MASELAN ANG TANONG NG BATANG SI USMAN

Para kaming mga langgam na sama-samang naglalakad habang buhat-buhat namin ang aming mga bag at maleta.

Ni DR. LUIS P. GATMAITAN

(Nagkamit ng Unang Gantimpala, Maikling Kuwentong Pambata, 2019 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature)

“BANGON na, anak! Igayak na n’yo ni Usman ang inyong damit at ilang gamit. Madali!” Maaga kaming ginising ni Ina nang araw na ‘yun. Bakas sa tinig niya ang takot.

“Di po ba, bakasyon pa ngayon? Wala pa po kaming pasok,” reklamo ko.

“Kailangan na nating magbakwit…” paliwanag niya kung bakit waring nagkukumahog ang lahat sa aming bahay.

Narinig ko ang kalampag ng mga paang nag-aapura. Sari-saring tunog at ingay ang nanggagaling sa dakong ibaba ng aming bahay: may kumakalansing, may kumakalabog, may lumalagapak. Nang dumungaw ako sa bintana, may mga taong mabilis na naglalakad bitbit ang kanilang gamit at akay-akay ang kanilang mga anak. Nakita ko pa ang ilang kaklase ko.

“Faridahhh! Hammedddd!” hiyaw ko sa kanila.

“Ay, bakit nandiyan ka pa! Halika na, Noraida, bilisan mo na!”

Dinampot ko ang aking backpack at pinuno ito ng ilang bagay na kaya ko lang dalhin: ilang piraso ng damit abaya, kombong, sapatos, tsinelas, notebook, bolpen, toothbrush…mineral water!

Hindi rin nagpahuli sa paggayak si Usman. “Kaka Babay, ano pa ba’ng ibang dadalhin ko?”

Inabutan kami ni Ama na nag-eempake. “O, nakahanda na ba kayo, mga anak? Huwag nang magdala pa ng mabibigat, ha! Iwanan ang di gaanong importante!”

“Saan po ba tayo pupunta, Ama?”

“Sa mga kamag-anak natin sa Iligan! Kailangan na nating makaalis bago mag-alas nuwebe!”

Nang sumilip ako sa kuwarto ng aking Ama a Datu at Ina a Bai, pati sila ay abala sa paghahanda. “’Yung mga gamot ko, iabot mo nga, Noraida. Baka makalimutan…”

Mayo. Kay titingkad ng mga bulaklak ng kabalyero. Parang nag-aapoy ang hilera ng mga punong ito sa aming kalsada! Kasisimula pa lang ng Ramadan pero may bulong-bulongan na may giyera raw na mangyayari sa Marawi. Hindi ko akalaing ngayon na pala ito. Sanay na rin kasi akong palaging may naririnig na putukan sa aming lugar. Sa ilang saglit, kailangan na naming iwan ang aming mga bahay.

Mabigat ang loob na nagpaalam ako sa aking paboritong teddy bear, “Paalam muna. Di ka kasi kasya sa aking backpack…”

“Noraida, tayo na. Bilisan mo ang kilos!” tawag ni Ina.

Kinuha ko ang lahat ng laman ng aking alkansiya bago ako bumaba ng bahay.

Nilagyan pa ni Ama ng padlock ang aming trangkahang asul na may nakapintang higanteng sunflower nang kami’y nagsilabas na. Minasdan ko pa ang aming bahay bago kami nagbakwit. Hayyyyss, bakit kasi may gera-gera pa?

Kaya pa bang magbiyahe nang malayo nina Ama a Datu at Ina a Bai? Di kaya sila hihingalin?

Nagkita-kita kaming lahat sa kalsadang palabas ng siyudad ng Marawi. Nakita ko rin doon ang mga guro at kaklase ko. “Walang nakakaalam kung kailan ulit tayo magkakaroon ng pasok sa eskuwelahan,” malungkot na sabi ni Ma’am Sandor nang tanungin ko siya. Wala na sa mukha niya ang bakas ng pagiging istrikto sa klase.

Para kaming mga langgam na sama-samang naglalakad habang buhat-buhat namin ang aming mga bag at maleta. Hindi pa nagtatagal at kinalabit na ko ni Usman, “Kaka Babay, nauuhaw na ako…”

Inilabas ko mula sa aking backpack ang baon kong tubig. “Unti-untiin mo lang, ha. Iinom din ako mamaya.” Mataas na ang sikat ng araw. Dumukot ako ng tinapay sa aking bag at hinatian si Usman.

