NITONG DARATING NA PASKO

“Kung anu-ano ang pinaggagastahan nila ng pera…” panaltak ni tatay. “Mas maraming ibang dapat pagkagastusan…”

Ni Crisanta Palma

“ANO, darating daw ba sila?” tanong ni nanay kay tatay. Pinalo ni nanay ng sandok ang aking kamay na dadakma sana sa bagong hango niyang “kaskaron.” Wala akong imik na umupo sa mesa. Sinalo ng aking mga palad ang aking baba. Ang sarap naman ng kaskaron.

Laging nagluluto si nanay ng kaskaron bago magbisperas ng Pasko. Iniaalay niya ito. Paborito raw kasi ito ng aming lolo na namatay dalawang araw bago mag-Pasko. Karyoka ang tawag ni nanay sa kakanin. Iyan daw ang tawag sa kanila sa Bicol— at sa Antipolo kung saan siya nagdalaga. Pero kaskaron ang tawag ni tatay dahil niluluto ito sa kumukulong panutsa. Hindi gaya ng karyoka na asukal daw yata ang pinantamis.

Masarap ang kaskaron ni nanay dahil may palamang monggo na hinaluan ng binayong pinulbos na pinatigas na pandesal.

“Paanong pupunta, e, napakarami nila? Mantakin mong pamasahe ‘yan?” ang naantalang sagot ni tatay kay nanay. Ibinigay kay nanay ang iPad na ginamit niya sa pakikipag-usap kay Angkel Limon.

“Nami-miss ka nila… bakit ba iyang gastos ang iniisip mo?” sabi ni nanay na hindi man lang nag-abala na lingunin si tatay. Inilagay niya ang isang bandehadong hindi pa lutong kaskaron sa malaking kawa kung saan kumukulo ang panutsa. Tumayo ako at lumapit ako sa kawa saka ako tumingkayad upang makita ko ang niluluto ni nanay. “Sige, ilapit mo ang mukha mo’t kapag natalsikan, nakita mo!” pagalit ni nanay. Nakakatakot palang kumulo ang panutsa. Tumatalsik. At ang lalaki! Tumutunog pa ng Plok! Plok!

Bumalik ako sa aking inupuan kanina. Pinanonood ko si nanay. Alam ko, inoobserbahan din niya ako.

“Kung anu-ano ang pinaggagastahan nila ng pera…” panaltak ni tatay. “Mas maraming ibang dapat pagkagastusan…” Sinabayan ng alis. Saka lumingon sa akin: “Pakainin mo ‘yong manok mo para di pumayat magdamag!”

Culls o matandang layer na manok ang sinasabi ni tatay. Kakatayin daw namin sa Bagong Taon. Inagahan niyang bumili dahil marami na raw bibili bukas.

“Bakit, ayaw mo bang pumunta sina Angkel Limon mo dito?” tanong ni nanay sa akin.

“Gusto! Paparito daw po ba sila?” sagot ko.

“Hay, naku, kung ako lang, punta sila kung gusto nila—kahit anong oras o araw. Napakaluwang naman nitong bahay, e…”

Maraming beses nang tumawag si Uncle Limon. Noong bago mag-Pasko pa. Gusto nilang umuwi kami para roon mag-Pasko.

“Parang reunion na din natin,” sabi naman ni Uncle Joey na bunsong kapatid nina tatay.

Nagkawatak-watak daw kasi sila noong nagkaroon na sila ng kani-kanilang pamilya. Walo silang lahat. Si Uncle Limon ang isa sa mga naiwan sa kanilang family house sa Tabunay sa Sarrat, Ilocos Norte dahil binata pa siya. Kasama niya ang dalawang bunso na sina Uncle Jun at Uncle Joey. Magkapatid ang napangasawa ng dalawa kaya roon na sila. Sina Uncle Martin at Uncle Pilis, doon naman sila tumira sa lugar ng kanilang mga napangasawa. Sa Sarrat din pero sa ibang barangay. Nandito naman kami sa Bulacan. Ang dalawang babae, sina Auntie Buena at Auntie Zeny, nasa Spain sila. Magkakalayo sila. Bihira silang magkita. Kaya gusto nilang uuwi sana kami. Ngunit ayaw ni tatay. Wala raw kaming perang gagastusin. Wala raw kasi silang bonus. Ang natanggap niyang kalahating thirteenth month pay— nakuha na nila ang kalahati noong Mayo— ipinambayad na sa eskuwelahan.

“Nami-miss naman namin kayo!” sabi ni Uncle Limon noong tumawag sa pamamagitan ng Skype. Bigay ni Auntie Buena ang iPad na ginagamit namin kapag nakikipag-usap kami sa kanila.

