Ni R.B. Abiva
BATA pa’y aywan at ang Ilog Abusag na ang kaniyang laging kapiling sa tuwing pagod ang kaniyang sunog sa araw at amoy anghit na katawang madalas babad sa gawain sa bukid na hindi naman kaniya. Minana pa niya ang gawaing ito sa kaniyang magulang. Palibhasa nga kasi’y, gaya ng marami, baon na baon sila sa utang.
Tuwang-tuwa siyang tumatampisaw sa mababaw at mabatong bahagi ng ilog na kung minsa’y hindi maipaliwanag sapagkat lumiliit at lumalaki itong parang may sariling buhay at kamatayan.
Mahihiga siya. Titihaya at hahayaang haplusin ng liwanag ng papalubog na araw sa likuran ng Caraballo ang kaniyang butuhin at uuka-ukang dibdib na inukit at hinulma marahil ng maagang pagbabanat ng buto dahil sa nagdudumilat na kahirapan. Sa gawing kanan naman niya’y papagapang na ang animo’y makapal na balabal na pulutong ng maiitim ulap. Lumilikha ito ng kaginhawaan. Ng lamig. Ng kung anong klaseng kapayapaang nadarama lamang sa sandaling yaon ng pag-iisa laban sa paggawang mumo lamang ang ibinubunga.
Aywan at ang pakiramdam niya’y para siyang muling isinisilang. Gumigitaw sa kaniyang gunam-gunam ang mga sandaling siya’y bininyagan sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Ispiritu Santo. A…ganito rin ang pakiramdam nang tuliin siya sa ilog na ito. Sa ilog nga na ito nabuksan ang pintuan ng banalidad at karnalidad para sa gaya niyang anak ng pawis at lupa.
Lumalakas ang katawan niya sa tumutulong tubig na nagmumula sa kaitaasan. May kung anong puwersang sumasanib sa kaniyang yayat na pangangatawan at kakatog-katog na mga buto. Tama yata ang sabi ni Apong Balbino na ang ilog ay daluyan ng bago at lumang buhay. Tama, ng bago at lumang buhay, at marahil ay sa ikabubuhay din. Ang tubig na sinisipsip ng mga ugat ng palay, kamatis, ampalaya, okra, talong, singkamas, maging ng mga puno at kamot-pusa sa bukiring kaniyang pinagyayaman ay nagmumula sa ilog. At sa tao ay ganito rin. Kay Bittung ay ganito rin. Dito nga pala siya bininyagan ni Padre Caorel sa ngalan ng banal na Trinidad. Dito rin pala siya tinuli ni Apong Balbino kasama ang kababatang si Alex Pukol. A…daluyan nga itong Abusag ng bago at lumang buhay!
At habang siya’y giliw na giliw na nagpapatianod, sa kung anong ibinubunga ng pagbababad sa tubig, ay tila nakikiisa rin ang kaisa-isang puno ng saresa sa kaniyang kanan, na pugad ng mga maya-mayahan na madalas din niyang paglagyan ng hinubad na damit at ng pasiking, karit, itak, at panabas na gamit sa bukid, gayundin ang pulumpon ng malalago at sumasayaw sa hanging mababangis na talahib. Tahimik ang mga ito ngunit animo’y nagtataglay din ng pandama, puso, at mata. At sa pag-iiskrimahan ng mga dahon nito’y aywan at nakakalikha ito ng tunog na nakakapagpapayapa sa aburidong kaluluwa at pagal at banat na laman ng katawan ng mga magbubukid na para bang awit ng mabait na kerubin, o di kaya’y tula na lalong nagpapayapa sa santinakpan bago sumapit ang gabi.
Ang mga bato sa ilalim ng mababaw na ilog ay ganito rin. Lumilikha ng maliliit at magaan sa pandinig na umpukang siyang lalong nagpapatahan sa hapong katawan ng magbubukid. Mga sanib-sanib na kaluskos na nalilikha ng malamig na tubig na mula pa sa dibdib ng Sierra Madre. Tubig na mula sa mga ligaw na talon at batis. Tubig na daantaong inipit ng mga ga-braso at ga-hitang ugat ng lawaan, kamagong, at narrang siyang ipinasususo sa lahat ng naglalakad, gumagapang, lumalangoy, at lumilipad sa ibabaw at alangaang ng mundo at uniberso.
Habang sa umpukan ng malalaking batong balot ng lumot, sa ilalim nito, ay naroon ang kawan ng isdang sinlaki ng mga daliri, na gaya ni Bittung, ay payapa ring nagpapatianod sa lagaslas ng walang katapusang pagdaloy ng buhay at kamatayan sa tubig. Ang iba ay kumakain ng lumot mula sa sala-salabat na ugat ng kangkong. Ang iba ay palipat-lipat ng kinalalagyan. Naghahabulan. Ang iba’y nagsisiping. Ang iba’y tahimik at palihim na ikinakamada ang mga itlog sa gawi ng ilog na hindi kalakasan ang agos ng tubig. Sa may malalim at damuhang bahagi.
At tahimik at palihim din si Bittung na nagmamasid sa mga ito. Pagkuwa’y iaasinta ang dulo ng panang gawa sa pinatalim na retaso ng payong. At kapag payapa na ang lahat ay saka niya papakawalan ang gomang pumipigil sa talim ng kaniyang pana.
