ANG PAHALANG AT PABABA SA KRUSIGRAMANG BUHAY NI BENNY ALCANTARA

“Ano ang word of the day, Mang Benny?”

Ni NOJI BAJET

“ANO ang word of the day, Mang Benny?”

Gaya ng dati, may pananabik sa boses ni Lyn. Ang diyanitres nilang ito na palaging naglilinis sa palapag ng kanilang tabloyd ang numero unong tagahanga ng kaniyang mga likhang krusigrama. Halos daig na nga niya ang tagapag-ulat ng lagay ng panahon. Nakasanayan na niya kasing ibahagi kay Lyn ang ilan sa mga salita na pinakamahirap hulihin sa bawat krusigramang nalilikha niya. Iyong iba, na kay Lyn na iyon kung tama ang hula nito.

Kung matatapos ang diyanitres sa paglilinis sa ikalawang palapag kung saan nakapuwesto ang patnugutan ng diyaryong Ingles ng kanilang pabliser, babalikan siya nito at ipapakita ang sinagutan nitong kopya ng diyaryo. Pipilitin siya nitong ibunyag kung ano ang itinanim niyang mga salita na hindi nito masagot-sagot.

Bago pa man siya makasagot kay Lyn, tinawag ito ng kanilang kahera dahil may tagas daw ang water dispenser sa pantry. Karakang umalis ang diyanitres. Totoong hindi nagmamaliw ang pananabik ni Lyn sa kaniyang mga salita sa krusigrama ngunit sa pagtawag dito ng kahera, hindi maikakaila ang naging pamamanglaw sa mga mata nito. Alam niyang mahalaga ang pagkakataong makasalamuha siya sa araw na iyon. Gayunpaman, gusto niyang muling ipaalala sa sarili na ang retirement party—na siyang pinakaaabang niya upang opisyal nang maidaos ang dapat maidaos—ay tapos na.

Nakapagpaalam na ang lahat ng kaniyang mga katrabaho sa patnugutan. Nasa Christmas party na nga ang mga ito. Hindi na siya sumama dahil husto na ang retirement party na pinagkagastusan din naman ng mga ito at ng pabliser. Dahilan niya, parang mauulit lang ang retirement party. Nagpaalam na talaga sa kaniya ang lahat, pati nga si Lyn na pilit niyang pinapunta roon kahit para sa patnugutan lang nila ang okasyon. Ang natitira na lamang talaga ay isang linggo, at dumating na ang huling araw niya sa diyaryo.

Nang pumalo ang edad ni Benny sa animnapung taong gulang, iminungkahi na ng kaniyang nag-iisang anak, ang kaniyang dayunyor, na iwanan na ang pagkukrusigrama. Sa kabila naman ng pangungulit nito, umabot na siya ng animnapu’t limang taon sa trabaho. Kahit may mga parinig na ang pamunuan ng pabliser na maaari na siyang magbalot-balot ng mga gamit, parang sinubok pa rin siya nito kung papalpak siya sa pagpapalawig na iyon upang may dahilan na tuluyan nang tanggalin ang ngalang “Benny Alcantara” sa payroll sakali mang magkamali siya sa trabaho.

Naisahan naman niya sila. Ang pagmamalaki niya, hindi siya kailanman nagkakamali sa kaniyang mga isinusumiteng krusigrama. Sa limang taong pagpapalawig na iyon, alam na alam pa rin niya ang mga titik, ang mga salita, ang kaniyang sining.

Walang tema ang kaniyang mga likhang krusigrama. Hindi lahat ng mga salita ay dahil sa iisang paksa. Hindi ganito mag-isip ang mga mambabasa o manlalaro kaya halo-halo dapat ang mga salitang kaniyang itinatanim sa papel na kanilang huhukayin. Hinahayaan niyang ungkatin nila ang mga salitang naisuksok sa mga kukote sa kanilang paglaki, sa kanilang naging pakikipagsapalaran sa tanang buhay.

Nasabi na niya kay Lyn ang siste ng krusigrama bilang libangan. Mayroon itong konsepto ng simetriya na rotasyonal. Kung paiikutin ang krusigrama sa anggulong 180°, ang mga itim na kuwadrado ay mananatili sa kanilang ayos. Una siyang magtatanim ng mahahabang salita na siya ring pinakamahirap. Sa mga krusigrama ng kanilang tabloyd, pitong titik lamang ang lalamanin ng pinakamahabang salita. Sa graphing pad na sariling gawa, halinhinan ang pagtapal ng itim na parisukat at ang pagtatanim ng mga salita upang masiguro ang simetriya.

