Ni ORLIE FERRER JACOB
“MARS, magpa-Pasko na. Wala ka ba talagang balak magbakasyon sa ‘Pinas ngayong December?” untag sa iyo ng kaibigan at kapwa mo domestic helper na si Zeny nang magtungo kayo sa park gaya ng madalas ninyong gawin kapag Linggo at off ninyo. Labinlimang taon ka nang domestic helper sa Singapore at anim na taon ka na ring hindi umuuwi ng ‘Pinas. Katwiran mo, may dapat ka pa bang balikan?
“Tingin ko, mars, panahon na para harapin mo ang iyong pamilya. Matagal na panahon na rin simula noong kalimutan mo na may pamilya ka. Ilang Pasko na rin ang nagdaan na hindi mo sila kapiling. Panahon na siguro, mars, para magkapatawaran kayo.”
Blangko ang ekspresyon ng iyong mukha. “Hindi ako ang nagtakwil sa kanila, Zeny. Ako ang itinakwil nila na nagpapakahirap sa malayong lugar para bigyan sila ng magandang buhay. Pero sa kabila ng lahat, ako pa rin ang masama sa paningin nila. Sa tingin mo, Zeny. Ako ba ang may problema?” tiimbagang mong pahayag. Ganitong paksa ang iniiwasan mong pag-usapan. Pero sadyang makulit ang kaibigan mo.
“Andu’n na tayo, mars. Wala ka naman talagang kasalanan. Sadya lang na nilason ng magaling mong dating asawa ang isip ng mga anak mo. Pero kung haharapin mo sila ngayon at ipaliliwanag nang maayos ang lahat sa ‘yong mga anak, siguradong maiintindihan ka nila. Mars, ina ka pa rin ng mga anak mo. Kaya alam ko na hindi habang panahon na magtatanim sila ng sama ng loob o galit sa ‘yo. Hindi mo ba nami-miss ang mga yakap nila sa ‘yo at makasama sila sa Pasko?”
Ibinaling mo sa malayo ang iyong tingin. Walang araw o gabi na hindi mo pinananabikan ang mga yakap at halik ng iyong dalawang anak. Wala ring gabi na hindi tumutulo ang mga luha mo sa labis na paghihirap sa ginagawang pagtrato sa iyo ng iyong mga anak. Dumarating pa nga sa puntong nais mo nang tapusin ang paghihirap na iyon. Pero alam mong hindi iyon ang solusyon sa lahat. Tama si Zeny. Wala kang naging kasalanan. Kung may naging pagkukulang ka man siguro bilang ina, iyon ay ang mapalayo ka sa piling ng iyong mga anak at hindi mo sila nasubaybayan sa kanilang paglaki. Pero pinili mong magtrabaho sa ibang bansa kahit mabigat sa loob mo dahil sa kagustuhan mong mabigyan sila nang maayos na buhay, na makatapos sila sa pag-aaral at hindi matulad sa ibang mga bata na maagang nagsisipagbanat ng buto.
Hindi mo na naman napigilang maiyak. “Zeny, kung alam mo lang ang pangungulila ko sa ‘king mga anak. Halos mabaliw ako sa kaiisip sa kanila. Alam mo iyon. Pero ilang beses ko na silang tinangkang kausapin at paliwanagan. Kaya lang sarado na ang mga isip nila,” humahagulgol mong pahayag.
Niyakap ka ni Zeny. Hinagod-hagod nito ang iyong likuran. “Kaya nga, Mars, panahon na para harapin mo sila. Umuwi ka ngayong bago mag-Pasko. Di ba nga, ang diwa ng Pasko ay pagmamahalan at pagbibigayan? Hindi naman siguro ganoon katigas ang puso ng iyong mga anak. Saka, malalaki na sila at nasa tamang pag-iisip. Mapapaliwanagan mo naman siguro sila nang maayos.”
Muling nagbalik sa iyong alaala ang pangyayaring iyon anim na taon na ang nakalipas.
“Ano’ng klase kang ina?” galit at pasigaw na sambit ng iyong panganay na si Isabel nang makausap mo siya sa cellphone. Labing-siyam na taon na siya.
“A-Anak…ano’ng ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong mo.
“Hindi mo na kami binigyan ng kahihiyan. Halos lahat ng tao rito sa ‘tin alam ang mga kalandian n’yo! Ilang lalaki ba ang kailangan n’yong pakisamahan para lang maibsan ‘yang kakatihan n’yo?”
Nasaktan ka sa walang habas na paratang na iyon ng iyong panganay. Napahigpit ang kapit mo sa cellphone at halos manghina ka. “H-Hindi totoo ‘yan, anak! Kung sinuman ang may sabi niyan sa inyo, siguradong gusto lang akong siraan sa inyo. Maniwala ka sa akin, hindi ko kailanman magagawa ang ganyan. H-Hindi ako ganyang klaseng babae, anak!” pagtatanggol mo sa iyong sarili. Hindi mo na rin napigilang mapaiyak.
