Ni Arnold Matencio Valledor
ALAS kuwatro pa lamang nang madaling-araw ay nag-message na siya sa kanilang GC na Agri-Fishery Trade Fair Committee.
—Gud mrning @Jane Aquino, nasa plasa ka na ba? — na agad nagbagsakan ang mga ulo-ulo ng mga miyembro ng GC nilang iyon. At nakita niya ang pagsulpot ng thumbs up reaction ni Jane sa kaniyang message at ang tatlong dots na sumasayaw-sayaw hanggang sa nabasa niya ang tugon ni Jane: Yes po, Mam! Nauna pong talaga kami sa mga brgy official— na ang tinutukoy sa kami ay ang beinte tres na jobbers na ima-manage niya upang mas maging maayos ang flow ng Fair.
Pagkatapos niyang i-heart ang reply ni Jane ay nag-message ulit siya. Ngayon ay para sa walong miyembro ng evaluators na siya ang chairman.
—Need nating dating sa plaza 30 min b4 6— Na sinundan pa niya ng paalaala sa isang kasama. —@Eve Concepcion, wag mng kakalimutan ung score at tally sheets— Na tinugon agad ng heart reactions ng pito niyang miyembro at thumbs up reaction naman ni Eve.
Siya ang overall chairman ng Agri-Fishery Trade Fair dahil siya ang Municipal Agriculturist ng kanilang bayan. Bagama’t alam na ni Jane, staff ng Municipal Health Office, in-charge sa pag-assign ng mga jobber mula sa iba’t ibang opisina ng munisipyo na kailangan ng team nito na maunang dumating sa mga barangay official at ilang piling miyembo ng barangay na magbebenta ng kanilang mga produktong pansakahan, pangisdaan, handicraft, native cake at iba pang produktong meron sa barangay upang kilohin ang mga produktong kailangang kilohin bago isalansan sa booth ay kailangan pa rin niyang i-message ito gayundin ang walong miyemro niyang evaluator na sina Eve, Agriculture Technologist for Fisheries, Matt, Agriculture Technologist for Crops, Patrick, Agriculture Technologist for Livestock, Belle, staff ng Municipal Tourism Office, Ralph, staff ng Municipal Planning and Development Office, Peter, staff ng Municipal Engineering Office, Jun, staff ng Municipal Assessor Office, at ni Faye, staff ng Municipal Treasurer Office na magkikita-kita sila sa plasa ng alas singko y media. Sa panahong maraming pinagkakaabalahan ang bawat isa lalo na at dalawang araw na lang ay pista na sa kanila sa Panganiban, tama na laging nandiyan ang paalaala. Pinatawag na kasi sila ni Mayor Mike kahapon, bandang alas tres ng hapon, para kumustahin kung areglado na ang lahat ukol sa fair at inilatag niya sa punongbayan na sa dalawang beses niyang meeting sa mga barangay captain ay nakuha niya ang suporta ng mga ito. Sa unang meeting ay ipinaliwanag niya sa mga ito ang layunin at kahalagahan ng naturang aktibidad at hiningi niya ang kanilang opinyon para makapagbuo sila ng mechanics na magiging saligan ng desisyon kung aling barangay ang mananalo at sa ikalawang meeting naman ay ang paglalatag ng pinal na mechanics ng fair at ang pagpapakumpirma ng pagsali na positibong tinugon ng lahat. Idinagdag niya na bago pa man sila pumunta sa pulong na iyon ay may mga barangay nang tapos sa paggawa ng booth at may ilan na lang na di pa nakakatapos na sa tantiya niya, bago pa man mag-alas sais ng gabi ay tapos na kaya aasikasuhin na lang bukas ang pagdadala ng mga produkto at ang pagsasalansan ng mga ito sa kani-kanilang booth.
ABALANG-ABALA ang plasa pagdating niya. Nag-i-eskrima ang mga ilaw ng motorsiklo, topdown, traysikel, closed van at pick up ng iba’t ibang barangay. Naghahabulan ang mga paa ng mga taong bumababa sa mga sasakyang iyon upang maidala ang lahat na produkto nila sa kani-kanilang booth at abala ang jobber sa kada booth na kilohin ang mga produktong dapat kilohin bago isalansan ng mga opisyal at ilang piling miyembro ng barangay sa ginawang mga estante at inayos na mesa sa loob ng booth.
Hindi niya nakita si Jane mula sa pinaradahan niya ng kaniyang pick up pero sigurado niya na malinaw nitong binigyan ng panuto ang lahat na jobber na naka-assign ngayon sa fair. Marahil nasa lugar ito na nahaharangan ng mga tabing ng booth at abala sa pagsu-supervise.
