Natigil si MacMac sa pag-iisip niya nang umuga na naman ang kinaroroonan niya. Humilata siya saka pinakiramdaman ang paligid.

Ni ARIEL SOTELO TABÁG

1.

NARAMDAMAN ni Mark Anthony “MacMac” Montano ang una sa mga serye ng lindol sa madaling-araw na iyon ng Marso 18, 2017, Sabado, nang ilatag na niya ang kaniyang banig sa sahig na kahoy. Akala niya, nahihilo lang siya dahil sa ngalay niya sa pagta-typeset, pero napatunayan niyang lindol ito nang marinig niya ang ingay ng kasera sa silong.  

“Lumilindol, pisting yawa!” maktol ng ama ng pamilya. Sinundan ng nguyngoy ng bata, at ng higing ng babae na maaaring nagpapakalma sa batang ngumunguyngoy. Saka ang ingay ng mga katabi niyang tahanan sa kinaroroonan niyang pook ng mga barungbarong.

Umangil ang ama. Tinatantiya ni MacMac na maaaring inilagay ng ina ang anak sa pagitan nilang mag-asawa, bagay na ipinag-angil ng ama.

Bumuntong-hininga si MacMac. Parang kasama na niya sa bahay ang mga nasa silong na nagmula sa Visayas, ganoon na rin ang iba pa niyang ‘kapit-barungbarong’ dito sa Bago Bantay, Quezon City na halos likuran ng SM City North Edsa. Nakakaintindi siya ng kaunti sa wika ng mga ito dahil may dati siyang kasintahang Bisaya—hiniwalayan niya, dalawang buwan na ang nakararaan. Mas nagtatrabaho siya sa kaniyang kasera kaya alam na rin niya ang lahat ng gawain ng mga kapitbahay niya lalo na ang mga nasa silong niya. Kapag nagniniig ang mga ito, naririnig niya ang singhap ng lalaki at ang halinghing ng babae—na bata pa. Bagaman alam niyang may siwang ang mga pagitan ng sahig na kahoy—sapagkat kapag madilim ang kinaroroonan niya, umaaninag ang liwanag ng makulimlim na ilaw (kung bakit kasi hindi pinapatay ng mga ito)—hindi niya sinubok silipin ang mga ito. Bagaman humuhupa na ang lindol sa pakiramdam niya, nakaramdam siya ng uga nang basta na lamang biglang kumislot sa isip niya ang napanood niya sa YouTube na nangyari sa karakter ni Daniel Fernando na sumilip sa karakter ni Anna Marie Gutierrez sa Scorpio Nights ni Peque Gallaga. Idagdag pa ang minsang pagtikhim ng lalaki na puro burdado ang katawan, na batay sa pagbubulay-bulay niya sa magdadalawang buwan niyang pagtira sa kasera, tagakatay ito sa Balintawak Market.

Tatlong libo ang upa niya sa kasera kada buwan. Hati sila ng amo niyang Tagalog na editor ng isang publikasyon. Tiyaga lang, makakaipon din. Kung makakaipon nga siya. Dahil sa edad niyang dalawampu’t pito, wala pa siyang masasabi na pag-aari niya. Nagsawa na rin siyang sunod nang sunod sa nanay niya na nalibot na yata lahat ng lugar sa Kamaynilaan. Tanggap din niya na ‘di niya kaya ang trabaho sa bukid at dagat dahil kung kaya niya sana, nagpunta na siya sa Buguey, Cagayan kung saan siya lumaki. Isa pa, hindi naman siya pinapansin ng mga kamag-anak ng nanay niya dahil ikinahihiya siyang anak sa pagkadalaga ng kaniyang ina. Kung kaya noong magtapos ng hayskul, nagtungo na siya sa Maynila. At hindi na siya bumalik pa sa Buguey.

Sobrang hirap niya sa paghahanap sa kaniyang ina sa Maynila. At nang mahanap niya, dismayado siya dahil isa pala itong ‘bugaw’ at ‘mamasang’ sa mga beerhouse. Napatunayan niya tuloy ang kaniyang haka na maaaring hindi alam ng kaniyang ina kung sino ang tunay niyang ama. Baka nga hindi pa nito alam kung saang lugar siya nadali. Pasalamat na lang siya, kung tama mang pasasalamat, at hindi siya pinalaglag ng kaniyang ina.

