Ni Macario G. Pineda
MUSMOS pa lamang si Renato Villa ay kinamalasan na ng pambihirang katalinuhan. Halos tatatlong taon ang gulang at matatas nang magsalita at parang kung sinong may isip na kung mangatuwiran.
Wala pang anim na taon si Renato nang ipasok sa paaralan at mula noon ay unti-unti siyang nakilala ng mga guro at ng kanyang kamag-aaral. Tinapos niya sa limang taon ang intermediate, sa tatlong taon naman ang high school. Kaya’t nang malipat siya sa pamantasan ng bansa upang kumuha ng pagka-manggagamot ay halos hindi mapaniwalaan ng mga propesor ang kanyang katalinuhan.
Nguni’t talagang musmos pa lamang si Renato ay may pambihira nang pagmamatwid. Noong hindi pa siya nag-aaral ay napansin na ng kanyang mga magulang, lalo na ang kanyang lola. Ang katangiang yaon.
“Bakit po, Lola,” ang tanong niya nang siya’y tinuturuan ng mga dasal, “Kastila’t Latin ang tinuturo mo sa akin? Ang ibig ko po’y yaong mauunawaan ko.”
“Malapit sa tainga ng Diyos ang Latin,” ang paliwanag ng matanda.
Napatingin noon si Renato sa kanyang lola.
“Kaawaawa po naman,” aniya, “ang mga taong hindi marunong ng Latin at Kastila kung yaon lamang malapit sa tainga ng Diyos.”
Minsan naman, pagkatapos makapagbalita ang kanyang lola ukol sa mga kahirapang tinitiis sa impiyerno ng kaluluwa ng mga nagkasala ay parang nagtatampong nagwika:
“Ayoko na, Lola, sa iyong Diyos.”
Nanghilakbot ng gayon na lamang ang matanda sa sinabi ng kanyang apo.
“Bakit ka nagsalita ng ganyan, Renato?”
“Ayoko na po sa iyong Diyos, Lola,” ang walang tigatig na sagot ng musmos. “Napakabagsik po pala naman…”
Nguni’t kung ang mga gayong tanong man ay nagdulot ng pagkabalisa sa kanyang mga magulang at lola ay napawing lahat nang sa wakas ay mauunawaan nila ang tunay na laman ng puso ni Renato.
Noong nasa pamantasan na ang batang halos hindi pa naniningalang-pugad ay minsang nasabi sa kanyang lola.
“Lola,” aniya, “napakababa po ang pagkakilala ng karamihan ng mga tao sa Lumikha.”
Napatigagal na lamang ang matanda.
“Napapansin ko pong marami ang may paniniwalang ang lumikha’y isang mabagsik na haring kailangang suhulan, suubin ng papuri, tuyain, linlangin ng magagandang pananalita; isang mabagsik na haring walang awa kung magparusa at walang habas kung magbigay-pala sa kanyang mga kampon.”
“Santong Diyos!” ang bulalas na lamang ng matanda.
“Hindi po iyon ang lumikhang nakikilala ko ngayon, Lola,” anang apo. “Ang nakikilala kong Ama ay bukal ng awa sa kabutihang walang katapusan.”
Cum Laude si Renato Villa nang siya’y makapagtapos ng pagka-manggagamot sa pamantasan at nang siya’y magsulit sa lupon ng pamahalaan ay hindi nagkabula ang hula-hula ng mga nakakikilala sa kanya. Si Renato Villa rin ang itinanghal na nanguna sa lahat.
Noon ay nabubuhay pa ang yumaong si Don Eliodoro Tangko, dahilan sa pambihirang katalinuhan ni Renato Villa ay inalok na papagtuluyin ng pag-aaral sa Amerika at Europa ang batang-batang manggagamot.
Hindi naman nagkaroon na anumang pagtutol ang mga magulang ni Renato. At bago siya tumulak ay naganap muna ang isang kabanata ng kanyang buhay sa pag-ibig.
Isang dalagang kababata sa kanyang bayan ang dinalaw niya sa bispiras ng kanyang pagtulak na patungo sa Amerika. Yaon ay isang dalagang salat sa yaman, nguni’t sagana sa mga katangiang karaniwang hinahanap ng pusong mapagnilay.
“Nita,” ang wika ni Renato, “ngayon ko bubuksan sa iyo ang aking puso sapagka’t bukas ay aalis na ako: iniibig kita! Minahal kita noon pa lamang na ako’y lalabindalawang taong gulang. Ikaw ang tanging buhay ng aking puso. At mamahalin kita sa habang panahon. Hintayin mo ako sa aking pagbabalik. Mahal ka sa akin.”
At ang binata’y muling nanaog na hindi na hinintay ang katugunan ng dalaga sa kanyang pakiusap.
