HULING SULTADA NI SAN PEDRO

“Ang pangarap ni Kumpadre’y mailaban itong kanyang si Bulik sa pintakasing gaganapin bukas sa kabayanan,” malungkot na pagbabalita ni Kabesang Asyong.

Ni DOMINGO G. LANDICHO

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 24, 1969

NANG ipikit ni Ba Edro ang kanyang mga mata, maituturing na ang bangka ng kabuhayan niya’y sumadsad na sa kawalang-pag-asa, na sa Taring-Manok ay naging bukambibig sa sandali ng isang paghuhukom sa isang nilikha. Sa tuwid na sabi, usap-usapan ng taganayon ang kaawa-awang kinahinatnan ni Ba Edro sa oras ng kamatayan nito, na mula sa kasaganaan ay namatay na walang-wala.

Kung talaga namang ang matanda ay dukha sapul-mula, kaipala’y wala nang dapat pang ipaghanap ang mga taga-Taring-Manok. Nguni’t si Ba Edro ay nagmula sa nakaluluwag na angkan, at sa sandali ng paghuhukom sa kanya ng langit ay nasimot na lahat ng mga naunang biyaya sa kanya sa buhay. At sa mga tabing-sakahan, sa tindahan ng nayon, sa munting barberya ni Ka Tonyo, ang magandang buhay na iyon at ang kaawaawang naging lundo ng kapalaran ni Ba Edro ay parang dasal na dinadalit, at gayong nakaburol ang matanda ay hindi iilang labi ang hayagan o lihim na sumisi sa pumanaw.

Sapagka’t ang kasaliwaang-palad ni Ba Edro ay masasabing mula sa lubhang pagkakalulong ng matanda, noong kapanahunan nito, sa pagsasabong. Sa Taring-Manok, na simbahan ang sabungan at nakatirik sa panulukan ng hanggahan ng kabilang baryo, ay si Ba Edro ang siyang ipinagmamalaking pangunahing magsasabong ng nayon.

Bata pa raw si Ba Edro nang magtali ng sasabungin, ayon sa ilang matatandang taganayon. Kamuraan pa siya nang maakit sa tilaok ng tandang na sa kapanahunan ng matanda’y laging sinasabi niyong parang may isang uri ng awitin.

At yaon ang naging simula, na ang naging bunga’y ang pagkakaroon ni Ba Edro ng napakarami at mamahaling sasabunging may kanya-kanyang bahay sa kanyang ipinasadyang malaking kulungan. Ang tandang na panabong ay iba’t iba ang lahi. May lahing teksas doon, may lahing mestizo, may manok-Bisaya, may tandang-Batangan, may semilyang galing pa sa Kailokohan at Kabikulan.

Beterano ang matanda sa paghimas ng manok. Walang oras na hindi manok ang hinihimas nito. Ang sasabungin at si Ba Edro’y naging magkakambal na tanawin sa Taring-Manok, umaga at hapon. Sa mga usapan sa mga tabing-daan ay ginagabi si Ba Edro, kandong ang sasabungin, inaalisan ng masasamang balahibo o binubugahan ng usok upang tumibay raw ang mata ng tandang.

Sa Taring-Manok, malimit na maging tampulan ng usap-usapan si Ba Edro at ang kanyang mga sasabungin. Sa loob ng mahabang panahon, si Ba Edro ay namalaging nag-iisa, lalo na nang mag-asawa na ang isa niyang malayong pamangkin, na binatilyo pa’y siyang kasama-sama sa matandang bahay. Nagkasalit na ng ilang puti ang buhok ng matanda’y nanatili iyong nag-iisa sa buhay, at maituturing na ang tanging kasama niya sa gayong kaytagal na panahon ay ang kanyang mga sasabungin. Hanggang sa nang lumaon, si Ba Edro ay pinangalanan ng mga kabataan ng San Pedro ng Taring-Manok. Ang bansag na iyon naman ay malugod na tinanggap ng matanda. Sa kanya na rin galing. Paulit-ulit niyang ipinamamaraling nakaungos siya kaysa tagapagbantay sa langit. Mangyari, si San Pedro, ayon kay Ba Edro, ay may iisa lamang daw na inaalagaang sasabungin: ang kanyang kulungan nga naman ay laging puno ngmga tinaling may iba’t ibang lahi.

“Talaga bang iyang mga tinali’y hindi na ninyo maiiwan, ha, Ba Edro?” malimit itanong sa matanda sa mga dapithapon ng pagpapanggas ng mga sasabungin.