Kung ilang trabaho na ang naranasan niya—mensahero, waiter, drayber… marami. Kung ilan na ring barungbarong siya napadpad dahil ano pa nga ba, naghahanap siya ng rerentahan niyang kuwarto na magkakasya ang kaniyang kinikita. Dagdag pa na wala siyang trabahong nagtatagal. Kung maaari, maihanap niya ang kaniyang katawan ng mas maginhawang kalalagyan at mas mabuting kuwarto na titirhan.

Lumipat siya sa kaniyang bagong kasera para maiwasan si Digna, ang dati niyang syota na taga-Negros na natutuhan niya rito hindi lamang sa gawain ng mag-asawa kundi pati wika nito kahit sabihin pa na kaunti lang. Basta kasi nakakatiyempo ang babae, nagtutungo ito sa dati niyang kasera sa Quezon Avenue. Halos nakisama na. Ang siste, napakaingay kapag nagtatalik sila. Nahihiya nga siya sa mga kakuwarto niya na karamihan ay estudyante at wala pang asawa na kasama niya sa sekta ng ikaapat na niyang relihiyon kung saan isa siyang binyagan. Katrabaho niya si Digna sa kantina ng Bandila Publications na malapit lang sa dati rin niyang kasera. Nagkaroon siya ng pagkakataon na pagtaguan ang kasintahan niya nang ialok ng isa sa mga editor, si Sir Dio, ang pagiging personal na katulong sa proyekto nito na panatilihin ang mga kuwento, nobela, at tulang nalathala sa Bannawag at iba pang babasahing Ilokano. Magpapatayo raw ng isang maliit na publishing house na maglalathala ng mga aklat. Isasalin sa Filipino ang mga akda ng mga manunulat na Ilokano. “Yayaman tayo,” sabi ni Sir Dio.  

Dahil nasunog ang library ng dating publisher ng Bannawag, nagpunta siya sa iba’t ibang library sa Kamaynilaan at sa Hilaga para magsaliksik. Pinaseseroks niya o kinukuhaan niya ng litrato ang mga nahahanap niya saka tina-typeset. Nabanggit niya kay Sir Dio na noong nasa hayskul, nasa Top 10 naman siya sa klase, at naniniwala ito na alam niya kung paano makipag-usap nang mayroon namang laman. Sa ibang salita, kakausapin niya ang mga manunulat, o kamag-anak ng mga ito, na muli nilang ilalathala ang mga akda nila, pero sa Filipino na. Kung kaya kinuha siya ni Sir Dio na katulong.

Mabilis lang siyang natutong gumamit ng kompyuter dahil may ideya na siya dahil madalas naman siyang pumasok noon sa mga computer shop. Nahihirapan lang siya sa kamera. Ngayon lang kasi siya humawak ng magandang kamera.  

Kagaya rin sa sahod niya sa kantina, na minimum, ang kaniyang sahod. Magre-report sa mismong bahay ni Sir Dio sa Project 6 tuwing hapon ng Linggo. Wala na siyang hahanapin pa dahil mayroon siyang SSS at PhilHealth. Nakakapamasyal pa siya kung pupunta siya sa mga silid-aklatan ng La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte at iba pang probinsiya sa Hilaga.

Nagkasundo sila ni Sir Dio na kumuha ng tirahan niya na mura at kahit masikip, basta makapagtrabaho siya na walang isturbo. Pero wala silang nahanap kung kaya humantong siya rito.  

Natigil si MacMac sa pag-iisip niya nang umuga na naman ang kinaroroonan niya. Humilata siya saka pinakiramdaman ang paligid. Natitiyak niya na hindi ito gawa ng mga tao sa kaniyang paligid ang lindol na ito. Tunay ito. Naalala niya ang natutuhan niya sa Araling Panlipunan na kasama ang Pilipinas sa Ring of Fire o rehiyon ng maraming bulkan. Kung may puputok na bulkan kahit pa nasa ilalim ng lupa, may mabubuong lindol. Kasama nga ang kinaroroonan niya sa faultline sa Kamaynilaan, na nangangamba ngayon sa pagdating ng sinasabi nilang “The Big One,” isang lindol na maaaring kikitil sa libo-libo kung hindi man milyon-milyong buhay sa Kamaynilaan.  

