“Elian!” sigaw ko.

Ni Romeo C. Sabaot

HINDI ko akalaing babalik pa ako rito—sa estasyong matagal naming pinangarap, pinagsumikapan, at pinag-alayan ng luha’t buhay. Dati, tatlo kami. Ngayon, ako na lang.

Ako si Andrei. Dalawampu’t siyam na taong gulang. Bumbero. Bayani raw, sabi nila. Pero paano ka magiging bayani kung hanggang ngayon, pasan mo pa rin ang bigat ng nakaraan?

Kami nina Mico at Joren ang magkakabarkadang parang magkakapatid kaya brod ang tawagan namin sa isa’t isa. Sa iskinita kami lumaki, sa parehong pampublikong paaralan kami pumasok, at pare-pareho kaming naulila sa ama sa murang edad. Baka nga kaya kami humahanga sa mga bumbero—mga lalaking hindi takot mamatay, basta may mailigtas lang.

“Balang araw, tayo naman ang magsusuot ng unipormeng ’yan,” ani Joren noon habang pinagmamasdan naming tatlo ang mga bumberong pawisan pero taas-noo habang papasok sa estasyon.

Hindi iyon basta pangarap lang. Sa edad na labinlima, nagsimula na kaming mag-ipon—hindi pera, kundi lakas ng loob at tiwala sa sarili. Tuwing Sabado ng umaga, tumatakbo kami sa palengke ng dalawang kilometro, sabay hihinto para mag-push up at sit-up. Hindi kami mga atleta, pero sabi nga ni Mico, “Kung gusto mong maging bumbero, dapat kaya mong buhatin ang sarili mong pangarap.”

Minsan, sinasabayan pa namin ang bumbero sa mga fun run o community service. Nakikipag-volunteer kami sa barangay para lang makilala at makapasok sa mga training seminar. Nag-aaral kami ng basic first aid sa YouTube gamit lang ang lumang cellphone ni Joren, at ginagaya namin ang mga scenario. Sa kalye kami nag-eensayo—isang araw, sunog-sunogan; kinabukasan, rescue-rescuehan.

Hindi madali. Pero laging may baon kaming panata: “Walang iwanan, mga brod.”

Minsang muntik nang hindi makapag-review si Mico para sa qualifying exam dahil kailangan niyang tumulong magbenta ng gulay, nagkaisa kami ni Joren. Kami ang nagbantay ng puwesto para makapag-aral siya kahit isang gabi. At nang ma-reject si Joren sa unang physical test dahil sa kulang ang timbang, pinilit namin siyang kumain ng itlog at saging araw-araw. Kinantyawan pa nga namin siya: “Brod, maging bumbero tayo, hindi model!” sabay tawanan.

Araw-araw ay naging laban para makalapit sa pangarap. Pagsasanay, dasal, at sakripisyo. Hindi kami magaling, hindi kami matalino, pero andoon kami sa bawat hakbang ng isa’t isa.

At nang dumating ang araw ng pagtanggap sa Bureau of Fire and Protection, sabay kaming tumanggap ng liham—tatlong pangalan, iisang pangarap, at sabayang sigaw: “Simula na ’to, mga brod.”

“Oo mga, buddy!” sigaw ni Mico.

At tinotoo nga namin. Dumaan kami sa sunod-sunod na pagsasanay, ilang ulit na halos sumuko si Mico sa hirap ng pisikal na training, ilang beses ding binalak naming sumuko dahil sa kakapusan ng tulog at pagka-burnout. Pero hindi kami bumitiw. At sabay-sabay naming sinabi: “Walang maiiwan, mga brod, mga buddy!”

Ngunit hindi lahat ng pangakong binibitawan ay kayang panindigan sa dulo.

Unang taon namin bilang ganap na bumbero, punô ng galak, punô ng pangarap. Akala namin, mas madali na ang lahat. Pero hindi lang pala sunog sa bahay ang haharapin namin—kundi sunog sa loob. Inggit. Selos. Pagod. Kakulangan. Mga bagay na unti-unting sumusunog sa samahan, kahit walang apoy.