Habang daan, naiisip ko na sana’y de-gulong ang aming bahay para madali namin itong naitulak sa pagbakwit. Sana’y de-gulong ang aming bahay para di na namin ito kailangang iwan pa sa Marawi. Kawawa kasi ang aming bahay kung masasabak sa giyera.

Hapon na nang makarating kami sa Iligan. Pagod na pagod kami. Parang namaga na ang aking talampakan sa paglalakad. Si Usman, na nakatulog na, ay buhat ni Ama. Tumuloy kami sa aming mga kamag-anak dito. Mabuti na lamang at may pinsan si Ina sa Iligan.

“Naku, mabuti’t ligtas kayo. Pagpasensiyahan n’yo na at maliit lang itong aming bahay,” salubong sa amin ni Babo, ang aking tita. Maraming tao sa bahay nila. Hindi lang naman kasi kami ang nakipanuluyan.

“Naku, kami nga ang humihingi ng pasensiya. Matapos lang ang gulong ito,” si Ina.

“Sssshhh. Walang dapat ihingi ng dispensa. Walang may gusto ng giyera…”

Tatlong pamilya kaming nandoon. Pansamantalang naging tirahan namin ang kanilang sala. Sa isang malaking-malaking banig, kasya kaming anim nina Ama, Ina, Ama a Datu, Ina a Bai, at kami ni Usman. Mabuti na lamang at may ikalawang palapag ang bahay ng Babo ko, naging mesa namin ang kanilang hagdan. Sa bawat baitang nito, doon kami nakaupo upang kumain. Sa pinakatuktok ng baitang, doon ang puwesto namin ni Usman. Pinakabata kasi kami. Para naman kina Ama a Datu at Ina a Bai ang pinakamababang baitang.

“Sinyor citizin kasi,” biro pa ni Usman.

Dahil ilang pamilya kaming nakipanirahan sa bahay na ‘yun, iba-iba siyempre ang hilig at gusto namin. Paborito naming manuod ng TV ni Usman pero ipinagbawal ng mga matatanda na manuod ng balita. “Lalo lamang tayong kakabahan sa mapapanuod natin…”

Bawal ding pag-usapan ang giyera sa loob ng bahay. “Mas masarap pagkuwentuhan ‘yung magagandang bagay,” sabi ng Babo ko.

Bawal na maging mapili sa kinakain. “Kainin kung ano ang nakahain. Wala tayo sa sarili nating bahay,” paalala ni Ina a Bai.

Bawal lumabas ng bahay para maglaro o maglibot. “Mainam ang nasa loob tayo palagi ng ating bahay. Iba ang panahon ngayon,” ani Ama a Datu.

Sabi pa ni Ama kina Usman at sa mga pinsan naming lalaki, “bawal nang maglaro ng baril-barilan at gera-gerahan, ha!”

Naku, parang may sarili kaming martial law sa aming bahay na tinutuluyan!

Lumipas ang mga araw at malapit nang magpasukan. Naalala ko ang aming eskuwelahan sa Marawi. Dapat ay nasa Grade 5 na ako. Si Usman naman, dapat ay nasa Grade 3 na. Naalala ko rin na ibinibili ako ni Ina ng bagong kombong, bagong bag, bagong sapatos, at bagong payong kapag ganitong panahon.

“Kailan po ba tayo babalik sa Marawi?”

Bumuntung-hininga si Ina. Marahang hinaplos ang aking buhok.

“Hindi pa tapos ang giyera, Noraida…” paos ang kaniyang tinig. “Pero may awa si Allah. Kung nami-miss n’yo ang inyong iskul, nami-miss ko naman ang bahay natin du’n. Baka nalanta na rin ang aking mga halaman…”

Para kaming mga langgam na sama-samang naglalakad habang buhat-buhat namin ang aming mga bag at maleta.

Minsan, habang kami’y nagluluto ni Ina ng tanghalian, lumapit sa amin si Usman. May gusto siyang malaman.“Ina, bakit po parang ang kinakampihan natin sa giyera ay ‘yung mga sundalo? Di po ba’t Kristiyano sila?” tanong ni Usman. “Di po ba’t ang dapat nating kampihan ay kapwa-Muslim?”