“Alam ninyo, pag di ako nakapaghimas ng manok, parang magkakadiperensiya ako,” sabi ng matanda, na ang tinig ay may himig ng pagmamalaki.

“Iyan marahil ang dahilan kung bakit sinilim na kayo e hindi na ninyo naisip mag-asawa. Tipo namang keraming babaing nahumaling sa inyo noong inyong kapanahunan.”

“A, ewan ko nga ba. Nguni’t ako’y nasisiyahan na sa aking buhay na ito.”

Noong kasibulan pa ng matanda, ayon sa mga kapanahon nito, malimit ipinata ni Ba Edro na iiwan din niya ang bisyong malabis na kinahumalingan. Umibig siya kay Yoya, na isang pag-ibig na sa kanyang pagkahumaling ay naipangako niyang paliligayahin ang dalaga kung saka-sakaling siya’y tatanggapin niyon.

“Kailangang mamili ka, Edro, sa dalawa: sa iyong tinali o sa anak ni Kabesang Omeng. Hindi mo kakamtan kapwa ang dalawang ito,” pagunita ng kanyang mga kapalagayang-loob.

“Aba’y kaya ko namang buhayin si Yoya, a,” sasabihin niya na parang hindi nasakyan ang sinasabi ng mga kaibigan.

“Walang duda tungkol doon,” igigiit ng mga kasama niya, “nguni’t habang lagi mong karga iyang mga manok mong pansabong e malayo kang maibig ni Yoya.”

“Pag sinagot ako ni Yoya e pasasaan ba’t di iiwan ko rin itong pagsasabong ko.”

Si Yoya na anak ni Kabesang Omeng ang pinakamaganda sa buong Taring-Manok. Ang dalaga, ayon na rin sa may dilang-makatang si Ba Edro, ang siyang maaaring makapaglayo sa kanya sa sasabungin. Nguni’t maraming karibal si Ba Edro na karamihan ay tagabayan, na sa pananahi ng dalaga sa isang patahian doo’y narahuyo rin kaipala sa silanganing ganda ni Yoya. At mangyari pa, hindi lamang si Ba Edro ang nanuyo sa dalaga: kasama pa ni Ba Edro ang pamimintuho at paglilingkod ng mga magulang nito. Papaano nga nama’y si Yoya lamang ang nakikita nilang maaaring makapaglitas sa binata sa tuluyang pagkagumon sa bisyo.

“Pababayaan lang niyang si Edro ang pamilya. Puro manok ang tangan,” sabi ni Yoya sa mga kadalaga na nakakarating naman sa kaalaman ni Ba Edro. “Mabuti pang putulin na niya ang kanyang damdamin sa akin. Kita na sa labong ang magiging bumbong,” patalinhagang patapos pa ng dalaga, na naunawaan naman ni Ba Edro noon pa ang kahulugan.

“Ang pangarap ni Kumpadre’y mailaban itong kanyang si Bulik sa pintakasing gaganapin bukas sa kabayanan,” malungkot na pagbabalita ni Kabesang Asyong.

“Kailangang idispatsa mo na ang iyong mga tinali, Edro,” paalala ng mga kaibigan. “Malay mo, baka magbago pa ng isip si Yoya.”

Isa-isa namang ipinagbili ni Ba Edro ang mga sasabungin, upang patunayan lamang ang kanyang katapatan sa nililiyag. Nguni’t isang umaga’y nagisnan na lamang ng mga taga-Taring-Manok na wala na si Yoya. Naitanan ito ng mahigpit na Karibal na tagabayan. Ilang araw ring parang tulala si Ba Edro, at makalipas ang ilang linggo, ang kulungan ng manok ni Ba Edro ay muli niyang pinuno ng mga sasabungin.

“Kailangang patunayan mo ke Yoyang siya’y nagkamli, Edro,” sabi ng kanyang mga kaibigan.

“Ito ang buhay ko,” mapait na sagot ni Ba Edro. “Ang mga tinali ko na lamang ang tanging nalalabing libangan ko.”

At dahil sa napalunging pag-ibig, pinanawan na ng mga magulang si Ba Edro.

“Iwan mo na ang iyong mga sasabungin, Edro,” pakiusap ng matanda niyang ama bago pinanawan ng hininga. “Wala kang mararating diyan, anak. Ito na ang aking pinakahuling pakiusap sa iyo. At ito rin ang bilin ng iyong namayapang ina.”

Ipinagluksa at dinamdam ni Ba Edro ang pagkamatay ng ama. Nguni’t hindi niya sinunod ang huling pakiusap niyon bago namatay.