“Bro, parang big deal ka na, a,” biro ni Joren minsang pinuri ako ng hepe.

“Baka may koneks’yon, buddy,” dagdag ni Mico, kunwari’y patawa pero ramdam kong may laman.

Sa bawat papuri sa akin, isang tingin ang naiba sa kanila. Tahimik pero mabigat. Parang unti-unting nawawala.

Sa bawat papuri na natatanggap ko mula sa aming hepe, ramdam ko ang paglayo nina Mico at Joren. Ang mga biro nila’y may halong pait, at ang mga tingin—tila may tanong: “Bakit siya? Bakit hindi kami?” Unti-unti, ang samahan naming tatlo ay nagkaroon ng lamat na hindi ko agad napansin.

Isang gabi, habang naglilinis ako ng kagamitan sa estasyon, narinig ko ang pag-uusap nina Mico at Joren sa likod ng trak.

“Bro, si Andrei na naman ang bida,” ani Mico.

“Oo nga buddy, parang nakakalimutan na niya kung sino ang kasama niyang naghirap noon,” dagdag ni Joren.

Masakit marinig, pero mas masakit ang maramdaman na unti-unti na akong nawawala sa kanilang mundo.

Isang araw, tumunog ang alarma—may sunog sa isang lumang gusali sa Maynila. Kami ang unang rumesponde. Habang nilalabanan ang apoy, biglang may narinig kaming sigaw mula sa ikalawang palapag. Walang pag-aalinlangan, tumakbo si Joren papasok. Sinundan ko siya, ngunit biglang bumagsak ang isang bahagi ng kisame, at nawala siya sa aking paningin.

Sa gitna ng usok at apoy, narinig ko ang tinig ni Mico, “Andrei, Bro, tulungan mo ako!” Nasa labas siya, hawak ang isang bata na nailigtas.

“Si Joren, nasa loob pa!” sigaw ko. Ngunit pinigilan ako ng mga iba pang kasama. 

“Brod, delikado na, kailangan nating umatras.”

At si Mico, gustong sumugod pero pinigilan ko rin. “Brod, delikado na!” At hinila ko na rin siyang palabas.

May biglang sumabog sa loob, nilamon na ang buong gusali kasama si Joren. At parang nakikita  ko ang mukha ni Joren, kinakain ng apoy.

Pagkalipas ng ilang araw, natagpuan ang katawan ni Joren. Ang estasyon ay nabalot ng lungkot at katahimikan. Sa kanyang burol, hindi ko magawang tumingin sa kanyang ina. Ramdam ko ang bigat ng konsensiya—ako ang dapat na kasama niya, ako ang dapat na tumulong.

Pagkalipas ng burol ni Joren, lalong naging tahimik ang estasyon. Isang araw, iniwan ni Mico ang sulat sa locker niya. Maikli lang.

“Andrei, hindi ko alam kung kailan pa ako muling makakabalik. Hindi ko rin alam kung kaya ko pa. Hindi kita sinisisi, pero hindi ko rin kayang makasama ka ngayon. Paalam.”

Wala siyang kasamang paliwanag. Walang yakap, walang sulyap, walang huling tapik sa balikat gaya ng nakasanayan namin. Bigla siyang nawala—parang apoy na naapula. Sa isang iglap, ako na lang talaga ang natira.

Si Mico, hindi na muling bumalik sa estasyon. Balita ko’y lumipat siya ng destinasyon, malayo sa Maynila. Ako, nanatili—hindi dahil sa tapang, kundi dahil sa pangakong binitiwan namin noon: “Walang iwanan.”

Ngayon, narito ako muli sa estasyong ito. Mag-isa. Ang mga alaala nina Mico at Joren ay buhay na buhay sa bawat sulok. Sa bawat tunog ng alarma, sa bawat hakbang papunta sa sunog, dala ko ang kanilang alaala.