“Parang mga bata naman kayo!” supalpal naman ni tatay. Sa sinabi niya, tapos na ang usapan. Siya ang panganay. Kung ayaw niya, wala nang magagawa ang kanyang mga kapatid.

Pero alam namin, si tatay ang labis na nangungulila sa kanyang mga kapatid. Naririnig namin sila ni nanay kapag nag-uusap sila nang madaling-araw.

Dalawa ang kuwarto ng aming bahay. Isa sa amin ni Kuya Kenneth na panganay namin. Kuwarto naman nina Ate Joanne at Ate Jenny ang isa. Sa salas natutulog sina tatay at nanay. Ginigising ko si kuya kapag naririnig kong nag-uusap ang mga magulang namin. Sanabi ko rin noon kina ate ang aming naririnig. Pero hindi sila nagulat. Naririnig din pala nila.

Kung nagkukuwentuhan sila, halos hindi makasingit si nanay. Kaya tagapakinig na lamang siya. Ang daming kuwento ni tatay. Naalala niya ang lahat. Lalo na ang kanilang kahirapan noon at ang kawalan nila ng makain. Iyong kinakarga niya sa kanyang balikat sina Uncle Martin at Uncle Jun kapag pupunta sila sa bukid. Lahat na yata, maalala niya. Pati iyong muntik silang malunod ni Uncle Jun sa sapa dahil inilagay niya sa kuribot si uncle saka niya nilangoy patawid ang sapa na kasalukuyan noong palaki ang tubig dahil napakalakas ng ulan. Kung anu-ano ang naaalala niya.

Napakalikot at makulit siguro ang mga anak ni Martin, sabi pa niya. Kung saan-saan siguro nagpupupunta ang mga anak ni Pilis. Bulakbol siguro ang mga anak ni Jun. Madaldal siguro ang mga anak ni Joey. Pulos hindi magaganda ang kanyang binabanggit. Doon pa lamang magkakaroon ng pagkakataon si nanay magsalita. Ang mga anak mo ang malilikot, makukulit, tamad at madaldal, kontra niya. Matigas ang ulo mo kaya ganito ang buhay mo ngayon. Hindi mo kasi tinapos ang pag-aaral mo!

Hindi naman ikinagagalit ni tatay ang mga sinasabi ni nanay. Tinatawanan nga niya. Sa katotohanan, ikinukuwento pa nga niya sa amin kung bakit hindi siya nagpatuloy sa pag-aaral. Tumigil daw dahil naaawa siya kay lola na hirap na hirap maghagilap sa kanyang mga gastusin.

“Mahirap pa rin tayo, pero mas matalino kayo kaysa sa akin,” sabi pa niya sa amin. “Kaya walang dahilan para hindi kayo makapagtapos sa inyong pag-aaral.”

Madrama talaga si tatay. Kung magsalita, parang siya lang ang nagpapaaral sa amin. “Buti kung hindi tinutulungan nina Auntie Buena, Auntie Zeny at Auntie Mamin,” sabi ko nga. Kapatid ng nawala naming lolo si Auntie Mamin pero auntie ang tawag namin sa kanya.

Nagtatawanan kaming magkakapatid kapag nag-uusap kami tungkol sa bagay na iyan. Maliban kay Ate Jenny. Meron daw kasi siyang nabasa sa Wattpad na gaya ni tatay. Na-depress daw noon ang matanda kaya takot na itong maging malungkot kaya gusto nitong laging masaya. At takot daw mawalan ng pera. Kaya raw halos ayaw gumastos ni tatay.

‘Yan ang napapala mo sa kababasa mo ng Wattpad, sabi naman ni Ate Joanne. Tigilan mo na ‘yan. Magbasa ka na lang ng mga aralin mo!

Lalo kaming natawa sa sinabi ni Ate Joanne. Si Ate Jenny kasi ang sumunod na pinakamatalino sa amin. With High Honors siya noong nakaraang taon. Pero, siyempre, ako ang pinakamatalino dahil nagmana raw ako kay nanay. Laging ako ang First Honors sa aming klase. Sabi nga ng aming class adviser sa Grade VI: “Bakit, Lyndon, abogado ba ang kukunin mong kurso at palagi mo akong dinedebate?” Huh, mas gusto kong magsundalo; mas madaling tumaas ang sahod.

Ngunit tama yata si Ate Jenny. Masaya si tatay kapag kinakausap kami. Pero kung maalala na niya ang kanyang mga kapatid, malulungkot na. Sinisikap niyang itago pero nararamdaman naman namin. Ang mahirap kapag ganito, namumutla siya. At nitong Disyembre, napansin namin na malaki ang kanyang ipinayat.