Kabilang si Benny sa mga hindi gumamit ng software sa kompyuter, kahit gumagamit ang ibang kagaya niya. (Narinig nga niya sa balita sa radyo na may Artificial Intelligence na upang gawin ang kanilang trabaho.) Nagmamanwal pa rin siya. Mapapansin ang likhang manwal kung scanned ang krusigrama sa diyaryo. Pagkatapos maitanim ang mahahabang salita, susunod na ang mga salitang may dalawa hanggang tatlong titik na lamang. Sa ikli ng mga salitang ito, parang madali lang. Gayunpaman, sa pagkakaugnay sa iba, nagiging kapana-panabik ang pagsagot.

Hindi nga basta-basta ang pagsagot sa mga krusigrama. Patunay ito ng mahusay na pagtatanim ng mga salita. Sa nanghuhula, may kiskisan muna ng mga salita sa isipan. Parang sumasayaw muna ang mga ito bago isulat. Parang ahedres ngunit kailangan mo munang hayaang ipalutang sa hangin ang mga piyesa upang matiyak na konektado ang mga ito. Payo niya kay Lyn, mas mainam kung lapis, hindi bolpen. Kung naglalakad siya pauwi sa bahay na malapit lang din sa kanilang opisina, marami siyang nakikitang hinanging kopya ng kanilang tabloyd. Pansin niyang bihira lang talaga ang nakakahukay ng lahat ng salita. Mapapangiti siya dahil dito.

Labinlima ang ginagawang krusigrama ni Benny. Isang pakete na ito para sa buong linggo ng paglabas ng kanilang tabloyd. Dalawahan ang labas ng krusigrama niya bawat araw, maliban sa Linggo na tatluhan dahil araw ito ng pamamahinga ng mga tao kung kailan maglilibang sila nang husto. Isinusumite niya ito kada Sabado sa patnugot na nangangasiwa sa bahaging kinapapalooban din ng horoscope, komiks, trivia, at iba pa. Yamang gamay niya ang mga salita dahil sa kaniyang trabaho, siya na rin ang tumatayong proofreader ng tabloyd. Pinababasa muna sa kaniya ang mock-up bago ito isumite sa punong patnugot bago ito ipasakamay sa mga tao sa imprenta. Tinatrabaho rin niya ito kasabay ng paghahanda niya ng lingguhang pakete ng krusigrama.

Napaupo si Benny sa silya. Wala nang ibang tao sa kanilang palapag. Nahakot na niya lahat ng mga gamit sa nakaraang linggo, pati na ang mga anik-anik at iba pang paskil sa pader. Halos hungkag na ang kaniyang cubicle—tanging larawan na lang ng unang krusigrama sa kasaysayan ang naiwan. Kasama sa larawang ito si Arthur Wynne, ang krusiberbalista na lumikha nito.

Higit isang daan at sampung taon na ang nakalilipas nang lumabas ang unang krusigrama na korteng diyamante sa isang diyaryo sa Nueva York, noong kapaskuhan ng 1913 bago pumutok ang Unang Digmaang Pandaigdig, sa parehong taon din na naimbento ang 135 film ng mga kamerang antik. Napagmunihan tuloy ni Benny, sa panahon ng makabagong teknolohiya at kung ano pa man, may nalilibang pa rin ba sa krusigrama? Kapag nakikita niya ang larawan ni Arthur (tawag niya ay “Pareng Arturo”), parang dumadating sa kaniya ang mga inspirasyon upang paghusayan pa ang trabaho.

Ano ang salita para sa araw na ‘to, Mang Benny?

Nadiin sa kaniya ang tanong ni Lyn.

Marami. Maraming salita, Lyn.

Gusto niyang ibahagi ang salita, hindi lamang ng araw na iyon, kundi pati na rin ng kaniyang buhay bilang isang krusiberbalista.

Lyn, ang “masa.”

“Ano ang word of the day, Mang Benny?”

Dahil nga isang anyo ng libangan, siyempre, malaki ang pasasalamat niya sa mga parokyano ng tabloyd. Kabilang sa mga manlalaro ni Benny ang mga tsuper ng taksi, dyip, at traysikel sa iba’t ibang parkingan o tolda sa kalunsuran. Sa may bungad at labasan naman ng mga palengke o talipapa, naroon ang mga suking ginang, ginoo, lola, at lolo na siyang tagabili ng diyaryo para sa kani-kanilang tahanan. Bukod sa mahihirap at mahahabang salita, may maiiwan at maiiwang blangkong pahalang o pababang salita at iyon din ang magsisilbing pang-akit sa mga parokyanong ito sa bagong edisyon ng diyaryo kinabukasan. Susubaybayan iyon ng mga tagabasa na parang komiks ang krusigrama. Hinahamak man ng ilan ang tabloyd dahil sa lapit nito sa wika ng kapatid nitong bomba, iginigiit ni Benny ang pagkadisente at adbokasiya ng kanilang tabloyd na iangat ang masa.

