Pagbabalik sa Alaala ng Isang Pasko

Ngayon, nasa likod na ako ng Industrial Arts Building. Bahagyang masukal doon, ngunit may mga batong upuan kaharap ng maluwang na estero. Doon ko unang hinalikan si Rebecca bago kami nagmartsa sa graduation. Doon ko siya unang napaiyak.

Ni Ester Aragon

AYAW ko na sanang bumalik—may ilang taon na ba ang lumipas? Sampu…labinlima? Hindi ko na matandaan. O, ayoko nang matandaan!

Marami na raw binago sa lugar na iyon sa aming lungsod. Nagbago na rin pati itsura ng pook na iyon. Malaki na raw ang iginanda ng gusali ng aming hayskul. Ano pa ba ang aking babalikan?

Ngunit tinawagan ako ng aking dating titser sa Wikang Pambansa—hindi pa Filipino ang tawag noon. Ilang unibersidad ang kaniyang tinawagan, ang kaniyang pinuntahan. Alam niyang sumumpa ako sa aming yearbook! Magtuturo ako ng Wikang Pambansa sa unibersidad na aking pagtuturuan. Ngunit sa huling unibersidad na kaniyang pinuntahan, nagretiro na raw ako. Kaya naalaala niya—ang address sa Recto Avenue ng munting opisina ng buy and sell ng pinakahuling modelo ng produktong elektroniko. Natunton niya iyon sa direktoryo ng telepono bago iyon itinigil limbagin ng PLDT. Ako na ang manedyer noon. Yumao na ang aking ama!

“Huwag na huwag kang aabsent sa special reunion nating iyon!” Parang awit pa rin ang kaniyang tinig kahit alam kong matanda na siya!

Kaya nga dumating ako sa gusali ng aming hayskul. Namangha nga ako. Hindi na matibay na kahoy ang gate ng aming hayskul. Bakal na—may disenyo ng parang sumasayaw na mga alon. Marmol na ang unang hagdanan papasok ng gusali. Yari na sa makapal na tabla ang aming iskuwelahan. Wala na ang waring bulok na pintong plywood ng opisina ng peryodikong pampaaralan namin sa Wikang Pambansa. Marahil, naisip ko, gayundin ang pinto ng opisina ng aming peryodikong pampaaralan sa Wikang Ingles.

Wala na rin ang mga gapang ng yellow bells sa mga dinding ng aming hayskul. Matibay at may disenyo pa ang parang mga marmol na dinding sa buong paaralan. Nagbabago nga ang panahon, tulad kong malakas pa, gayundin ang nag-iimbita kong guro sa Wikang Pambansa! Sa quadrangle na iyon—palaruan ng basketbol at iba pa, nalulunod wari ang mga upuan sa mga tugtuging makabago. May mga sumasayaw at matunog ang halakhakan sa paligid. Dama ko ang mga tugtuging makabago sa bandang dulo ng quadrangle na iyon. May naghahalakhakan naman ang mga lugar ng mga pagkain at refreshments.

Sinalubong ako ng guro kong iyon na katabi ng iba pang guro ko ng iba’t ibang aralin. Marahil dahil sikat ako—isang manunulat at aktor sa Cultural Center. Kamakailan lamang, napanood ako dahil nagtanghal kami ng musical play sa pagdating ng isang dignitary mula sa Pransiya!

“O, makihalubilo ka…nakatingin sa ‘yo, mukhang sabik ang mga kaklase mo!” sabi pa ng guro kong iyon.

Nakihalubilo nga ako. Sa totoo, parang dinumog pa ako! Lunod nga ako sa tuwa!

“’Wag kang magtaka…kilala ka dahil sa mga akda mo at mga palabas sa Cultural Center!” Iyon ang narinig kong sabi ng presidente ng aming batch!

Nakigulo ako, matagal din, ngunit hindi nila napansin! Mapanglaw ako.

Hindi nila alam, may mga alaalang sinisipat ako sa paligid. May mga panahong sa lugar na iyon, naririnig ko ang boses niya. Tinatawag ako. Niyayakag akong lumabas ng aming lumang gusali upang magminindal sa matandang bakery sa tapat ng aming iskuwelahan.

“Huwag kang lalayo…hahanapin ka ng mga di pa dumarating!” pagunita ng isang naging opisyal ng oranisasyong kinabilangan ko.

Ngunit nagdaan lamang ako sa lugar ng refreshments at kung ano-anong pagkaing dala ng mga kaklase ko. Saka kunwa’y lumibot ako sa iba pang lugar ng aming hayskul. At muli, bumagsak ako sa opisina ng aming school organ sa Wikang Pambansa. Nakasara ang pinto. Balak kong pumasok doon, saka maglibot pa sa ibang panig ng aming haiskul: mga silid ng biology, food technology, industrial arts at laboratoryo ng auto mechanic. Doon ako natagalan hanggang lumabas ako sa may physical education ground. At doon ko siya muling narinig.

“Nahihiya kang magdala ng mga palda ng babae?” Sinita niya ako.

