SI GERLPREN

"Team Sawi pala tayong dalawa."

Ni ARMANDO T. JAVIER

BUKOD-TANGING si Choy lang yata ang hindi excited sa papalapit na Valentine’s party ng Teraso Company. Taun-taon nang tradisyon ng kompanya, kasama ang mga sister company nito, ang selebrasyong iyon, na wedding anniversary ng mag-asawang Teraso. Mas espesyal ngayong taon dahil golden anniversary rin ng mag-asawa.

“Bongga’ng selebrasyon ‘to,” sabi ni Boss Bob na abot-tainga ang ngiti. “Sa Roxas Boulevard gagawin. May premyo pa raw para sa mapipiling best ballroom dancing couple. Kaya, mga girls, umpisahan n’yo nang manghala ng ka-date at dancing partners!”

Nagmumuni-muni pa rin siya habang nag-aabang ng MRT sa North Edsa. Kung bakit kasi nataon pa ang party sa pagbe-break nila ni Frieda noong Disyembre. Naging malamig tuloy ang Pasko’t Bagong Taon niya.

“Hoy, boypren!”

Ikinagitla ni Choy ang kalabit sa kanyang braso. Nilingon niya ang babaeng nakangiti sa kanya. Napakunot-noo siya. Sinisino ito.

“Hindi mo na ba ‘ko natatandaan? Si Barbie–sa Kilawin Cafe.”

“Ohhh…Barbie. Kamusta ka na?”

Pinagmasdan niya uli ito. Ikinukumpara sa waitress na nakilala niya tatlong taon na ang nakakaraan. Maputi ito ngayon, kuminis din ang dating magaspang na balat, nagkalaman ang katawan at nakapagpaayos na ng ngipin. Disiotso anyos noon si Barbie, taga-Nueva Ecija at bagong pasok sa Kilawin Cafe. Na tambayan ni Choy at ng kanyang boss, si Boss Bob. Mahilig uminom si Boss Bob. Mahilig ding mag-videoke. Kaso, sintunado. Nang malamang marunong siyang kumanta, lagi siyang isinasama: singer nito, taga-birit.

Sa kanya, okey lang. Lumalakas siya kay Boss Bob. Lagi pa siyang libre sa tsibog at toma.

Boypren kung tawagin siya ni Barbie. Gerlpren naman kung tawagin niya ito. Nag-umpisa iyon nang may kinaiinisang kostumer si Barbie, si Bagyo. Nakasabay niyang uminom doon minsang siya’y nagsosolo. (May trangkaso si Boss Bob.) Tumatambay sa tabing mesa niya si Barbie kapag walang tumatawag na kostumer. Apat na taon ang agwat ng edad nila. Kinakawayan ito ni Bagyo kung may bagong order. Pagkahatid ni Barbie, balik-tayo sa tabi ng kanyang mesa.

“Itinatanong sa ‘kin ni Bagyo kung ba’t ako nakaposte sa teybol mo.”

“Ano’ng sabi mo?”

“Sabi ko, boypren kita!”

Sumulyap siya sa mesa ni Bagyo, nakatingin ito kay Barbie. Ngiting-aso.

“Loka ka. Baka bayolenteng kumag na ‘yan, maumbag ako!”

Pero, pinanindigan nito ang pagtawag sa kanya ng ‘boypren’. Narinig minsan ni Boss Bob.

“Kayo na ba? Wala kang kakibu-kibo, Choy, mabilis ka pala.”

Nagkatawanan sila ni Barbie.

Natigil ang operasyon ng Kilawin Cafe, katulad ng opisina nila, nang pumutok ang pandemya. Si Choy, para hindi mawalan ng kita, kinuha ni Boss Bob na delivery rider. Mahilig magluto si Boss Bob: mga pagkaing Pinoy na ipino-post nito sa social media. Nang maraming nagtatanong kung saan makakaorder, nagkaideyang gawing negosyo: inoorder on-line at idinideliber. Sa umpisa, ang pamangkin ang delivery rider nito. Nang dumami ang order, inalok na rin siya.

Salamat kay Boss Bob, kumikita siya sa panahong marami ang umaasa lamang sa ayuda. Itinawid siya sa pandemya nang pagiging delivery rider–hanggang sa muling magbukas ang kompanya noong 2021.

Heto na ang tren. Binatak siya ni Barbie paatras sa flatform.