Tahimik lamang na ipinagpatuloy ni Ina ang paglalagay ng luyang dilaw sa niluluto niyang kanin. “Noraida, haluin mo nga ang pinakukuluan kong isda…”

Hindi kaya narinig ni Ina ang tanong ni Usman? Itinanong din ‘yun sa ‘kin ni Usman kagabi pero di ko nasagot. Ang hirap kasi ng tanong niya.

“Usman anak, ganito ‘yun,” bungad ni Ina. “Doon tayo kumakampi sa kung sino ang tama. Hindi naman basta’t kalahi natin ay tama na sila agad…” maingat na paliwanag ni Ina sa maselang tanong ni Usman. “Sa ngayon, ang mga sundalo ng gobyerno ang nagtatanggol sa atin laban sa kapwa natin Muslim na waring napaniwala na ng masasamang grupo…”

Matuling dumaan ang mga araw. Nasanay na akong kumain sa hagdanan, sa sama-sama naming pagtulog sa banig na nakalatag sa sala, sa panunuod ng TV na pinapatay kapag oras ng balita, sa pagbabasa ng aklat na koleksyon ni Babo (dahil hindi naman kami makapaglaro sa labas), sa ulam na niluluto sa malalaking kaserola at kawali (pangmaramihan kasi), at sa walang-katapusang pangungulit ni Usman.

“Kaunting tiis, mga anak. Pasasaan ba’t matatapos din ang giyera,” ani Ina.

“Simula na po ng klase. Dito na po ba kami mag-aaral sa Iligan?” paniniyak ko.

“A, e…inaayos na nila ang paglipat ng mga school records ninyo ni Usman dito.”

“E, kelan po ba matatapos ang giyera? Gusto ko na pong umuwi sa atin,” singit ni Usman.

“Walang nakatitiyak, Usman. Ako rin, gustong-gusto ko nang umuwi…”

Isang gabing maalinsangan, habang nakahiga sa banig at naiinip, naisip naming maglaro ni Usman nang pagalingan sa pagtatanong sa isa’t isa. Sinimulan namin ng tanong na “Ano Kaya Kung?”

Ano kaya kung pandesal ang mga bala ng kanyon?” panimula niya.

“E, di iuulam ko sa kape! Ano kaya kung sinlambot ng marshmallow ang mga bala ng baril?” tanong ko naman.

E, di itutusok ko sa istik ng barbekyu saka kakainin! Hmmm, ano kaya kung may pakpak ang ating bahay?”

“E, di ililipad natin ito palayo sa Marawi. Ano kaya kung de-gulong ang ating bahay?” hirit ko ulit.

Tiyak na kasama na natin ‘yung bumakwit! Uhm, ano kaya kung imbisibol ang mga sundalo?” si Usman ulit.

“E, di mapupuntahan nila ang mga kalaban nang di nito nalalaman! Teka, ano kaya kung tayo ang imbisibol at napupuntahan natin ang bahay natin sa Marawi kahit may giyera pa?” bawi ko naman.

“Puwede rin. Itsetsek ko ang aking mga laruan kung nandu’n pa! Ano kaya kung nagiging tutubi’t paruparo ang lumalabas sa mga baril?” ani Usman.

Naku, tiyak na marami tayong huhulihing tutubi! Ano kaya’t nagiging ensaymada’t mamon ang mga bombang inihuhulog mula sa taas?”

“E, di hindi mabubukulan ang tatamaan nito. Tapos, puwede pang miryendahin nina Ama a Datu at Ama a Bai. Malambot kasi! Hmmm…ano kaya kung gawa sa bakal ang ating katawan?”

“E, di hindi na tayo tatablan ng bala ng baril. Walang mamamatay!”

“Ano kaya kung.ngork ngork…psshh psshh…”

Pumailanlang na ang hilik ni Usman. Nakatulugan na namin ang aming munting laro. Naamoy ko na lang ang pritong daing at itlog na luto ni Ina. Umaga na naman…

Ngunit kakaiba ang araw na ‘yun. Madilim ang langit. Parang uulan. Kinahapunan, nadatnan kong humahagulgol sina Ina at Ina a Bai. Si Ama naman ay nakaupo sa isang sulok, laylay ang balikat. Nakaupo silang paikot sa telebisyon sa sala. Hindi ba’t bawal manuod ng balita sa TV?

