Sa Pagkabuwal ng Puno

“Mahina na ang Tatang,” sinasabi ng mga ito. “Hindi na dapat maglalakad… mag-aalis ng bahay.”

Ni Edgardo M. Reyes

(Unang nalathala: Liwayway / Mayo 14, 1962)

GALING sa kabayanan si Ruben, at ngayong dapithapon na ay sumasagsag siyang pauwi sa kanilang nayon. Dalawang bagay ang ipinagsadya niya sa bayan: inihatid niya ang doktor na nawalan ng pag-asa sa kalagayan ng kanyang may sakit na ama, at nagtungo siya sa minisipyo–pinahatdan niya ng telegrama ang kanyang Ate Pilar, Kuya Nardo at Ditseng Ana. Ibinalita niya na malubha ang kanilang ama.

Kinakabahan si Ruben. Kung sa bagay ay maghapon siyang kinakabahan, subali’t sa isang kadahilanang hindi niya mawari ay higit ang sasal ng kaba ng kanyang dibdib ngayon.

Malapit na si Ruben. Natatanaw na niya ang kanilang bahay: tabla, dalawang sudlong, yero ang atip, kapis ang mga bintana, maliit para sa kanya, sa asawa niyang si Lea at sa apat nilang anak. Anim sila at ikapito ang kanyang ama, subali’t sa pagkakataong iyon, aywan kung sinadya niya, sa bilangang dumaloy sa kanyang isip ay hindi nakasama ang kanyang ama. Marahil ay sapagkat ngayon, sa kanyang paningin, ay nakahantad ang mga taong nagkakagulo sa kanilang bahay.

Tuluyan na siyang napatakbo. Tinatlong igpaw lamang niya ang mataas na hagdanan ng kanilang bahay. Nahawi ang tao sa kanyang daraanan. May umiiyak. Laganap ang anasan.

Saglit siyang napatda sa bungad ng makipot sa silid. Ang mata ng lahat ay nakatuon sa kanya, waring may binabakas sa kanyang mukha.

Marahan, lumapit siya sa katreng kinahihimlayan ng katawang walang kagalaw-galaw; ang nakaunat na mga bisig nito ay yayat, tila natuyong sanga ng kahoy; mamad ang pinid na labi, pinid tulad ng nanlalalim na mata; nag-alsa ang mga ugat at litid sa butuhang leeg; ang pilak nang buhok ay mangilan-ngilan na lamang. Maluwat nang may karamdaman ang kanyang ama, at maluwat na niyang inihanda ang sarili sa ganitong pangyayari, ngunit naninigid pa rin ang pait na hatid ng katotohanang namamasdan niya ngayon.

May kamay na kumapit sa bisig ni Ruben. Nabalingan niya si Lea. Umiiyak ito. Nag-iiyakan din ang kanilang mga anak na nakapaligid sa katre–ang panganay nilang si Medy na may walong taon, si Paquito, si Mado, at ang bunsong si Ela na may tatlong taon naman; nakasibi si Ela at nakapangunyapit sa laylayan ng damit ng ina.

“Kangina pa ba?” tanong niya sa pagaw na tinig.

“May kalahating oras na siguro,” mahinang sagot ni Lea. Pinahid nito ng likod ng palad ang luhang nakaguhit sa pisngi. “N-natelegramahan mo ba’ng mga Ate?”

Tumango siya.

“Hindi na nila… inabot ang Tatang,” dugtong ni Lea.

Nagtiim ang kanyang bagang. Nais niyang sabihin kay Lea, siguro naman, ngayon e wala na silang masasabi sa atin…

Tandang-tanda niya, oo, na minsan, sa pamamagitan din ng telegrama, ay ibinalita niya sa mga kapatid na malubha ang kanilang nalalabing mga magulang. Hindi naman naglipat-araw at nagdatingan ang mga ito, kasama ang asa-asawa at ilang mga anak. At nang makitang hindi naman pala gaanong kaselan ang karamdaman ng kanilang ama ay parang nakadama ng kabiguan ng mga kapatid niya. Waring ang nais at inaasahan ng mga ito, sapagka’t ang sabi niya ay malubha ang kanilang ama, ay datnang ito ay nakikitunggali na sa kamatayan.

“Sobra naman ‘tong makapagbalita!” sumbat ng kanyang Ate Pilar. “Sabi mo, malubha ang Tatang!”