Mahihiga siya. Titihaya at hahayaang haplusin ng liwanag ng papalubog na araw sa likuran ng Caraballo ang kaniyang butuhin at uuka-ukang dibdib…

Tsukkk!
Pag-ahon niya’y isang karpa, o dili kaya’y tilapya, ang pipitik-pitik at duguang pumipiglas laban sa talim ng kaniyang pana. Aabutin niya ang tansing makapal nang kaunti sa sinulid pero sintibay naman ng taling pinampapakaw sa kalabaw na nakatali sa kaniyang kamay. Ipapasok niya ito sa loob ng hasang at hihilain palabas sa bunganga ng isda saka siya muling sisisid sa ilalim ng tubig. Gagawin niya ito nang maraming beses. Tama, ng ilang beses. Na gaya ng iba, gaya niya, ay pandugtong din sa yamutmot nilang pamumuhay.
Sa itaas na bahagi, sa may pasigan ng ilog, ay papaahon na ang isang kalabaw kasama ang nagmamay-ari. Hila-hila ng isang matandang magbubukid ang taling kulay kahel na sinlaki ng hinlalaki nito habang pasan sa balikat ang kahuhugas na araro. Tumutulo pa ang tubig sa dulo ng talim nito. Basa ang dibdib at likod ng anakpawis hindi ng tubig kundi ng pawis. Halos hindi na rin mabasa ang mga titik sa damit, pero mababasa pa rin ang numero sa dibdib ng magbubukid. Numero ng isang Diyos na minsa’y nangako ng kaginhawaan sa buong kalupaan. Sagradong numero ito kung ituring ni Ilokano a Malalaki! Puti ito dati. Pero dahil sa pagkakababad sa gawain siyang nagbangon sa mga sibilisasyon ay naging kasing-kulay na rin ng kaniyang balat na kung ituring ng mga mananakop ay kulay at marka ng isang alipin. Paubos na rin ang mga hibla ng salakot na nakaputong sa ulo nitong may malalamlam manila-nilaw na mata, tadtad ng gulanit guhit na noo, butuhang ampaw na pisngi, maitim na labi, at bungi-bunging ngipin. At pagawi nga sa matalahib na lugar ang magbubukid at kalabaw nito. At gaya ng papahinga na ring alapaap, unti-unti silang nilalamon ng mga nagkukulay na gintong talahib, na may mga bulaklak na kulay pilak, kasama ang kanilang mga anino. Kasama ang kulay nilang anak ng lupa at araw.
Anong kulay ito?
Kayumanggi. Kulay ng mga magbubukid. Ng mga mamamalakaya. Ng mga anak-pawis. Ng mga gaya ni Bittung!
Hanggang sa gisingin siya ng isang sigaw. Sigaw ng isang matandang babae. Pamilyar ito sa kanya.
“Bittung! Bittung! Umuwi ka na’t gabi na!” turan ng kaniyang inang si Asuncion na dagling nasundan ng malalim na ubong may kasamang kung anong nabakbak sa kaibuturan ng baga at ngalangala. Pagkuwa’y nasundan ng pag-upo ang pag-ubo sa upuang yari sa pinagtistisan ng milina.
May kung anong parang sampal na gumising kay Bittung.
Hapon na at hapunan na naman. Naghihintay na sa kaniyang pag-uwi ang kaniyang inang dekada nang ginagapang ng tuberkulosis. Gayundin ang kanilang kaldero at kaserolang kailangan pa niyang punan para sa inang maysakit at maging ng kaniyang sarili.
Gumagalaw ang imahen ng kaniyang ina sa kaniyang isipan. Buhay na buhay ito, kahit pa unti-unti na itong nilalagom ng makamandag na sakit. At ang imaheng ito ang nagtutulak sa kaniyang katawan at isipan na tapatan ang kayang gawin ng kalabaw at traktora sa bukid. Aywan at ang imaheng ito, ng kaniyang ina, at ng kaldero at kaserola, ay pawang biyaya ngunit may kaakibat na sumpa. Aywan at ang sumpang iya’y makikita’t laging ipinapaalala ng kinakalawang at putikang araro, panabas, at karit. Aywan at sa tuwing binabakbak ng tuberkulosis ang dibdib na nagpasuso’t bumuhay sa kaniya’y parang naririnig niya ang halakhak ni Don Intal, ang may-ari ng bukiring kaniyang pinagyayaman at patuloy na kumikita kahit pa sa kabila ng kamatayan ng mga anak ng lupa!
Umahon nga siya sa ilog bitbit ang kanyang pana at mga huling isda.
“May pasalubong ulit ako kay Inang,” palihim niyang bulong sa sarili.
“Sigurado’y gaganahan siya sa pagkain ngayong hapunan. Ipapaksiw ko sa kamatis at kamyas. Ipaghahain ko siya ng mainit maasim-asim na sabaw pangontra sa kaniyang ubo,” dagdag niya habang papalapit siya sa pasigan, sa may puno ng saresa upang magbihis.
Papadilim na rin nang mga sandaling yaon. Malamig at basa na ang hanging nagmumula sa kulay abong bundok ng Sierra Madre at Bitag Grande.
Dagli niyang tinungo ang kanilang kusina. Kaniyang kinulumpon ang mga tuyong sanga ng bayabas at ipil-ipil na nakakamada malapit sa lutuan saka niya ikinaskas sa gilid ng posporo ang dinukot na palito.
1Bag na yari sa kinayas at hinabing hibla ng yantok.