Limang taong singkad na nag-aral sa ibang lupain ang binata. Tinustusan siya nang gayon na lamang ni Don Eliodoro Tangko, sapagka’t sa bawat bansang kanyang marating ay hindi gayun-gayong karangalan lamang ang naidulot sa kanyang bayan at sa mga taong nagtataguyod sa kanya.
Nakarating siya sa Berlin, sa Viena, sa Paris. Nang pabalik na siya’y ilang buwang tumigil sa Tokyo. May paniniwala ang binata na sa kahi’t aling bansa sa daigdig ay maaari siyang makatuklas ng bahagi ng karunungan sa panggagamot na lingid sa kapuwa bansa.
Nang siya’y magbalik sa Pilipinas ay hinirang siyang propesor sa Pamantasan ng Pilipinas at sa unang pagkakataon ay isang panayam na dinaluhan ng mga kinikilalang haligi ng panggagamot sa kapuluan ang kanyang binigkas.
Nguni’t gayon na lamang ang pagtataka ng madla sa kanyang mga sinabi. Ang kanyang tinalakay ay hindi ukol sa mga bagong tuklas na karunungang natagpuan niya sa malalayong lupain.
“Ang ibig kong ipahayag ngayon ay ukol sa nakita kong pagiging isa ng sangkatauhan. Ang mga Hapon, ang mga Ruso, ang mga Negro, ang mga Instik, tayo’t ang lahat ng mga itinuturing na tao sa buong mundo ay pawang nilalang ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay tunay na iisa. Walang bansa, walang bayan, sa buong daigdig. Walang hanggahan ang mga lupain. Ang mundo’y linalang ng isang Diyos, ang mga tao’y ng isang Ama. Tayo’y pawang mga anak Niya nang walang kinalaman sa kulay, sa wika, sa lipi. At ang tungkulin ng lahat at sa bawa’t isa sa ating nanganiniwalang siya’y anak ng Lumikha ay ang harapin ang suliranin ng pagkakaisa ng buong daigdig.”
Parang sinabugan ng bomba ang pagtitipon. Walang pumalakpak sa manggagamot. Walang maisip sa mga sandaling yaon ang mga nakikinig.
Kung tunay mang walang sinabing maituturing na masama si Renato Villa ay nakayayanig naman ang himig ng kanyang panayam na sa panahong kasalukuyang nagpapalakas ang bansa ay tila isang kung anong pag-upasala sa makabayang damdamin ng bawa’t isang Pilipino.
Sa pag-ibig sa bandila at sa lupang tinubuan marami ang nagnanasa, iilan ang nababagay.
Hindi nagluwat at naganap din ang ikalawang kabanata sa buhay sa pag-ibig ni Renato Villa. Muli siyang umakyat sa tahanan ng mayuming si Nita Cruz.
“Nita,” aniya, “narito na ako upang tuparin ang aking pangako.”
“Nguni’t ako’y walang pangako sa iyo, Renato,” ang wika ng dalagang tila nagdaramdam sa malabis na paniniwala ng binata sa kanyang kakayahan at kapangyarihan.
“Wala nga, Nita,” ang walang pagkakatigatig na tugon ng manggagamot, “ngunit hinintay mo ako, hindi ba?”
Ano pa ang maisasagot ng isang dalagang talaga namang may pagtatangi maliban sa tahasang pagsang-ayon?
At nang makasal na ang dalawa’y saka pa lamang naunawaan ni Renato ang isang bagay na kaunti nang naging dahilan ng tahasang pagtanggi ng dalaga.
“Lubha kang pangahas!” ang nagtatawang wika ni Nita. “Bakit mo naisip na ikaw nga’y hinihintay ko, gayong wala naman akong pangako sa iyo?”
“Sapagka’t iniibig kita,” ang tanging naging tugon ng manggagamot.
Noon ay Oktubre ng 1941. Hindi nagluwat ay nakilala ng mga magulang at mga kaibigan ni Renato Villa kung anong talaga ang ibig niyang sabihin sa kanyang unang panayam na binigkas sa Maynila.
Nang sumiklab ang digmaan at nang umahon na ang kaaway sa Pilipinas ay bahagya nang natigatig si Renato.
“Ang mga bagay na ito,” aniya sa kaniyang mga magulang, “ay kailangan upang maganap ang pagiging isa ng daigdigan.”
“Nguni’t ang mga kabagsikang ito at paglapastangan ng mga kaaway sa ating kababaihan, Renato?” ang tutol ng ama sa manggagamot. “Ito ba’y kailangang maganap din sa pagiging isa ng mundo?”
“A!” ang wika ni Renato sa kanyang ama, “iya’y hindi maiiwasan, sakali mang hindi dapat na mangyari. Ang mga panggagahasang nababalitaan natin ay hindi maiiwasan. Lalaki ang kawal…”
“Ngunit bakit kailangang salakayin tayo, pagpapatayin tayo, upang maganap lamang ang sinasabi mong pagkakaisa ng daigdig? Bakit hindi daanin sa pag-uusap sa mga kapulungan ng sandaigdigan?”