Sa totoo, hindi naman ako magbibitbit ng kahit isang palda! Magbabantay lamang ako ng tambak ng palda sa ilalim ng malabay na mga sanga ng punongkahoy sa harapan ng P.E. ground!

“Bakla! Bakla!” Iyon ang isinisigaw ng marami sa mga kaiskuwela kong lalaki kapag nagbabantay ako ng ipinagbilin sa aking mga palda ng aking mga kaklase.

Doon ako napapaaway. Nakikipagsuntukan sa mga kaklase. Macho ako. Ayokong matawag na binabae. Suklam ako sa mga lalaking nagsisitsit sa tulad kong nasa ilalim ng malabay na punongkahoy. Parang mabangis na guwardiyang nagbabantay sa ipagbilin sa aking mga palda ng mga kaklaseng babae!

Ngayon, patungo na ako sa likuran ng malaking gusali ng aming hayskul. Naririnig ko ang kaniyang hagulgol. Tumatanggi siya. Ayaw niyang maniwala!

“Hindi totoo ‘yan! Porke niregaluhan mo ako ng rosaryo…magkakahiwalay na tayo!”

Tama! Niregaluhan ko si Rebecca ng isang rosaryong may basbas pa ng isang pari sa Quiapo. At Pasko noon.

“Tinutudyo nila ako!” Parang isinusumbong niya ang ilan niyang kaklase na nagtatawa sa kaniya minsang ipinakita niya ang rosaryong ipinabasbasan ko pa ilang araw pagkaraan ng pista sa Quaipo.

“’Wag kang maniwala sa kanila! Basta regalo ko ‘yan sa iyo! Inggit lang sila!” sabi ko pa sa kaniya. Sa labas nga ng iskuwelahan, patungo sa likod ng bagong gusali, parang naririnig ko pa ang kaniyang pagsusumbong. Hanggang kinuha ko sa kaniya ang rosaryo at itinago ko, ngunit nakumpiska ni Ina.

“Hindi mo ipinamimigay ang rosaryo. Pagbili mo, sumisimbolo ‘yan ng debosyon mo sa Panginoon!” sabi naman ni Ina sa akin.

At napangasawa ko si Rebecca. Nasa aking Ina ang rosaryo na lagi nitong ginagamit sa mga pagsisimba niya kahit saang lugar. Bumili naman ng sariling rosaryo si Rebecca. Sinabi niya iyon sa akin.

“Ilan taon na tayo, Basil? Ang tagal na…lalong tumibay ang pagsasama natin kahit tayo nabiyayaan lamang ng dalawang anak!”

“Bakit? Nasa pag-aanak ba ng mag-asawa ang tibay ng kanilang pagmamahalan?” sabi ko sa kaniya.

Napatingin siya sa akin noon. Parang Diyos ako sa mga mata niya. Noon ko damang-dama ang kaniyang pagmamahal!

Ngayon, nasa likod na ako ng Industrial Arts Building. Bahagyang masukal doon, ngunit may mga batong upuan kaharap ng maluwang na estero. Doon ko unang hinalikan si Rebecca bago kami nagmartsa sa graduation. Doon ko siya unang napaiyak.

“Para sa iyo ‘yon…totoo palang mahal mo ako!”

Ngayon, nasa likod na ako ng Industrial Arts Building. Bahagyang masukal doon, ngunit may mga batong upuan kaharap ng maluwang na estero. Doon ko unang hinalikan si Rebecca bago kami nagmartsa sa graduation. Doon ko siya unang napaiyak.

Hindi ko siya sinagot noon. Hinalikan ko siya uli. At sa ikalawang halik ko, gumanti na siya.

Mainit na halik. Kaakibat pa ang yakap niya sa akin. Kaya pagkatapos namin ng college, pinakasalan ko siya. Ilang taon na pagsasanib ng aming katawan, dalawang supling, isang lalaki’t isang babae ang kapwa namin pinalaki!

“Hindi totoo ang tungkol sa rosaryo…” sabi niya noon sa akin.

Nagtagal nga ang kaniyang buhay, ang aking buhay! Malulusog, maligaya ang kani-kanilang pamilya ng mga anak namin, isang lalaki at isang babae! Hanggang ngayon, kahit maliliit pa ang kanilang mga anak, masaya sila!

Masarap balikan ang alaala. Lalo na kung Kapaskuhan. Lalo na ang likod na iyon ng Industrial Arts Building. Lalo na ang mga unang halik namin!

Noon ko nakita ang kasya sa kamao ko na batong buhay. Bahagyang nakasubsob iyon sa lupa. Sinudsod ko iyon ng isa kong kamay. Inalisan ng lupa. Kinamal ko. Mahigpit. Saka ko inihagis, magaan lamang, sa malaking esterong iyon. Lumikha rin iyon ng maingay na labusaw.

“Sayang, Rebecca! Hindi na kita nakasama sa likod ng building na ito. Hindi na kita mahahalikan uli! Sayang, Rebecca!”

Ilang taon na ba siyang nakahimlay sa libingang iyon? Sana’y kasama kita sa reunion na ito! Sayang, Rebecca!