Lalong naging abala ang plasa nang bumaba siya sa iginaraheng pick up na siya namang pagdaan ni Kapitan Lorie ng San Nicolas.
“Ma’m Carmel, maray na aldaw tabi! Nand’yan ka na pala!”
“Maray na aldaw man tabi, Kap! Kakarating lang!
Na parang sunog na kumalat sa buong plasa na nandoon na siya kaya nadoble ang bilis ng lahat. Na halos nagpabilis pa sa lahat nang makilalang ang mga nakikipag-eskrimahan nang ilaw ng mga motorsiklo na paparating ay sa walong kasamahan na niya.
“Good morning po, Ma’m!” paisa-isang bati ng kaniyang mga miyembro pagkatapos nitong i-park ang kani-kanilang motorsiklo sa designated parking area ng mga evaluator.
Kay bilis nabasag ang banaag. Maliwanag na.
Mangilan-ngilan na lang ang naghaharagang sasakyan. Halos lahat ay tapos na sa pagdadala ng kani-kanilang produkto sa kani-kanilang booth. Nagpapabilisan na lamang na makapagtapos sa pagsasalansan ang lahat.
Sabay-sabay na silang naglakad papunta sa stage ng plasa. Umupo sa monoblock at hiningi niya kay Eve ang mga score sheet na inilagay nito sa bahagi ng mesang malapit sa kaniya. Itsi-tsek niya ang completeness nito. Binilang niya kung ilang ang naka-staple na score sheet. Beinte tres. Binasa ang barangay na nakasulat sa gawing kaliwa sa itaas ng unang pahina. Walang nadoble. At pinasalamatan si Eve pagkatapos.
“Ok, complete. Thanks, Eve!”
At luminga siya. May hinahanap.
“Nakita ko na po si Ambo, Ma’m,” sabi ni Matt na ang tinutukoy ay ang jobber nila sa Municipal Agriculture Office, na para bang nahulaan nito kung sino ang hinahanap niya. “Umiihi lang po siguro. Bitbit na n’ya ang speaker at mic.”
“Umiihing bitbit ang speaker at mic? At ako ang gagamit?”
“Di naman po siguro, Ma’m! Ikaw talaga, Matt,” agaw ni Belle, “baka nasabit lang sa mga mamimiling bakasyunista at di dito nakatuloy agad.”
“Ambo!” biglang tawag ni Patrick sa palakad-takbong lalaking lumalapit sa kanila, “hinahanap ka na ni Ma’m!” sabay kampay na ikinatakbo nang tuluyan ng tinatawag.
“Umihi ka raw na bitbit mo ‘yang speaker at mic, Ambo!” sabi niyang hindi kumukurap.
“Si Ma’m naman mapagbiro… nakita ko lang po ‘yung klasmeyt ko nu’ng haiskul kami, Ma’m. Nagbakasyon mulang Australia, saglit kaming nagkumustahan…at salamat sa kan’ya dahil may pakimkim sa ‘kin.”
“Sana all!” sabi ng mga kasama niya.
“Sorry po, Ma’m, kung naabala ko po kayo,” paumanhin ni Ambo.
“It’s ok, Ambo! Ang hindi ok ay ‘yung kung kaiihi mo lang… babatukan kita!”
Na ikinatawa ng kaniyang kasamahan at akmang iilag sa pagbatok si Ambo.
Ipina-set up na niya kay Ambo ang speaker at kinuha na niya rito ang mic.
Nagti-test pa lang siya ng mic ay dagsa na ang mga mamimili sa plasa. May mga may magagarang kotse, may mga luma, may mga bagong labas na modelo ng motorsiklo, may mga luma, may mga de kalidad na bike, may mga ordinaryo, may mga naglalakad, may naka-wheel chair, at tama ba ang nakikita niya na may naka-habit?
“Naku, di muna kami p’wedeng magbenta, Manoy… di pa po ‘to nai-evaluate!” narinig nilang sabi ng isang aleng may katabaan na hindi naman kapitan, kilala kasi niya ang lahat na kapitan, marahil ay kagawad ng barangay o piling miyembro ng barangay na itinalagang tagapagbenta dahil puwedeng makipagbardagulan.
Dagsa na ang mga tao. Tiningnan na niya ang relos niyang panggalang, 5:55. Limang minuto pa pero may mga nagpipilit nang bumili.
