Ni PAT V. VILLAFUERTE
IKA-9 ng Enero. Pista ng Quiapo. Dalawang taong hindi nakapagpanata si Mang Ilyo dahil sa pandemya. Hindi tulad ng mga nagdaang taon, bago nagkapandemya, batid ni Roger na muling luluwas ng Maynila ang kaniyang ama upang makipagprusisyon at patuloy na tupdin ang panata nitong sumabay sa karo ng Poong Nazareno ng Quiapo. Tiyak na muli siyang matataranta sa huling iuutos o ihahabilin ng ama bago ito umalis. Ngunit may nakakubling ngiti sa kaniyang mga labi. Para sa kaniya, ito ang tamang pagkakataon upang sumama siya sa mga kaibigan upang manghuli ng tipaklong bukid.
“Baka kung nasa Maynila na ako’y malandas mo naman ang tarundon,” ang paalala ni Mang Ilyo sa anak habang nagkukumagkag ito sa pagbibihis.
“Hindi po ’Tay,” ang sagot ni Roger sa ama habang isinasaok sa kapeng walang gatas ang hawak-hawak na pandesal. “Anong oras naman po kayo makababalik, ‘Tay?”
“Makatupad lang ako sa pamamanata ko’y uuwi rin ako agad. Pero dadaan nga pala muna ako kay Dr. Pascual pagkatapos ng prusisyon. Kung gabi na’t wala pa ako, asahan mong makikitulog na lang ako sa bahay ng Ate Dinna mo. Kaya kung magkagayon ay baka bukas pa ng madaling-araw ako makabalik. Huwag kang mag-alala. Ipinagbilin kita sa Tiya Oliva mo.”
Tumindig si Roger at inayos-ayos ang kuwelyo ng polo shirt na suot ng ama. Mayamaya’y napamulagat nang masulyapan niya ang isang supot ng papel na bahagyang nakapasok sa bulsa ng pantalon ni Mang Ilyo.
“Itay, ano po ang laman nito?” ang tanong ni Roger habang sinasalat ang supot na papel.
“Pera ‘yan, anak. Mahigit na limang libo. Dadalhin ko mamaya kay Dr. Pascual bilang paunang bayad sa aking operasyon,” ang tugon ni Mang Ilyo habang ipinapasok sa bulsa ang supot na papel na puno ng salapi.
Mayamaya’y hinarap ang anak habang sinusuklay ang madadalang na buhok.
“Maalala ko. Huwag mong pababayaan ang mga manok. Isilong mo agad ang mga sisiw kung sakaling umulan. At si Baltik, pakakainin mo, ha? Ayaw kong mabalitaan na nakipagbabag ka. Malilintikan ka sa akin pagbalik ko,” ang huling habiling idinarampi ng hangin sa magkabilang tainga ni Roger.
Lumangitngit ang hagdang kawayan nang manaog si Mang Ilyo. Mula sa makitid at bako-bakong eskinita na kaniyang nilalandas ay huminto siya sandali. Nilingon si Roger na noo’y nakapamintana. Di naglipat-saglit, humahangos siyang nagbalik. Tila kung may anong bagay na nalimutan. At bago nakatindig ang anak sa uuga-uga nang bangkito ay ipinalupot niya sa yayat na katawan ni Roger ang kaniyang mga bisig.
“Kung sakaling hindi ako makabalik ay ipangako mo sa akin na magpapakabait ka,” ang habilin ni Mang Ilyo sa nagugulumihanang anak.
“Itay, bakit po kayo nanlalamig? Masama po ba ang pakiramdam ninyo? Huwag na po kaya kayo tumuloy,” ang sabi ni Roger.
“Aba, hindi maaari. Taon-taon ay tinutupad ko ang aking pamamanata sa Quiapo. Maliban sa dalawang taong hindi ako nakaluwas ng Maynila dahil sa pandemya. Huwag kang mag-alala. Walang anumang mangyayari sa akin.”
Matagal nang nakalalayo si Mang Ilyo ay hindi pa rin tumitinag si Roger sa kaniyang kinatatayuan. Hanggang sa magbalik sa kaniyang alaala ang nakaraan. Ang nakakubling katotohanan sa likod ng taon-taong pamamanata ng kaniyang ama sa Mahal na Patrong Nazareno sa Quiapo.
Ikasiyam din ng Enero noon. Nahulog si Mang Ilyo sa sinasakyang kalabaw. Bumagok ang ulo nito sa nakaigkas na bato na halos ikawala ng matinong pag-iisip. Nang ito’y magkamalay ay naipangako nito sa Mahal na Poong Nazareno sa Quiapo na habambuhay itong mamamanata sa simbahan ng Quiapo gumaling lamang ito sa karamdaman.
