Ni CHRISTOPHER S. ROSALES
KUNG ang iba, nagigising sa tilaok ng manok o kiriring ng orasan o hiyaw ng magtataho sa kalsada, sa bahay namin, maiindayog na musika ng pagpukpok ang siyang unang bumabati sa akin tuwing umaga.
Tuk-tak-tik-tak-tok
Tik-tak-tik-tuk-tok
Tak-tok-tik-tak-tok
Tok-tik-tak-tuk-tok
Kilalang eskultor ang mga magulang ko. Ilan na lang sila sa mga natitirang mag-uukit dito sa aming baryo. Para nang museo ang bahay namin sa dami ng mga rebulto. Bawat sulok ay napalilibutan ng iba’t ibang ukit na yari sa luad, kahoy, at tanso. Karamihan sa mga nilililok nina Nanay at Tatay ay imahen nina Hesus at Mahal na Birhen, kundi man mga estatwang anghel at santo. Kung kaya, ang tawag ng marami sa amin—Pamilya Santero.
Patok na patok ang mga gawa namin lalo na kung may pista o kapag Mahal na Araw. Dagsa lagi ang mga turista para mamakyaw sa aming munting tindahan. Pulido, detalyado, at buhay na buhay ang mga kulay—ganyan ilarawan ng marami ang mga ukit nina Nanay at Tatay.
“Kayang-kayang makipagsabayan sa mga gawang-Paete!” pambobola minsan ng aming kapitbahay.
Hindi biro ang paggawa sa bawat rebulto. Inaabot ng kung ilang linggo o buwan bago ito matapos.
Mahabang panahon ng pag-iisip at pagpaplano,
pagpukpok at pagtuktok,
pagkiskis at pagkaskas,
pagbarnis at pag-encarna
ang inilalaan nina Nanay at Tatay sa bawat nilang obra.
“Hindi lang ito bahagi ng ating tradisyon, paraan din ito ng pagpapakita ng ating debosyon,” minsang sabi ni Nanay. “Ang pag-uukit ay isang paraan natin ng pasasalamat sa lahat ng mga biyayang ibinibigay sa atin ng nasa Itaas.”
Napakarami nang kuwento ang narinig ko tungkol sa himala ng mga poon. Masaya lagi iyong ibinabahagi ng mga dumarayo sa ‘ming camarero o iyong nangangalaga ng iba’t ibang imahen ng santo. May mga umunlad ang negosyo. May mga nakakuha ng magandang trabaho. May mga gumaling sa sakit. May mga nabiyayaan ng supling. Mayroon ding nakaligtas sa bagyo, sunog, at aksidente.
“Lahat ng ‘yon ay dahil po sa mga ukit nating santo?” usisa ko minsan.
Dagsa lagi ang mga turista para mamakyaw sa aming munting tindahan. Pulido, detalyado, at buhay na buhay ang mga kulay—ganyan ilarawan ng marami ang mga ukit nina Nanay at Tatay.

“Ang taos na pananalig at kabutihan ang siyang nagbibigay sa atin ng mga biyaya, higit sa anupaman,” matalinghagang sagot ni Tatay.
Totoo, bilib na bilib ako sa mga magulang ko. Lagi ko silang ipinagmamalaki sa aking mga kaibigan at kaklase. Pero alam niyo, sa totoo lang, nahihiya ako sa kanila. Hindi kasi ako magaling gumuhit at mag-ukit tulad nila.
Minsan, tinuruan ako ni Nanay na gumuhit ng santo—parang nababalisawsaw na nunò ang naiguhit ko.
Minsan, tinuruan ako ni Tatay na mag-ukit ng rebulto—parang napisang palaka sa kalsada ang naiukit ko.
Bali-baliko ang hugis. Nagtatalo ang mga linya. Wala sa hulog ang porma.
“Hayaan mo, anak, ganyan talaga sa simula,” pag-aalo ni Nanay.
“Kapag lumaki-laki ka na ay magiging mas bihasa ka pa,” paniniyak naman ni Tatay. “Pasasaan ba’t ikaw ang magpapatuloy ng tradisyon ng ating pamilya.”
Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanila, pero mas hilig ko talaga ang musika. Madalas ay napapaindak nga ako sa bawat pukpok-tuktok, kiskis-kaskas sa talyeres nina Nanay at Tatay. Imbis na kahoy at paet, gitara at tambol ang gusto ko laging hawak. Kung minsan, sinasabayan ko ng pagtugtog ang pag-uukit nina Nanay at Tatay. Para tuloy may munting konsiyerto sa loob ng aming bahay!
Tuk-tak-tik-tak-tok
Bim-bam-bim-bum-boom!
Tak-tok-tik-tak-tok
Bom-bim-bam-bum-boom!
Minsan, may takdang-aralin kami sa klase. Isulat daw namin kung ano ang gusto naming maging balang-araw. Hindi ko malaman kung ano ang ilalagay ko.
Noong gabing iyon, hindi na ako nakatiis. Tinanong ko sina Nanay at Tatay.
“‘Nay, ‘Tay…. M-Magagalit po ba kayo sa ‘kin kung sakaling h-hindi ako maging mag-uukit balang-araw?”
Nagulat akong hindi sila nabigla sa tanong kong iyon. Tumingin lang sila sa akin at hinawakan ang mga kamay ko.
“Hinding-hindi kami magagalit, anak,” malambing na tugon ni Nanay. “Alam mo, ang buhay ay parang pag-uukit. Bawat tipak ng bato o piraso ng kahoy ay may nakatagong imahen sa loob. At ikaw ang tutuklas nu’n, anak. Hindi ako o ang iyong Tatay. Ikaw ang maglililok ng sarili mong mga pangarap.”
Niyakap ko nang mahigpit sina Nanay at Tatay.
“Saka hindi lang naman kahoy at paet ang gamit sa pag-uukit, anak,” dagdag pa ni Tatay. “Ang iyong Tiyo Hernan na may panaderya sa plasa, alam mo bang eskultor din siya? ‘Lumililok’ siya ng masasarap na tinapay gamit ang lebadura at harina. Ang Tiya Leticia mo naman, hindi ba’t isa siyang manunulat? ‘Nakauukit’ siya ng mga kuwento at tula gamit ang mga salita.”
“Kung gayon ay puwede pa rin po pala akong maging eskultor gaya niyo!” sabi ko habang dinadampot ang mga paborito kong instrumento. “Gamit itong tambol at gitara ay maglililok po ako ng mga kanta at musika!”
“Tama, anak!” hiyaw ni Nanay.
Gayunman, bigla akong napaisip.
“Pamilya Santero pa rin po ba tayong matatawag kung hindi po ako magiging santero balang-araw?”
Napangiti sina Nanay at Tatay.
“Tayo ay pamilya, ‘yan ang di magbabago, santero man o hindi,” sagot ni Tatay.
Hindi na ako makapaghintay sa darating na pista. Kasabay ng pagpaparada ng mga ukit nina Nanay at Tatay, tutugtog naman ako ng pinakamagaganda at pinakamasisiglang musika kasama ng sinalihan kong banda. Sama-sama naming ipagdiriwang ang tradisyon ng pagsasantero sa aming bayan!
Bum-bam-bim-bam-boom!
Bim-bam-bim-bum-boom!
Bam-bom-bim-bam-boom!
Bom-bim-bam-bum-boom!









