Ni MELISSA GALAURAN
MAHILIG ka bang manood ng sine? Ano bang klaseng sine ang gusto mo? Nakakatawa ba? Drama? Natatandaan mo pa ba ang mga artistang gumanap dito? Baka naman nakakalimutan mo nang tangkilikin ang ating sariling mga likha.
Minsan na rin tayong napatawa at napaluha ng ating mga napapanood sa sine. Ang ating mga lolo at lola ay nahilig din sa panonood, gaya rin natin. Noong kabataan ko ay mahilig din akong manood ng sine, lalo na kung ang mga artista ay may pangalan. Madalas, nagmamadali akong umuwi mula sa paaralan maabutan ko lang ang mga lumang pelikula sa telebisyon tuwing hapon. Mga palabas na kinatampukan nila Rogelio Dela Rosa at Carmen Rosales.
Malayong-malayo ito sa mga pelikulang pinapanood natin ngayon, ang kanilang mga kilos, kahit ang kanilang mga pananalita ay sadyang kakaiba sa atin ngayon. Nakakatuwang isipin na ang pagbabagong ito ay bahagi pala ng kultura ng ating bayan.
Taong 2019 ng ipinagdiwang ng ating bansa ang ika-100 taon ng Pelikulang Pilipino. Nagkaroon ng komperensiya sa sine na tinalakay nila ang pagsisimula ng Pelikulang Pilipino.
Kung may Charlie Chaplin, tayo rin ay nagsimula sa ganito na kung tawagin ay “Silent Films”. Hindi rin naman nagtagal dahil nauso ang pagkakaroon ng tunog at musika sa mga pelikula. Maraming mga artista ang hindi nakasabay sa pagbabago ng panahon dahil hindi lang pag-arte ang hinihingi rito, pati na rin ang pag-awit ng mga artista. Lalo na ng magkaroon pa ito ng kulay, mas dumami na ang sangkap sa paggawa ng isang pelikula. Naging makatotohanan na ito at talagang madadala ka sa mga effects na nadagdag dito. Sino nga ba ang mag-aakala na mararating ng ating pelikula ang pakikipagtunggalian sa mga international films? Kahit sa distribusyon ng pelikula ay naiba na rin, mayroon na tayong tinatawag na streaming kung saan manonood ka na lamang sa iyong mga gadgets.
Masasabi kong malayong-malayo na ang sine ngayon sa nakilala natin noon. Ngunit sa ating panonood ng sine ay nasasaksihan natin ang ating tradisyon at kultura na siyang humuhubog sa ating pagkatao. Ang bawat pelikulang ating pinapanood ay sumasalamin sa lipunan ng mga panahong iyon. Samakatwid, ito ay bahagi ng kasaysayan ng ating bayan.
Teddy O. Co, ang Kampeon ng Pelikulang Pilipino
Si Teddy O. Co ay naatasan noong 1982 na hanapin ang mga nawawalang pelikula ni Gerardo De Leon. Nakakalungkot isipin na ang mga dayuhan pa ang nagkaroon ng kopya at kinailangan itong ibalik sa ating bayan kung saan ito nagmula. Wala naman nangangalaga ng pelikula noong araw. Ang mga Pelikulang Pilipino ay nasa kamay ng mga indibidwal na kolektor. Kadalasan ang mga pelikula ay nasira na sa katagalan at kinakailangan itong buuing muli upang mapakinabangan at mapanood ng mga may hilig at nag-aaral ng pelikula.
Masigasig na hinanap ni Teddy ang mga nawawalang pelikula ng ating bayan at dahil doon natutuhan niya ang kasaysayan nito. Siya ay tinagurian Walking Encyclopedia ng Kasaysayan ng Pelikulang Pilipino.
Masasabi kong malayong-malayo na ang sine ngayon sa nakilala natin noon. Ngunit sa ating panonood ng sine ay nasasaksihan natin ang ating tradisyon at kultura na siyang humuhubog sa ating pagkatao.