Tatlumpung araw na ipinagluksa ni Ba Edro ang ama, at pagkatapos ay isinagupa niya ang isang tinali sa isang malaking pintakasi sa kabayanan. At mula noo’y nagpatuloy siya hanggang sa wala pang isang taon mula nang pumanaw ang kanyang ama ay naging bukambibig ang pangalan niya sa daigdig na ginagalawan ng mga sabungero.

“Akalain mong siya lamang ang nakadehado sa tinali ni Nanong Sultada. Aba’t wala pang nakakadehado ke Nano, baka akala ninyo. Si Edro lang,” pagbabalita ng isang sabungero sa isang umpukan.

“Ba, e ikaw na ang me malaking mana. Baka hindi mo alam ang laki ng kabuhayang naiwan ke Edro ng mga magulang niya,” sambot naman ng isa.

Talagang kung sa pamumusta sa sultada ay kagulat-gulat na si Ba Edro. Siya’y walang takot, walang inaalaala. Hanggang si Nanong Sultada nga ng karatig nayon nila’y mapasuko niya sa isang sikat na pintakasi sa kabayanan.

Nguni’t habang kumukupas ang kabataan ni Ba Edro ay unti-unti namang nauubos ang kabuhayang naiwan ng mga magulang niya. Habang nagluningning ang kabantugan at pangalan niya ay para namang may sinding kandilang nauupos ang manang kayamanan.

“Ang mga sasabungin ang aking mga anak. Dapat ko silang pagkagastahan. Gagastuhan ko rin naman ang aking mga anak kung me anak ako,” pagbibigay-matwid ni Ba Edro sa ginagawa.

Nguni’t kung nananalo man si Ba Edro ay lalo namang malakas ang pagkatalo niya sa pagsasabong. Sa bisyo, tanyag lamang ang panalo, at ang pagkatalo’y tago at parang ikinahihiya. At sa kanya’y malimit dumalaw ang malas kaysa suwerte nitong mga huling araw.

Sa mga minanang naiwan ng mga magulang, tanging ang malaking bahay na tinitirhan ng matanda ang siyang nalabi. Isa ito sa pinakamalaki at pinakamatandang bahay sa Taring-Manok na nakatawid sa poot ng nakaraang digmaan. Ang bubong niyong tisa at ang nilulumot nang pader ng bahay ay nagpapakilala sa kahapon niyon, na parang isang alaala at simbolo ng isang angkan.

Nang lumaon, ipinasiya ni Ba Edro na ipagbili ang bahay sa kanyang malayong pamangking noo’y namumuhay na ng kanila mula nang mag-asawa.

“Hindi na naman ninyo dapat ipagbili ang bahay na ito, Tiyong,” sabi ng pamangkin “Kung pera ang kailangan ninyo e hindi naman kayo maaaring mawalan kung meron din lamang ako.”

”Ito ang katapusang alaala ng iyong mga magulang, Edro,” paalala ng ilang mga kapanahon. “Hindi mo dapat sirain.”

“Bahala na ang Diyos sa akin. Mauunawaan marahil ako ng aking mga magulang. Sa sabong ako nalugmok, at sa sabong din ako babangon.”

At nasunod din ang pasiya ni Ba Edro. Walang nakapigil sa kanyang pasiyang pagbibili sa matandang bahay.

“Paglipat namin dito’y dito rin kayo pipirme, Tiyong,” sabi ng pamangking bumili. “Dito rin kayo titira.”

Nguni’t isang linggo pa lamang ang nakararaan pagkatanggap ni Ba Edro ng kabayaran ay dinapuan ang matanda ng sakit. Iginupo ang katawan niya ng karamdaman. Sa kasusundo sa manggagamot at sa pagtatakip sa mga dating utang, ang salaping ipinagbilhan sa bahay ay madaling nasimot. Nang lumaon, pati ang mga tinaling pinakamamahal ng matanda’y naibenta na rin, maliban sa isang bulik na tinali na kung tawagin ng matanda at ng mga taganayon ay Bulik ni San Pedro.

Hanggang sa mga huling sandali ni Ba Edro ay ang tinali niya ang malimit maibuka sa bibig. Sa kanyang kumpareng buong si Kabesang Asyong malimit niyang maihinga ang kanyang niloloob.

