NI MARITO CASES TABBADA
HI, musta?
Isang napakasimpleng text message iyon ngunit napakaraming kahulugan para kay Cathy. Lalo na at galing ito kay Garry, sa kanyang ex-boyfriend. Para sa kanya, ibig sabihin lang ng mensaheng iyon ay naiisip pa rin siya ng lalaki, pagkatapos ng mahigit na isang taon mula nang magkahiwalay sila. O, baka mas higit pa roon ang ibig sabihin nito, baka nami-miss na siya ng lalaki at gusto na nitong makipagbalikan.
Tatlong taon din silang magkarelasyon ni Garry. Patapos na sila ng high school noong sagutin niya ito at third year college na siya noong sila’y maghiwalay. Desisyon niya iyon. Bagama’t wala naman talaga siyang pamimilian kundi tapusin na ang kanilang relasyon matapos niyang mahuli ang lalaki na may iba pa palang babae.
Siguro, nadala lang sila ng kapusukan at silakbo ng damdamin. Matapos ang hayskul ay nagkalayo sila. Sa Maynila siya pinag-aral ng kanyang ina samantalang naiwan si Garry sa Bulacan. Weekends lamang sila nagkikita tuwing umuuwi siya ng Bulacan kaya’t ang relasyon nila ay nauwi sa tawagan at palitan ng texts tuwing weekdays.
Alam niyang mahirap ang kanilang sitwasyon pero ang paniniwala niya, hangga’t nagmamahalan silang dalawa, malalampasan nila ang lahat ng mga pagsubok na darating sa kanilang relasyon. Naging maayos naman ang lahat noong una. Lumipas ang isang taon. Dalawang taon. Hanggang sa may naririnig na siya mula sa mga kaibigan at dating kaklase na may ginagawang milagro si Garry. Madalas daw itong nakikitang may kasamang ibang babae. Noong una ay ipinagkibit-balikat niya lang ang lahat. Batid niyang hindi magtatagal ang relasyon nila kung wala silang tiwala sa isa’t isa kaya’t pinili niyang pagkatiwalaan ang lalaki. Isa pa, nangako sa kanya ang lalaki at sapat na iyon sa kanya.
“Ikaw lang ang pinakamamahal ko. Wala ng iba. Pramis,” sabi nitong nakataas pa ang kanang kamay.
Okey na sana ang lahat. Tanggap na ng mga kaibigan niya at dating kaklase na walang anumang sabi-sabi o tsismis na kayang tumibag sa tiwala niya kay Garry. Hindi sapat ang mga ipinapadala sa kanyang mga pictures ni Gary na may kasamang ibang babae para makumbinsi siyang nagloloko ito. Lagi siyang may nakahandang paliwanag upang depensahan ang nobyo. Kahit pa noong mismong isa sa mga kapatid niya ang nakakita kay Garry na may kasamang iba, hindi pa rin niya tinalikuran ang lalaki.
Pero kung nagbubulag-bulagan ka at hindi mo na nakikita ang dinaraanan, may posibilidad na madapa ka. At masakit kapag nauna pa ang iyong mukha sa pagbagsak.
Ikaw ba si Cathy? I’m Jeanine. GF ni Garry.
Ito ang nakita niya sa message request niya sa FB. Para siyang sinampal nang malakas at namanhid ang buong katawan niya. Ito ba ang sampal ng katotohanan? Kung ito ang girlfriend ni Garry, sino siya?
May kasunod pang mensahe.
Respeto naman. Wala na kayo ni Garry, ba’t kasama mo pa siya sa profile pic mo?
Siya pa ngayon ang walang respeto? Nagpanting ang tainga niya kahit hindi naman niya narinig ang boses ng babae. Hindi siya basta tumatanggap ng message request mula kung sinu-sino pero hindi niya mapapalampas ito. Kailangan niyang sumagot. Nasaktan siya at wala siyang ibang gustong gawin kundi saktan din ang mga taong nagdulot sa kanya ng sobrang sakit. Wala siyang masamang ginawa para masaktan nang ganito. Nagmura siya, nagbitiw ng maaanghang na mga salita sa kanyang tugon sa babae. Tinawag niya ang babae ng mga salitang mahirap lunukin. Ipinamukha niya rito kung gaano ito katanga at nabola ng boyfriend niya. At sa tuwing naaalala niya ang pangyayaring iyon, napapailing siya. Siya rin ay nagmukhang tanga, siya rin ay nabola. Alam niyang biktima lang din ang babae, gaya niya. Alam niyang pinaniwala lang ito ni Garry na wala na silang relasyon. Pero nangyari na ang nangyari. Hindi na niya mababawi ang mga salitang binitawan.
Ang totoo, ayaw pa rin niyang makipaghiwalay sa lalaki. Ito ang una niyang boyfriend at tatlong taon ang kanilang pinagsamahan. Hindi niya kayang itapon ang panahon na ito nang basta-basta lang.
“Napakabata mo pa para maging martir at tanga sa pag-ibig, Cathy,” sabi ng kanyang mga nakatatandang kapatid.
“He didn’t respect you so he doesn’t deserve you.” Ito naman ang hirit ng kanyang mga kaibigan na akala mo’y may malalim nang karanasan sa pag-ibig.
“Kung talagang kayo ang para sa isa’t isa, kayo pa rin balang araw. Napakabata niyo pa para seryosohin ang pakikipagrelasyon sa ngayon.” Ito naman ang payo ng isang DJ sa radyo na sa labis na kalungkutan ay nagawa niyang tawagan upang idulog ang kanyang unang heartbreak.