“Bayaan mo silang mauna. Hindi ka naman ‘ata nagmamadali.”

Hindi nga. Kukunin lamang niya ang mga gamit niya sa boarding house ni Frieda sa Pasay na isinasauli sa kanya.

“Sa’n ba’ng punta mo?” tanong niya kay Barbie.

“Sa pinsan ko sa Paranaque. Ipapasok n’ya raw ako sa trabaho. Gusto mong sumama?”

Nagkibit-balikat siya. “P’wede rin.”

“Ayos. ‘Libre mo ‘kong meryenda, ha?”

Kaya pala. “Sige.”

Humakbang sila papasok sa tren. Masigla si Barbie, napansin ni Choy. Dati pa naman itong masigla, kuwela at makulit. Pero tila iba ngayon; para ngang ibong nakakawala sa hawla.

Hyper ka, a?”

“Halata ba? Nakatakas na kasi ‘ko sa pagiging yaya ng tatlo kong pamangkin sa Nueva Ecija. Do’n ako nagpalipas ng pandemic. Nakaligtas nga ako sa COVID, tsimay-nanny naman ang bagsak ko.”

“Okey ‘yon. Para ‘pag nagpakasal kayo ng jowa mo at magkaro’n ka ng mga dyunakis, napraktis ka na.”

“Ano kaya ‘yon? Wala naman akong jowa. ‘Di ba, ikaw nga’ng boypren ko?” sabi. Pinamulahan siguro siya ng mukha. “Uy, nagba-blush. Affected. Joke!”

Ito pa rin nga ang dating Barbie. Pilya. Palabiro. Masayahin. Sa buong haba ng biyahe mula North Edsa hanggang sa EDSA station sa Pasay Rotonda, dominado ni Barbie ang usapan. Parang hindi nauubusan ng kuwento.

Umungot ng meryenda pagkababa nila sa MRT. “‘Sens’ya ka na, ha? Nagastusan ka tuloy. Saktong pamasahe lang kasi’ng pera ko. Mag-aaplay pa nga lang ako.”

“Okey lang, minsan-minsan lang naman.”

“Ibig mong sabihin, ‘di na ‘to mauulit?”

“P’wede rin. Treat mo naman.”

“‘Daya mo!”

Masikip ang bahay na inuuwian ng pinsan nito sa Dongalo. Sa limang taong dinatnan nila roon, kung makikipisan pa si Barbie, saan ito lulugar?

Napagkamalan siyang boyfriend nito nang ipakilala sa pinsang si Doray. Buntis base sa umbok ng tiyan.

“Buti’t lumuwas ka. Hinahanap ka nga sa ‘kin ni Mr. Han. Uwing-uwi na raw sa Oslob ang papalitan mo. Magpapakasal kasi. German daw ang mapapangasawa.”

Si Doray, nalaman ni Choy, on call na cleaner-helper ng negosyanteng Koreano. At si Barbie, ipapasok na waitress sa club-restaurant nito. Kung ang Kilawin Cafe ay pang-low budget  lang, ang club ng Koreano sa Sucat, sosyal. May uniporme pa nga raw ang mga waitress.

“Team Sawi pala tayong dalawa.”

“Magpahinga ka muna,” sabi uli ni Doray, “mam’yang gabi, sasamahan kita sa club. Tit’yempuhan natin si Mr. Han. Mag-behave ka do’n, ha? ‘Wag mo ‘kong ipapahiya.”

Hudyat iyon na kailangan na niyang umalis. Nagpaalam siya sa mga kasama ni Barbie sa bahay.

“Nasa ‘kin pa naman ang number mo, tawagan kita, ha? Puntahan mo ‘ko sa club. Text ko sa ‘yo ‘pag natanggap ako.”

“Okey.”

Nagtuloy siya sa Pasay. Nakakahon na ang mga gamit na kukunin niya kay Frieda. Ikinasama lang ng loob niya na dinatnan niya roon ang bago nitong boyfriend.

ISANG linggo bago ang Valentine’s party ng kompanya, nagkita uli sila ni Barbie. Tumawag ito, ibinabalitang natanggap sa trabaho at pinapupunta siya sa club. Sakto sa binabalak ni Choy.

“Pumayag ka na,” sabi niya kay Barbie, “magmumuk’ang sawi ako ‘pag wala akong kasamang date sa company party namin.”

