DAHIL KAY SANTA KLAWS AT SA MGA PATAY-SINDING PAROL

Naagaw ang pansin ko ng mga nakalambiting parol at iba pang dekorasyong pamasko sa isang kalapit na tindahan…

NI LUIS P. GATMAITAN

BIYERNES pa lamang ng gabi ay abala na si Nanay sa kalilista ng kung ano-anong bagay at pagkain na bibilhin sa palengke. Sabado kasi kung mamalengke si Nanay.

“Baka makalimutan ‘yung pang-ahit ko ng bigote,” bilin ni Tatay.

Nahulaan ko na ang susunod na sasabihin ni Nanay: “O, Ferdie, matulog ka na. Maaga pa tayo bukas.”

Bago humiga sa kama ay inihanda ko na ang dadalhing bayong ni Nanay. Iginayak ko na rin ang payong sakaling umulan.

Maraming suki si Nanay sa loob ng palengke.

“Naku, ang suki kong magandang titser, nandito na pala. Ano ba’ng sa atin, suki?” bati ng isang tindera.

“Longganisa. Isang kilo ng garlic langgonisa, suki. Bago ba ‘yan?” paniniyak pa ni Nanay.

“Siyempre naman, suki. Bibigyan ba naman kita ng luma?”

“Dagdagan mo na rin pala ng isang kilo ng liempo at isang kilo ng buto-butong pang-sinigang,” sabi ni Nanay.

Pagkatapos ay tutungo kami sa tindahan ng manok. Panonoorin ko kung paano balahibuhan ng aleng tindera ang manok na kababanli lang sa kumukulong tubig.

“Darleng, atadong pang-tinola ba o pang-adobo?” masayang tanong ng ale.

“Pang-tinola. Mas gusto ng mister ko kapag may sabaw ang ulam.”

At pati ako, napapasali sa kuwentuhan ng matatanda.

“O, lalo yatang pumopogi ang anak mo. Ano’ng grade ka na, Totoy?”  

Isusunod namin ang pagbili ng isda. Masusing mamasdan ni Nanay ang hitsura ng isda.

“Para saan ‘yun, Nanay?” matapos kong pansinin ang pagpisil-pisil niya sa katawan ng isda.

“Para makasiguro tayong sariwa. Kapag matigas ang tiyan nito, tiyak na sariwa. At dapat ay hindi mapula ang mata!”

“Naku, Darleng, huwag masyadong panggigilan ang aking paninda. Sariwang-sariwa ‘yan. Kasing-sariwa ng nagtitinda!” masisteng sabi ng tindera sa kaniyang pagsaway kay Nanay.

Siyempre, hindi namin malilimutang dumaan sa isang lola na puting-puti na ang buhok. Magtatampo si Inang Bali kapag hindi nabili ang kaniyang bilin.

“Pabili nga po ng mga dahon ng ikmo…”

“Ay, Ma’am, inihanda ko na ang ikmo para sa Nanang mo…”   

“May kasama na po ba itong apog at bunga ng nganga?” paniniguro ni Nanay.

Napatingin ako sa lolang nagtitinda. Kay pupula ng mga labi niya habang nginunguya ang kaniyang “nganga.” Nalanghap ko pa ang mabangong amoy ng nganga na kaniyang nginangata!   

May isang bagay akong natuklasan kay Nanay: mahilig siyang tumawad. Kahit anong bilhin niya, kahit mura pa ito, tiyak na hihingi siya ng tawad. O kaya’y manghihingi ng konting dagdag.

“Suki, bawasan mo naman ng singkuwenta sentimos ang bungkos na ito ng petsay,” masuyong pakiusap ni Nanay.

“Suki, bakit may butal pang bente-singko ang isang tumpok mo ng kamatis? Tawad na lang ‘yun, ha.”

“Suki, dagdagan mo naman ng isang kutsara ang bagoong na alamang mong ubod-sarap, ha!” may lambing sa tinig ni Nanay.  

