Ni GEMILIANO PINEDA
(Nalathala: LIWAYWAY, Marso 9, 1959)
MULA sa panulukang hinihintuan ng mga jeepney ay lumalakad si Delfin nang malayu-layo rin upang makarating sa kanilang tahanan sa purok ng Sta. Cruz sa Maynila. Namamaybay siya sa tabing-daang nahahanayan ng mga tahanang karaniwa’y dalawang palapag at ang karamiha’y mga aksesoryang paupahan.
Binata si Delfin, may dalawampu’t limang taong gulang at namamasukan sa isang banko sa Eskolta. Palibhasa’y abala sa kanyang gawain ay hindi pa niya gaanong napag-uukulan ng pansin ang pamimintuho. Nguni’t natitiyak ni Delfin na kung matatagpuan niya ang dalagang natutugma sa kanyang kalooban ay maaari na siyang pakasal, sapagka’t kaya niyang bumuhay ng pamilya.
Nang hapong iyong tinatalunton ni Delfin ang tabing-daan ng lansangang nilalakaran niya araw-araw ay biglang naramdaman niyang may bumagsak sa kanyang ulo – isang bola ng basketbol.
Hindi naman siya gaanong nasaktan, nguni’t naramdaman niyang parang siya’y nahilo nang bahagya. Pagalit na dinampot niya ang bolang gumulong sa gitna ng kalye. Talagang pupukulin din niya ng bola ang sinumang naghagis niyon sa kanya.
Nguni’t nang mapatingala si Delfin sa nakabukas na durungawang pinanggalingan ng bola ay biglang napawi ang kanyang galit.
Ang nakita niyang nakadungaw at nakakapit sa palababahan ay isang babaing sa unang pagkamalas niya ay hindi nagtataglay ng isang di-pangkaraniwang kagandahan. Sa layo niyang may anim na talampakan, sa kanyang pagkakatayo sa tabing-daan, ay nakita niyang namula ang pisngi ng babae sa pagkapahiya.
—Tinamaan po ba kayo ng bola? — narinig niyang tanong ng babae. —Kayo na po ang bahalang magpapasensiya. Nabitiwan ko po ang bola, e.
—Walang anuman po iyan, — nakangiting tugon ni Delfin.
Isang utusang babae ang lumapit kay Delfin.
—Ipakibigay na ninyo sa kanya ang bola, — wika uli ng babae.
Ibinigay ni Delfin ang bola sa utusan, nguni’t ang tingin niya’y nakapako sa babaing nasa durungawan. Noon lamang niya nakita ang babaing iyon, kahit matagal na siyang nagdaraan araw-araw sa tapat ng bahay.
—Maraming salamat po, — anang babae at lumayo na sa durungawan.
Pinagmalas ni Delfin ang bahay. Sa ayos at laki ng bahay ay natiyak niyang maykaya ang mga nakatira roon. Sa may hagdanan ay may garahe ng kotse. Ang mga bintana ay may magagandang kurtina.
Nasa bahay na si Delfin ay hindi pa mapaknit-paknit sa kanyang gunita ang babaing iyon. Naisip niya: Ano kaya ang pangalan? Siya kaya’y dalaga? Paano ko kaya siya makadaupang-palad? Maaari ko kaya siyang dalawin nang walang pasabi man lamang?
Naglaro sa kanyang gunita ang maamong mukha ng babae, ang mga pisnging namumula nang bahagya, at ang tinig na napakatamis sa kanyang pandinig.
Natiyak ni Delfin sa sarili na siya’y hindi na kailangang lumayo pa sa kanilang purok sa paghanap ng babaing mapaghandungan ng kanyang kasalukuya’t kinabukasan at magiging reyna ng kanyang tahanan.
MULA noon, araw-araw ay tumitingala si Delfin nang ilang minuto sa tapat ng durungawan ng babae. Nagbabakasakali siyang ang babae’y dumungaw.
