Ang Lupain ng Diyos

Ni Jhusua Celeste

BUMAGSAK sa kanyang mga tuhod si Drew.

Sa wakas, narating niya ang tuktok ng matarik na burol. Ilang oras niya ring sinuong ang masukal na kagubatan ng nagtataasang pine tree gamit ang natitira niyang lakas. Hindi siya binigo ng tanawin. Tumatagos sa kumpulan ng makakapal na abuhing ulap sa dapithapong langit ang mga ginintuang silahis ng mapagkumbabang araw ng Cordillera, na parang mga kamay ng Diyos. Binabasbasan ng mga ito ang walang hanggang espasyo ng berdeng paraiso kung saan mistulang natapong bariles ng gatas ang gumagapang na hamog ng nag-aambang gabi, habang sa malayo, namamayagpag na tila malalaking itim na alon ang silweta ng mga karatig burol.

Ito na ang huling araw at ramdam iyon ni Drew sa kaibuturan ng kanyang pagkatao.

Ang dulong mitsa ng maikling buhay.

Tatlong buwan na ang nakararaan noong matuklasan niyang siya ay may taning na. Agad niyang tinalikuran ang lahat at ginugol sa Baguio ang nalalagas na mga oras. Batid ni Drew na hiram lamang ang buhay na ito. Masaya siya kung isang umaga ay pagpiyestahan ng mga ligaw at gutom na gutom na uwak ang naaagnas niyang katawan. O, kung hindi man, nakatitiyak siyang sa paglipas ng mga araw, siya ay walang awang lalamunin ng hukbo ng matatabang uod, at kung ano man ang malalabi sa kanya ay magiging pataba na lalo pang magbibigay sustansiya sa masagana nang lupa.

Lahat tayo ay nagmula sa lupa at sa lupa tayo ay muling magbabalik sa bandang huli.

Napaaga lamang ang sa kanya.