Minsan din, kapag puno na ang aming bitbit na bayong, ilalagak ako ni Nanay sa suki niyang tindera ng mga damit. Dito niya ako ibinibili ng short, sando, at medyas. Pero minsan, ako ang napagdidiskitahan ng mga tinderang inip na sa kababantay ng kanilang paninda. Kay hilig nilang mambuska!

“Paglaki mo, ikaw na lang ang boyfriend ko, ha. Hihintayin kita.” May kasama pang kindat iyon.

“E, tanungin mo kaya kung tuli na?” Ganoon naman ang isusunod ng kasamahan niyang saleslady.

Kung puwede lang na huwag na akong ilagak dito ni Nanay. Titiisin ko na lang ang bigat ng kanyang bayong.

“Kayo talagang magagandang binibini, palagi n’yong binibiro si Ferdie.” Hustong pagdating ay masuyong sasabihin ni Nanay sa mga pilyang tindera. “Salamat sa pagbabantay n’yo kay Ferdie, ha…”

Sa kaiikot sa palengke at sa dami ng aming napapamili, nananakit na rin ang aking palad sa kabubuhat. Kahit pa nga tig-isa kami ng bayong ni Nanay.

“Nanay, kumain muna tayo ng halo-halo,” yaya ko sa kaniya.

“Mamaya na, anak. Tapusin muna natin ang pamimili, ha. Bibili pa tayo ng ihahanda natin sa Noche Buena.”

Sa pangakong iyon, sumisigla ang aking pakiramdam. Parang mas lumalakas ang aking bisig sa pagbubuhat. Sa init ng singaw sa loob ng palengke, parang ambon sa tag-araw ang pangakong kakain kami ng halo-halo sa puwesto ni Aling Maring.

Pero nang Sabadong iyon, sadyang napakaraming tao sa loob ng palengke. Dalawang linggo na lang kasi at Pasko na. Napakaalinsangan tuloy. Tumatagaktak ang pawis namin ni Nanay. Paulit-ulit din pagpapatugtog ng remix ng Jingle Bells, Ang Pasko ay Sumapit, at I Saw Mommy Kissing Santa Claus kaya lalong naging maingay sa loob ng palengke.

“Suki, suki, bili ka na! Murang-mura! May dagdag pa!” ang koro ng mga tindera.

Naggigitgitan na rin kami sa mga pasilyong dinaraanan sa palengke. Minsa’y naaapakan pa ang aking tsinelas. Pero nang minsang nakikipagtawaran si Nanay sa binibili niya, naagaw ang pansin ko ng mga nakalambiting parol at iba pang dekorasyong pamasko sa isang kalapit na tindahan. Kay gaganda ng mga ito, kay kikislap. Sangkatutak ang mga santa klaws na iba-iba ang ginagawa: nagpa-parachute, nagbabasa, kumakanta, umaakyat sa chimney, nakaupo sa rocking chair, at kung ano-ano pa. Ang dami ring mga kyut na krismas tri, may Belen, may Christmas train, at panay rin ang patay-sindi ng Christmas lights! Iyong mga makukulay na parol na nakasabit, sumasabay sa awiting pamasko ang pagpatay-sindi ng mga ilaw sa loob nito!

Nang lumingon ako ulit sa direksiyon ni Nanay, hindi ko na siya nakita.

Nasaan si Nanay?

Naiwan ako ni Nanay!       

Nanlamig ang aking mga kamay. Kabang-kaba ako. Parang maiiyak ako. Parang gusto kong sumigaw ng mahabang-mahabang naaaanaaaaayyyyyyyyyyyyy!

Sinisi ko ang barkadahan ng mga Santa Klaws at ang mga naggagandahang parol. Dahil sa inyo, naiwan ako ng Nanay ko!

Nang sandaling iyon, para akong estranghero sa isang lugar. Wala akong kakilala. Wala naman akong dalang cellphone. Hindi rin dala ni Nanay ang cellphone niya kasi’y marami raw mandurukot sa palengke. Iisang mukha lang ang gusto kong makita nang mga sandaling iyon: ang mukha ni Nanay. Ang napakagandang mukha ni Nanay.

Hindi ako nagpahalata na ako’y nawawala.