At isang araw nga’y nataunan niyang nakadungaw ang babae. Nakita siya niyon. Ngumiti si Delfin, kasabay ang bahagyang pagyukod. Hindi man lamang ngumiti ang babae at biglang umalis sa durungawan.
Napakagat-labi. Naisip niyang baka nalimutan na ng babae ang kanyang mukha at hindi na siya naalala. Gayunma’y matagal din siyang tumayo sa tapat ng durungawan. Naisip niyang baka siya sinisilip ng babae kaya ipinakikita niyang may layunin ang kanyang pagtigil doon.
Kinabukasan ng hapon ay muling inabangan ni Delfin ang babae sa durungawan. Halos sa gayon ding oras ay dumungaw nga ang babae—at nagtama ang kanilang mga mata nang ilang saglit. Ngumiti si Delfin. Parang bantulot sa pagngiti ang babae. Nawala iyon sa bintana pagkaraan ng ilang saglit.
Sumigla ang kalooban ni Delfin. Natiyak na niyang siya’y natatandaan ng babae. Kailangang malaman niya ang pangalan ng babae.
Hanggang gabi’y palakad-lakad siya sa tapat ng tahanan ng babae. Nang lumabas ang utusan doon ay nilapitan niya. Binigyan niya ng piso ang utusang babae upang malaman lamang ang pangalan ng senyorita ng utusan.
—Teresita po ang kanyang pangalan, — anang utusan at aalis na ito kung hindi pinigil ni Delfin.
—Dalaga ba siya? — usisa ni Delfin.
—Opo, — at umalis na ang utusan.
Biglang gumaan ang dibdib ni Delfin.
Nang gabing yaon ay gumawa siya ng isang sulat para kay Teresita. At sa sulat ay sinabi niya: “Ipagpatawad mo ang aking kapangahasan, Teresita. Nguni’t sapul nang makita kita sa inyong durungawan, nang sa di-sinasadya ay matamaan mo ako ng bola ay napakintal na sa aking alaala ang iyong kagandahan. Kung iyong ipahihintulot ay ibig ko sanang dumalaw sa iyo. Maaari ba?”
Kinabukasan ng gabi ay muling inabangan ni Delfin ang utusan at ipinabigay ang kanyang sulat. Piso na naman ang pabuya niya sa utusan.
Kinahapunan ay dali-daling umuwi si Delfin. Tumayo siya sa isang panulukang halos nasa tapat ng bahay nina Teresita. May isang oras na siya roon ay hindi pa dumudungaw si Teresita. Nagalit kaya ang dalaga? O baka naman hindi ibinigay ng utusan ang sulat.
May ilaw na sa mga poste ng Meralco ay hindi pa umaalis si Delfin. May kutob siyang nakikita siya ni Teresita nguni’t ayaw lamang lumitaw ang dalaga.
Di-nagluwat ay may sumungaw sa durungawan—si Teresita. Nagpalinga-linga iyon. At nang makita ng dalaga si Delfin sa panulukan ay bilang inilabas ang kanang kamay at may inihulog iyong kapirasong papel. Nawala kaagad si Teresita sa durungawan.
Dali-daling dinampot ni Delfin ang papel.
“Mang Delfin, anang sulat. “Maraming salamat sa inyong marangal na damdamin sa akin. Nguni’t dinaramdam ko; hindi kayo maaaring dumalaw. Teresita.”
Ang ipinapait ng katotohanan ay nasa lumalasap.

Hindi nasiraan ng loob si Delfin. May palagay siyang sinusubok lamang siya ni Teresita. Nguni’t patutunayan niya sa dalaga na kahit hindi siya pahintulutang makadalaw ay ipaabot niya ang kanyang niloloob.
Sa sumunod na sulat ay nagpahayag si Delfin ng pag-ibig kay Teresita. Inilahad niya ang kanyang katayuan sa buhay, kung saan siya nakatira at nag-uupisina. Ipinahayag din niyang siya’y nakahandang pakasal sa sandaling tanggapin ni Teresita ang kanyang pag-ibig.