Araw-araw, may tanong na bumabagabag sa akin: Paano kung ako na lang ang tumakbo sa loob? Paano kung ako ang naipit, hindi si Joren? Paano kung pinilit kong sundan siya kahit bawal? Paano kung hindi ako pinuri? Paano kung hindi ako nagbago?

At ang pinakamasakit: Paano kung hindi ako ang dahilan ng pagkawasak namin?

“Elian!” sigaw ko.

Isang umaga, habang ako’y nasa duty, tumawag si Chief. “Andrei, may papasok na bagong batch ng trainees. Ikaw ang tatayong lead mentor.”

Nag-alinlangan ako. Ako? Guro ng mga bagong bumbero?

Kasama sa batch ang isang lalaking pamilyar—si Elian, kapatid ni Joren. Nakatitig siya sa akin habang ako’y nagsasalita sa orientation.

Pagkatapos ng training session, nilapitan niya ako. “Alam ko na lahat. Sabi ng nanay, ikaw ang huling nakasama ni Kuya. Pero hindi kita sinisisi. Alam kong ginawa mo ang lahat.”

Napatigil ako. “Elian, kung alam mo lang…”

“Hindi na mahalaga kung ano ang nangyari noon. Ang mahalaga, andito ka pa. Gusto kong maging bumbero dahil sa inyo ni Kuya.”

Sa unang pagkakataon matapos ang pagkamatay ni Joren, nakaramdam ako ng kaunting ginhawa.

Isang araw, habang naglilinis ako ng kagamitan, may lumapit na batang lalaki. “Kuya Andrei, gusto ko pong maging bumbero, tulad ninyo.”

Napangiti ako. “Bakit mo gusto maging bumbero?”

“Kasi po, gusto kong tumulong sa iba. Gusto kong maging bayani.”

Tumingin ako sa kanya, at sa kanyang mga mata, nakita ko ang dating kami—ako, si Mico, at si Joren. Mga batang puno ng pangarap.

Sa paglipas ng panahon, natutuhan kong tanggapin ang mga sugat ng nakaraan. Hindi madali, pero unti-unti, natutuhan kong patawarin ang sarili.

Ang estasyon ay muling nabuhay—hindi dahil sa amin, kundi dahil sa mga bagong bumberong sumusunod sa aming yapak. At sa bawat sunog na aming nilalabanan, dala namin ang alaala ng aming pagkakaibigan, sakripisyo, at pagmamahal sa tungkulin.

Isang hapon, habang ako’y nagbabantay, may dumating na bisita—si Mico. May dala siyang mga damit pambumbero.

“Para sa donasyon,” aniya, pero alam kong higit pa roon.

Tahimik kaming nagkape sa gilid ng estasyon. “Naalala mo pa ba?” tanong ko.

“Paano ko makakalimutan? Akala ko noon, ikaw na ang kalaban ko.” Napailing siya. “Pero ngayon, naiintindihan ko na—wala kang kasalanan. Pare-pareho tayong sugatan.”

“Bakit ka talaga bumalik?”

“Gusto ko sanang bumalik sa serbisyo… pero higit pa roon, gusto kong itama ang mga nasira.”

Nagkatitigan kami. Walang salitang kailangang sambitin, pero alam naming pareho: Panahon na para muling itayo ang nawasak naming samahan.

Muling bumalik si Mico bilang volunteer instructor sa estasyon. Ako naman, tinutukan ko ang mentorship ng bagong batch. Si Elian, mabilis matuto, pero madalas ay emosyonal. Isang araw, habang nagsasanay ng fire rescue, bigla siyang napatigil.

“Kuya Andrei,” nanginginig ang tinig niya. “Naalala ko ’yung k’wento ni Kuya. Dito siya namatay, ’di ba?”

