Anak ng Kasera

“Tuloy kayo!” wika ni Bining nang makabalik. “Nasa bulwagan ang nanay ko,” pagkasabi nito’y tuluy-tuloy nang nanaog. Sinundan pa ito ng tingin ni Henyo.

Ni Amado C. Yasoña

(Nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 19, 1951)

SI Henyo ay isa sa mga pupilo nina Aling Binyang…

Nang siya’y unang magsadya sa bahay ng mag-asawa upang mangasera nga, ay si Bining na anak na dalaga ng mag-asawa ang sumalubong. Parang napamulagat si Henyo nang mamalas ang kagandahan ni Bining.

“Magandang umaga po,bati ni Henyo. Dito po ba’y tumatanggap pa ng pupilo?”

Minasdang mabuti ni Bining si Henyo. Lihim na napangiti si Bining. Guwapo rin naman si Henyo.

Sandali lamang at tatawagin ko ang nanay ko, wika ni Bining at ipinatong sa may itaas ng hagdanan ang kanyang aklat.

Tuloy kayo!ang wika ni Bining nang makabalik. Nasa bulwagan ang nanay ko, pagkasabi nito’y tuluy-tuloy nang nanaog. Sinundan pa ito ng tingin ni Henyo.

Tagasaan po naman kayo, tabi?usisa ni Aling Binyang.

Ako po’y taga-Laguna.”

Nag-aaral ba kayo rito sa Maynila?”

Opo.”

May mga magulang ka pa ba?”

Ulila na po akong lubos.”

Sino ang nagpapaaral sa iyo?”

Ako rin po.”

Papaano ka nakapag-aral?”

Sa araw ay nagtatrabaho po ako at sa gabi ay pumapasok naman sa eskuwelahan.”

Saan ka nagtatrabaho?”

Sa National Export po!”

Saan ka nag-aaral?”

Sa TYPA po.”

A…at tumangu-tango si Aling Binyang.

E, ako po ba’y makapagtanong din?”

Oo, sagot ni Aling Binyang.

Magkano po naman ang singil ninyo sa loob ng isang buwan?

Anim-na-pung piso.”

Wala na po bang tawad?”

Wala na, iho.”

Este… anak po ba ninyo iyong kaaalis lamang?”

Oo.”

Nag-aaral din po?”

Oo.”

Saan po?”

Teka nga…salag ni Aling Binyang, Bakit ba diyan napapunta ang ating usapan?”

E… e… siyanga po pala, talaga po bang wala nang tawad sa anim-na-pung piso?pagbabagong tanong ni Henyo, sapagkat napuna niyang namula si Aling Binyang.

Talagang sarado na sa anim-na-pung piso.”

Sandaling nag-isip si Henyo. Si Bining na anak ni Aling Binyang ang nakalarawan sa gunita niya.

Kumporme po ako.”

Mabuti,sambot ni Aling Binyang. Ang anak ko’y Bining at ang asawa ko’y Sidro.”

A… may asawa kayo? pabiglang naitanong ni Hrnyo.

Bakit, mukha pa ba akong dalaga? at natawa si Aling Binyang.

E… ang ibig ko pong sabihin ay baka patay na ang asawa ninyo.”

Hindi pa naman.At natawang muli si Aling Binyang. “Ang asawa ko’y nagtatrabaho sa “Import Control.”

Ku… di sapak po pala!pabiglang naisagot ni Henyo.

Anong sapak ang sinasabi mo?”

Ang ibig ko pong sabihin ay… malakas marahil ang kita.”

Ang lagay ay katamtaman, sagot ni Aling Binyang. Halika at ituturo ko sa iyo ang silid mo…”

                                                                               ***

MAY ilang linggo lamang naninirahan doon si Henyo ay kabati na niyang mabuti si Bining. Naging mabuti silang magkaibigan. Kadalasan ay magkasabay ang dalawa sa pag-alis sa umaga. At paminsan-minsan ay nagkakasabay rin sa pag-uwi sa tanghali.

Wala kayang magalit sa akin kung nasasabayan kitang lagi?pagtatanong ni Henyo kay Bining isang umagang magkasabay ang dalawa.

E… wala naman,sagot ni Bining. Ang inaalala ko lamang ay ang tatay ko. Ayaw niya nang sabay-sabay. Kaya, kung nasa bahay pa ang tatay ko, ay huwag mo akong sasabayan.”

Hindi nagtagal ay nakaabot sa kaalaman ni Mang Sidro ang pagsabay-sabay ni Henyo.  Kaya noon din ay kinausap niyon ang binata.

Iyan naman ay nasabi ko lamang,wika ni Mang Sidro, pagkatapos na makapagpaliwanag kay Henyo. Kung sabagay ay walang masama sa pagsabay mo. Batid kong wala ka namang gagawing masama sa anak namin. Ibig ko lamang iwasan ang tsismis.”

Kayo ang bahala, Mang Sidro, wika naman ni Henyo. Kung iyan ang pasiya ninyo at siyang mabuti, ay maaasahan ninyong iiwasan ko ang pagsabay kay Bining. Ang totoo, Mang Sidro, ang pagsabay ko kay Bining ay wala namang ibang kahulugan.”

A… nalalaman ko iyan, Henyo!sambot kaagad ni Mang Sidro. Kaya nga ba nagpauna na ako sa iyo. Sa bagay na iyan ay wala akong hinala.”