Ang utusan nina Teresita ang muling naging tagapaghatid ng sulat ni Delfin.
At gaya ng dati’y inabangan ni Delfin ang paghuhulog ni Teresita ng kasagutan.
Ngunit hindi na pinaghintay nang matagal ng dalaga si Delfin.
Wala pang sampung minuto si Delfin sa tapat ng durungawan ay nanungaw na si Teresita at palihim na inihulog nito ang isang kapirasong papel na kung hindi nahabol ni Delfin ay nahulog sa isang dako ng lansangang may tubig.
Buong pananabik na tinunghayan ni Delfin ang sulat sa liwanag na nanggagaling sa isang tindahan.
“Sayang lamang ang inyong pag-ibig sa akin. Ibaling na ninyo sa iba ang inyong pagsinta. Ako’y hindi pa ninyo lubusang nakikilala.”
Napangiti sa sarili si Delfin. May pag-asa siya, naisip ng binata. Ang sulat ni Teresita ay siyang karaniwang sagot ng isang dalagang matimpi sa sariling damdamin.
“Hindi na kailangan pang kita’y makilala nang maluwat,” anang sumunod na sulat ni Delfin. “Hindi ko maaaring pag-alinlanganan ang itinitibok ng aking puso. Kahit sino ka pa ay handa akong ihatid ka sa dambana. Panaligan mo sana ako, Teresita. Pinaiibig kita.”
Tumanggap ng sagot si Delfin: “Isang kahibangan ang umibig sa akin. Hindi kita mapaliligaya. Limutin ko na ako.”
Nahagkan ni Delfin ang sulat ng dalaga. Wala nang pamumupo si Teresita. Itinuturing na ni Teresita na siya’y isang kaibigan.
Nang sumunod na Linggo ng umaga ay nag-abang si Delfin sa tapat ng tahanan ng dalaga. Nagbaka-sakali siyang sisimba si Teresita. At kung magkakagayon ay sasabayan niya iyon. Matangi na lamang kung ang kasama ay ina o ama. Kung ang utusan sa pagsimba ay maaari siyang sumabay, naisip ni Delfin.
Ngunit hanggang sa tumanghali ay hindi niya nakita si Teresita sa durungawan. Nangamba siyang baka may-sakit si Teresita.
Sumulat siya kaagad: “May-sakit ka ba, Teresita? O baka naman ako’y talagang walang halaga sa iyo? Pag hindi ka dumugaw bukas ng hapon ay pangangahasan ko nang makipagkita sa iyo.”
Kinabukasan ng hapon ay tumapat na naman si Delfin sa durungawan nina Teresita.
Hindi pa siya nagluluwat doo’y dumungaw si Teresita. Wala itong sakit. Nguni’t napansin ni Delfin, mula sa layong may sampung talampakan, na malungkot si Teresita. Ilang saglit silang nagkatinginan. At pagkatapos ay nahulog buhat sa palad ng dalaga ang isang kapirasong papel.
Nanatili sa durungawan si Teresita habang binabasa ni Delfin ang sulat.
“Limutin mo ako. Ibigin man kita’y walang kaligayahang naghihintay sa atin. Ipinakikiusap ko: huwag ka nang susulat sa akin mula ngayon. Hindi na kita sasagutin. Paalam. Teresita.”
Napatitig si Delfin kay Teresita. Sa paningin nito ay nakalarawan ang buong pusong pagmamahal. Nakita niyang malungkot na malungkot ang anyo ni Teresita. Nguni’t ilang sandali pa’y umalis na iyon sa durungawan.
Parang sasabog ang puso ni Delfin sa pagdaramdam. Hindi niya mapahihintulutang di na sila magkitang muli ni Teresita.
Noon di’y gumawa siya ng pasiya: makikipagkita siya kay Teresita!
