Ni LILIA ABLAZA
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Disyembre 12, 1955)
ANG tumawag ng pansin kay Remy sa katatanggap ng tatlong sobre buhat sa kartero ay isang sobreng alanganin ang lapad at haba, na ang pagkakatitik ng kanyang pangalan ay waring inilimbag. Hindi pantay-pantay ang pagkakasulat ng mga titik at hindi rin pare-pareho ang diin ng pagkakaguhit. At bahagya pa siyang napangiti nang mapunang hindi lapis o tinta ang ginamit na panulat kundi krayolang hindi pa matulis ang dulo.
Tatlo ang katatanggap niyang sobre na natitiyak niyang pawang tarhetang pamasko, nguni’t una niyang binuksan ang sobreng naiiba ang pagkakasulat ng kanyang pangalan. Napuna rin niya na ginawa lamang ang sobre sa pamamagitan ng papel-makinilya. Hindi pantay ang pagkakagupit at nang ilapit niya sa kanyang mukha ang sobre ay nalanghap niya ang mangasim-ngasim na amoy ng ginamit na pandikit na marahil ay almirol.
Ngingiti-ngiti si Remy nang buksa ang sobre. Nang bumulaga sa kanyang paningin ay isang kapirasong papel-makinilyang nakatiklop, na ang unang dahon ay may larawan ng isang kandila. Biglang kinabahan si Remy nang mapagmasdan ang pagkakaguhit ng kandila na hindi maikakailang guhit ng isang bata. Ang kandila ay nakukulong na wari’y isang korona ng mga ponsetyas. Nanginginig ang mga daliring binuklat ni Remy ang pagkakatiklop ng papel.
Natambad sa kanyang paningin ang nakilala niyang sulat-kamay ni Baby.
I love you, Mother. Merry Christmas… Amandita Cruz.
Nanlabo ang paningin ni Remy. Nanikip pati ang kanyang dibdib. At upang maikubli ang kanyang damdamin ay madali siyang pumanhik at nagtuloy sa kanilang silid ni Tinoy. At doon siya napaiyak.
Nasa paaralan pa si Baby nang mga sandaling iyon. At si Tinoy ay nasa tanggapan pa. Anhin sa lamang ni Remy ay huwag nang magsidating ang mga iyon. Bigla siyang nakadama ng pagkapahiya sa sarili – higit siyang nahihiya kay Baby dahil sa pagkakatanggap ng tarhetang iyon. Waring hindi niya maipagtapat kay Tinoy ang namamayaning damdamin sa kanyang puso. Ang tanging dahilan ay ang tarhetang-pamaskong katatanggap niya na gawa at ipinadala ni Baby!
Biglang nagunita ni Remy ang maraming bagay na kaugnay ang tarhetang iyon. May isang linggo pa lamang ang nakaraaan. Sa buong umagang inilalagi niya sa talyer ay hindi niya namataang naglaro si Baby. Bago magtanghali, nang manhik siya at masok sa kanilang silid ay nabungaran niya sa loob si Baby. Biglang sumilakbo ang kanyang galit nang makita niyang nakabukas ang maliit na aparador na taguan niya ng kung anu-anong bagay na ibig niyang ingatan. Nakasabog sa sahig ang kahon ng sapatos na lalagyan niya ng lumang tarheta: mga tarhetang pamasko, pangkaarawan at pang-Valentine’s Day, at kung anu-ano pang tarhetang napapasama sa mga regalong natatanggap nilang mag-asawa. Nguni’t ang lalong nagpasiklab ng kanyang galit ay ang nakita niyang pagkakabuklat ng malaking scrapbook na kinadidikitan ng mga tarhetang sariling padala sa kanya ni Tinoy.
Hindi ang halaga ng kaloob ang mahalaga kundi ang paraan ng pagkakapagkaloob at kung sino ang nagbigay.
—Naku, ikaw, bata ka! — nanggigigil pa niyang sambit, sabay dampot sa scrapbook. —Pati ba ‘yan e pinakikialaman mo?
Dilat na dilat sa malaking takot ang mga mata ni Baby, ngunit hindi ito sumagot. Sumunod na kinuha ni Remy ang nakakalat na tarheta sa sahig at mabilis na ibinalik sa lalagyan.
—Kaya pala wala ‘tong kakibu-kibo rito e kung ano ang ginagawa! Hala… alis diyan at baka kita mapalo pa!
Nakita niyang tumulo ang mga luha sa pisngi ng anak ngunit hindi rin ito kumibo gaputok man. Bantulot itong tumayo buhat sa pagkakalupasay sa sahig at matamlay na tumalikod upang manaog. Hindi rin nagbawa ang kanyang damdamin sa gitna ng inanyo ng anak. At tinimpi niyang huwag ipamalay ang kanyang pagsisisi at ang pagnanasang ihingi ng paumanhin sa anak ang kanyang pagkukulang…
Nang dumating si Tinoy ay ipinagtapat ni Remy ang lahat. Tatawa-tawa ito nang makitang napaiyak ang asawa.
—E bakit ka iiyak? Hindi ka ba natutuwa at nagunita ka ng anak mo… ako’y hindi? — masuyong sabi ni Tinoy kay Remy.
—Hindi ko alam, e… siguro’y… naghahanap siya ng lumang card noon… na ididikit sana sa papel… ngayon ay nag-drawing na lamang nang kung paano…— di magkandatutong paliwanag ni Remy.