“Sapagka’t may malaking hadlang, Tatang,” ang tugon ni Renato. “Damdaming makabayan ang nakahahadlang. Bawa’t isa’y ipinagmamalaki ang kanyang bansa. Ako’y Pilipino. Ako’y Amerikano. Ako’y Aleman. Ako’y Ruso. Ganyan ang hiyaw ng bawa’t isa. At nalilimutang kahi’t ano siya ay anak din siya ng Diyos at sa harap ng Ama, ay walang pinag-ibhan ang isang Amerikano sa isang Instik. Panong mapag-uusapan nang payapa ang pagkakaisa ng buong daigdig sa mga kapulungan?”
Galit na ang ama ni Renato Villa.
“Kung hindi lamang kita anak ay sasabihin kong isa kang taksil sa iyong bayan, Renato,” aniya.
“Ang Anak ng Diyos ay nagbubo ng dugo at sa gayon ding paraan ay kailangang magbubo ng dugo ang sangkatauhan bago masapit ang pagkakaisa ng mga bansa at ng mga tao,” ang wika ng manggagamot. “Maaaring tawagin ninyo akong taksil sa aking bayan. Nguni’t sa harap ng Lumikha ay wala akong maaaring tanawing pagkakasala. Umibig ako sa Ama at ang Amang iyan ay Ama ng sangkatauhan, hindi ng mga Pilipino lamang o ng mga Amerikano lamang. Mangyayari kaya ang anumang bagay sa daigdig nang hindi pinahihintulutan ng Ama sa langit upang maging isang aral ng sangkatauhang tungo sa pagkakaisa ng daigdig?”
Nang pumasok ang kaaway sa bayan ni Renato ay hindi nagtaka ang madla sa ginawa ng manggagamot. Sumalubong siya sa mga kaaway. Nakipag-unawaan siya sa mga pinuno ng hukbo ng mga Hapon. At kung may napala ang bayan sa pagiging isang fifth columnist ng manggagamot, kung tunay man ang paratang na yaon, ay ang madaling pagbabalik ng katiwasayan sa bayan at ang pangyayaring walang pamiminsalang nagawa ang mga kawal na Hapon sa mga mamamayan.

Si Renato Villa ay hinirang ng pamahalaan na alkalde sa bayan. Sinikap niyang magkaroon ng pagtutulungan ang hukbo at ang bayan. At sa madaling panahon ay nakadanas ng kasaganaan ang bayan sa pagbibili ng mga kagamitang pandigma sa kaaway.
Isang gabi’y pinaulanan ng punlo ang tahanan ng mga Villa. Sa loob ng halos dalawampung minuto ay umulan ng punlo sa matandang tahanan. Nguni’t sa bisa ng kung anong himala ay wala isang mang nasugatan sa mga nasa tahanang yaon.
“Batid ng Diyos ang laman ng aking puso kaya ako’y minarapat Niyang maligtas, pati ng aking mga mahal sa buhay. Makabayan ang mga gerilya,” wika pa ni Renato Villa, “nguni’t nalimutan nila ang isang katotohanan. Iisa ang Ama sa langit at lupa. At ang mga Aleman, Amerikano, Hapon at Pilipino ay magkakapatid.”
Bilang isang pasalamat ay naghanda ang mga Villa. Sa piging na yaon ay inanyayahan ang matataas na pinuno ng Hukbo ng Hapon na nakatalaga sa lalagiwan. Masarap at sagana ang handa ng mag-asawa at ang mga piniging, lalo na ang mga Hapon ay kinakitaan ng kasiyahan sa mga pagkaing idinulot sa kanila.
“Napakasarap ang pagkain dito sa inyong bayan,” ang wika ni Koronel Okamoto kay Renato. “Iisa ang maaari kong ituring na kapintasan ng inyong mga luto, doktor.
“Ano yaon, koronel?” ang tanong ng manggagamot.
“Lubhang luto ang inyong mga pagkain. Nawala tuloy ang likas na linamnam ng karne at gulay.”
Nagtawa lamang si Renato Villa. “Kaming mga Pilipino, Koronel, ay hindi mahiligin sa mga hilaw na pagkain.”
Hindi nahulaan ni Renato ang mahiwagang ngiting namilaylay sa mga labi ni Koronel Okamoto. Sapagka’t nang sumunod na linggo’y ang mag-asawa naman ang piniging ng koronel. Mahabang-mahaba ang hapag na kinahalayhayan ng mga pagkain. At naroong lahat ang mga karaniwang pagkaing maaasahang maihanda sa Pilipinas. May sugpo, may alimango, may malalaking hipon, may manok, may karne ng baka’t baboy. Nguni’t sa malabis na pagtataka ng mag-asawa ay tanging ang kanin lamang ang tunay na luto at ang karamihan sa mga ulam, kung tunay mang nagdaan sa apoy, ay halos nadampian lamang ng init.