“Bakit pa kasi pinatatagal pa ang pag-i-evaluate, may pupuntahan pa kami!” malakas ang boses ng mama na tumugon sa aleng may katabaan. Sadyang ipinaririnig sa kanila, tantiya niya. Naisip niya na posibleng may bibilhin pa sa karatig-bayan na Bagamanoc o Viga o di kaya ay sa kabisera— sa Virac ang naturang mama o posibleng alibi lang upang mapagbilhan na at makauwi. A, kung bakit ganoon siya na kapag may naririnig siyang nagmamadali sa panahong may takdang oras ay lalo siyang mag-i-stick sa itinakdang oras, lalo na kung parang arogante pa ang taong mariringgan niya.
“Maray na aldaw tabi sa gabos!” nagmagandang araw siya sa lahat habang tinitingnan ang kaniyang relos. “Kailangang maghintay po tayo sa itinakdang oras. Dadalawang minuto na lamang ang hinihintay po natin. Maaari kasing magdulot ng reklamo mula sa isa o mahigit pang kapitan ang di natin pag-uumpisa ng evaluation sa itinakdang oras dahil baka sa konting-konting panahon na natitirang ‘yan ay meron pa silang ginagawa sa kanilang booth upang lalo itong maging presentable na isa sa mga criteria natin tapos bigla natin silang patitigilin. Bukod po kasi sa aming evaluator ay may katulong pa po kaming jobber sa bawat booth na siyang magtatakda ng paghinto ng pag-aayos ng booth bukod sa sila ang kumikilo ng mga produktong kailangang kilohin. Para fair po, maghintay tayo ng takdang oras. Kaya, hinihingi po namin ang inyong pang-unawa!”
Sa suma niya, hindi aabutin ng dalawang oras ay mauubos ang lahat ng paninda sa lahat na booth. Tama ang tantiya niya na hindi sapat ang suplay mula sa kanilang mga magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa mula sa beinte tres na barangay nila dahil may mga mamimili pa na naghahanap ng ganito at ganoong produkto pero ubos na.
Tiningnan niya ang lalaking pasigaw kanina. Umiwas ito ng tingin sa kaniya at umiling-iling at umalis sa booth na kinatatayuan. Luminga-linga siya. Naghahanap ng pulis kung mayroon nang naglalakad-lakad sa paligid. Mayroon nang iilan pero malayo roon sa lalaking naturan.
“Lahat bang kapitan ay narito na?” Nilakasan niya ang pagkakabigkas niyon sa mic upang maabot ang lahat na kapitan. Malaki sa karaniwan kasi ang kanilang plasa na isang kalsada lang ang pagitan sa kanilang simbahan kung saan makikita sa bungad sa loob ng bakod nito ang imahen ng nakakabayong si St. James the Greater na may hawak na espada ang kanang kamay. Maingay na rin ang mga taong mamimili kaya kailangang may kalakasan na ang boses niya.
“Yes, Ma’m Carmel!” umaalingawgaw na tugon ng mga kapitan.
Na iyon naman ang pagpatak ng alas sais.
“Proceed as agreed!” sabi niya sa kanyang kasamahan, na hindi na gumamit ng mic.
Naging apat na magka-buddy ang walong miyembro niya.
Apat ang criteria na napagkasunduan nila ng mga kapitan. At bawat miyembro ng buddy ay tigdalawang criteria na tututukan at ia-add na nila ang score nila upang makuha ang pinal na score ng barangay. Kailangang stick with the mechanics para walang maging problema. Halimbawa sa bilang ng produktong naka-display, ilan ba ang lehitimong produkto ng barangay ang nasa booth batay sa validated list nila? Ibabawas sa score ang produktong naka-display sa booth na wala sa validated list. Sa dami naman ng produktong naka-display ay nakadepende sa uri ng produkto. Kung yamang-dagat- kasama ang alimango, sugpo, hipon, banagan, at mga katulad pa nito— at kung yamang-lupa naman ay daraanin sa kilo, na kinilo na ng naka-tokang jobber bago pa man isalansan nang masining dahil ang presentation ng mga produkto, isa rin sa criteria at ang pang-apat ay ang porsiyento ng naibenta na jobber na ang magdi-determine batay sa imbentaryo ng kada booth bago magbenta at pagkatapos ng fair na tatagal ng tatlong oras.