Tinungo niya ang hagdanan ng tahanan. Kumatok siya sa pinto. May nagbukas ng pinto—ang utusang naghahatid ng kanyang mga sulat.
—Ibig ko lamang makausap si Teresita, — wika ni Delfin. Pinatuloy siya sa salas. Pinaupo siya ng utusan at ito’y nagtungo sa isang silid. Kahit na lumabas pa ang mga magulang ni Teresita ay hindi siya matatakot, sa sarili ay nawika ni Delfin. Ipagtatapat niya ang lahat at ipahahayag na handa niyang pakasalan si Teresita. May palagay siyang pinipigil lamang si Teresita ng mga magulang.
Naramdaman ni Delfin na may tao sa kanyang likuran, bagama’t wala siyang narinig na papalapit na mga yabag.
Lumingon si Delfin at bigla siyang napatayo. Nasa harap niya si Teresita. Nguni’t hindi sa mukha ng dalaga napatuon ang kanyang tingin.
Gayunma’y agad niyang inalis ang paningin sa silyang may gulong na kinauupuan ni Teresita. Gumuhit sa kanyang pang-unawa ang dahilan kung bakit sa durungawan lamang niya nakikita si Teresita at kung bakit nakalarawan sa mukha nito ang kalungkutan.
—Ngayong makita mo na ako’y inaasahan kong maunawaan mo ang lahat, — marahang wika ni Teresita. Nguni’t sa tinig nito’y wala ang pait ng pagdaramdam.
Tinitigan ni Delfin ang dalaga. Magkadaop ang mga palad ni Teresita, sa anyong parang humahanap ng katatagan.
—Hindi maaaring mapagbago ang aking kalooban sa iyo, Teresita, — naitugon ni Delfin. —Ako ang magiging bagay mo sa hinaharap. Ipinangangako kong magiging maligaya tayo…
Umiling si Teresita. —Hindi, Delfin. Dakila ang iyong puso at ako’y lagi nang magpapapasalamat sa pagkikilala natin. Nguni’t hindi ko maaaring wasakin ang iyong sariling kaligayahan at magandang kinabukasan. Ang isa pang pagkasiphayo ay hindi makadaragdag sa aking mga tiisin, sapagka’t maluwat ko nang naihanda ang aking sarili sa pagtitiis.
Ilang saglit na di nagsalita si Delfin. Nanatili silang nagtitinginan. Nalulukob ang buong kaluluwa at damdamin ni Delfin ng pagkahabag sa kalagayan ng dalaga—na di na maaaring makalakad kailanman—at parang sumisigaw ang kanyang puso upang ito’y mabahaginan ng kahit kaunting kaligayahan.
—Inuulit ko, Teresita, nakahanda akong pakasal sa iyo, — at lumapit si Delfin sa nakaupong dalaga.
Hinawakan ni Teresita ang dalawang gulong ng silya ay yao’y marahang pinaurong, pabalik sa silid.
—Maraming salamat, Delfin. Hindi ako maaaring pakasal sa iyo. Ang totoo, hindi ako pakakasal kailanman! — at dahan-dahang pumasok sa silid si Teresita. Ngunit bago tuluyang nawala sa paningin ni Delfin at lumingon si Teresita at nagwika: —Paalam, Delfin. Huwag mong damdamin ang mga pangyayari. Malilimot mo rin ako at matatagpuan ang iyong kaligayahan!
Ilang saglit na nanatiling nakatayo si Delfin. Hindi niya matiyak nguni’t parang naririnig niya ang bahagyang paghikbi ni Teresita sa loob ng silid.
Nanaog si Delfin. At muling tiningala niya ang durungawan ni Teresita. Nguni’t nakita niyang yao’y nakapinid na—kagaya marahil ng durungawan ng kanyang puso na sumaksi sa isang maikling kabanata ng pag-ibig.