Hindi makabubusog sa isang sisiw ang maaaring makain ng mag-asawa sa mga pagkaing idinulot sa kanila. At isang katotohanang pinatunayan ng marami na nang dumating ang mag-asawa sa kanilang tahanan, pagkatapos ng piging, ay kapuwa kumain pa ulit upang huwag gutumin.
Nang gabing yaon ay nawala si Renato Villa. Tatlong araw pagkatapos ay isang balutan ang palihim na naihagis sa bakuran ng kanilang tahanan. Ang balutang yaon ay sa mga damit ni Renato nang siya’y mawala. At pawang pigta ng dugo.
Ipinalagay ng yao’y dahil sa kanyang pagtulong sa mga kaaway at paghihiganti ng mga gerilya. Kahi’t ang mga magulang ni Renato ay hindi nagtaka sa nangyari. Ang panghihinayang sa manggagamot ay dahil na lamang sa kaniyang pambihirang katalinuhan.
Nang mapalaya na ang Pilipinas, lalo na ang dakong Kabisayaan, ay nangyari ang hindi inaasahan ninuman sa bayan ni Renato.
Isang araw ay isang kapitan ng hukbong Pilipino ang umibis sa isang jeep sa tapat ng tahanan ng mga Villa. Tuluy-tuloy siyang pumanhik sa tahanang yaon. At pagkakita sa kanya ng mga dinatnan sa bahay ay nagkagulo nang gayon na lamang.
Hinimatay ang maybahay ni Renato. Hinimatay rin ang ina ni Renato. At pati ang kanyang ama ay maluwat ding ayaw maniwala sa kanyang nakikita.
“Si Renato ako,” anang dumating. “Ako’y hindi isang multo…”
At nang mahimasmasan na ang mag-aanak ay saka nagpaliwanag ang manggagamot.
Yaon nga’y si Renato Villa. Yaon nga ang ipinalagay na pinatay ng mga gerilya. At sa paliwanag ng manggagamot ay madaling naunawaan ang tunay na nangyari.
“Kinikilala kong Ama ang Lumikha ng sangkatauhan at sa gayon ay naniwala akong dapat magkaisa ang daigdigan. Kahi’t sa harap ng kabagsikan ng mga Hapon ay hindi nagbago ang aking matatag na paniniwala sapagka’t ipinalalagay kong ang pagkakasulong ng mundo’y kailangang magkaroon ng kabayarang dugo gaya rin naman ng pagkakapagbubo ng dugo ng ating Mananakop. Nguni’t nang anyayahan kami ni Nita sa piging ni Koronel Okamoto at hainan ng mga pagkaing batid niyang hindi namin kalulugdan ni makakain ay saka ako nakakita ng kaliwanagan. Naisip kong ang mga taong ito’y magpupumilit na isaksak sa ating bayan ang kanilang kabihasnan sa kahi’t paanong paraan. Pipilitin nilang tayo’y magbago ng kaisipan gaya ng pagpilit nilang malunok namin ang mga inihaing hilaw na pagkain sa kanilang piging. Noon ko naisip na ang sangkatauhan ay nilikha nga ng Maykapal nguni’t binigyan naman Niya ng mga lupain ang mga lahi. Sa Pilipinas ay ibinigay sa atin ng Ama ang isang lahi, isang wika, isang kabihasnang sarili natin. Sa loob ng daan-daang taon ay dito nabuhay at namatay ang ating mga ninuno at ang kanilang mga ninuno. Ito ang ating bayan, ito ang ating bansa, ito ang ating yaman, ito ang ating mana mula sa Maykapal. At ako’y isang Pilipinong sa pagmamahal sa Ama ay dapat magmahal sa aking bayan, sapagka’t yaon ang bigay Niya sa ating mga Pilipino. Noon ko naisip na ang pagmamahal sa Lumikha ay pagmamahal sa bayan, at ang tunay na pagmamahal sa Lumikha at sa bayan ay ang wastong pagmamalasakit sa kapuwa Pilipino. Kaya’t ako’y umalis nga upang maggerilya. Sa Kabisayaan ako nagtungo sapagka’t dito’y walang maniniwala sa akin. Pagbibintangan lamang akong isang espiya!” Ngumiti si Renato at hinawakan ang kamay ng kanyang maybahay. “Dinaramdam kong bigyan kayo ng sama ng loob sa pag-aakalang ako’y pinatay ng mga gerilya lalo na’t nang ipahagis ko sa bakuran ang mga damit na pinigta muna namin ng dugo ng manok.”