—Hindi mo naman kasi itinatanong, e, — sumbat ni Tinoy. —Basta kinagalitan mo…
—Kasi, nakita kong nakakalat na lahat ang mga iniingatan ko sa sahig… bigla ‘kong nainis! — amin ni Remy. —Hindi ko tuloy malaman ang gagawin ko ngayon, oo. — At napabuntunghininga si Remy.
Napakunot ang noo ni Tinoy.
—Masyado ka kasing sentimental… ayan! Di nadaig ka ng anak mo!
Napalunok nang malalim si Remy. —Ano kaya, dear… —sangguni niya sa asawa, —hindi kaya niya ako pagtawanan kung… kung humingi ako ng paumanhin?
Napatingin si Tinoy kay Remy. Matagal bago ito nakasagot. —Bayaan mo’t ako ang bahala sa anak mo… basta huwag kang makikialam … makinig ka na lamang sa ‘ming dalawa.
Nanatili si Remy sa kanilang silid at tinawag naman ni Tinoy si Baby. Naupo ang mag-ama sa sopang nasa pasilyong nakapagitan sa silid-tulugan nilang mag-asawa at ng sa mga bata. Masasal ang tibok ng puso ni Remy.
—Bakit, ‘Tay? Ano ‘yon? — dinig na dinig niyang usisa ni Baby sa ama.
—Ikaw, ha… — simula ni Tinoy na kunwa’y nanunumbat sa anak, —ang Nanay mo lang ang naaalala mo…
Patiyad at dahan-dahang lumapit si Remy sa may pintuan ng kanilang silid at sinilip sa kurtina si Baby na nakatitig noon sa ama.
—Alin ‘yon? — sumalit na tanong ni Baby.
Maingat na inilabas ni Tinoy sa bulsa ng padyama ang tarhetang ipinadala ng anak kay Remy. Napangiti si Baby nang makita iyon.
—Bakit ang Nanay mo lang ang pinadalhan mo ng Christmas card? — kunwa’y usig ni Tinoy.
Nangulimlim ang mukha ni Baby. Napatingin ito sa sahig. —Nagagalit ba ang Nanay, ‘Tay? — mahinang tanong na biglang nagpasikip sa dibdib ni Remy.
—Bakit magagalit ang Nanay mo? Tuwang-tuwa nga e! — paniniyak ni Tinoy.
—Tinulungan ako ni Sister Dolores, ‘Tay… siya ang gumupit ng papel para maging sobre… ako lang ang nagdikit. — Unti-unti nang nanunumbalik ang sigla sa tinig ni Baby.

—E paano mo nalaman ang ating address?
—Nasa kuwaderno ‘yon ni Sister Dolores, ‘Tay, — mabilis na sagot ni Baby. —Doon namin kinopya… maganda ba ang sulat ko, ‘Tay?
Dinig na dinig ni Remy ang sumalit na hagikgik ng anak. —Pero, — at biglang nabasag ang tinig ni Baby, —kung hindi nagalit ang Nanay sa ‘kin… iba ang gagawin kong card, e… magandang-maganda…
—Kung bakit hindi mo ipinaliliwanag sa Nanay mo, e… — paninisi ni Tinoy sa anak.
—Pa’no, sabi ni Sister Dolores… surprise namin sa mga mother, e…. huwag daw ipaalam, — paliwanag ni Baby. — ‘Tamo… ‘yong ibinili ko na selyo… kahit sa ‘yo, hindi ko sinabi!
—Saan ka nga pala kumuha ng pambili ng selyo? — nagtatakang usisa ni Tinoy.
— ‘Yong sumosobra sa pambili ko ng coke. Nag-ipon pa ‘ko ng iba… saka ibinigay ko kay Sister Dolores! — at kinalabit pa ni Baby sa bisig ang ama. —Sabi ng madre, ‘yon daw bigay naming pera… ibibili ng pagkain, e… para sa mahihirap!
Nakita ni Remy na biglang napadilat si Tinoy.
—Sa lalong naghihirap kaysa atin, Baby, — sambot ni Tinoy. —Tayo rin e hindi naman mayaman… kaya lang… mas may higit na nangangailangan kaysa atin…
—E… ‘Tay… totoo ba? Hindi na nagagalit ang Nanay sa ‘kin? — biglang ulit ni Baby.
Hindi nakatagal si Remy sa ginagawang pakikinig sa likod ng kurtina. Tumikhim muna siya bago lumabas upang iparamdam kay Tinoy na nagkaroon na siya ng sapat na lakas ng loob na humarap sa anak.
Nagkunwari si Remy na hindi nalalaman ang namagitang pag-uusap ng mag-ama nang dumungaw siya sa pinto. —Aba, — sabi pa niya nang makita si Baby, —talagang ipapatawag kita, e. Ang ganda ng card mo, anak…— Halos mahirinan si Remy.
Nangislap ang mga mata ni Remy nang tumingin sa ina. At nadama ni Remy, mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at ang alaalang iyon ng Pasko ay isa sa mga alaalang hindi niya malilimot. Ang tarhetang pamasko ni Baby ay ipaglalaanan niya ng puwang sa iniingatan niyang aklat ng mga padalang alaala sa kanya ni Tinoy.