“Uli-uli nga, e, huwag kang mananakot ng gano’n, ha?” babala naman ng kanyang kuya Nardo. “Napapalya tuloy ako sa opisina nang di oras! Baka di mo alam kung gaano ang nawawala sa akin isang araw lamang na di ako pumasok!”

May poot na naglatang noon sa kanyang kalooban. Kung hindi lamang dahil sa kanilang ama, na ayaw niyang dulutan ng karagdagang alalahanin, ay baka nalapastangan niya ang kanyang mga kapatid.

“Baka kaya hindi sila umuwi agad, a,” narinig niyang sabi ni Lea. “Baka ang akala nila e…e may sakit lang ang Tatang. May telepono rin lang sa bahay ang mga Ate Pilar, ang mabuti kaya e tawagan mo siya sa long distance, at siya na ang bahalang magbalita naman sa Kuya Nardo at Ditseng Ana. Tutal, nasa Maynila naman silang lahat. Mahirap na ‘yong may maisisi na na naman sila sa atin.”

Sinunod niya ang mungkahi ni Lea. At upang iyon ay hindi makaabala pa sa maraming bagay na dapat niyang harapin, ay ang pinsan na lamang niyang si Ading ang inutusan niya. Bukod sa panggugol sa pangmalayuang-tawag ay binigyan din niya si Ading ng sapat na halagang pambili ng mga kakailanganin sa paggawa ng ataul. Sa kanilang nayon, bihirang namatayan ang bumibili ng yaring kabaong; bagkus ay ginagawa na lamang ng mga karpintero roon, at parang tulong ay hindi na nagpapaupa.

Ang kanilang mga kanayon, matanda at bata, ay dumagsa sa kanilang bahay. Puno ng tao ang dalawang damarang itinayo sa ibaba. Abut-abot ang mga kamay na naghuhulog ng iba’t ibang halaga sa kahon ng abuluyan. Ipinapatay niya ang pinakamalaki sa mga baboy na alaga ni Lea, at ilang manok. Bawa’t panig na matao ay naliliwanagan ng mga hiram na ilawang hasag.

Dating at dating ang mga kamag-anakan nila, na ang iba ay buhat pa sa mga karatig-bayan. Ang karakang napupuna ng mga ito makalipas ang pasalubong na panangis (kung babae), ay ang tatlo niyang kapatid na wala sa lamayan.

“Siguro po, e, nasa daan na sila.” Gayon ang laging itinutugon ni Ruben sa mga nag-uusisa.

Sa gitna ng siphayong iyon, sumasalit sa isipan ni Ruben ang kanyang mga kapatid na dati naman ay mapag-alaala, mapagmahal, mapagkalinga sa kanilang mga magulang. Bakit nagsiilap ang damdamin ng mga ito? Dahil kaya sa ang kanilang ama, nitong mga huling araw, ay hindi na pinakikinabangan? Dahil kaya sa mataas na kalagayan sa buhay na narating ng mga ito? Dahil kaya sa pinag-aralan? Dahil kaya sa makabago at mapalalong kapaligirang pinanahanan ng mga ito ngayon?

Dati, para sa mga kapatid niya ay ang kanilang ama ang pinakamagaling na lalaki sa daigdig. Tatang, magmamatrikula po ako. Tatang, luma na po ang mga damit at sapatos ko, Tatang, kulang pa po ako ng libro. Tatang, kaarawan ko po bukas. Tatang…

Kapag nangailangan ng salapi ang kanyang mga kapatid, pilit na gumagawa ng paraan ang kanilang ama- kahit na tablahin ang mukha sa panghihiram, sumusugod sa pangungutang kahit na gabi, kahit na umuulan. Sa kabila ng katandaan, mag-isa nitong binabalikat ang gawain sa maluwang-luwang din naman nitong bukirin.

Noon, pawang nag-aaral sa Maynila ang mga kapatid niya. Siya naman ay nasa haiskul pa lamang sa pribadong paaralan sa kanilang bayan. At nang mapilitang isanla ng kanyang ama ang kanilang lupain dahil sa kakapusan ng magugugol, siya na ang nagkusang tumigil sa pag-aaral. “Bayaan na po ninyong makatapos muna sila, Tatang,” sabi niya sa ama. “Kung saka-sakali po, e, di saka na lamang ako magpapatuloy. Saka, gusto ko pong mamasukan para makatulong naman ako sa inyo kahit pa’no. May pangako po sa akin si Mang Karyas na kakatulungin niya ako sa pagawaan niya ng muwebles sa bayan.