Sa katunayan, natututo ang masa ng kimika dahil sa krusigrama. Iyong dalawang titik lamang na simbolo ng mga elemento. Hindi naluluma ang periodic table ni Dmitri Mendeleev. Ang arsenic, “As.” Ang bulawan, “Ag.” Ang osmium, “Os.” Ang seaborgium, “Sg.” Ang bismuth, “Bi.”

Mga nota sa musika. Do. Re. Mi. Fa. So. La. Ti. Do. May mga acronym din na dalawang titik lamang. Overtime ay OT. OA. Termino sa boksing, KO. Malikhain pa nga at talagang mapapaisip ang tagabasa. Sigaw ng karatista, YA. Tanong ng nabigla, HA. At natuto ang masa sa mga aralin sa wika gaya ng pandiwa, panghalip, o pang-ugnay tulad ng “Si,” “At,” o “Na.”

Pati pagsasalin ng salitang hiram mula sa Kastila, natutuhan din ng mga nalilibang sa krusigrama. Ang asilo ay bahay-ampunan. Ang sombra ay anino. Pansinin dapat ang pahiwatig sa pagsagot ng mga tanim na salita. “Bea” ang sagot sa pahiwatig na “Binene, aktres.” Kung gayon, hindi dapat “Greta” ang isagot sa pahiwatig na “Garbo” kahit na ang aktres ang unang sasagi sa isip ng matatandang manlalaro. Ang salita ay katumbas ng “gara.”

Ano ang salita para sa araw na ‘to, Mang Benny?

Hindi pa dumadating si Lyn.

Napaisip siya ulit. Siguro, “marikit.”

Naalala niya ang gurong si Ginang Mariquit. Ang kaniyang pagiging matinik sa mga salita ay nahubog niya dahil sa hikayat ng kaniyang naging guro sa mga araling Filipino sa sekondarya sa kanilang bayan ng Hagonoy sa Bulacan kung saan siya lumaki bago nakipagsapalaran sa Kamaynilaan. Naalala niya, pagkakita pa lang sa blangkong pahina ng neyong Vanda, iyong una niyang graphing notebook para sa mga asignaturang heometriya at trigonometriya na tunay na kinamuhian, nasabik na siyang lapatan ng mga salitang pahalang at pababa. Ang aralin sa bokabularyo ni Ginang Mariquit ang naging sandata niya sa libangan niyang iyon na napadpad pa sa pahayagang pangmag­aaral nila. Marami siyang natutuhang salita na kaniya nang naitanim sa krusigrama. Ang anluwage ay karpintero, ang balisungsong ay hugis-embudo, ang kampit ay kutsilyo, ang pisaw ay isang uri ng itak.

Mataas ang pagpapahalaga niya sa yumao niyang gurong ito dahil sa naging impluwensiya nito sa propesyon. Nahikayat pa nga niya ang anak na maging guro na kusa ring pinili ang pagtuturo ng mga araling Filipino. Ang anak ang tanging kasama na lang niya sa buhay. Hindi niya malimutan iyong isang gabi na tinulungan niya ito na tapusin ang mga materyal para sa gawain ng mga mag-aaral nitong nasa ikatlong baitang sa elementarya.

Noon, tuwang-tuwa siya na ginagamit na pala ang inang wika sa pagtuturo sa mga bata, ngunit matindi ang naging panghihinayang niya nang minsang mabasa sa mock-up ng kanilang tabloyd ang balita tungkol sa batas na nagtitigil na sa paggamit nito sa kindergarten hanggang ikatlong baitang. Naikuwento na rin sa kaniya ng anak ang alingasngas ng panukalang pagbabawas ng mga asignaturang Filipino sa senior high school.

Napatawa siya sa naging biro ng anak—baka wala nang lugar sa bansa ang mga gurong kagaya nito. Parang gusto na nga nitong mamasukan na lang daw sa Harvard na siya pang nag-aalok ng kursong Wikang Tagalog, doon pa sa banyagang lupain. Napahalakhak na lang silang pareho ng anak sa balintunang sitwasyon. Gayunpaman, bilang isang ama at manlilikha ng krusigramang siksik ng mga salita na mula sa dila ng kanilang lahi, totoong nasaktan siya. Mahal niya ang wika dahil binuhay siya nito.