Lumapit ako. “Oo, pero hindi siya namatay sa kahinaan. Namatay siya bilang bayani. Nandito ka para ipagpatuloy ang sinimulan niya.”

Napatango si Elian. “Gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat.”

Isang gabi ng Abril, umalingawngaw ang alarma. Sunog—hindi drill, hindi simulation, kundi totoong sunog. Isang residential area sa gilid ng talahiban ang nilalamon ng apoy. Nagkakagulo na ang mga tao. May naiulat na isang bata ang naiwan pa sa loob kaya binalikan ko.

Pagdating ko sa loob, tila sumabog ang buong paligid sa init at takot. Ang batang lalaki ay namukhaan ko, siya ang batang gusto maging bumbero. Agad kong binalutan ng kumot at sinugod namin ang init ng naglalagablab na paligid.

Nanginginig ang hangin sa sigaw at tunog ng sirena. Habang tumutulong ang iba sa pag-apula ang apoy, may isang babae ang sumigaw, “’Yung bata! ‘Yung trainee! Hindi pa lumalabas!”

Parang binugbog ang dibdib ko. “Si Elian, biglang sumunod sa iyo sa loob!” sigaw ng isang ka-buddy namin.

Tumakbo ako sa opisyal. “Sir, ako na. Kabisado ko ‘yung layout ng bahay na ‘yan. Wala nang oras.”

“Okay, Andrei. Pero mabilis. Bumibigay na ang kisame.”

Sumugod ako sa apoy. Mainit. Nakakabulag ang usok. Sa bawat hakbang, bumubulusok ang apoy sa kisame, bumabagsak ang mga piraso ng kahoy. May lamat sa pader, parang masisira anumang oras.

“Elian!” sigaw ko.

Walang sagot. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Pakiramdam ko, bumabalik ako sa isang gabi tatlong taon na ang nakalilipas—ang gabi ng sunog na kumitil kay Joren. Ang gabi kung kailan ako huling humawak ng firehose bilang lead rescuer. Tinig ni Joren ang naririnig ko habang tinatakasan ang usok noon. “Tulungan n’yu ako, Andrei!” sigaw ni Joren.

Gustuhin ko man iligtas, hindi ko nagawa.

“Elian!” sigaw kong muli, mas malakas.

May sumagot. Isang mahina, paos, “Kuya Andrei…”

Tinunton ko ang tinig, pinilit ang katawan sa gitna ng apoy. Pinagsalitan ko ang paghinga sa mask at panalangin. Sa may kusina, nakita ko siya—nakalugmok, duguan, may nakadagang kahoy sa paa.

“Kuya…” nanginginig ang tinig niya. “Ayoko pa pong mamatay…”

Hindi ko na naramdaman ang sakit. Buong lakas kong inangat ang kahoy, hinatak siya, isinukob sa katawan ko.

Paglingon ko, may lumagabog. Ang tangke ng gas—bumagsak, sabog ang apoy. Umiikot ang buong paligid. Tinakpan ko si Elian, ginulong kami palayo, nagdasal habang umaapoy ang paligid. Sa ilalim ng gumuhong beam, dinig ko ang sariling paghinga—mabigat, marahas, puno ng paninindigan.

Hindi ako papayag. Hindi ka mamamatay. Hindi ko na hahayaang maulit ang nangyari sa kanila.

Isang hakbang. Isa pa. Lumusot kami sa butas ng apoy—at sa wakas, malamig na hangin. Liwanag ng sirena. Yakap ng mga braso.

Si Elian, umiiyak. “Akala ko po… tapos na…”

“Hindi kita iiwan,” bulong ko. “Wala na akong iiwan muli.”

Mula sa gilid, lumapit si Mico. Tahimik, at biglang yumakap nang mahigpit.

“Brod!!” muli kong narinig ang mga salitang matagal ko nang hindi naririnig mula sa kaniya.

At sa puso ko, parang narinig ko rin ang tinig ni Joren. “Salamat, Andrei. Salamat, Brodies.”