Ang isang dating mahilig lamang na manood ng sine upang maglibang ay siya rin palang magtutulak sa kanya upang buksan ang kasaysayan ng sine. Sa katunayan, taong 1975 nang pumasok siya sa Pamantansan ng Pilipinas ngunit hindi niya tinapos ang kanyang kursong Mass Communication dahil mas nahilig siya sa sine. Hindi pa kasi uso noon ang kurso na tumatalakay sa paggawa ng pelikula.
Isinulat nina Gaspar Vibal at Dennis Villegas (+) ang libro na may pamagat na “Philippine Cinema, 1897-2020”. Ito na yata ang pinakakomprehensibong kasaysayan na tumatalakay sa Pelikulang Pilipino na isinaayos ni Teddy. Ang mga nagsisulat dito ay hindi naman talaga nag-aral tungkol sa pelikula. Sila ay mga ordinaryong tao na ang hilig ay ang panonood ng sine at aralin ang kasaysayan nito. Maraming mapupulot na aral sa aklat na kanilang isinulat dahil hindi nila kinalimutan na bigyang halaga ang mga taong bumubuo ng pelikula sa likod ng tabing. Bukod sa mga artista at direktor, binigyan din nila ng pagpapahalaga ang mga manunulat ng pelikula, ang mga gumuguhit ng posters, mga cameraman, at iba pa.
Ang Liwayway bilang isang babasahin na umabot na ng higit 100 taon ay may napakalaking ambag sa kasaysayan ng pelikula. Napakaraming pelikulang pumatok sa takilya na nagmula sa mga nobelang tuluyan ng Liwayway.
Matatagpuan sa aklat ang pagsisimula ng pelikula hanggang sa umabot sa 1946-1972, ang Golden Age ng sine. Patuloy na mababasa sa libro ang lipunan noong panahon ng Martial Law hanggang 2020, ang panahon ng mga Indie Films.
Ano na nga ba ang lagay ng Pelikula ngayon? Mismong si Teddy ang nangalap ng mga pelikulang nakatago sa bawat rehiyon kaya isa sa mga naging flagship program ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ay ang Cinema Rehiyon.
Kung kinilala ang Parlatone, Silangan Movie Tone, Sampaguita Pictures, Premier Studios, LVN Studios, Regal Films, Viva Films, at Seiko Films bilang mga malalaking producer ng pelikula. Panahon ngayon ng mga independent films. Bawat pelikula ay may kani-kaniyang atake na bumabagay sa iba’t ibang manonood.
Ang aklat na Philippine Cinema, 1897-2020 ay nagkamit ng parangal sa National Book Awards. Kaya ang aklat na ito ay naglalaman ng isang mahalagang kasaysayan ng Pelikulang Pilipino. Nakapaloob dito ang ilang mga posters ng sinaunang sine, mga pamagat ng pelikula mula sa pagsisimula hanggang sa kasalukuyan.
Mapalad ako na mismong si Teddy O. Co ang nagbigay ng aklat sa akin upang basahin at linangin ang aking kaalaman sa Pelikulang Pilipino. Napakaraming pangarap ni Teddy lalo na sa paghahanap ng mga nawawalang pelikula. Si Teddy, bilang isang Commissioner ng Cinema ng NCCA ay nagbukas ng pinto sa mga ordinaryong tao na pasukin ang sine at patuloy na tangkilin ang Pelikulang Pilipino.
Dinapuan man ng sakit si Teddy ay patuloy pa rin niyang ginampanan ang kanyang papel… “To repatriate and recover our lost films…”
Inanunsiyo ng kanyang pamilya ang pagpanaw ni Teddy nitong ika-3 ng Nobyembre 2023. Binawian siya ng buhay noong ika-1 ng Nobyembre. Ito ang kanyang itinalagang deadline noong siya ay nabubuhay pa. Sa kanyang silid ay puno ng mga magagandang aklat tungkol sa kasaysayan ng pelikula.
Ang aklat na Philippine Cinema, 1897-2020 ay isang pamana na ating tatanawin sa mga sumulat nito at sa gabay ni Teddy na itaguyod ang Pelikulang Pilipino.









