Zumba Wars sa Barangay San Agustin

“Step left!” “Step right!”

Ni Ma. Guia Lopez de Leon

“ATRAS… abante… sabay wave!”

Pero sa Barangay San Agustin, ang simpleng wave minsan ay sabay na rin sa irap, tulis ng kilay, at palihim na sabunot ng kapwa instructor. Kasi dito, hindi lang sayaw ang labanan… pati atensiyon ng barangay, pabor ng Kapitana, at puso ng mga Marites sa kanto.

Sa gitna ng court, dalawang babaeng parehong may hawak na mikropono… parehong may matagal nang iniipon na galit… at parehong handang ipaglaban ang korona bilang reyna ng Zumba… si ZIN Madel at si Coach Thelma.

“Step left!” sigaw ni Madel, taas noo, mahigpit ang hawak sa mic.

Step right!” sagot ni Thelma, sabay kagat-labi at malanding kaway sa live viewers ni Kapitana Michelle.

Sa bawat galaw, parang may nagbabaga sa hangin… at di lang pawis ang aagos… baka pati luha… at konting hibla ng buhok.

“Uy, Madel…” bulong ng ka-zumba niyang si Aling Lorna. “Si Thelma daw ay may bagong K-pop step… ang dami raw pumunta kagabi.”

Napakagat-labi si Madel. Hindi niya aaminin pero kabado siya. Hindi biro ang mawalan ng estudyante sa Zumba-han. Dito lang siya kumukuha ng pambili ng gamot ng nanay niya na may karamdaman. Pati school supplies ng anak niya sa pagkadalaga, dito rin niya inaasa.

Samantala, sa kabilang side ng court, nakangiti si Thelma pero mahigpit ang hawak sa tuwalya. Kinakabahan din siya. Paano kung mas marami pa ring bumalik kay Madel? Kailangan niyang kumayod… may tatay siyang nagpapagamot. Nagpapaaral pa ng bunso.

Sa gilid, pasimpleng nag-aayos ng cellphone si Kapitana Michelle… nakatutok ang camera kay Thelma. Bawat wave ni Thelma, bawat ngiti, may kasunod na heart reaction mula sa live viewers.

Hindi rin nagpahuli ang kampo ni Madel. Dumating si Konsehala Lolit, nakapulang lipstick, may dalang bote ng tubig at pamaypay.

“Aba, Kapitana… puro naman si Thelma ang nakikita sa live mo, a,” pabulong ni Konsehala habang nakatingin sa cellphone ni Kapitana. “Alam mo naman, Kap, na mas matagal nang nagtuturo dito si Madel.”

Saglit na nahiya si Kapitana. Ibinaling sandali ang camera kay Madel. Pero balik din agad kay Thelma nang makita niyang mas marami ang nag-heart react.

Sa bawat ikot ng balakang at kaway ng kamay, mas umiinit pa ang palihim na sabunutan — hindi literal, pero ramdam ang hatak at tulak sa puso. Hindi lang kasi inggit o kumpetisyon ang ugat… kundi ang mga Marites na kapitbahay nilang mahilig magkomento sa gilid ng court.

“Ay, naku, tingnan mo si Thelma… kahit anong itago, halata na ang bilbil,” bulong ng isa, sabay tawa.

“Si Madel naman… akala mo kung sinong dalaga na walang anak, e, kilala na ‘yan ng mga senior citizens... ninang pa ng mga anak at apo nila,” sagot naman ng isa pa.

Napakagat-labi si Madel tuwing maririnig ang biro. Bumabakat sa isipan niya ang bawat tawag na “matanda na” o “luma na ang style.” Hindi niya maamin kahit sa sarili, pero minsan naiinggit siya sa liksi ni Thelma — lalo na kapag nakasuot ito ng hapit na leggings at crop top.

Si Thelma naman, kahit confident ang ngiti, kabado rin. Dahil alam niyang mas gusto ng matatandang mananayaw ang galaw ni Madel — mas mabagal, mas graceful, at mas may kuwentong Pinoy. Sa totoo lang, kilala rin si Madel bilang Ninang Madel… matagal na sa barangay at madalas ding tumutulong sa mga handaan.

Nagiging pa-contest tuloy ang bawat sayaw… pati sa pagandahan ng outfit, pa-colorful ng headband, at pabonggahan ng choreography. Sa saliw ng tugtog, may patagong pagpitik ng mata at pikit ng bibig — parang sinasabi, “Ako ang dapat niyong sundan!”

