena’y bukang-bibig lamang at ang kanyang pag-ibig ay paimbabaw at pakitang-tao lamang.
Noon ko naalaala ang lalawigan… noon ko nagunita ang aking nayon… ang aking mga magulang… at si Lumeng. Parang may isang daliring sumusurot sa akin at pinamumukha ang ginawa kong kamalian.
Nanariwang muli sa aking alaala ang masayang kabuhayan sa Lalawigan… doon sa aming nayon na ang tanging kabuhayan ng tao ay ang magbungkal ng lupa… nang lupang sagana at mayaman… nang lupang nagbibigay buhay, pag-asa at kaligayahan.
Nagbalik ako sa lalawigan. Anong tuwa ng aking mga kanayon. Ibang-iba sa mga kaibigan kong taga Maynila, na kilala ka lamang habang ikaw ay mayroon. Lumuluhang sumalubong sa akin si Inang… Mga luhang dulot ng kaligayahang nag-uumapaw sa kanyang puso.
“Patawarin po ninyo ako, Inay.”
Ang nasabi ko at ako’y napaluhod sa kanyang paanan. Itinayo niya ako at pinagmasdang mabuti ang aking mukha. Hinaplus-haplos ito ng mga kamay niyang punung-puno ng pagmamahal. Mayamaya pa’y niyakap niya ako at humagulhol na parang bata. Ang puso ko’y naagnas sa laki ng habag sa ina kong nagmamahal. Napaiyak na rin ako at ang kanyang mga pisnging basa ng luha ay aking hinalikan.
Nang papanhik na kami sa hagdan, natanaw ko ang hukot na katawan ni Tatang na nagdidilig ng mga halaman sa kalayuan. Patakbo ko siyang nilapitan at pabagsak na lumuhod sa kanyang paanan.
“Tatang,” ang wika ko, “patawarin mo ako.”
Nakita niya na ang mga mata ko ay may luha. Natalos niya na iyon ay luha ng pagsisisi at pagtitika. Hindi siya nakatiis at palibhasa’y magulang siyang hindi makapagwawalang bahala, gaano man kalaking pagkapoot niya sa akin ay biglang nawala.
“Tumindig ka, Eduardo,” turing niya sa akin. “Nagpapasalamat ako sa Diyos at ikaw ay nagbalik.”
“Opo, Tatang,” ang tugon ko, “ako po’y nagbalik upang huwag nang umalis kailan man. Nagbalik po ako upang maging magsasaka na lamang.”
Ilang buwan ang lumipas at isang pag-iisang dibdib ang nasaksihan sa aming nayon. Ako at si Lumeng… si Lumeng na aking hinamak… si Lumeng na aking inaba… si Lumeng na makaluma at salat sa karunungan ang pinag-isa sa harap ng dambana. Pinagtali ang aming mga puso upang huwag nang magkahiwalay magpakailanman.