“Ang fair na ito ay pagpapakita ng mga produkto ng bawat barangay hindi lamang ‘yong mula sa kani-kanilang Community Garden kundi pati kani-kanilang mga pananim sa kani-kanilang solar,” patungkol sa mga mamimili ang kaniyang mensahe. “Pati ‘yung mga nagagawang produkto mula sa mga pananim, mga alagaing hayop o pet, ngunit labas dito ang mga karne ng baboy, kalabaw, at baka dahil ang schedule ng pagkatay sa atin ay bukas pa nang madaling-araw; kasama rin dito ang mga yamang dagat at kung ano pang merong produkto na maipagkakapuri ang barangay kasama ang handicraft out of nito, rattan, driftwood, o di kaya’y mga lumang diyaryo. Mahalagang tandaan na kasabay nito ay ang pagpo-promote at pagtatangkilik sa kanilang mga produkto— hakbang upang maging stable ang kabuhayang pambarangay o pansariling pamilya,” sabi niyang naka-mic habang nag-uumpisa nang mag-evaluate ang apat na magkaka-buddy.
Pagkatapos niyang ibilin kay Ambo ang speaker at ang mic ay pumuwesto siya sa bandang gitna ng plasa. Umiikot siya in place para makita niya ang lahat na booth. Nagmamasid-masid. Minsan, may nakakatanguang kakilala na dumaraan sa tapat niya na pupunta sa ilang booth upang makapagpa-reserve sa tindera, lalo na’t di pa nadaanan ng evaluator. Karamihang dumaraan malapit sa kaniya ay nagmamagandang umaga. Ekis-ekis na kasi ang mga tao na nagpapaunahan nang makabili ng gusto nilang ihanda sa pista at gusto nilang iregalo sa kanilang magiging bisita o bisita na mismo lalo na kapatid o kamag-anak na galing sa Maynila o iba pang lugar sa kalunsuran o di kaya’y sa mainland Bicol dahil madalas na nagsisidatingan ang mga ito isang linggo bago ang kapiyestahan o mismong sa araw na ito— ante-bisperas— dala ang sari-sariling sasakyan o di kaya ay nagko-commute.
Bilang bagong Municipal Agriculturist gusto niyang maiangat ang estado ng bawat magsasaka at mangingisda sa kanilang bayan sa pamamagitan ng capacity building na libreng gagawin ng opisina nila iyon upang lumawak ang kaalaman ng mga ito sa siyentipikong pagsasaka at pangingisda. Sa tulong ng kanilang punongbayan ay gusto rin niyang magkaroon ng regular na pagbibilhan ang mga ito upang patuloy na lumago ang kanilang kita at lalong ipagmalaki ang pagsasaka at pangingisda. Ilan lamang ito sa mga primary objective niya bilang bagong opisyal. Gusto niyang maging firm sa kaniyang mga desisyon lalo na rito sa fair na ito dahil ito ang magiging barometro ng mga nabanggit niyang tao, lalo na ng mga barangay official kung paniniwalaan siya o tatalikuran sa mga susunod niyang hakbang. Noon pa mang bata pa siya hanggang sa nag-aaral na siya ng BSA sa CatSU, Panganiban Campus ay napansin niyang kulang ang produksiyon ng yamang pang-agrikultura at pantubig/pandagat sa lugar nila dahil bulto-bultong produkto mula sa ibang bayan o ibang rehiyon ang iniaangkat ng mga negosyante sa kanila na kung may sapat na suplay sana ang kanilang bayan ay ang mga kababayan na mismo nila ang supplier na ikakaangat ng buhay ng mga ito at ikabababa pa ng presyo ng mga bilihing iyon dahil bawas na ang gastos sa trasportasyon na ang manginginabang sa mababang presyong iyon ay ang mga kababayan din nila at ang mga taga-karatig bayan kung saan tataas din ang revenue ng kanilang bayan kasabay ang pag-angat ng income classification nito.
Malawak ang bukirin ng kanilang bayan, sa mga bukiring sahod-ulan na iisang beses lang natatamnan ng palay imbes dalawa, kailangang matamnan iyon ng gulay gaya ng amplaya, upo, kalabasa, pipino, talong at okra; gayundin ng prutas gaya ng pakwan at melon. Sa yamang-dagat lalo na sa kinis o alimango kung saan ang bayan nila ay idineklarang Crab Capital ng Catanduanes dahil sa lasa nito at sa maraming suplay na makukuha rito noon— noon dahil sa ngayon ay miminsan nang makakuha ng supply dito — ay kailangang maalagaan ang naging taguring Crab Capital dito, kung hindi ay magiging batik iyon sa kanilang opisina kaya ang nasa isip niya ay i-convene ang mga may-ari ng fishpond sa kanilang bayan at magbigay ng suhestiyon na kung puwede ay magkaroon sila ng iba’t ibang target ng buwan para sa pagbebenta ng alimango. Halimbawa may labindalawang may-ari ng fishpond sa kanilang bayan, si Fishpond Owner 1 ay aani ng alimango sa buong Enero kaya sa buwang iyan ay sa kaniya bibili ang maghahanap ng alimango at si Fishpond Owner 2 naman ang magbebenta sa buong Pebrero, at sa kaniya naman bibili ang sinomang maghahanap ng alimango that month, same ang sistema hanggang sa Fishpond Owner 12. At dahil tuwing ante-bisperas ay may fair na katulad nito at talagang kahit na isang trak na alimango ay nauubos bilhin, lahat na Fishpond Owner ay mag-aani sa naturang petsa.