Wala na siyang magagawa. Parang wala siyang silbi. Noon, may mga bagay siyang nagagawa kahit gamit lang ang mga salita sa kaniyang sining.

“Lyn, ang isa pang salita ay “lihim,” dagdag niya sa isip.

Hindi kailanman binanggit ni Benny ang lihim niya sa patnugot nila para sa libangan, gayundin sa punong patnugot. Alam niyang libangan ang kaniyang krusigrama ngunit hindi niya palalampasin ang pagkakataon. Sa unang bersiyon ng kanilang tabloyd sa panahon ng diktadurya, sumabay ang likha niyang krusigrama sa tinig ng kardinal sa radyo na hikayatin ang taumbayan na pumunta sa EDSA noong Dekada Otsenta, noong nasa kasibulan pa ang karera niya bilang isang krusiberbalista. Maraming beses niyang itinanim ang mga salitang “labas” at “alsa” sa kaniyang mga krusigrama. Hindi rin niya pinalagpas ang pangalawang kaganapan ng rebolusyon sa parehong abenida sa bagong milenyo, noong nasa pangalawa at kasalukuyang bersiyon na ang kanilang tabloyd. Muli, lumabas ang mga salitang iyon. Nito lamang halalan, nagtanim si Mang Benny ng pagkarami-raming “rosas” sa kaniyang mga krusigrama.

Nasa gate na siya nang patakbong humabol sa kaniya si Lyn. “Lyn! Ang salita ngayong araw ay “salamat.” ‘Yon lang!”

Parang maiiyak si Lyn. “Hay naku, Mang Benny! ‘Wag mo ‘kong ginaganiyan! Napag-usapan na natin ‘to sa retirement party!” Yumakap sa kaniya ang diyanitres—isang mahigpit na yakap iyon tulad ng hinanging diyaryo na kumapit sa poste ng Meralco.

“Basta, tawagan mo lang ako kung may kailangan ka, ha?”

Bago sumakay si Lyn sa dyip, ibinigay nito sa kaniya ang nalukot na larawan ng kopya ng krusigrama ni Pareng Arturo. Nahiya si Benny. Itinapon na niya ang larawan sa latang basurahan, nang akala niyang hindi na siya babalikan ng tapat niyang tagahanga. Napansin niyang inayos pa ng diyanitres ang larawan kahit lukot na lukot na ito.

Naglakad si Benny pauwi. Marami pa siyang “word of the day.” Hindi pa natatapos ang araw. Hindi pa siya nilulubayan ng mga salita.

Lyn, ang talagang word of the day ay Donepezil.

Alam niyang panlaban sa pagiging malilimutin at pagkaulyanin ang krusigrama, kasabay ng bawat pildoras ng medisinang inireseta sa kaniya ng doktor laban sa ilang nagpaparamdam na sintomas. Nangangamba siya na siya naman ang maglalaro ng sariling krusigrama ngunit sa gayong dahilan. Parang mababaligtad din ang proseso. Kung blangko ang graphing paper, parang pinaglahuan na rin iyon ng mga salita na kailangang palitawin niya sa paglikha nito. Makakalikha kaya siya kahit wala nang naghihintay na patnugot? Maalala pa ba niya ang lahat ng inimbak na salita?

Sa pagtanda niya bilang isang retirado, unti-unti siguro niyang malilimot ang mga salita. Malilimot din ba niya ang halaga ng lahat ng mahalaga sa kaniya? Ang kaniyang pitak ng mga krusigrama, ang kaniyang mga manlalaro, ang tagahangang si Lyn, ang kaniyang anak. Malilimot din ba niya ang sarili?

Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang marating ang kanilang barangay. Bumaba siya sa hagdan sa may bukana ng kalyehon, deretso sa may looban. Sa panibagong hagdan, muli siyang bumaba, tumbok ang panulukan. Parang malilimot din niya ang pasikot-sikot, mga pahalang at pababa sa kabisadong pook. Bumilis ang pagtibok ng kaniyang puso.

Nang marating ni Benny ang bakuran ng bahay, noon lamang siya nahimasmasan. Nakita niyang inihahanda ng anak ang kanilang panghapunan. Nakapanhik siya sa loob nang hawak-hawak pa rin ang lumang larawan ng unang krusigrama sa daigdig. Maingat niyang tinupi ang diyamante at isinuksok iyon sa bulsa ng dibdib.