Lumala ang iringan hindi lang sina ZIN Madel at Coach Thelma ang nagkainitan, pati sina Kapitana Michelle at Konsehala Lolit.

“Step left!” 
Step right!” 
 

Sa isang meeting sa barangay hall, mainit ang boses ni Kapitana…

“Konsehala, ang gusto ko lang naman, ‘yung mas maraming sumali… mas kilala si Thelma sa mga bata!”

“Hindi patas ‘yan, Kapitana…” balik ni Konsehala, nakapameywang, at di nagpapatinag. “Hindi mo ba nakikita? Si Madel ang nagpasimula ng Zumba dito… mas kilala ng matatanda.”

“Hindi kita pinapakialaman sa mga proyekto mo, Konsehala…” tugon ni Kapitana, medyo nanginginig ang boses.

“Ngayon, ako naman ang magsasabi… hindi ko rin gusto ‘yang proyekto mo na puro pabor kay Thelma. Hindi ko susuportahan.”

Tahimik ang buong barangay hall. Tahimik din sina Madel at Thelma… parehong napayuko.

Ang ending… hindi naaprubahan ang proyekto. Bitbit ni Kapitana ang sama ng loob… bitbit din ni Konsehala ang inis… pero sa gitna, naiipit sina Madel at Thelma — parehong hindi alam kung matutuwa ba o malulungkot.

Sa gitna ng tensiyon nina Madel at Thelma, dumating pa ang isa pang challenge… padating na ang mga batang magpapraktis ng basketball sa court.

Ang away pala sa puwang, hindi lang pala sa indakan… kundi pati sa reboundfree throw, at sigawan ng mga kabataan.

Si Coach Rafael, binata pero medyo kalbo na, napapakamot pa rin ng ulo tuwing na-e-extend ang mga Zumba session.

Napapailing siya, sabay kindat sa mga nanay na parang sanay na sa tagal ng warm-up at kuwentuhan kaysa sa mismong sayaw.

“Ma’am Madel… Ma’am Thelma… ten minutes na lang, ha,” sabi ni Coach, pero alam na rin niyang baka kalahating oras pa iyon.

Isang gabi, biglang may nag-post sa group chat… si Jen, estudyante nilang pareho.

“Mga Ma’am… si Bunso po… na-diagnose. Kailangan po ng tulong. Puwede po kaya tayong mag-benefit Zumba?”

Tahimik ang chat… maya-maya, nag-type si Madel… “Sige… para kay Bunso.”

Sumunod si Thelma… “Oo… para kay Bunso.”

Sa unang pagkakataon, nag-share si Kapitana Michelle ng poster na magkatabi ang pangalan nina ZIN Madel at Coach Thelma… may heart emoji pa.

Si Konsehala Lolit naman… nag-comment ng “solid!” at nag-share rin sa wall niya.

Dumating ang araw ng benefit Zumba. Maaga pa lang, puno na ang covered court... may nakapila pa sa labas.

Sa gitna ng court, sabay na sumayaw sina Madel at Thelma… halong OPM remix at K-pop… may pa-wave… may sabayang snap… may ngiti na parang tunay.

Nakisingit sina Kapitana Michelle at Konsehala Lolit, sabay kaway at tawa. Pati estudyante, sabay-sabay ang sigaw ng “Go, ZIN Madel!” at “Go, Coach Thelma!”

Pero ang pinakakinilig sa lahat… si Coach Rafael at ang mga basketbolista na kanina pa nag-aabang ng court time. Buong paghangang patingin-tingin si Coach Rafael sa dalawang magandang instructors. Ang titig niya ay tila namimili kung sino ang liligawan.

Nagkatinginan sina Madel at Thelma… sabay tawa… at sabay sabing, “Sa iyo na ‘yan!” Sabay ring humagalpak at nag-apir, parang wala nang galit at inggit na naiwan.

Sa dulo ng kanta, pawisan, at hingal, nagyakapan silang dalawa. Ang dating sabunutan… nauwi sa sabayang galaw at sabayang halakhak.

Sa tabi, nakatayo sina Kapitana Michelle at Konsehala Lolit… napangiti at sabay pumalakpak. Pati si Coach Rafael, napakamot ng ulo kahit nakakalbo… pero ngumiti rin ng may wagas na paghanga.

Sa huli, iisa lang pala ang tibok ng puso ng mga nagmamahal. Sina ZIN Madel at Coach Thelma, narito para magturo, sumayaw at tumulong. Bumida man o hindi, marunong na nga silang tumawa sa sarili nilang kuwento.