Sa mga mahilig sa handicraft naman at sa pagluluto ay makikipag-coordinate siya sa DTI upang matugunan ang upskilling ng mga handicraft maker at native cake producer.
“Bakit di p’wede? Babayaran ko naman, a!” binasag ng may kalakasang boses na iyon ang kaniyang pagninilay. Lumingon siya sa pinanggagalingan ng boses. Nakatagilid sa kaniyang kinaroronan ang lalaki. Ngunit nakilala pa rin niya ito. Si Mark. Ang dating asawa ng kaibigan niyang si Violy na kay lambing kung tawagin nito ang kaniyang kaibigan lalo na kung nasa public pero sinasaktan naman pala kapag nasa bahay. Nagdesisyon ang korte na hindi na ito makakalapit sa kaniyang kaibigan dahil sa usaping VAWC.
“Mahigpit na ibinilin sa amin ni Ma’m Carmel,” sabi ng tindera na siya ang tinutukoy, “na hanggang limang kilo lamang ang ibebenta naming alimango sa kada kostumer para may maihanda naman ang iba.”
“O, di palabasin nating ‘yung limang kilo sa akin at ‘yung another 5 kilos ay sa kapitbahay namin at ako lang ang inutusan! At bakit aayaw ka pa d’yan na isa sa criteria ay kailangang maipaubos n’yo ang mga paninda n’yo para manalo kayo? Bakit n’yo pa kokontrolin?”
“Hindi po p’wede ang ganoon, Manoy!” sabi ng jobber na nakatalaga sa booth na iyon.
“At sino ka naman para makialam?” sita nito sa jobber.
“Isa po ako sa in-charge sa booth na ito, Manoy, kaya may karapatan po akong magsalita.”
“I-ikaw… isang bubuwit? Pakikialaman ako?”
“Mahirap ba talagang sundin ang napagkasunduan namin, ha, Mark?” nakalapit na siya na ikinagulat ni Mark pero pinilit nitong bumawi sa pagkabigla.
“Ayaw n’yo nu’n, madaling maubos ang paninda kung maramihan?”
“Pero alam mo namang hindi sasapat sa karamihang bibili ang mga naritong suplay. Kailangan din ng iba na makatikim.”
“Sa tingin n’yo hindi kayo malulusutan ng iba? Paano kung magkakapatid na palang bumibili ng tiglilimang kilo, e, di naisahan din kayo!”
“May di ka ba kilala sa bayan natin? Di ba lahat ay magkakakilala naman?”
“Paano ‘yung mga bakasyunista? Kilala n’yo?”
“Lagi na lang bang mangangatwiran tayo upang ipilit na tama ang hindi… na sa dulo ay may makakawawa?”
“A-ano ‘yang sinasabi mo?”
“Magbago ka nang tuluyan para man lang sa mga anak n’yo ni Violy.”
“Sa tingin mo, nasa tamang posisyon ka para magsalita sa akin dito?”
“Sa tingin mo, nasa tamang posisyon ka para sigawan ang tinderang ito, maliitin ang jobber at baliin ang napagkasunduan naming mechanics? At isa pa, di pa ito nai-evaluate…!”
Magsasalita pa sana si Mark nang may papalapit na pulis.
“May problema po ba, Ma’m Carmel?” tanong sa kaniya ng pulis.
Tiningnan niya si Mark.
“Sorry, Sir. Nakikiusap lang naman sana ako.”
“Pero, di naman talaga p’wede.”
“Opo, Sir,” sagot nito at tumingin sa ibang booth. “Du’n po muna ako, Sir sa kabilang booth. Nandoon ang iba ko pang bibilhin.”
“Ok. Chill lang po lagi, Sir para di magkaproblema,” sabi ng pulis kay Mark.

“Ang fair na ito ay pagpapakita ng mga produkto ng bawat barangay hindi lamang ‘yong mula sa kani-kanilang Community Garden kundi pati kani-kanilang mga pananim sa kani-kanilang solar,” patungkol sa mga mamimili ang kaniyang mensahe.