Subalit bagaman natitiyak niya na hindi gawa ng tao ang magkakasunod na uga sa madaling araw na iyon, puwede ring sabihin na sanhi iyon ng dadaang pison. O yabag ng mga nagmartsang Ilokano na umalsa sa tinatawag ng mga historyador na Basi Revolt noong 1642.

Napangiti kung bakit ang mga nababasa niya sa mga sinaliksik niya tungkol sa rebolusyon ang kaniyang naalala. Naisip tuloy niya na subukin niyang sumulat ng sanaysay kung saan niya babanggitin na ang mga Ilokano, marunong ding umalsa kung apektado sila, kagaya ng pagbabawal magbenta ng basi maliban sa gobyerno.  

Sa pagsasaliksik niya, marami siyang natutuhan. Napukaw nga ang interes niya na magsulat. Noong nagtatrabaho pa siya sa kantina, madalas doon ang pulong nina Sir Dio at mga kapuwa nito manunulat. Sumisimple siya ng dinig sa usapan nila. Uupo siya malapit sa mga ito at nakikinig dahil natutuwa siya sa usapan. Nagtataka siya noon sa galing ng mga ito. Marahil, napukaw na noon ang hilig niyang magsulat pero wala lang siyang panahon. At ngayong ganito na ang gawain niya, sa tingin niya, marunong na siyang bumalangkas ng malatula at malakuwento.

Sinubukan na niya noon ang magsulat. Pinakita niya kay Sir Dio. Sinabi nito na magsanay munang sumulat ng sanaysay. Kunsabagay, hindi raw basta-basta nasusulat ang isang tula o kuwento.  

Bumangon siya at siniyasat ng kaniyang mga mata ang mga uka ng suwelo kung saan tumatagos ang liwanag. At naalala niya si Cora.

Kinuha niya ang kaniyang notbuk na bughaw. Isinulat niya: “Ti Basi Revolt iti 1642.”

Pagkalipas ng tanghali, dumating si Cora na bago niyang kasintahan. Tagaseroks ito sa Clear Copy Enterprise sa EDSA corner Congressional Avenue na madalas niyang pinagpapaseroksan at pinagpapa-bind-an ng mga nata-typeset at napapa-print niya. Minsan isang dapithapon na muli siyang nagpaseroks, nabanggit niya kay Cora na mag-isa siya sa kasera niya. Basta na lamang sinabi nito na tutulong itong magdala ng mga pinaseroks niya. At may nangyari sa kanila sa dapithapon na iyon. Mula noon, tuwing Sabado na half-day lang ang trabaho ni Cora, tutuloy ito sa kasera niya. Pagbawalan sana niya dahil dagdag istorbo sa trabaho niya. Pero hindi naman niya alam kung paano sabihin.  

Nasanay na siyang madaling mahikayat sa kaniya ang mga babae. Hindi niya alam kung bakit. Pero una, hindi siya pihikan tutal hindi naman siya ang gumagastos. Pangalawa, marami ang nagsasabi na mukha siyang Koreano. Kung hindi pa alam ang pangalan niya na MacMac, madalas siyang tawagin na Oppa. Pinalagay niya tuloy na isa sa mga sinaunang Koreano sa Pilipinas ang nakabuntis sa nanay niya.

Nang mabuksan niya ang pintuan, sumalungat ang pakiramdam niya sa naamoy niya na pawala nang pabango ni Cora na kahawig ng pabango ng mga nagsisilbi sa videoke na may halong matapang na amoy ng tinta at pawis at sunog ng araw. Dumiretso ito sa pinakakusina ng kasera—na hindi naman talaga kusina dahil bahagi pa rin ng studio type na masikip na kasera—at naghanap ng plato kung saan ilalagay nito ang dalang barbecue at isaw ng manok at baboy. Kumalat ang amoy ng isaw at napasinghap siya.