“Natural, maghuhugas-kamay kayo para mapagtakpan ‘yang kalokohan n’yo. Pero kahit ano pa ang paliwanag n’yo, hinding-hindi n’yo na kami maloloko. Tutal, masaya na rin kayo d’yan sa bago n’yong pamilya, di ba? Hindi na rin namin kayo kailangan!”
Lalo kang napahagulgol sa sinabing iyon ni Isabel. Hindi mo alam kung sino ang naglason sa isip ng iyong anak at nagsabi ng mga kasinungalingang iyon. Alam ng Diyos na wala kang ginagawang masama. Ni sa hinagap ay hindi mo maaatim na makiapid sa ibang lalaki. At buong buhay mo, tanging ang iyong mister lang ang nag-iisang lalaking minahal mo!
“Tama nga ang itay na matagal n’yo na kaming niloloko. Hindi pa kayo nakontento. Pati kaming mga anak n’yo tinitipid n’yo sa pera. Dahil may ibang pamilya pala kayong pinagkakagastusan!” pagpapatuloy ni Isabel.
Nagkaideya ka sa sinabing iyon ng iyong panganay. Posibleng ang mister mo ang naglason sa utak ng iyong anak.
“Buwan-buwan akong nagpapadala sa itay n’yo ng pera. Lahat ng suweldo ko, pinapadala ko sa inyo. Kasehodang walang matira sa ‘kin ni singko,” depensa mo habang tuloy ang iyong paghagulgol.
“Talaga? Si itay mismo ang nagsabi sa amin na matagal na kayong hindi nagpapadala. Na kesyo may malaking utang daw kayong binabayaran. Kaya si itay ang dumidiskarte para mabuhay kami. Wala kang kuwentang ina!”
Parang sasabog ang utak mo sa mga sinabi ng iyong anak. Halos panawan ka na rin ng ulirat. Bakit kailangang magsinungaling ni Edwin sa mga anak ninyo? Ano ba ang nagawa mong kasalanan para siraan ka ng mister mo sa iyong mga anak? Hindi ka naman masamang ina o asawa para gawin ni Edwin ang ganoon sa iyo?
Anim na Pasko at Bagong Taon na ring hindi mo nakakasama ang iyong dalawang anak. Gayunpaman, sila pa rin ang laman ng iyong dasal sa araw-araw…

“A-Anak…ano’ng ibig mong sabihin?”
Pagkatapos ng pag-uusap ninyo ni Isabel ay pinilit mong kontakin ang iyong mister, pero naka-off ang cellphone nito. Makailang ulit mo na rin tinangkang tawagan si Isabel, pero sa pontong iyon ay off na rin ang cellphone nito. Halos masiraan ka ng bait. Walang humpay ang iyong pag-iyak. Mabuti na lang at mabait ang iyong mga amo na matagal mo nang pinagsisilbihan. At nang ikuwento mo sa kanila ang problema mo, labis silang nag-alala sa iyo. Pero mas pinili mong mapag-isa na muna.
Kinabukasan, nakatanggap ka ng tawag sa iyong panganay na kapatid na si Gina. “B-Bing, nag-usap na pala kayo ni I-Isabel?” anang ate mo.
Hindi mo na naman napigilang maiyak. “B-Bakit ganu’n, ate? W-Wala akong ginagawang masama. Kilala mo ako, ate. Pero ayaw makinig sa ‘kin ni I-Isabel!” palahaw mo.
“M-May kasalanan din ako, Bing. Patawarin mo ako kung matagal kong inilihim sa ‘yo ang kalokohan ng asawa mo. Ang kuya Nestor mo kasi, lagi niya akong sinasawata. Huwag ko raw panghimasukan ang buhay ninyong mag-asawa. Pero…ayaw ko nang maglihim sa ‘yo, Bing!’
Walang salitang gustong lumabas sa bibig mo. Kaya hinintay mo ang iyong kapatid na magpatuloy sa pagsasalita.
“May k-kinakasama nang ibang babae si Edwin. Ilang taon na rin. S-Sinubukan ko siyang komprontahin. Kaya lang matigas siya. At minsan na rin niya akong pinagbantaan. Kaya natakot din ako, Bing. P-Patawarin mo ako!”
Nanghihinang napaupo ka sa sahig habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Bakit nagawa ni Edwin sa iyo ang bagay na ito? At bakit pati ang mga anak ninyo ay idinamay niya?
“Si Edwin din ang n-naglason sa utak nina Isabel at Kevin laban sa ‘yo. Matagal nang dinedemonyo ng demonyong Edwin na iyon ang isip ng mga anak ninyo!”
Tuluyan ka nang nawalan ng ulirat. Nagdilim ang paligid mo at naalimpungatan ka na lang na nakahiga sa iyong higaan habang nakabantay sa iyo ang amo mong babae. Ikinuwento nito na nadatnan ka raw niyang walang malay kanina. Hindi mo na naman napigilang maiyak. Kulang na lang dugo na ang iiyak mo sa iyong mga natuklasan.