“Kung hindi ako nagkaganito, Kumpadre,” may panghihinayang ang tinig ni Ba Edro, “sana’y naisabong ko ang aking Bulik. Sana’y hindi ako mamamatay na isang bigo. Alam mo naman ang tiwala ko kay Bulik.”
At nang ipikit nga ni Ba Edro nang tuluyan ang mga mata sinasabing marami ang nakarinig sa pagtilaok ng tinali niyang si Bulik. Maraming haka-haka tuloy ang nabuo dahil doon.

Ang mga dating kapanali sa ruweda ni Ba Edro ay nagdamdam sa pagpanaw ng dating idolo ng mga pintakasi. May mga salapi silang abuloy sa namatay na sabungero. Ang itinanim na binhi ni Ba Edro ay namunga. Ang malaking bahay na kinaburulan niya ay laging puno ng mga nagsisipagluksa.

Sa mga naroroon ay namumukod si Kabesang Asyong na walang kibo at parang may iniisip. Saan man siya magtungo ay hindi iniiwan ang tinali ni Ba Edro na kinalag niya sa kulungan, pagkalagot ng hininga ng kumpareng buo.

“Ang pangarap ni Kumpadre’y mailaban itong kanyang si Bulik sa pintakasing gaganapin bukas sa kabayanan,” malungkot na pagbabalita ni Kabesang Asyong.

UMAGANG-UMAGA kinabukasan, nang ililibing na si Ba Edro, ay biglang nawala sa bahay na kinabuburulan ng namatay ang kanyang kumpare. Hanggang tanghali nawala si Kabesang Asyong, at ang ipinagtataka ng marami ay kung bakit iyon umalis ay gayong ito ang siyang mangangasiwa sa pagpapalibing sa kumpare.

“Dinala ni Kabesa ang pinakamamahal na tinali ni Ba Edro.”

“Baka kaya ipinagbili ng taong iyon ang tinali ng namatay,” hinala ng ilan.

Kiling na ang araw sa kanluran, at ilang taga-Taring-Manok ang siya nang nangasiwa sa gagawing paghahatid sa bangkay sa huli nitong hantungan. Isang mumurahing kabaong ang kinalalagakan ng bangkay, na dadalhin ng mga taganayon patungo sa libingan sa kabayanan.

Subali’t nang bubuhatin na lamang ang kabaong ay biglang naulinigan ng mga taganayon ang ugong ng isang dumarating na sasakyan.

“Aba’y serbisyo ng punerarya!” sambitla ng lahat.

Hindi mapaniwalaan ng mga taga-Taring-Manok ang nakikita. Talos ng lahat na mahal ang serbisyo ng punerarya sa kabayanan.

Hinintay ng marami ang pagdating ng eengkang-engkang na sasakyan na hindi makatulin ng takbo sa baku-bakong lansangan ng Taring-Manok. Marami sa mga kalalakihan ang nangagsipag-unahan sa pagsalubong sa dumarating ng sasakyan

Pagdating sa may tarangkahan ng bahay, si Kabesang Asyong ang unang-unang umibis. Hindi nakaila sa mga dinatnan ang bitbit ni Kabesang Asyong: ang patay na si Bulik ni San Pedro.

Nangagsilapit ang mga taga-nayon sa dumating na kumpare ng namatay.

“Saan po ba kayo nagpunta, Kabesa?”

“Tinupad ko lamang ang huling kahilingan sa akin ni Kumpadre. Isinabong ko si Bulik.”

“E, wala po namang puhunan ang namatay?”
“Sa pintakasihan e nalaman na namatay na pala si Kumpadre. At ang kanyang mga kaibigan e nag-ambagan at ipinustang lahat ke Bulik ni Kumpadre. Iyon ang pangarap ng namatay. At talaga naman, bagama’t namatay rin, si Bulik ay nagpakita ng pambihirang katapangan. Naunahan ito ng kalaban, nguni’t nang matuka ang leeg ng kalaban ay hindi na bumitiw. Patay na ang kalaba’y tinatari pa ni Bulik. Talagang pambihirang paglilingkod sa kanyang panginoon ang ginawa ng tinaling ito. Kaya pati ang paglagakan ng bangkay e aking ipapaayos na. Ang lahat ng ito’y utang ke Bulik at sa mga kaibigan ni Kumpadre. Marahil nama’y maligaya nang makararating sa langit ang kaluluwa ni Kumpadreng Edro.”

At nang ipasok na sa paglalagakan ang bangkay ni Ba Edro ay pinilit ni Kabesang Asyong na isama sa bangkay ang malamig na katawan ni Bulik ni San Pedro, ang namayapang mananabong ng Taring-Manok.