Nakabestida si Cora ng puti na may mga guhit na itim. Nahikayat ang pakiramdam niya. Basta hindi na niya napigilan ang kaniyang nasa. Habang inilalagay ni Cora ang mga ulam sa plato, nagpunta siya sa likuran nito at tinaas ang laylayan ng bestida habang awtomatik naman na bahagyang inusli nito ang puwitan.  

“Mommy! Mommy!” Narinig ni MacMac ang sigaw ng bata sa may silong ng kasera niya. “Lumilindol!”

2.

MULA niyong malalim na gabi na pag-alis ni Cora sa kasera ni MacMac, tahimik na ang paligid. Kakatwa iyon sa kinaroroonan niyang lungsod, o rehiyon na nasasakupan ng Ring of Fire, dahil ang katahimikan, puwedeng ihalintulad sa mga unang araw pagkatapos ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 1972. Bagaman maaaring ang katahimikan na ito, sa parte lamang ng mga kumakalaban sa gobyerno, o sa mga walang pakialam sa mga nangyayaring kaguluhan sa paligid. Dahil sa katunayan, ayon sa mga nasaliksik niya, pagkatapos ng pagdeklara sa nasabing Batas, sunod-sunod na hinuli ang mga pinagdududahang kumontra kay FM.

Habang sinusulat niya ang “Ang Deklarasyon ng Batas Militar” sa kaniyang notbuk, naalala niya na nabanggit minsan ni Sir Dio na isa ito sa mga hindi kumontra kay Pangulong Marcos. Bagaman hindi raw isang Ilokano na kagaya ng pangulo, higit na inisip ni Sir Dio na tumulong na lang sa pagpapabuti sa bansa kaysa magiging sanhi ng higit pang kaguluhan. Kung kaya may panahon pa na naging tagasulat ito ng mga talumpati ng First Lady.

Kapag naririnig niya ang pananalita ni Sir Dio, tinatanong niya sa kaniyang sarili kung bakit hindi pa mas maaga niya nakilala ang taong ito. O kung bakit hindi na lang ito ang nakabuntis sa nanay niya. Pero sabi naman ng “Servant Leader” ng pinakahuli niyang relihiyon na lahat ng mga pangyayaring ito, plano ng Panginoong Diyos. At kung sakali mang may hindi magandang pangyayari, panahon iyon na nakialam ang Demonyo. Naiisip niya na marahil, noong nagpangita ang nanay niya at ang hindi niya kilalang ama niya, na maaaring Koreano, iyon pa ang sandaling nangialam ang Demonyo.  

3.

SA Linggong iyon, maagang naglaba si MacMac. Plano niya na pagkatapos niyang magligpit, maglalakad-lakad sa SM o sa Quezon Memorial Circle bago siya mag-report kay Sir Dio. Baka kasi makasingit pa ng balik si Cora ngayong umaga, hindi na niya kaya. Kung magteks man at magtanong kung nasaan siya, sasabihin niya na inagahan niya ang mag-report sa kaniyang boss.

Habang naglalaba siya, naiisip niya ang pinakahuling kuwento na ni-typeset niya sa nakaraang madaling araw. Naalala niya na Linggo rin noong minasaker ang mga magsasaka sa Mendiola. Pinilit ng mga libo-libong magsasaka ang pumasok sa Malakanyang at winisikan sila ng tingga ng mga alagad ng batas.  

Hindi, hindi ganoon ang nangyari. At hindi Linggo. Sa katunayan, Huwebes noong mangyari ang Mendiola Massacre na kilala na ngayon na Black Thursday. Nagmartsa ang higit sampung libong magsasaka mula sa Quezon Memorial Circle patungo sa Malakanyang. Naniniwala siya na karaniwang lumalahok ang mga elemento ng Communist Party of the Philippines sa mga rali, kaagad naghanda ang mga pulis. Kung kaya noong nagsimula na ang angilan sa Recto Avenue na nabasag ang barikada ng mga pulis, nangibabaw na ang alab ng damdamin, niratrat na ng mga ito ang mga nagrali. Hindi bababa sa labindalawa ang namatay at nasa mahigit limampu ang sugatan.   