“Baka ma-out-of-place ako do’n. ‘Lam mo namang jologs ako.”

“Ako’ng bahala. Sagot ko’ng dress mo, pati hair and make-up.”

“Desperado, ha?”

“Idiin pa ba ako?”

“Hmmm. Pag-iisipan ko.”

Nagpahintay sa kanya. Inunti-unti niya ang pag-inom ng beer. Naghihikab na siya nang magsara ang club. At dahil may pagkasadista nga si Barbie, nagpahatid sa kanya, ng nakataksi, sa Dongalo.

Ang party dress, arkilado. Sa hair and make-up, kay Bart na lang, ang pinsang beautician ni Choy.

Girl, ang skin mo, pang-beauty contest !” Hinaplos pa ang braso nitong pantay ang pagkakayumanggi.

Sa party venue (isang club na nakaharap sa Manila Bay), kabi-kabila ang nagtatanong kung sino ang kanyang kasama. (Nasanay kasi ang mga kaopisina niya na si Frieda ang ka-date niya sa dalawang magkasunod na taon ng taunang Valentine’s party hanggang noong bago mag-pandemya ng Pebrero 2020.)

“Bago mo?”

Nilingon niya si Barbie na nakakawit ang braso sa kanyang braso. Na nakangiti ito at hindi naman umiiling, sinakyan niya ang tanong ng kaopisina.

What you see is what you get.”

Nakipagsosyalan sila. Ipinakilala niya si Barbie kay Boss Bob na tila namukhaan ito, hindi lang matukoy kung saan nito nakita. Binulungan niya si Boss Bob.

“Weytres natin sa Kilawin Cafe.”

Saka pa lamang nakatiyak. “Oo nga. Hello! Hindi kita nakilala. Ibang-iba ka na.” At ngumiti nang pilyo. “Teka, kayo na uli?”

Naalala siguro ang tawagan nila ni Barbie noon na boypren at gerlpren. Nagkatinginan uli sila ni Barbie at kapwa natawa.

Yugyugan na. Ayaw naman ni Barbie na sumali sa ballroom dancing contest. Pareho raw saliwa ang paa.

“Hindi ka naman nabo-bore?”

“Okey lang. Event mo ‘to. Sasakay lang ako sa trip mo.”

“Ang bait mong ‘gerlpren’!”

Inum-inom sila ng wine. Nang magpalit ng musika, standards naman ngayon, niyaya niya sa dancefloor si Barbie.

Sweet na ‘yan. Simple lang sayawin. Yayakap ka lang sa ‘kin.”

Sumama. Inalalayan niya sa pagsayaw.

“Mantakin mong magkita pa tayo,” maya-maya’y sabi. “Alam mo ba sa Kilawin Cafe, dalawang kasamahan ko’ng me crush sa ‘yo.”

“Talaga? Pang-ilan ka naman?”

“Pangatlo!”

Pilya talaga. Ibang-iba kay Frieda na laging seryoso at kung magbiro, sarkastiko.

“Bakit nga ba kayo nag-break ng jowa mo?”

“Ipinagpalit ako sa casino dealer. Mas madatung. Mas naibibigay ang luho n’ya. Ikaw, ano’ng nangyari sa inyo ng jowa mo sa province?”

Umaskad ang mukha. “Nag-seaman siya. Nag-TNT nang makarating sa Canada. Wala pa ring paramdam hanggang ngayon.”

“Team Sawi pala tayong dalawa.”

“Ikaw lang. Wala naman akong hinahabol sa kanya. Buong-buo pa rin ako hanggang ngayon.”

You mean…?”

Makahulugang ngiti ang sagot sa kanya. “Move on-move on na. Bago na ang taon.”

Agree ako d’yan!”

Sayaw-sayaw pa sila. Nagpapalit lamang ang kanta pero pareho pa rin ang tempo. Sweet. Standard. Romantic. Mali ang inaasahan ni Choy na mase-zero siya ngayong Valentine’s Day. Libre gastos na siya sa date, heto’t mayroon pa siyang kasayaw. At kalmadong kasama si Barbie. No dull moment. Magaang dalhin.

“Pareho ba tayo ng iniisip, Choy?”

“Na ano?”

Loveless ka, loveless din ako. Gusto mo, totohanin na lang natin?”

Napangiti si Choy. Ibang klase talaga si ‘Gerlpren’.