Kung Paano Ka Bubuuin (o Wawasakin) ng ‘Kalahating Bahaghari’  

Ni Mary Joy D. Salcedo

MAPIPILI mo ba ang iyong pagkatao, tulad ng kung kanino titibok ang iyong puso?

Setyembre 14, 2024 nang ilunsad ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee ang kaniyang bagong nobelang “Kalahating Bahaghari.”

Base na rin sa pamagat, tungkol ang aklat sa LGBTQIA+ community bilang representasyon ng “rainbow flag.”

Ngunit sa pagbuklat ng bawat pahina, mahihinuhang hindi lamang ito tungkol at para sa nasabing komunidad. Para rin ito sa bawat taong tila pinagsasarhan ng pinto. Para ito sa bawat isang naghahanap at gustong mahanap, kaya ang kuwentong ito ay para lahat. Lahat naman tayo ay nais makatagpo at matagpuan, hindi ba?

Isang espesyal sa pagkakasulat ni Ricky Lee sa nobela ang kung paano niya idinaloy na parang banayad na batis ang bawat tagpo mula sa panahon ng Batas Militar hanggang sa kasalukuyan. Ipinakita rito ang danas ng sangkabaklaan (at maging ng mga hindi) sa pamamagitan ng paglalahad ng kuwento ng isang angkan, na sumasalamin sa lipunan.

Puno ng damdamin ang pagkakalimbag ng mga salita sa bawat pahina. Minsan tuwa at minsan lungkot ang dala nito. Minsan gaan, minsan bigat. Wasak at buo. Sa madaling salita: ang nobelang ito ay “buhay”—parehong pangngalan at pang-uri.

Pagdating sa pagsulsi ng mga pangungusap, tila sariwang iinog sa iyong paligid ang bawat imaheng nilikha ng imahinasyon ng may-akda. Maaamoy mo ang bawat sangsang at halimuyak ng lugar. Maririnig mo ang bawat musika, tulad ng klasikong awiting “The Sound of Silence” nina Simon at Garfunkel na pilit dinarama ng bida ang nakabibinging-katahimikan (puso na niya ang bahalang makinig). Makikita mo ang mga bagay na mayroon at maski ang mga wala. Malalasap mo kung gaano kasarap at kapait ang umibig. Madarama mo ang banayad at ragasa ng buhay.

Katulad ng mga dati niyang akda, hindi nagpakahon si Ricky Lee sa ilang mga karaniwang nakagawian sa pagsusulat. Magaan ang pagpili at paggamit niya ng mga salita, na parang isa lamang itong kaibigang nakikipagkuwentuhan sa nagbabasa. Isa ring mahalagang dapat ipunto sa kaniyang istilo ang hindi paggamit ng quotation marks, at ang madalas na paggamit ng bantas na comma, sa halip na tuldok, kaya’t nababawasan ang malalaking letra. Sa pamamagitan ng kaniyang tauhan sa libro ay naipaliwanag din ng national artist ang istilo niyang ito: para maski sa mga pangungusap ay walang harang at lahat pantay-pantay. Inklusibo.

Bukod dito, makikita sa libro kung gaanong napakamapagbigay ng may-akda, na kahit mga supporting character ay may sariling spotlight—tila pinaiintindi sa mga mambabasa na bawat nilalang, malaki man o maliit ang bahagi sa ating buhay, ay may sariling “truth” na magbibigay sa atin ng malaking ambag upang matulungan tayong mas maging buong tao. Lahat ay may halaga. Lahat ay mahalaga.

Sinimulan ni Ricky Lee ang nobela sa kuwento ng isang wagas na pagmamahalan, hanggang sa unti-unti niyang ipinaramdam ang iba’t ibang uri ng pag-ibig na dala-dala ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community—makukulay na damdaming madalas ay pilit na binubura ng dilim ng panghuhusga ng lipunan.

Tinalakay sa nobela ang mga suliraning kinakaharap ng nasabing komunidad, tulad ng haircut policy sa mga paaralan, paggamit ng mga pampublikong palikuran, at iba pang mga inhustisya at uri ng diskriminasyong pangkasarian. At sa lahat ng ito, wala pa ring batas na pumoprotekta sa kanila. Nakabinbin pa rin ang SOGIE Equality Bill sa Kongreso.