Walang dapat makahalata na ako’y nawawala.

Nagtapang-tapangan ako. Kunwari’y may hinihintay lang ako.

Naalala ko ang minsa’y sinabi niya sa aming magkakapatid kapag lumalabas kami nang sama-sama sa isang lugar: Kapag nawala kayo, o napawalay, sa loob ng palengke, huwag kayong magpapanik. Huwag iiyak. Huwag na huwag kayong aalis sa lugar kung saan tayo nagkawalaan. Huwag kayong magtitiwalang sumama sa kahit kanino.

Ganoon nga ang ginawa ko.

Pero kahit anino ni Nanay, wala akong makita.

Lumipas ang ilang sandali. Ang aking kaba ay sinamahan na ng pamamawis ng noo’t palad. Nasaan na si Nanay?  

Kahit kabang-kaba, pinagmasdan ko na lang ang isang ale na abalang nagbabalot ng mga regalong pamasko sa tindahan ng mga parol. Kunwa’y kustomer ako at hinihintay kong matapos na mabalutan ng christmas wrapper ang isang regalong kunwari’y binili ko.               

Hindi pa katagalan at narinig ko na ang pamilyar na tinig. “Naku, Ferdie! Andiyan ka lang pala…”

Si Nanay? Si Nanay nga!

Sa isang iglap ay biglang nagbalik ang kulay sa aking mukha. Sumauli sa normal ang mabilis na tibok ng aking puso. Nawala ang panlalamig ng aking kamay.  

“Nandiyan ka lang pala! Akala ko’y kasunod lang kita?” nag-aalalang sabi ni Nanay.

“E, kasi po, napatingin ako sa magagandang Christmas decors. Nu’ng lumingon po ako sa ulit sa inyo, wala na po  kayo…”

Masuyong niyapos ako ni Nanay. “Sabi ko naman sa ‘yo, anak, huwag mong iwawalay ang tingin mo sa akin. Nagkawalaan tuloy tayo…”

“Buti po, nakita n’yo ako ulit…”

“Kasi, binalikan ko sa isip ang mga huling lugar na pinuntahan ko nang mapansin kong di na kita kasama. Mabuti’t hindi ka umalis dito…”

“Natandaan ko po kasi ang paalala n’yo sa amin na sakaling magkawalaan, kahit saan, huwag kaming aalis sa lugar kung saan n’yo kami huling naiwan…”

Ginusot na lamang ni Nanay ang aking buhok sabay yaya sa akin na kumain na kami ng inuungot kong halo-halo. Nang hawakan ko ang palad niya, napansin kong malamig na malamig pa ito.

Natakot din ba siya nang mawala ako?  

Naagaw ang pansin ko ng mga nakalambiting parol at iba pang dekorasyong pamasko sa isang kalapit na tindahan…

Habang dinudurog ko ng kutsara ang yelo sa halo-halo, nakita kong mataman akong pinagmamasdan ni Nanay. “Alam mo, anak, noong mapansin kong wala ka sa likuran ko kanina, kinabahan ako. Kabang-kaba ako. Muntik ko nang mabitawan ang mga pinamili ko.”

“Talaga po?”

“Oo naman. Mas mahalaga ka kaysa sa mga pinamili ko. Mas mahalaga ka sa lahat ng panindang laman ng palengkeng ito. Mas mahalaga ka pa sa buhay ko.”

Kay sarap pakinggan ng mga sinasabi ni Nanay.

“Kaya sa susunod, kapag nasa isang mataong lugar tayo, huwag tayong bibitaw sa kamay ng isa’t isa, ha…”

“Opo, hindi po ako bibitaw sa inyong kamay,” pangako ko kay Nanay.

“At hindi rin kita bibitawan ng aking tingin…” pangako ni Nanay sa akin.   

Dati nang masarap ang halo-halo ni Aling Maring. Pero nang mga sandaling iyon, parang nadoble ang linamnam nito. Pumailanlang ang awiting Silent Night habang pareho naming ninanamnam ni Nanay ang matatamis na sangkap ng halo-halo.