Ni Mercedez Jose
(Unang nalathala: Liwayway, Agosto 10, 1970)
NAKAHIGA si Lena sa kama, nakatulala na parang tanga, nang mabuksan ang pinto ng silid at bumuglaw si Ruben. Humahangos ito at nasa mukha ang nakasaklot na pag-aalala.
“Ano’ng nangyari, Len?” kapagdaka ay itinanong.
Pumikit si Lena, biglang nangatal, at mula sa nakapikit na mga mata ay umagos ang luha. Walang patid na luha.
Ang luhang umaagos ay pinahid ng mga daliri ni Ruben. Ikinulong siya nito sa mga bisig. Kinalamay.
“Ano’ng nangyari?” ang ulit. At sa paputul-putol na pagsasalaysay, ang nangyari ay ganito: “Inutusan ko si Remy na bumili sa palengke ng kulang kong sahog sa ulam. Mga singko minutos lang siyang nakaaalis ay may tumimbre sa pinto. Nang pagbuksan ko ay nagulat ako sa biglang pagtulak ng lalaki sa pinto at napasadlak ako sa lapag. Pumasok siya, may baril, at itinutok iyon sa akin at binantaan akong babarilin kapag sumigaw. Nag-iisa siyang pumasok, ang isang kasama niya ay naiwan sa labas at siya kaipalang magbibigay ng hudyat kung may darating. Pinagbubuksan niya ang mga kahon sa kuwarto natin; ako ay itinali niya at iniwan sa isang tabi. Nakuha niya ang mga alahas natin saka ‘yong dalawang libong pisong dapat sana ay idineposito kahapon.” Umiiyak siya, iyak nang iyak habang nagkukuwento.
At may ipinagtataka ni Ruben nang ang iyak niya ay magpatuloy kahit kinakalamay siya, lalong lumalakas. Hindi gayong iyak ang maiuukol sa ilang piraso ng alahas at dalawang libong piso!
Ang pilipisan ni Ruben, nang biglang may gumitaw sa utak niya na kung anong isipin, ay nagngalit.
“Ano pa ang nangyari?”
“Dinahas niya ko! Dinahas niya niya ‘ko!”
Si Ruben ay napapikit. Ang pait, ang saklap, ay namuno sa damdamin niya. Lasang-lasa.
KAGABI ay nag-away silang mag-asawa. Sa loob ng walong taon ay hindi sila nag-away na dalawa nang gayon katindi. Nagmurahan sila. Nagtukuyan ng kung anu-anong hindi maganda sa isa’t isa. Malakas ang sagutan nila, marinig kung marinig ng kung sino.
Ano ba ang naging mitsa niyon? A, si Ruben ay umuwing gabi na at lasing, nakalimutan ang tipanan nila na manonood sila ng sine. Nakadamit pantulog na si Lena, sa sopang nasa silid nila ay itinambak ng pagayon lamang isinuot na bagong tahing bestido habang hinihintay ang pagdating ng asawa. Napanghal siya sa paghihintay. Nainip. Nayamot. At nang dumating si Ruben na sumisipol pa ay pinagsusuntok ni Lena sa dibdib. Sumisigaw siya sag alit at sama ng loob.
“Ginaganito mo ‘ko, hindi ka marunong maawa sa akin! Wala na tayong anak ay pinababayaan mo pa ‘ko!” At nagsunud-sunod ang kanyang sumbat. “Maghapon akong nakamukmok dito sa bahay, ulilang-ulila sa ingay ng bata. Bata. Anak. Gustung-gusto ko ng anak!”
“Inutil ako at hindi ka kayang bigyan ng anak!” ang sigaw ni Ruben. “Himutok ka nang himutok diyan. Anak. Anak. Anak. Buwisit!”
“Alam ko. Alam mo rin ba, dahil ibig ko nang maloka sa kasabikan sa anak ko, kung puwede lang na kahit sa iba, magkaanak ako!”
Nayanig si Lena sa sampal ni Ruben. Pagkatapos siyang sampalin ay napatanga, walang nasabing kahit ano.
Noong bagong kasal sila ni Ruben ay nagbalangkas sila ng pangarap katulad ng iba. Bahay na mababa at konkreto sa gitna ng malawak na loteng may tanim na bulaklakin at namumungang kahoy. May lawn, at sa lawn ay may swing, seesaw at slide. Ang bilang ng batang maglalaro roon ay kahit ilan. Kahit sampu.