Naagaw ang pansin ko nang pumapailanlang ang pamilyar na tinig ng brodkaster:

“Tuloy-tuloy po ang ginagawang air strike ng bomba sa mga kabahayang inookupa ng mga rebelde. Marami nang bahay ang wasak…” At ipinakita ng kamera ang ilang bahay na umuusok pa. Mga dingding nito’y butas-butas. Nahagip ng kamera ang isang pamilyar na bahay. Asul ang trangkahan nito. May nakahugit na higanteng sunflower! Tanggal na ang bubungan.

Iyon ang pinakamahabang magdamag sa buhay namin. Sa higaang banig sa sala, naririnig ko ang paghikbi ni Ina habang yakap siya ni Ama.

“Hayaan mo, magtatayo tayo ulit ng bahay…” Kahit basag ang boses ay nangako pa rin si Ama kay Ina.

Sa isang dulo ng higaang banig, palihim akong umiiyak. Pilit kong binubuo sa isip ang hitsura ng kuwarto namin ni Usman: ‘yung aming higaang double-deck, ang estante ng aming laruang manika at robot, ang study table namin na puno ng libro, ang aming kabinet ng mga uniporme sa iskul, ang patungan ng aming mga sapatos. Panay naman ang singa’t hikbi ni Lola.

Hindi pandesal ang mga iniitsang bomba! Hindi bullet-proof ang aming bahay!

Paano naging malupit ang mga kapwa naming Muslim?

Nang mga sumunod na araw, para kaming mga zombie ni Usman. Gumigising, bumabangon at naglalakad…pero parang patay. Nahuhuli ko si Ina na parang wala sa sarili habang nagluluto. Halos ayaw galawin ni Ina a Bai ang ang nakahaing pagkain sa hagdanan. Si Ama, parang singlalim ng balon ang iniisip.

Natutuhan ko nang makuntento sa kung ano ang meron kami. Kapag dumadalaw kami sa evacuation center na malapit sa pinapasukan naming eskuwelahan, naiisip kong mas mapalad pa kami. Doon kasi nakatira ang mga kaklase naming sina Faridah at Hammed. Wala silang kamag-anak sa Iligan. Mas mainit sa evacuation center!

“Sobrang daming lamok ‘pag gabi…” reklamo sa ‘kin ni Hammed habang ipinapakita ang mga butlig sa binti.

“At laging mapanghi!” balita naman ni Faridah. “Ang dami kasing gumagamit ng portalet.”

Naisip ko, kahit pala paano ay maayos kaming nakakaraos sa bahay ni Tita.

E, ano kung ang mismong hagdan ang aming hapag-kainan? E, ano kung para kaming sardinas sa higaan? Dapat talagang magtiis muna. Kasi nga may giyera. Minsang naglaro kaming apat sa evacuation center, iniwasan muna naming laruin ang ‘bahay-bahayan.’ Naaalala lang kasi namin ang aming mga naiwang bahay, ang aming mga butas-butas nang bahay.

Hindi ko tiyak kung ano na’ng mangyayari sa amin. Naglahong parang bula ang aming mga bahay. Tapos, wala pa uling trabaho sina Ama at Ina. Hindi rin namin malaman kung nasaan na ang dati naming mga kaklase’t kapitbahay. Hayyss, ang hirap-hirap ng buhay-bakwit!

Pero sabi ni Ina a Bai, hanggang may buhay daw, may pag-asa. Di raw dapat nawawalan ng pag-asa, lalo na ‘yung batang gaya namin. Kapag daw ang lahat ay nawala na, ‘yun na lang ang dapat matira. Kaya ayun, patuloy akong nagdarasal na matapos na ang giyera sa Marawi. Para naman makabalik na kami sa dati naming buhay.

Ano kaya kung sa kumpas ng aking kamay ay maging estatwa na lang sa board game ang mga naglalabanang sundalo’t rebelde?

Glosaryo:

Ina – tawag sa Nanay sa salitang Meranaw Ama – tawag sa Tatay sa salitang Meranaw Ina a Bai  tawag sa Lola sa salitang Meranaw

Ama a Datu  tawag sa Lolo sa salitang Meranaw

Kaka Babay  tawag sa Ate o nakatatandang kapatid na babae Babo – tawag sa tiyahin sa salitang Meranaw

Abaya  kasuotang pambabae ng mga Muslim; mahaba itong parang gown Kombong – belong inilalagay sa ulo ng mga kababaihang Muslim