Hindi na naging normal ang takbo ng iyong buhay nang mga sumunod na araw. Hindi mo na rin makontak si Edwin at may pagkakataon mang makausap mo si Isabel o si Kevin, pero sarado na ang isip nila sa paliwanag mo. Masama na ang tingin ng dalawa sa iyo. Na kahit anong pagmamakaawa mo sa kanila, parang hindi na ina ang turing nila sa iyo. Hanggang itakwil ka nila na labis na ikinadurog ng iyong puso. Bakit nangyari ang ganito sa iyo? Bakit ikaw pa na walang hinangad kundi ang kapakanan ng iyong mga anak? At bakit may mga taong tulad ni Edwin na walang puso? Mas madali sana sa iyong tanggapin na may iba na siyang pamilya. Oo, masakit. Pero kaya mong lagpasan iyon. Kaya lang bakit pati ang mga anak ninyo ay idinamay pa ng iyong mister? Iyon ang labis na ikinadurog ngayon ng puso mo.
Tinangka mong umuwi ng ‘Pinas para personal na kausapin at paliwanagan ang iyong mga anak. Pero labis kang nasaktan sa huling sinabi ni Isabel sa iyo na siya mong labis na dinamdam.
“Kung tatangkain ninyong umuwi rito, nagsasayang lang kayo. Hindi namin kayo haharapin kahit lumuhod pa kayo sa harap namin o umiyak ng dugo. Mula ngayon, patay ka na sa amin. Wala na kaming ina!”
Simula noon, naging matamlay na ang iyong buhay. Buti na lang nandiyan ang mga kaibigan mo na pinipilit kang pasayahin at laging nariyan para i-comfort ka. Gayon din ang mga amo mo na parang pamilya na rin ang turing sa iyo. Mula noon, hindi mo na tinangkang kausapin ang iyong mga anak dahil nasaktan ka sa huling sinabi ni Isabel. Pero hindi ka nagtatanim ng galit o poot sa puso mo. Hanggang umabot ng anim na taon na hindi ka umuwi ng ‘Pinas. Anim na Pasko at Bagong Taon na ring hindi mo nakakasama ang iyong dalawang anak. Gayunpaman, sila pa rin ang laman ng iyong dasal sa araw-araw. Iniiyakan mo pa rin ang nangyaring ito sa pagitan ng iyong mga anak. At alam mo sa iyong sarili na pinipilit mo lamang tikisin sila na huwag makita at makausap. Pero sa iyong kalooban, gustong-gusto mo na silang makasama at makapiling. Pero paano mangyayari iyon kung hanggang ngayon ay masamang ina pa rin ang tingin sa iyo ng iyong mga anak?
Nalaman mo sa iyong ate Gina na ang babaeng kinakasama ng dati mong asawa ay nagkaroon na rin ng dalawang supling kay Edwin. Tanggap mo na ang bagay na ito. At sa loob ng anim na taon, wala ka na ni katiting na pagmamahal kay Edwin. Sa ngayon, hindi mo pa siya tuluyang kayang patawarin. Lalo na’t dahil dito, nagkaganoon kayong mag-iina.
Hanggang makatanggap ka ng isang mensahe sa text mula kay Isabel nang umagang iyon.
“Inay, patawarin niyo po kami ni Kevin sa naging pagtrato namin sa inyo. Nabulag kami ng mga kasinungalingan ni itay. Lubos ang aming pagsisisi na hindi ka namin pinaniwalaan o pinakinggan. Anim na taon na nagdusa ka sa isang pagkakasala na hindi mo maaatim kailanman na gawin. Sising-sisi kami, lalo na ako sa mga masasakit na salitang binitiwan ko noon sa inyo. Patawarin niyo ako, Inay. Humihingi rin ng patawad si Itay sa mga nagawa niya sa inyo bago ito pumanaw kahapon. Namatay siya sa sakit na lung cancer at bago ito bawian ng buhay, inamin niya lahat-lahat sa amin…
Inay, umuwi ka na rito. Malapit nang mag-Pasko. Ilang Pasko ka na naming hindi nakakapiling. At gusto ka na rin makilala ni Dave, ang iyong manugang at si Rosemarie, ang iyong apo. At sana ngayong darating na Pasko, muli na tayong magkakasama-sama, Inay!”
Tuloy-tuloy ang pag-agos ng iyong luha pagkatapos mong basahin ang mensaheng iyon ni Isabel. Magkakahalong emosyon ang iyong nararamdaman. Pero mas nangibabaw ang tuwa at saya sa iyong puso. At hindi ka na nagdalawang-isip. Uuwi ka ng ‘Pinas para muli mong makasama ang iyong mga anak na anim na taon mong hindi nakikita at nakakasama. At sa darating na Pasko, muli mong mararamdaman ang totoong diwa ng Pasko sa piling ng iyong mga anak at nag-iisang apo.