NATAPOS na ang evaluation ng apat na magkaka-buddy. Hihintayin na lamang nito ang imbentaryo na ipi-present sa kanila ng mga jobber sa guidance ni Jane.
Parang nakawala sa hawla ang mga mamimili nang ihudyat na puwede nang bumili. Nag-uunahang magbigay ng bayad upang hindi maunahan sa natipuhang bilhin. May nagkakasikwatan. Ngunit naaayos naman ng kapitan o kagawad na nasa malapit sa nagkakagitgitan bago pa man mauwi sa sakitan. May nagpapabilisan sa pagdakma ng isda na ang iba ay natitinik. May mga umaalis sa booth na may bitbit, meron namang mabilis na pupunta sa ibang booth at baka may maabutan doon ng gustong bilhin na hindi naabutan sa unang booth na pinuntahan.
Samantala, ang mga nagbebenta naman ay may kani-kaniyang pakulo.
Umagaw sa atensiyon nila ang isang batang pumipilantik sa pagsasayaw na nakita nilang may hawak-hawak na pusa bago nito bitawan sa sahig. Naghiyawan ang mga mamimili at iyong mga nasa ibang booth ay dumagsa roon at nakiusyuso. Tuwang-tuwa ang mga tao na nagpapalit-palit ng tingin sa bata at sa pusang nasa sahig na hindi nila makita dahil sa natatakpan ito ng crowd na iyon na ang ilan ay napapaindak din sa tugtog. Sa wari nila ay sumasabay sa pagsasayaw ng bata ang pusang binitawan. Pagkatapos ng tugtog ay naghiyawan at nagpalakpakan pa ang mga tao. May ilan na sumigaw ng more, more! Pero hindi na muna nagpatugtog ulit ang bata para pagbigyan ang mga tao, sa halip ay nagsalita ito.
“Aking pagbibigyan ang inyong kahilingan kung bibili kayo ng de-kalidad naming produkto!” na sinabayan ng kuha ng isang magandang bag na yari sa bandara at isinakbat iyon at inirampa-rampa na ikinatuwa ng karamihan.
“Magkano ba ‘yan! Ako nang bibili n’yan!”
“Si Tresorerang Aning ang iyong kailangan, Madam!” na hudyat sa isang kasama sa booth na makipag-deal sa aleng kasasalita lamang.
“At isa lang po ba ang bibili pagkatapos naming sumayaw ni Bes?” tanong ng batang patuloy sa pagrarampa pagkatapos na kumuha ng isa pang bag na isinakbat uli sa balikat. “Bukod sa bag, igala n’yo pa ang iyong paningin sa booth namin at tiyak na mga mata n’yo’y magniningning! Pili at bili na po!” at lahat ay nagsipili na ng kanilang mabibili sa booth na iyon.
“Ang galing nu’ng bata, a!” sabi niya habang nakatingin pa rin sa batang iyon.
“”Yan ‘yung anak ni Treas, Ma’m,” tugon ni Faye.
“Ni Sir Andres?” siya.
“Opo, Ma’m!” si Faye.
“‘Di ba lahi ng matatapang ‘yon?” siya ulit.
“Oo nga po, Ma’m, pero mukhang pati si Sir Andres ay nahahawaan na yata nitong si Thirdy!” at mahinang tumawa.
“Hoy, Faye, lagot ka sa amo mo!” si Matt.
“Biro lang naman! Ba’t mo seseryosohin?” si Faye.
“Naku, ‘wag mo nang gagawin ‘yan ulit, Faye,” si Patrick, “sangkaterba na ang mga ganyan at may mga unyon na ‘yan… kapag nagkamali ka, sisante ka!”
“Sorry na! Sorry na!”
“Pinapatawad ka na namin, Faye,” siya. “Tama sila,” dugtong niya.
“Kakaiba rin itong fair na ‘to, Ma’m,” si Peter, “’yung mga di mo inaasahang magbebenta ang siyang nagbebenta!” si Belle.
“Bakit, sino pa ang di natin inaasahang magbenta?” siya.
“Si Engr. Roberto Alcantara Jr. o si Junjun nu’ng bata pa,” si Belle.
“Alin ba ‘yan, ‘yung naging topnotcher sa Civil Engineer Licensure Exam?” si Jun.
“Oo. Taga sa amin sa Tibo ‘yun kaya kilala ko. Siya mismo ang nag-aalok sa mga kustomer. Kung ibang anak, may ere na dahil sa naabot sa buhay pero tingnan mo s’ya… s’ya mismo ang nagbebenta!”
