Ni Nestor Cuartero
LIMANG araw nang hindi kumakain nang matino ang buong pamilya nang isang tanghali ay may naligaw na pusang gala sa kanilang bakuran.
Putian ang balat nito. Maamo ang mukha. May polka dots ng itim sa ilang bahagi ng katawan. Mukha namang mabait. Magiliw pa nga at malinis. Sosyalin at mukhang mabango.
May katabaan, ang pusang ito na napadpad sa takdang oras.
Hindi kaya buntis ito?
Mistulang dilat at nanlaki ang mga mata ng mag-anak habang nakatunganga sa kanilang barungbarong sa gilid ng Estero de Aviles sa Maynila.
Nagkatinginan sa isa’t isa ang mag-asawang Richard at Lucy na noo’y namomroblema kung saan kukunin ang ipakakain sa pito nilang anak na kabataan.
Gayundin ang ginawa ng kanilang mga mumunting anak, sina Melanie, Gretchen, Claudine, Catriona, Kathryn, Enrique, at Marjorie.
Kahapon lamang ay may lagnat ang bunsong si Marjorie. Dala marahil ng kagutuman, ayon kay mommy Lucy, habang hinahaplos ang mukha ng manipis na foundation na nabili niya sa bangketa sa dakong Avenida.
Araw-araw niyang gawain ito upang mapanatiling maganda at kaakit-akit sa asawang guwapo pa naman kahit nasa edad 50 na.
Agad tumayo si Richard habang nakatitig sa ‘di inaasahang dalaw. May naglalarong kung ano sa kanyang malikot na isipan. Isang kindat ang inihagis niya kay Lucy, na simpleng ngumiti lamang.
May kinuha siya sa dakong likuran ng bahay nilang mistulang paraisong parisukat.
Maya-maya pa’y narinig ng mga bata ang malalakas na hampas ng itak sa kusina. Patuloy naman ang alingawngaw at hiyaw ng pusang galang tila nalulumbay at naghahanap ng ina ng laging saklolo.
Napangiti ang panganay, si Claudine. Sumigla naman ang mukha ng dalagitang si Catriona.
“Masarap marahil ang ulam natin ngayon,” sambit niya sa kanyang ate habang tumutungga ito ng malabnaw na kape.
Sandaling aligaga sa open-air na kusina na gaya ng napapanood ng mga bata sa mga vlog sa You Tube ang mag-asawang umaasa ang kabuhayan sa basura at panlilimos. Minsan naman ay nakakapagmaneho si Richard ng tricycle, pahiram ng kanyang kumpareng Erwan, kahit wala siyang lisensiya. Karaniwang busy si Erwan sa pagluluto sa karinderya ng asawa nitong si Anne.
Inutusan nila si Gretchen na umutang ng bawang, sibuyas, toyo, at suka sa kapitbahay na si Tingting, nanay ni Small, na kung tawagin din ay Tiny.
“Huwag ka nang humingi ng mantika,” sigaw ni Lucy habang papalayo ang anak.
“Marami pa tayong naipong second-hand cooking oil mula sa fastfood sa Recto.”
Umalingasaw sa kapitbahayan hanggang sa dako pa roon ng San Miguel ang mabangong halimuyak ng nilulutong adobo. Napuno ng halakhak ang tahanan ng pamilya Estevez.

Hindi inaasahan ng mag-asawang Richard at Lucy na magkaroon sila ng bisita nang tanghaling iyon…
Antok na antok si Claudine sa kabusugan matapos ang masaganang tanghalian. Napautot pati ang aso nilang si Dencio.
Nag-iisip pa lang ng panghimagas ang mag-anak nang pumasok ang isang matabang bisita.
Si Mrs. Dawn Buenavista, kapitbahay nila na nagpapaupa ng mga mumunting condo-kuwarto sa mansiyon nitong maituturing sa sulok na iyon ng estero.
Mayamang donya ang dating ni Mrs. Dawn. May manaka-nakang salita ito sa wikang Ingles.
“Excuse me.”
“I have to go now.”
May kislap ng pekeng gintong mula sa puwit ng bote ng beer ang mga daliri, leeg at braso nito.
May bitbit din itong isang malaking Persian cat na ayaw kumawala sa matatabang braso nito.
“Kumadre,” palataw nito habang pumapasok sa pintuang lawanit ng mga Estevez, bilang pagbati at beso sa kumadreng si Lucy, na noo’y naka-duster lamang at hindi pa natapos ang full make-up.
“May naligaw ba ditong pusang mataba na kulay puti at may tangay na isang plastik na supot ng isang kilong baboy?’’