Wawasakin ng bawat kabanata ng aklat ang iyong puso at susugatin ang iyong mga mata para mas makakita ka. At nang sa gayon, mas mauunawaan mo ang mundong iyong ginagalawan para, sana, tumulong na maging buo ito; para tulungan ka ring tulungan ang iyong sarili at ibang tao na maging tunay na buo.

Mahusay na naipakita sa akda na mahalaga ang “empathy” para sa kapwa. Ang pang-unawa. Ang pagtanggap. Hindi dapat itinatakwil ang isang tao dahil sa pagiging totoo niya sa kaniyang sarili, dahil pilitin man mismo ng isang baklang itakwil ang kaniyang kabaklaan—lumapit man siya kung saang albularyo, simbahan, o mga santo— hindi niya mababago ang tunay niyang pagkatao, tulad ng hindi mo mababago ang sa iyo; tulad ng minsang hindi mo mapipili kung kanino titibok ang iyong puso.

Mahalaga ring leksiyon sa nobela na minsan ka lamang sa mundong ito, kaya’t gawin mo na ang lahat para totoong mabuhay. Ikaw ang magtakda ng sarili mong halaga. Yakapin ang sarili at magbukas ng pinto para sa iba. Dahil, tulad ng nakalagay sa libro: Mas masakit pagsisihan ang mga hindi mo nagawa kaysa sa mga nagawa mo. Mas masakit isipin ang mga ‘di nangyari kaysa sa mga nangyari.

Bukod sa isyung pangkasarian, matapang ding ipinakita ng may-akda ang mga isyung pampulitika tulad ng kung paanong namamayagpag ang mga inhustisya sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan; kung paanong hanggang ngayo’y sinisikil ang mga nagpupumiglas.

Sabi ni Ricky Lee, kaya siya nagkukuwento ay para tulungan ang mga taong maging buo, dahil lahat naman tayo, wasak-wasak.

Muli niya itong pinatunayan sa nobelang ito. Hindi siya nabigong ipakita ang realidad kung gaano kahirap na maging iba sa karamihan, at kasabay nito ay epektibo rin niyang naiparating na bawat magkakaiba ay magkakapareho rin naman talaga.

Unti-unting inilagak ng mga pagsasalaysay ni Ricky Lee sa mga kuwento ng LGBTQIA+ community ang mga katotohanang ang pure love, ang pagiging mabuting tao, at ang pagsasakripisyo para sa mahal mo ay walang gender. Kaya’t hindi dapat maging iba, lalo na “less”, ang pagtingin sa LGBTQIA+ community ng lipunan. Pare-pareho lang tayong lumalaban sa buhay. Kapwa nagmamahal, nais magmahal, nasasaktan, naghihintay na matatagpuan.

Tulad ng nakasaad sa isang bahagi ng libro, nagunaw ba ang mundo sa pagiging lesbian, gay, bisexual, trans o queer ng isang tao?

Sa kaniyang maikling speech sa book launch event, sinabi ni Ricky Lee na ang “Kalahating Bahaghari” ang nobelang pinakamabilis niyang naisulat. Nagsimula raw siya noong Disyembre 2023 at natapos noong Agosto 2024.

Mabuti na lamang, para maagang nailathala. Dahil kasama ng mga nauna niyang nobelang Para Kay B, Si Amapola sa 65 na Kabanata, Bahay ni Marta, at Lahat ng B, mula noon hanggang ngayon, kailangan ng mundo ng isang uri ng literaturang katulad nito.

Sapagkat totoo nga, na kung lalasapin ang bawat salita sa mga pahina ng nobela, ang “Kalahating Bahaghari” ay hindi lamang basta libro o kuwento.

Isa itong uri ng nagpupunyaging pakikibaka para sa tunay na paglaya—sa usaping pangkasarian, politikal, o kahit saang aspekto ng buhay na humahadlang sa bawat tao para maging totoong buong tao.

Isa rin itong taimtim na dasal para sa lahat ng mga kumakatok para pagbuksan ng pinto, at para sa mga nagnanais na lubusang matanggap at sa wakas ay makalabas mula sa pagkakakulong sa kanilang maliit ngunit nag-iisang ligtas na espasyo.

At para kina Jim, Sam, Dale, Joshua, Erich, Sally,  Pol, Tonyo, Mikee at marami pang iba, ang nobelang ito ay isang uri ng panalangin:  

Sana lahat, maging malaya nang maipakita ang tunay nilang pagkatao.

Sana lahat, puwedeng ibigin ng kahit na sino.