NAKALIPAS ang may ilang buwan…

Si Henyo ay sinamang-palad sa kanyang gawain. Ang bagay na ito ay hindi niya ipinagtapat sa kanyang kasera. At mula noon ay naatraso na nang naatraso sa pagbabayad si Henyo. Ang binata naman ay pinagpasensiyahan ng mag-asawa sapagkat malinis ang “record” niyon noong unang mga bayaran.

Bakit ba naaatraso sa pagbabayad si Henyo? usisa isang gabi ni Mang Sidro sa asawa.

Ewan ko nga,sagot naman ni Aling Binyang.

At saka, napupuna kong laging matamlay, wika pa ni Mang Sidro. Teka… ang anak mo naman?”

Nasa silid niya.”

Tawagin mo!”

Tumindig sa pagkakaupo si Aling Binyang. Nagtungo sa silid ni Bining.

Maupo ka, anak, wika ni Mang Sidro nang mapaharap ang dalaga sa ama.

Este… si Henyo ba’y nanliligaw sa iyo? tapatang usisa ni Mang Sidro sa anak.

Aba… hindi po, Tatay,pamanghang bigkas ng dalaga.

Oho… turing ni Mang Sidro. “Hindi raw…”

Aba… si Tatay! sambitla ni Bining. Pati iyong taong walang ginagawa ay…”

Siya… putol ni Mang Sidro. Kung wala ay wala! Sigi… makaaalis ka na.”

Padabog pa nang tumindig si Bining.

Bakit ba iyan ang paitanung-tanong mo sa anak mo? magalit-galit na nawika ni Aling Binyang sa asawa.

Paano’y baka kaya malungkot at laging matamlay si Henyo at dinidispatsa ng ating anak.”

Ku… ikaw naman! Puro hinala!”

“Tuloy kayo!” wika ni Bining nang makabalik. “Nasa bulwagan ang nanay ko,” pagkasabi
nito’y tuluy-tuloy nang nanaog. Sinundan pa ito ng tingin ni Henyo.

ANUPA’T nang makalipas pa ang ilang buwan… si Henyo ay nabaon na sa utang sa mag-asawa. May kung ilang buwan na siyang hindi nakababayad. Pulos na pangako ang laging panagot kung sinisingil ni Aling Binyang.

Bayaan ninyo, Aling Binyang, at makababayad din ako sa inyo,wika ni Henyo, isang umagang sinisingil na muli siya ni Aling Binyang. Sumulat ako sa aking pinsan sa Laguna, na may pagkakautang sa akin. Pagdating ng bayad niya ay maibibigay ko na sa inyo.”

Mangyari pa, si Aling Binyang naman ay nahabag din sa binata. At talaga namang hindi siya nakaaabante sa mga “bola” ni Henyo. Ngunit si Mang Sidro ay siyang hindi nakatagal. Nabuwisit ito nang nabuwisit kay Henyo. Naghinala si Mang Sidro na malamang masuba sila ni Henyo.

Kaya, isang gabi nga, na wala pa si Henyo ay hinarap na mabuti ang asawa.

Tandaan mo, Binyang, galit na galit na wika ni Mang Sidro, pagdating niya ngayong gabi… palayasin mo na siya, hindi ko ibig na dito pa matulog ang hayop na iyan. Teka… si Bining, wala pa ba?”

Wala pa,sagot ni Aling Binyang.

Bakit ba ginabi naman ang batang iyan?”

Aba, ewan ko!”

Pulos na ewan ko iyang nalalaman mo!”

Aba… ay talaga namang hindi ko nalalaman, a, sagot ni Aling Binyang. E… bakit ba ako ang lagi mong napag-iigtingan ng iyong galit?”

Ku… magtigil ka nga! bulyaw ni Mang Sidro.

Ikaw ang magtigil…! sagot ni Aling Binyang sabay tindig.

Naiwang naghihimagsik ang kalooban ni Mang Sidro.

Pamayamaya ay nagulantang ito sa biglang paghagulhol nang iyak ni Aling Binyang. Kaya pasugod na nagtungo sa silid si Mang Sidro. Nakita niyang nakasubsob sa kama ng kanilang anak si Aling Binyang.

Ano… ano ang nangyari sa iyo?patakang sambitla ni Mang Sidro.

Naku… Sidro… Sidrooo!”

Aba… ano nga ang nangyayari?”

Si Henyo… si Henyooooo!”

Linsiyok na tao ito, a? O…. e ano si Henyo?”

Si Bining… si Bining…”

O… si Bining naman? Aba…ano ang nangyayari? Sumagot ka!”

Si Bining at Henyo…. ay… ay… ay… nakuuuu…!”

At bago nakapagsalita si Mang Sidro, ay isang liham ang namataan ng kanyang mata sa tabi ni Aling Binyang. Madali itong dinampot at binasa.

Itay at Inay:

Patawarin ninyo ako sa aking ginawa. Sumama akong magtanan kay Henyo. Pagbalik namin… ay saka na raw magbabayad sa kasera si Henyo… este ang akin po palang asawa.

BINING…

Nakuuuu…! nabigkas na lamang ni Mang Sidro, sabay labas sa silid. Maaari mo pa bang masingil iyon, ay manugang na natin ang damuho,” wika pang nagkakamot ng ulo.