“Hindi ko kaya, hindi ko kaya!” nagtatawang putol ni Lena.
Pinakahintay nila iyon, higit kaipala ni Lena. Matuwain si Lena sa bata. Mairog sa mga iyon. Nakaisang taon sila. Dalawa. Ang pangarap nila ay anak. Naging tatlong taon.
Nagpatingin silang dalawa sa doctor. At natuklasang si Ruben at baog.
Kinalamay ni Lena ang asawa, kahit siya ay halos nagimbal din.
“Basta tayong dalawa, ayaw mo bang sabihing tama na ang buhay.”
SA pagsasama nilang mag-asawa, buhat nang mangyari ang pagdahas kay Lena, ay parang nagkaroon ng nakapagitan. Sa kalooban ni Ruben ay may tumutubo, pangit. Araw-araw, gabi-gabi, ay nagwawating-wating sa utak niya ang hindi masagot ng tanong.
At nagimbal siya, parang ibig nang mamatay, nang isang umaga ay marinig niyang dumuduwal sa loob ng banyo Si Lena. Dumuduwal!
Si Lena ay nagbalita pagdating niya kinagabihan ng umagang iyon. “Nagdadalantao ako, Ruben.”
Iniwan niya ang balita ni Lena, pumasok sa silid at malakas na isinara ang pinto niyon.
Dalawang araw pagkatapos niyon, siya ay muling binalitaan ni Lena. Itinuro sa kanya ang isang larawan sa pahayagan.
“Siya ang ama ng anak ko.”
Ang walanghiya.
Ang, ‘walanghiya’ ay nahuli ng mga pulis sa pagnanakaw, lumaban at napatay.

HABANG lumalaki ang tiyan ni Lena, ang loob naman ng dibdib ni Ruben ay patuloy na nasusunog. Hindi na halos sila nag-uusap na mag-asawa. Nag-oobertaym siyang madalas sa opisina para maiwasan lamang na abutan pang gising si Lena.
Dinudurog ng mga tanong na walang sago tang dibdib ni Ruben. Nang dinadahas ng lalaki si Lena ay lumalaban ba si Lena? O nagpaubaya si Lena? Para magkaanak. Para magkaanak ng hindi niya kayang ibigay na anak.
Sa panahon ng paglaki ng tiyan ay tumahi si Lena ng dalawang maternity dress mula sa mga lumang damit niya at pinagkasyang paghalinhinan ang dalawang iyon. Matagal na siyang hindi tumatanggap ng tahini nguni’t sa panahon ng pagdadalantao ay muli siyang tumanggap at nanahi.
“Bakit?” sabi ni Ruben.
“Nagdadalantao ako, Ruben, at paglabas ng anak ko ay kailangan siyang damtan bukod sa ibabayad ko sa ospital sa panganganak. Sa ikaluluwag ng loob mo ay mabuting malaman mon gang ibubuhay ko sa aking anak ay sa sarili kong pagod manggagaling.”
Si Ruben ay nagdabog.
Dinasal nilang magkaroon ng anak, nguni’t nang pagkalooban sila ay hindi naman matanggap ni Ruben na tawaging anak niya iyon.
SA opisina ay tinawagan si Ruben ng katulong nilang si Remy at sinabing si Lena ay nanganak na.
“Ano’ng anak?” Iyon ay bugsong tanong niya. Isang kasabihang hindi niya alam.
“Lalaki po. At ang tingin ko ay kamukha ninyo!”
“Si Misis?”
“May malay na po.”
Iniwan niya ang trabaho at nagmamadaling nagpaalam at sumasag sa ospital.
Dinatnan niya si Lena na nakapikit at maputla sa pagkakahiga. Ang silid na kinalalagyan nito ay hindi pribado, may anim pang kamang kasama sa loob. Ang kumot na nakayakap kay Lena ay nangingitim ang kulay na puti at lukot at nakabakat ang dugong umagas. Sa ayos ng asawa ay ibig mawindang ng kanyang dibdib. (Hindi ba kasama sa mga pangarap nila ni Lena ang ospital na panganganakan nito? Sabi niya: Sa pribadong silid ka manganganak, sa air-conditioned. Lahat ng tungkol sa inyong mag-ina sa ospital ay espesyal)
Dumilat si Lena nang maramdaman ang kanyang paglapit. Ngumiti sa kanya, nguni’t parang masaklap ang ngiting iyon.