Saka lamang natauhan si Roger nang mabingaw siya sa nakatutulig na hiyaw na nagmumula sa labas ng durungawan.
Taon-taon ay tinutupad ni Mang Ilyo ang kaniyang pamamanata sa Quiapo. Maliban sa dalawang taong hindi siya nakaluwas ng Maynila dahil sa pandemya.
“Ano ba, Roger? Akala ko ba’y manghuhuli tayo ng tipaklong bukid?”
“Siyanga naman, Roger. Ngayon ka lamang makakasama sa amin. Tayo na.”
“Sasama ako sa inyo, Allen. Hinintay ko lang makaalis si Itay. Hindi ba ang sabi ko sa inyo kahapon, ngayon siya luluwas ng Maynila? Nasaan nga pala sina Nelson?”
“Susunod na raw. Naninirador pa sila ng kilyawan sa bukid, e,” ang tugon ni Allen. “Tayo na!”
Samantala, sa Quiapo, alas-4:00 ng hapon. Hindi mahulugang-karayom ang mga taong sumasaksi sa maringal na prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno. Sa labas ng simbahan, ang mapag-uukulan ng pansin ay ang mga kalalakihan walang sapin ang mga paa, naka-t-shirt ng kulay maroon na nakatatak ang mukha ng Nazareno at may nakapulupot na maikling puting tuwalya sa leeg. Kapansin-pansin ang hagisan ng mga tuwalya sa mga lalaking umaalalay sa mahal na patron upang pagkatapos ay ipupunas ang mga ito sa mukha’t braso ng imahen. Pagkatapos ay ihahagis pabalik ang tuwalya sa nagmamay-ari nito.
At si Mang Ilyo? Kabilang siya sa mga lalaking umaalalay sa karong kinalalagyan ng Poong Nazareno bilang pagtupad sa kaniyang panata. Mayamaya’y parang hinalukay ang kaniyang sikmura nang malanghap niya ang usok ng mga kandila at nakasusulasok na amoy-pawis ng kaniyang mga katabi.
Umikot ang kaniyang paningin. Sa tingin niya’y waring nasusunog ang buong Quiapo dahil sa maliliwanag na sindi ng mga ilaw at kandila na nasa kaniyang paligid. Hinawakan niya ang bisig ng itim na imahen na may pasan-pasang krus. Nang sumandaling iyon nadama niyang tila ang mabigat na krus ay nasa kaniyang kanang balikat. Mayamaya, ang lupaypay niyang katawan ay unti-unting nawawalan ng lakas.
“Matutumba ‘yong mama! Alalayan ninyo! Mahuhulog…Mahuhulog!”
Ngunit ano ang magagawa ng hapong katawan sa mga matitipong bisig na dumadagit? Wala…Wala…Bumagsak ang hapong katawan ni Mang Ilyo sa ibaba ng karo. Maagap siyang nasagip ng ilang may matipunong bisig.

At bago tuluyang mapikit ang mga mata ni Mang Ilyo ay nadarama niya ang malilikot na mga daliri sa kaniyang bulsa na kinalalagyan ng supot na may lamang salapi.
“Huwag…Para mo nang awa…Ibalik mo sa akin,” ang pakiusap ni Mang Ilyo sa di nakikilalang lalaki.
Samantala, nang sumandaling iyon, patakbo-takbo si Roger sa paghuli ng tipaklong bukid. Hindi niya pansin ang mga siit na kawayan at mumunting bato na kaniyang nayayapakan.
“Hayun ang malaking tipaklong, Roger. Huwag mo nang pakawalan ‘yan. Ikaw pa lamang ang hindi nakakahuli ng malaki. Mga kasama, hayaan na ninyong si Roger ang makahuli niyan. Pagbigyan natin siya,” ang sigaw ni Allen na nagbigay-sigla sa puso ni Roger.
Hinabol ni Roger ang malaking tipaklong na noon ay dinuduyan-duyan ng damong nakaigkas. Ngunit naging mabigay ang kaniyang palad. Nang dakmain niya ang tipaklong ay napisil niya ang mga paa nito. Mayamaya’y nagkikisay ang tipaklong hanggang sa tuluyang napahiga sa kaniyang palad.
“Patay na ang tipaklong, Roger. Bakit mo pinisil? Sayang…malaki pa naman,” ang sabi ni Allen na may halong paninisi. “Siguro, iyan ang tatay ng maliliit na tipaklong na nahuli mo. Kawawa naman. Napilayan mo na’y napatay mo pa. Wala nang tatay ang mga tipaklong.”
Natigilan si Roger. Saglit na naalala ang ama at ang pamamaalam nito kanina, gayundin ang mga habilin nito bago umalis upang tupdin ang pamamanata sa Mahal na Poong Nazareno sa Quiapo.