Sinaliksik niya ang tungkol dito pagkatapos niyang mabasa ang “Kamandag ng mga Talahib” na maikling kuwento ni Reynaldo A. Duque na nagugustuhan niyang manunulat. Nagwagi ang nasabing kuwento ng Ikatlong Gantimpala sa Pagsulat ng Kuwentong Ilokano sa Palanca noong 1997, at batay sa nasabing masaker. Kabilang naman ang kuwentong ito sa mga pina-bind niya kay Cora, ayon sa utos ng kaniyang boss. Ang nabanggit na kalipunan ng mga kuwento na ipapasalin ni Sir Dio sa Tagalog at pamamatnugutan nito, binubuo ng mga kuwento na tumatalakay sa kalupitan ng mga umupong lider sa Pilipinas.

Noong maisampay niya ang kaniyang labada sa kawad na nakatali sa kaniyang kuwarto, kinuha ulit ang kaniyang notbuk para idagdag niya ang “Ang Masaker sa Mendiola” sa kaniyang listahan.

4.

SAWIMPALAD at ang listahan, hindi natupad ni MacMac sa mga sumunod na araw, o linggo, o taon. Dahil isang buwan pagkatapos niyang magawa ang listahan, natunton ni Digna ang kaniyang kasera. Kamag-anak pala nito ang matadero sa kasera sa silong. Ipinaalam ni Digna na buntis ito at siya ang ama. Wala siyang nagawa kundi akuin. Dahil mahirap naman kung takbuhan niya ang kaniyang anak. At paano kung habulin siya ng matadero? O kaya, maglambing si Digna sa mga kapuwa nito DDS o Duterte Diehard Supporters at kuyugin siya. Maliban dito, ayaw niyang may magmana sa kagaya niya na hindi nakakita sa sarili nitong ama. Ayaw niyang akuin na nangialam ang Demonyo sa buhay nila ng magiging anak niya.  

Noong ipinasiya ni Digna na makikisama na ito sa kaniya, tineks niya si Cora na nagsasama na sila ni Digna. Sumagot ito ng: k, tnx, bye!

Sa pagsasama nila ni Digna, nahirapan na siyang magpunta at magsaliksik sa mga library sa probinsiya. Nang lumaon, dahil sa hiya niya, nagpaalam siya kay Sir Dio na kumuha na ito ng kapalit niya. Nakapasok naman siyang magtrabaho sa Jollibee, sa sangay nito sa SM Cubao. Dahil malayo ang uuwian niya, iminungkahi kay Digna ang paglipat nila pero hindi ito pumayag. Mas mabuti raw kung magkakapitbahay sila nina “Kuya Dante” na matadero.

Mahigit isang taon lang naman ang pagsasama nila ni Digna. Noong lagpas isang taon lamang ang kanilang anak, umalis ito. Sinita niya kasi tungkol sa mga ipinaparating sa kaniya ng mga kapitbahay nila lalo na ng asawa ni Kuya Dante tungkol sa mga napapansin ng mga ito na maliliit na uga sa kanilang kasera na kagagawan ng mga madalas bumisita sa kinakasama niya tuwing nasa trabaho siya sa Jollibee.

Hindi na sila nagtagal ng anak niya sa lugar na iyon. Nang makontak niya si Sir Dio, sabi nito na umalis na ito sa Bandila Publications at nagtayo na ng sariling negosyo na imprenta (hindi na publishing house) at kailangan nila ng katulong, puwedeng stay-in at puwede niyang dalhin si Baby Jojo na anak niya. Hindi na raw nito itutuloy ang proyekto nilang paglilimbag ng libro dahil napagtanto na malulugi lang sila dahil batay sa pagsasaliksik nito, tunay na hindi palabasa ang mga Filipino. Kung kaya baka ibebenta lang nila ang mga aklat sa bangketa ng tatlo isang daan.  

Sa bagong lugar na kinaroroonan niya, madalas pa rin ang mga sunod-sunod na uga na madalas, dahil naman sa makina ng imprenta na naglilimbag ng marka ng karton ng sardinas, lagayan ng mumurahing pizza, at iba pa.