Ni Pat V. Villafuerte
UMAGA pa ay ipinatawag na ni Haring Leon ang mga hayop sa kagubatan. Pinulong niya ang mga ito para sa isang natatanging selebrasyon: Kaarawan ni Reyna Leona bukas.
“Ipinatawag ko kayo para iparating sa inyo na bukas ay kaarawan ni Reyna Leona. Nais kong lahat kayo ay mag-alay ng isang regalo na kaniyang magugustuhan. Maysakit siya at kailangan niya ang pagkaing makapagpapalakas sa kaniya at makapagpapagaling sa kaniyang sakit,” ang sabi ni Haring Leon. “Ang makapagdadala ng regalong mapipili at magugustuhan ko ay gagawin kong pangalawang Hari ng Kagubatan. Isang linggo siyang patitirahin ko sa aking palasyo. Makakain niya ang masasarap na pagkain na hindi pa niya natitikman. At kapag napagaling ang reyna ng dala niyang regalo ay habang buhay siyang mananatili sa aking kaharian. Pangmatagalan na siyang magiging pangalawang Hari ng Kagubatan.”
Lahat ng hayop ay natuwa sa kanilang narinig. Nag-usap-usap sila at ang bawat isa ay nangarap maging pangalawang Hari ng Kagubatan. Ang tanging naiisip nila ngayon ay kung anong regalo ang kanilang iaalay kay Reyna Leona.
Naghanap ng kung ano-anong mga pagkain ang mga hayop. Kinausap nila ang mga gulay.
Kinausap ni Kabayo ang mga luntiang gulay na sina Kangkong, Saluyot, Malunggay at Alugbati.
“Hihingi sana ako ng tulong. Maaari bang bigyan ninyo ako ng inyong mga dahon? Kaarawan ni Reyna Leona at nautusan kami ng Haring Leon na magdala ng pagkaing makagagaling sa sakit ng reyna. Masustans’ya kayo kaya kayo ang naisipan kong kausapin,” ang sabi ni Kabayo.
Pumayag sina Kangkong, Saluyot, Malunggay at Alugbati na dalhin sila ni Kabayo.
Matigas na gulay ang naisipang dalhin ni Tamaraw. Mabilis niyang kinausap sina Sayote at Kalabasa.
“Kaarawan ni Reyna Leona. Pinagdadala kami ni Haring Leon ng anumang makagagaling sa sakit ng reyna. Naparito ako para hingan kayo ng tulong. Kung maaari sana ay pumayag kayo na madala ko ang isa sa inyo sa palasyo ni Haring Leon,” ang sabi ni Tamaraw.
Napapayag ni Tamaraw sina Sayote at Kalabasa na dalhin sila sa palasyo.
Samantala, mga prutas naman ang kinausap ng ibang mga hayop.
Kinausap ni Matsing si Punong Saging.
“Punong Saging, wala naman akong ibang malalapitan kundi ikaw. Kaarawan ni Reyna Leona. Napag-utusan kami ni Haring Leon na dalhan ng pagkaing makagagaling sa sakit ng reyna. Maaari bang dalhin ko ang isang piling ng saging para ialay kay Reyna Leona?” ang sabi ni Matsing.
Pumayag si Punong Saging kay Matsing na dalhin ang isang piling ng saging.
Kinausap naman ni Baboy si Puno ng Abokado.

May sakit ang asawa ni Haring Leon na si Reyna Leona. At kailangan nito ang mga pagkaing makapagpapalakas at makapagpapagaling dito.
“Bagama’t may sakit si Reyna Leona ay magdiriwang siya ng kaniyang kaarawan. Napag-utusan kami ni Haring Leon na magdala ng pagkaing makagagaling sa kaniyang sakit. Maaari bang humingi ng isang bunga mo para ialay sa reyna?” ang tanong ni Baboy.
Sumang-ayon si Puno ng Abokado sa hiling ni Baboy.
Hinog na pinya naman ang binalak dalhin ni Maomag. Kinausap niya ang pinakamalaking hinog na bunga ng pinya.
“Magdiriwang ng kaarawan si Reyna Leona kahit may sakit siya. Dahil dito, napag-utusan kami ni Haring Leon na magdala ng pagkaing makagagaling sa sakit ng kaniyang asawa. Maaari bang makapagdala ng kahit isa sa inyo upang ialay sa reyna?” ang hiling ni Maomag.
Pumayag si Hinog na Pinya sa kaniyang kahilingan.
Kakaibang regalo ang naisip dalhin ng ibang mga hayop: Laman ng baboy at manok!
Hindi ipinaalam nina Aso, Pusa at Usa ang kanilang dadalhin. Nangangamba sila na baka magalit sina Baboy at Manok kapag nalaman nila ang naisipan nilang dalhin. Mangyari, liempo ni Baboy ang dadalhin ni Aso. Atay at balumbalunan ni Manok ang dadalhin ni Pusa. Puso at baga ni Baboy ang dadalhin ni Usa.
Kinabukasan, isa-isang dumating sa palasyo ang mga hayop. Dala-dala nila ang kanilang iaalay kay Reyna Leona.
Nakasabit sa mahabang ilong ni Kabayo sina Kangkong, Saluyot, Malunggay at Alugbati. Kagat-kagat ni Tamaraw si Sayote at nasa ulo niya si Kalabasa. Nakasabit sa leeg ni Matsing ang isang piling ni Saging. Kagat-kagat naman ni Baboy si Abokado. Kagat-kagat ni Maomag si Hinog na Pinya. Dala-dala nina Aso, Pusa at Usa ang kanilang iaalay kay Reyna Leona. Maingat sila sa pagtatago ng mga ito at baka makita nina Baboy at Manok.
Nagalit si Haring Leon sa dinalang regalo ng mga hayop.
“Bakit inabala ninyo ang mga gulay at prutas? At bakit kailangang pumatay kayo ng inyong mga kasama at kunin ang kanilang laman-loob para lamang may maialay kayo sa kaarawan ng aking asawa? Wala kayong habag!” ang sabi ni Haring Leon.
Nang sumandaling iyon ay dumarating si Kalabaw. Nahuli siya ng dating dahil sa mabagal niyang paglalakad.
Kagat ni Kalabaw ang dahon ng saging. Dito nakabalot ang kesong puti. Nakasabit naman sa kaniyang dalawang sungay ang nakataling bote na ang laman ay kaniyang gatas. Dito kasi malimit inilalagay ng kaniyang tagapag-alaga ang keso at bote ng kaniyang gatas para madaling maibigay sa mga mamimili.
Natuwa si Haring Leon sa kaniyang nakita.
“Iyan ang nagustuhan ko. Tiyak na gagaling at tuluyang lalakas si Reyna Leona. Isa pa, hindi inabala ni Kalabaw ang mga gulay at prutas. Hindi rin siya naminsala ng kasama ninyo,” ang sabi ni Haring Leon. “Si Kalabaw ang magiging pangalawang Hari ng Kagubatan.”
Binati ng mga hayop si Kalabaw, ang kanilang pangalawang Hari ng Kagubatan.