Sinabi ko ang napapansin kong ito kay Kuya Kenneth. At nagmiting ang Council of Four o C4: si Kuya Kennneth, si Ate Joanne, si Ate Jenny, at ako. Ang napagkaisahan namin: sosorpresahin namin si tatay. Kailangang maging masaya si tatay nitong darating na Pasko.

Ang plano, kaming magkakapatid lamang ang makakaalam nito. Pero ipinagtapat namin kay nanay dahil ayaw niyang ipahiram ang iPad. Paano naman namin makontak ang mga nasa Tabunay at Spain? Wala naman kaming mga selpon dahil ayaw ni tatay magkaroon kami. Dahilan pa raw na mapabayaan namin ang aming pag-aaral. Hindi nga kami makapasok sa internet café kung hindi dahil sa assignment. Kaya naging lima kaming nakaaalam ng sorpresa.

Si Uncle Limon ang kinontak namin kasi siya ang binata.

“Oo nga, nakakaawa,” sabi ni Uncle Limon. “Hayaan n’yo at yayain naming umuwi para dito na kayo mag-Pasko,” ipinangako niya.

Pero ayaw ni tatay. Masyado raw magastos sa pamasahe.

“Padadalhan namin kayo ng pamasahe,” sabi ni Uncle Limon. Marami siyang pera dahil maliban sa binata, nangongontrata pa siya ng mga ipinapagawang bahay at kalsada. Marami siyang mga tauhan.”

Hindi pa rin pumayag si tatay lalo raw at madali na siyang manghina.

“E, kung kami ang pupunta riyan?” mungkahi ni Uncle Pilis. Siya ang sumunod na panganay kay tatay.

Ayaw pa rin ni tatay. “Naghahanap lamang kayo ng pagkakagastusan,” sabi niya.

“Pagkagastusan mo pa ba ‘yan, e, sila na nga ang pupunta rito?” giit ni nanay.

“’Yong kakainin nila, hindi ba gastos ‘yon?”

“At masakit pa sa kalooban mo na pakainin ang mga kapatid mo?”

Ngunit kahit pa siguro sumayaw si nanay, talagang hindi niya makumbinse ni tatay. Kaya nag-Pasko kami na kami-kami lang.

Masaya naman kami, gaya noong nakaraang taon. Pero napansin naming magkakapatid na kulang ang saya ni tatay. Kaya nagmiting na naman ang C4. Kailangang matuloy ang pagpunta nina Uncle Limon dito sa pang-52 na kaarawan ni tatay sa Disyembre 27!

Pumayag sila.

Pero nalaman ni tatay.

Ito kasing si Kuya Kenneth, itinutusok-tusok niya ang kanyang hintuturo sa aking tagiliran noong kinakausap namin si Uncle Limon sa Skype. Nakiliti tuloy ako kaya napasigaw ako. Naingayan tuloy si tatay. At nalaman niya ang aming plano. Ano pa, di binigyan niya kami ng premyo na pagalit.

“Ayoko ng taong matigas ang ulo,” galit niyang sabi.

Ito namang si nanay, dinagdagan pa. “Nagmana nga sa ‘yo!” ang sabi, gaya ng nakasanayan na niyang gawin: ang sumalungat sa sinasabi ni tatay. Pero imbes na tawanan lang ni tatay na tulad din ng dati, lalo siyang nagalit. Napanganga kami lahat. Pers taym na nainis si tatay kay nanay! Pers taym din na hindi sila nag-imikan maghapon. Nakatatakot pala tingnan si tatay kapag nagalit.

E, di wala na ang aming plano. Kasalanan ko raw.

Natapos ang birthday ni tatay na parang wala lang dahil wala naman ang mga taga-Tabunay. Kaya nagmiting na naman ang C4. At ang resulta ng miting ay ang tawag ni Uncle Limon kanina. Dito raw sila magba-Bagong Taon kahit pa ayaw ni tatay. Ang alam ni tatay, nasa Tabunay pa ang kanyang mga kapatid. Ang totoo, nasa daan na sila Unlce Limon. Darating silang lahat na magkakapatid na nasa Tabunay.

“Hoy! Sagutin mo nga ang selpon!” sigaw ni nanay.

Naalimpungatan ako. Dali-dali kong kinuha ang tumutunog na selpon. Si Uncle Limon!

“Hello, uncle!” tugon ko. Nilagay ko sa loudspeaker ang iPad. Narinig yata ng mga kapatid ko kaya nagtakbuhang lumapit.

“Nasa NLEX na kami!”

Pumalakpak sina Ate Joanne at Ate Jenny.