Ano pa nga ba ang gagawin niya? Ayaw naman niyang sobrang bumaba ang pagtingin sa kanya ng kanyang mga kaibigan. Tinuldukan niya ang kanilang relasyon na mabigat ang kalooban. Kahit na ganoon ang nangyari, hindi nawala ang pag-asa niyang hindi magtatagal ay magsisisi rin ang lalaki sa ginawa nito at magmamakaawang balikan siya. Naniniwala siyang hindi magtatagal ang relasyon nito sa babaeng iyon. Dahil hindi kailanman magtatagumpay ang isang relasyong mali at kasinungalingan ang pundasyon. At least, ito ang paniniwala niya.

Alam ni Cathy na hindi kailanman magtatagumpay ang isang relasyong mali at kasinungalingan ang pundasyon.
Galing siya sa isang broken family. Sampung taon siya nang iwanan sila ng kanilang ama upang sumama sa ibang babae. Magmula noon ay hindi na niya nakita ni anino ng kanyang ama, hindi na ito nagparamdam. Walang sulat, tawag, text o kung ano pa man.
Alam niya kung gaano ang hirap ng kanilang ina na itaguyod sila ngunit hindi niya minsan maiwasang sisihin ito na hindi man lang ipinaglaban ang kanilang pamilya. Bakit basta na lamang hinayaan nito na umalis ang kanilang ama at lumaki silang hindi kumpletong pamilya? Ipinangako niya sa sarili na kung siya ay papasok sa isang relasyon, gagawin niya ang lahat upang maisalba ito. At hindi na lang siya basta aasa sa tadhana o sa suwerte upang makamit ang mga mithiin sa buhay.
Dumating ang text message ni Garry kung kailan pa naman balak na niyang sagutin si Arthur na dalawang buwan na ring nanliligaw sa kanya. Ngayon ay hindi na siya sigurado sa balak na iyon.
Kinapa niya ang sarili. Mahal pa ba niya si Garry?
OK naman. Busy sa studies. Ikaw, musta?
Sagot niya sa text.
K lang. Pwede ba tayong magkita?
Ito ang natanggap niyang tugon pagkatapos ng ilang segundo.
Bumilis ang pagtibok ng puso ni Cathy. Handa na ba niyang harapin ang lalaki? Paano kung makipagbalikan ito sa kanya? Kaya na ba niyang muli itong tanggapin? Bahala na, naisip niya.
OK lang. Saan?
Ewan niya kung bakit pero hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman sa mga oras na iyon. Ngunit excited siya, hindi niya maikakaila.
MAAGA siyang dumating sa isang coffee shop sa Ermita kahit na alam niyang laging late kung dumating ang lalaki kahit noon pa. Ngunit nagulat siya nang makitang naroon na si Garry. Isang Garry na malayo sa lalaking nakarelasyon niya noon. Ganoon na ba kahaba ang isang taon upang magawa nitong baguhin nang tuluyan ang isang tao?
Ang Garry na kaharap niya ay mukhang mature at seryoso. Ni walang bakas ng happy-go-lucky at masayahing Garry na nakarelasyon niya ng tatlong taon. Disente. Guwapo pa rin at parang mas lumaki ang katawan ngunit kakaiba ang kislap sa mga mata nito ngayon.
“May trabaho na ako, data encoder sa isang company dito sa Ermita,” nakangiting sabi nito matapos ang kumustahan.
Tumango lang siya. Ayaw niyang ipahalata ang magkahalong silakbo ng damdamin.
“I am really thankful na pumayag kang makipagkita sa akin ngayon. I don’t deserve this. Gaya kung paanong hindi mo deserve ang ginawa ko sa ‘yo noon. Niloko kita. Sinira ko ang tiwala mo.” Napabuntunghininga ang lalaki.
“But I want you to know, I am really really sorry,” pagpapatuloy nito. “Nagsisisi ako sa ginawa ko. Alam ko kung gaano kita nasaktan.”
Gusto niyang sumagot ngunit walang katagang lumabas sa kanyang bibig.
“Sana ay magawa mo akong patawarin. At sana ay p’wede tayong magsimulang muli… bilang magkaibigan.”
Siya naman ang napabuntunghininga. Pinigil niya ang pagnanais na yakapin ang lalaki at ipadama rito na mahalaga pa rin ito sa kanya.
“Matagal na kitang pinatawad. What is done is done. Di na natin maibabalik ang nakaraan. Let’s move on,” aniya ngunit tila mas sinabi niya iyon sa sarili kaysa sa lalaking kaharap.
Napangiti ang lalaki.
“Salamat, Cathy.”
Nagulat siya nang biglang hawakan nito ang kanyang kamay. A, naroon pa rin ang tila kuryenteng nararamdaman niya tuwing magdidikit ang kanilang mga katawan noon.
“Ayoko kasing magsimula ng isang bagong chapter sa buhay ko na may baong guilt sa nangyari sa atin noon. Sabi rin ni Jeanine, hindi magiging tama at kumpleto ang relasyon namin kung alam naming dalawa na mayroon kaming mga taong nasaktan at patuloy na nasasaktan.”
Tila isang bombang sumabog sa harapan niya ang mga sumunod niyang narinig.
“Alam mo kasi, nag-propose na ako sa kanya. Ikakasal na kami next month.”