“Napalaki ng mabuting magulang kaya siguro ganu’n,” siya. “Kahanga-hanga!” dugtong niya. “Mag-ikot-ikot tayo. Hanapin natin si Jane,” yaya niya sa mga kasamang evaluator.
“Nakita namin si Jane kanina,” halos magkapanabayan ang walo, “tutok na tutok din sa pagsu-supervise sa kaniyang mga tao.”
“’Yun naman ang orientation natin, di ba?” siya.
“Opo, Ma’m. Kaya lang masyadong ginalingan, deserve na pakainin ng kalu-ko at binu-tong,” mga kakaning primera klase sa sarap na produkto ng mga taga-inland barangay ang tinutukoy ni Eve.
“Akong bahala sa snack ni Jane…”
“Si Jane lang po, Ma’m?” si Eve.
“Di pa ‘ko natatapos magsalita’y inagaw mo na kasi… kayo syempre.” At tinawag niya si Ambo na bumili ng kalu-ko at binu-tong sa mga booth na meron nito. “Tig-iisa kada booth, Ambo.”
“Baka sandosenang booth ang meron po, Ma’m… sobra na sa ‘tin ‘yun!” si Ambo.
“Di ba nakakadalawa ka?”
“Si Ma’m naman!”
Tawanan sila.
“Kung sumobra sa atin, ipapauwi ko sa’yo sa bahay, Ambo.”
“Copy po, Ma’m!” At umalis na iyon pagkatapos niyang abutan ng sanlibo.
“Du’n na rin kayo mag-lunch sa amin,” alok niya.
“Ay, mukhang may halong inis na po ‘yan, Ma’m, kapag umabot pa sa tanghalian ang ililibre n’yo sa amin,” at binuntutan ni Eve ng tawa.
“Hindi ako naiinis. Hindi ako nagbibiro,” siya. At tumawag siya sa mister niya. Nagbilin.
“Wow! Dios mabalos tabi, Ma’m, kung gayon!” halos magkapanabayan ang mga kasamahan niya.
At nag-ikot-ikot sila.
Nakita nila ang isang babaeng naka-wheel chair na tulak ng babaeng mahihinuhang ina.
“Bakit di mo na lang ibinilin kay Mama mo ang gusto mong bilhin?” sabi niya sa babaeng naka-wheel chair at huli na nang mawari niya na may mali sa sinabi niya.
“Mas gusto talaga n’ya, Ma’m, na lumabas kaysa nasa bahay lang,” inasahan na niya ang ganoong sasabihin ng kasama nito— bagama’t suwabe naman ang pagkakasabi.
“Di ba si Ma’m Hazel ka po?” sabi ni Jane na nasa tabi na pala nila.
“Opo!” agad na tugon ng babaeng naka-wheel chair na Hazel pala ang pangalan.
“Sabi ko na nga ba, e!” natutuwang sabi ni Jane. At nagpatuloy sa pagsasalita. “Ma’m, hangang-hanga ako kapag ikinuk’wento ka sa akin ni Ate Edna.”
“Si Edna… Edna Aquino kapatid mo?” si Hazel na mas umaliwalas ang mukha.
“Opo, Ma’m!”
“Kaka-message pa lang sa ‘kin, darating daw s’ya bukas,” si Hazel.
“Opo, Ma’m, kasi punuan na kahapon ang mga bus sa Cubao nang pumunta s’ya. Di naman n’ya akalaing dagsa ang mga pasahero kahapon kaya para makasiguro s’yang makabiyahe ngayon, nagpa-reserve na s’ya kahapon mismo.”
“Kaka-message lang n’ya. Kakaalis pa lang daw n’ya sa Krus na Ligas papuntang bus station.”
“Gusto nga ni Ate na mag-transfer din dito sa amin para makapagpasyal sa inyo sa Bacak anumang oras na gustuhin niya!”
“Ibig sabihin, Ma’m Hazel, taga-Bagamanoc pala kayo?” tanong niya na bumaling sa babaeng kasama nito, “at kayo po, Ma’m,” Maam na ang tinawag niya, safest way, naisip niya, baka kasi guro rin o may posisyon din sa gobyerno, “ang nanay ni Ma’m Hazel?”
“Opo, Ma’m.”
“Sorry po kanina sa sinabi ko sa anak n’yo na para bang inilimita ko sa bahay ang kan’yang mundo.”
“Ok lang po, Ma’m,” tugon ng ina, “higit pa ro’n ang kan’yang pinagdaanan,” dugtong nito.
“Maraming salamat sa pang-unawa.”