“Lalaki ang anak ko, Ruben,” aniya
“Bakit hindi mo agad ako tinawagan nang sumakit ang tiyan mo?”
“Siya ay hindi mo anak. Sa simula pa ay alam kong mapait sa loob mo iyon. At ayokong maligalig ka sa pagsisilang ko sa hindi mo naman anak!”
“Pero ang buhay mo ang nakataya.”
Tumanggi si Lena nang makipag-ayos sa ospital si Ruben para madala siya s pribadong silid at sa air–conditioned.
“Hindi. Ayoko.”
Matigas ang tinig ni Ruben. “Paano kung malaman ng mga kasama ko sa opisina na ikaw ay nasa charity ward? Ako ang kahiya-hiya.
Si Lena ay nanggipuspos.
Ang mga sumusunod na gabi sa bahay nila ay napupuno ng uha ng kasisilang na sanggol ay nagigising din si Ruben. Nakadilat siya at ayaw mang amining tuwiran sa sarili ay nasisiyahan siya, may parang luwalhating nararamdaman siya na mula sa pag-uha ng sanggol. Walong taon, at ngayon lamang siya nakarinig ng iyak ng bata!
Kung wala si Lena sa silid at nasa crib ang sanggol ay tinutunghan niya ito at ikukunday-kunday niya ang mga kamay at iyon naman ay susundan ng tingin ng bata.
Isang araw ng Linggo ay naabutan siya ni Lena sa silid na nilalaro niya ang sanggol at kapagdaka ay iniwan niya ang bata at ipinagpatuloy ang natigil na pagbibihis.
Si Lena ay lumapit sa crib at tinunguhan ang sanggol, at ang sabing hindi nagbabaling ng tingin sa kanya: “Alam mong pinangarap ko at pinanabikan na bigyan tayo ng Diyos ng kahit isang anak. Sa kadarasal ay pinagkalooban ako, nasisiyahan na ako, pero hindi iyon ganap, Ruben. Kung aaminin ko pa nga ang totoo ay masasabi kong hungkag ang ligaya ko sa pagiging ina. Dahil hindi nangyayaring ang bata ay galing sa binhi mo. Kahit pala gaano kasidhi ang pagkagusto kong magkaanak, kung hindi ikaw ang ama…”
Nakatalikod at hindi rin nagbabaling ng tingin kay Lena, si Ruben naman ang nagsalita. “Nang gabing bago tayo napagnakawan at nangyari iyon ay sinabi mong ibig mong magkaanak kahit sa iba.”
“Hindi,” maagap na salo ni Lena. Humarap ito sa kanya at lumapit ng isang hakbang. Napaiyak. “Nasabi ko iyon sa silakbo lamang ng aking loob dahil nagkakagalit tayo noon. At kahit sa sarili ay mapatutunayan kong talagang hindi totoo sa loob ko ‘yon dahil nang dinadahas ako ng lalaking iyon ay ginawa ko ang lahat ng paglabang makakaya ko para hindi niya nagawa ang gusto niya. Hindi ko sinabi sa iyo dahil maaawa ka sa akin at magngingitngit ka nang wala namang magagawa sa lalaking iyon. Sinuntok niya ako at wala at wala na akong nalaman pang iba. Nang matauhan ako ay sinikap kong maisauli sa dati ang kumalat dahil sa panlalaban ko para mismong si Remy ay hindi malaman iyon. Ang lalaking iyon ay halimaw.”

Sinalubong ni Ruben ang hakbang ni Lena na ito at ito ay kanyang niyakap, kinalamay sa pag-iyak.
“Ang ipinaghihirap ng aking loob, hindi ko naman ito kagustuhan ay bakit hindi mo matanggap ang bata sa iisang dahilan na lamang na ang bata ay mahuhugot sa akin. Galing sa akin. Laman ko. Dugo ko, Kung ako ay iyong mahal…”
“Mahal kita. Mahal kita.” Ang pisngi ni Lena ay pinisil ni Ruben. “At makikita mo mula ngayon kung paano kita lalong mamahalin. Binigyan mo yata ako ng anak! Siya ay hindi anak ng halimaw, alisin mo iyon sa isip mula ngayon. Siya ay hindi anak ng magnanakaw. Siya ay anak ko. Akin.”
Lalong napaiyak si Lena.