“Ano?” Pinanlakihan kami ng mata ni nanay. “Pupunta sila?”

Hindi na kami nakasagot dahil nagsalita si Uncle Limon.

“Kung anu-ano ang pinaggagastahan nila ng pera…” panaltak ni tatay. “Mas maraming ibang dapat pagkagastusan…”

“PUPUWEDE naman kasi tayo mag-usap sa Skype,” galit ang boses ni tatay pero maamo naman ang kanyang mukha. Kaharap na niya ang aming mga tito sa beranda. “At iniwan n’yo pa ang inyong mga asawa at anak na magba-Bagong Taon!”

“Ano naman… maghintay sila,” sagot ni Uncle Pilis. “Para ngayon lang namin sila iniwan.”

“Ano pa nga ba? Sige, maglatag na kayo para makapagpahinga kayo. Katayin natin ang manok ni Lyndon bukas!”

Naglatag sila sa salas— sa tabi ng alay ni nanay na kaskaron. Pero hindi naman sila natulog agad dahil nagkuwentuhan silang magkakapatid. Mayamaya, tumayo si tatay saka sinabing mag-shot sila ng kaunti. Pampatulog.

Nagtungo sila sa beranda pero nalinaw naman naming naririnig ang kanilang usapan dahil katabi lang ng beranda ang aming kuwarto ni kuya kung saan kami naroroon ngayon kasama sina ate. Nasisilayan pa nga namin sila sa bintana dahil binuhay nila ang nag-iisang bombilya sa labas.

“Alam n’yo, Limon,” sabi ni tatay, “nahihiya ako sa inyong mga kapatid ko dahil ako ang panganay ngunit ako naman ang pinakamahirap sa inyo. Kaya ‘kako, wala akong mukhang ihaharap sa inyo…”

O, at nagdrama na naman si tatay.

“Ikaw naman, kuya…” sabi ni Uncle Limon at tinapik pa ang balikat ni tatay. Magkatabi sila. “Marami ka namang sakripisyo sa amin, a…”

“Ginusto akong pag-aralin noon ng ating lola para ako naman ang magpapaaral sa inyo pagkatapos,” pagtutuloy ni tatay. “Pero hindi naman ako nakapagtapos. Kaya sinisisi ko ang aking sarili kung bakit tayo nagkawatak-watak na magkakapatid. Kung saan-saan tayo napadpad para maghanap ng ikabubuhay natin.”

Nagtinginan kami nina Kuya Kenneth, Ate Joanne at Ate Jenny.

“’Yan ang dahilan kung bakit pinagsisikapan kong pagtapusin sa pag-aaral ang inyong mga pamangkin… para hindi sila magaya sa atin. At ang tanging hinihiling ko sa inyo, aking mga kapatid, sana ay pagsikapan n’yo rin pag-aralin ang inyong mga anak…”

O, at parang papalya na naman ang boses ni tatay.

“Huwag kang mag-alala, kuya,” narinig namin na sinabi ni Uncle Jun.

“Kailanman, hindi mangyayaring matulad sa atin ang ating mga anak,” sinabi naman ni Uncle Martin. “Sisiguraduhin namin sa ‘yo ‘yan.”

Ay, humihikbi na tuloy si tatay!

HINDI man nakarating ang mga kapatid ni tatay na nasa Spain, nag-usap-usap nama sila sa pamamagitan ng Skype. Ni-replay ni tatay ang kanyang drama kina Auntie Buena at Auntie Zeny. Itong dalawang tita namin tuloy ang nag-iiiyak.

“Hala, tama na ‘yan, kaka,” sabi ni Auntie Buena nang lumaon. Saka patawang sinabi: “Baka hindi ko mapigilan ang aking sarili at maipangako kong ako na ang magpaaral sa lahat ng aking pamangkin.”

Nagtawanan tuloy ang aming mga tiyuhin.

PUMALYA na naman ang boses ni tatay nang magpaalam ang kanyang mga kapatid. Inihatid namin sila hanggang sa kalsada. Inalok ni tatay sa kanyang mga kapatid na pumunta ulit ang mga ito sa susunod na taon.

“Payaw-ayaw ka… tapos ngayon,” sabi tuloy ni nanay nang pabalik na kami sa aming bahay.

Hindi na sumagot si tatay. Ngunit napansin ko ang kakaibang aliwalas ng kanyang mukha na para bang ang paligid na nahawian na ng usok ng mga sinindihan namin kagabi na mga paputok at fountain na ipinansalubong namin sa Bagong Taon.

Kuribot— basket na gawa sa kawayan na nilalagyan ng kinumpay na pagkain ng hayop