“Mabait pong talaga ‘yan, Ma’m, si Tiya,” sabi ni Jane. “Bidang-bida po s’ya sa k’wento ng Ate ko. S’ya po kasi talaga ang sumama kay Ma’m Hazel sa boarding house sa Virac at s’ya rin ang tagatulak ng wheelchair ni Ma’m Hazel papasok sa State,” popular na tawag sa Catanduanes State Colleges na hindi pa university noon.
“Saludo po ako sa inyong dalawa,” sabi niya na yumukod nang bahagya. “Mamili na po kayo at maraming salamat po pala sa pagtatangkilik n’yo sa mga produkto namin.”
“Walang anuman po, Ma’m,” tugon sa kaniya ng ina ni Ma’m Hazel.
At nagpatuloy sila sa pag-iikot-ikot. Nakita niya ang inutusan ng mister niya na bumili ng pananghalian nila at nang ihahanda nila sa bisperas at pista na namimili na sa iba’t ibang booth. Sinadya niyang ganoon, na hindi siya ang mamimili o ang mister niya para walang kulay sa mata ng tao, kahit sabihing kilala rin na kasambahay nila iyong lalaking inutusan ng mister niya, maganda pa rin tingnan na ito na ang pumipili at bumibili para sa kanila. Bagama’t, mananatili pa rin silang tapat sa kanilang mga score sa bawat booth kahit na bumili sila ng mga produkto sa iilan, ay mas pinili nilang ganoon ang kanilang gagawin kaya pati ang mga kasamahan niyang evaluator pati na si Jane ay walang bitbit na kahit ano. At kung si Ambo ay pinabibili man niya ng kakanin ay binilinan niya ito na sa lahat na nagbebenta na bumili kahit tig-iisa. Sa tingin niya kasi, iba pa rin ang impact kapag sila mismo ang bibili kaysa iyong mga tao nila. Kung mayroon mang hindi makaunawa, sa mga darating na araw ay ipapaliwanag din niya lalo na consistent siya sa plano niya na palaguin ang estado ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa sa kanilang bayan.
Nagmano sila sa isang babaeng naka-habit na tinugon nito ng pagmamano rin. Tumitingin-tingin sa mga produktong yari sa nito at sa abaka. Hindi masalita kaya nagpasya na silang humakbang papunta sa ibang booth pagkatapos niyang sabihin ritong, “Magaganda pong pagkakagawa n’yan Sister.”
“Opo, Ma’m. De-kalidad nga po.” At may napili na ito at nag-aabot na ng bayad nang magpatuloy sila sa paghakbang.
Sa tingin nila, lahat halos na tao sa bayan nila ay pumunta sa plasa para mamili. Na mayroon pang mga taga-karatig bayan, patunay dito si Ma’m Hazel at ang ina nito at kung taga-saan pa sa isla na sadyang dumaan o napadaan lang katulad ng isang madre.
Maraming guro ang pumunta at namili sa iba’t ibang booth. Hindi man nakauniporme ay kilala nilang guro ang mga ito. May si Sir lang. May si Ma’m lang. Mayroon ding mag-asawang guro na magkasamang namimili. May mga may katungkulan sa pamahalaan na hindi sa LGU nanunungkulan pero kanila ring kababayan. May ordinaryong tao. Mayroon ding nag-iikot-ikot lang. Humahawak-hawak ng paninda at aalis sa booth na iyon at pupunta na naman sa iba at hahawak-hawak ulit ng paninda at lilipat naman sa ibang booth. May mga bata rin na naglalaro, na sumusuot-suot sa mga pagi-pagitan ng mga mamimili na madalas sawayin ng mga mamimili mismo, mga barangay opisyal, mga pulis at pati sila ay nagsasaway din kapag napapalapit ang mga ito sa kanila na nagpapasaway naman ang ilan at titigil na sa paglalato ngunit may iilan pa ring mapapatuloy.
Sa suma niya, hindi aabutin ng dalawang oras ay mauubos ang lahat ng paninda sa lahat na booth. Tama ang tantiya niya na hindi sapat ang suplay mula sa kanilang mga magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa mula sa beinte tres na barangay nila dahil may mga mamimili pa na naghahanap ng ganito at ganoong produkto pero ubos na.
Top 3 lamang ang mabibigyan ng premyo sa fair. Ang gusto niyang mangyari sa susunod na mga taon, ang buong bayan nila ang panalo dahil lalago ang suplay ng pangunahing produkto ng bawat barangay, ng bawat magsasaka, mangingisda at iba pang manggawa na makapagpapatipid sa mga kababayan nilang kustomer at magpapaangat ng income classification ng kanilang bayan.
Sinalubong sila ni Ambo na may bitbit nang isnakan.