“Mahina na ang Tatang,” sinasabi ng mga ito. “Hindi na dapat maglalakad… mag-aalis ng bahay.”

Nakatapos tuluyan sa pag-aaral ang mga kapatid niya: edukasyon ang Ate Pilar niya, komersiyo ang Kuya Nardo niya, at ang Ditseng Ana  niya ay nursing. Nguni’t ang naging sukli niyon ay ang pagkailit ng kanilang lupain.

“Hindi bale,” sabi ng kanilang ama, “titulado na naman sila. At ‘wag kang maiinip, Ruben. Pag me mga trabaho na sila, ikaw naman ang magpapatuloy.”

Ang narinig niyang iyon ay hindi natupad sapagka’t sunud-sunod na nagsipag-asawa ang mga kapatid niya. Ang Ate Pilar niya ay hindi pinayagang magturo ng napangasawa nitong hepe-mekaniko ng isang malaking kompanya ng eruplano. Ang Kuya Nardo naman niya ay maliit pa noon ang kita sa pinapasukang bahay-kalakal. Nang magkaroon ng mataas na katungkulan ang kanyang Kuya Nardo sa isang samahang bumibili at nagbibili ng lupa ay may asawa na siya, at naiinaman na siya sa kinikita niya sa talyer ni Mang Karyas.

Nagsiunlad ang mga kapatid niya, nguni’t nakalimot naman sa kanilang matanda, masasakitin at mahina nang ama. Paminsan-minsan nga ay nagpapadala ng pera ang mga ito, subali’t alam niya na hindi iyon ang hinihintay ng kanilang ama. Sa katandaan ng kanilang ama ay hindi na ito gaanong nangangailangan ng salapi. Ang kailangan nito ay pagtingin, kalinga, pagmamahal ng mga anak.

Bihirang umuwi ang kanyang mga kapatid. Nagdaan ang ilang Pasko na ang mga ito ay hindi nakita ng kanilang ama. Kapag sinamahan naman niya ito sa Maynila ay nagagalit pa ang mga kapatid niya.

“Mahina na ang Tatang,” sinasabi ng mga ito. “Hindi na dapat maglalakad…mag-aalis ng bahay.”

Alam niya kung bakit ayaw ng mga kapatid niya na maluwas ang kanilang ama; mangyari, kung minsan, sa kagustuhan ng kanilang ama na makapiling naman nang matagal-tagal ang kanyang mga kapatid at mga apo, ay nagpaparaan ng ilang araw sa Maynila. At ayaw ng mga kapatid niya na ang kanilang ama ay matira sa bahay ng mga ito. Marahil ay umiiwas sa maaaring masabi ng asa-asawa. Gayon din marahil ang dahilan kaya madalang na mauwi sa nayon ang mga kapatid niya. Kinatatakutan ng mga ito na baka pagbabalik sa Maynila ay sumama ang kanilang ama, na nitong maratay dahil sa katandaan at kung anu-anong sakit ay lalong naging mahirap alagaan. Nguni’t ito naman ay kanilang magulang!

Ang pagninilay ni Ruben ay naputol nang maramdaman niya ang kalabit ni Lea.

“Nariyan na’ng Ate Pilar,” pahayag nito.

Mula sa kanyang kinatatayuan, nakita niya ang auto ni Ate Pilar na pumasok at tumigil sa loob ng bakuran Bumaba ito. Ang kanyang Siyahong Manuel, ang asawa ng kanyang ate, ay hindi kasama. Hindi niya kilala ang lalaking siyang nagmamaneho sa kotse. Marahil ay tsuper, naisaloob ni Ruben.

Nasa hagdanan pa lamang ay nananangis na ang kanyang Ate Pilar. Mabilis itong sumugod sa kanilang ama na noon ay nasa katre pa. Sumubsob ito sa dibdib ng kanilang ama. Sa likuran, kasunod ng kanyang ate ang tatlong anak na kasama. Ang pinakamalaki, lalaki at may mga labinlimang taong gulang, ay may taglay na napakagandang koronang mga sariwang bulaklak.

Nakalulunos ang iyak ng kanyang Ate Pilar. Kung hindi pa ito binatak ng ilang katandaan ay baka hindi umalis sa pagkakasubsob sa dibdib ng kanilang ama.

