Ni Arnold Matencio Valledor
BAGO siya lumabas ng banyo, inisip niya kung saan niya ilalagay ang body wash na isang litro at ngayon lang niya ginamit kaya kakaunti pa lang ang nabawas.
Kung ilalagay niya ito sa lavatory, madaling makita ng kanilang bunsong anak at posibleng paglaruan–ibuhos nang ibuhos sa tabo at piliting pabulain. Kung maligo man ay kakalahatiin o ubusing ibuhos ito sa malaking balde at doon maglunoy.
Kaya, naisip niyang ilagay na lang ito sa mataas na estanteng stainless na nasa kanang bahagi ng bowl. Nang nailagay na niya, naisip niya na kapag nakita ito ng bunso nilang anak, pilit na aabutin nito na posibleng ito ang mga mangyari: (una) sa pag-abot nito ay aapak sa gilid ng bowl (dahil natanggal na ang takip) na posibleng ikadupilas nito at mapilayan at mauntog pa sa pader, (pangalawa) kung naabot na ito at nagagap na at nadupilas, mapipilayan na at mauuntog pa sa pader ay maibabagsak pa nito na ikawawasak ng manipis na plastik na lalagyan nito.
Kaya, nag-isip pa siya. Nagkuwenta. At inilagay niya ang body wash sa lavatory, sa lugar na madaling makita at makuha ng bunso nilang anak.
Magkano ba ang halaga ng isang litrong body wash? Magkano ba ang pagpapagamot ngayon sa napilayan? Sa nauntog na ulo sa pader? Anong epekto sa bata ang pagkadupilas, pagkapilay at pagkauntog sa pader?
Umalis siyang natutulog pa ang anak para pumasok sa trabaho. Habang nasa trabaho, miminsang naiisip niya kung ano nang nangyayari sa body wash.
Pagdating niya sa bahay, sakbat pa ang bag ay tiningnan niya ang body wash. Nakatayo sa lavatory, hindi kagaya kaninang nakahiga nang ilagay niya. May bawas ngunit tama lamang sa isang kaliguan. Natuwa siya. Nawala ang lahat ng bumabagabag sa kaniya simula pa kaninang umaga sa banyong iyon. At pagsara niya ng pinto upang magbihis ay tumatakbong papalapit sa kanya ang bunso at nagmano. Bagong paligo ito.