“Tama na, ineng, at baka mapatakan ng luha ang mukha ng iyong ama.”

Siya ang napagbalingan ng kanyang Ate Pilar.

“Delikado na pala’ng… lagay ng Tatang… e hindi ka man lang nagpasbi!” pasumbat na wika ng kanyang ate. “Di sana’y … di sana’y naipaospital natin siya.”

Nakuyom na lamang ni Ruben ang mga palad niya. Sa wari ni Ruben, ang malakas na paninisi ng kanyang Ate Pilar ay kusa nitong ipinaririnig sa mga tao. Nang may pag-uusisa sa kanyang ate kung bakit hindi nito kasama ang asawa ay sinabi nito na kumasundo iyon ng isang punerarya sa Maynila na siyang mamamahala sa paglilibing.

“Saka po,” anang kanyang ate pa, “ipinadaanan ko kay Manuel sina Nardo at Ana.”

“‘Yon bang puneraryang kinasundo ni Manuel, e, magdadala pa ng ataul dito?” sabad ng isang matanda.

“Malapit na yatang mayari ‘yong ginagawa ng mga karpintero natin.”

“Mapatigil na po sila,” sabi ng kanyang ate. “Bilin ko po kay Manuel ay pumili siya ng maganda at mahal na kabaong. Tatantiyahin na lamang po nila ang sukat.”

Pagkaraan pa ng mahigit na isang oras ay sabay-sabay na dumating ang kanyang Kuya Nardo, Ditseng Ana at Siyahong Manuel kasama ang auto ng kinasundong punerarya. Kasama ng kanyang Kuya Nardo ang asawa nito at mga anak, subali’t wala ang asawa ng kanyang Ditseng Ana. Ayon na rin dito ay naglalamay sa paliparan.

Higit na malakas ang palahaw ng kanyang Ditseng Ana kaysa kanilang Ate Pilar. Tulad ng kanilang ate sinisi rin siya ng dalawa pa niyang kapatid kung bakit hindi niya agad ibinalita ang malubhang kalagayan ng kanilang ama.

“Kung sa bagay, nahihirapan ka na nga sigurong mag-alaga sa Tatang,” may lamang parunggit pa ng kanyang Ditseng Ana.

Nang gabing iyon, sa kanilang nayon ay nasaksihan ang pinakamarangyang lamayan. Magaganda ang koronang dala ng mga kapatid ni Ruben. Ang ataol ay nangingintab, napakaganda, at ayon sa Siyahong Manuel niya ay libo ang halaga. Ang puneraryang kinasundo ay may dalang generator at ang kabahayang kinabuburulan ng kanilang ama ay naliligo sa liwanag ng ilaw-dagitab.

At nang gabi ring iyon, ang kanyang Kuya Nardo ay nagpagawa ng isang maganda ng nitso para sa kanilang ama.

“Hindi baleng magkagasta ako ng malaki,” wari’y nagyayabang pang sabi ng kanyang kuya.

Kinabukasan ng hapon, kakaiba rin ang libing na nasaksihan ng kanilang mga kanayon. Dalawang banda ng musiko ang ipinatawag ng kanyang Ditseng Ana. Mandi’y nagdaraigan sa pagpapaligsahan ang mga kapatid ni Ruben.

Tapos na ang libing at nag-uuwian na ang mga taong sumama, subali’t sa bibig ng mga ito ay hindi napapawi ang paghanga sa libing na iyon.

“Sino man sa ‘tin siguro, e, ‘alang makakatikim ng libing na gaya nito,” sabi ng isang matanda. Ang lahat ng nangyayaring iyon ay hindi nakakaila kay Ruben.

Nang pabalik na sa Maynila ang mga kapatid ni Ruben ay para-parang nag-iwan ito ng malaking halaga kay Lea. “Gamitin ninyo ‘yan sa patatlong gabi,” sabi ng kanyang kapatid. “At sa dakong katapusan ng buwan, Ruben,” dugtong ng kanyang Kuya Nardo. “Magpunta ka sa Maynila para makuha mo’ng pagagawa kong lapidang marmol para sa Tatang.”

Nang makaalis ang kanyang mga kapatid ay matagal na nagkatitigan sina Ruben at Lea. Iisa ang ipinahihiwatig ng lamlam ng kanilang mga mata: Bakit ngayon sila nagkagayon… ngayong patay na ang Tatang?