Ni Ernesto Lawagan

HINDI po ito tungkol kay Darna at sa mga barkada niya. Hindi ito kathang-isip kundi mga tunay na pangyayari na nakatala na sa kasaysayan. Dahil ang Marso ay ipinagdiriwang bilang Buwan ng Kababaihan, naisipan ko pong magsulat ng tungkol sa mga kababaihang nag-iwan ng mga natatangi at kamangha-manghang pangunahing gawa at tagumpay sa iba’t ibang larangan.
Ang ika-8 ng Marso ay tinaguriang International Women’s Day o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Batay sa kasaysayan, ito ay sinasabing nagsimula noong 1917 sa matagumpay na martsa ng mga kababaihan sa Petrograd, Russia, kung saan nagsimula ang Russian feminist movement. Ayon sa feminist historian na si Barbara Engel, dito rin naitatag ang prinsipiyong “Equal pay for equal work.” Noong 1977, ang pagdiriwang ng International Women’s Day ay opisyal na kinilala ng United Nations. Sampung taon pagkatapos nito, ang kongreso ng America ay idineklara ang buwan ng Marso bilang “Women’s History Month.” Sa Pilipinas, nagsimulang ipagdiwang ang Buwan ng Kababaihan noong 1988 batay sa Proclamation 227.
Malayo na ang narating ng mga Eba, na batay sa Bibliya, ay hinugot ng Maykapal mula sa tadyang ni Adan. Malayo na tayo sa panahon nina Sappho, Helen ng Troy, at Cleopatra na mga “pumaimbulog ang liyab sa mundo.” Marami ng kababaihan ang sumuway sa kalakaran at namayani sa pinili nilang larangan sa nakalipas na mahigit dalawang milenyo. Narito ang ilan sa mga kinalap kong mga kamangha-manghang dilag ng makabagong panahon at ang kanilang mga tagumpay.
SA LARANGAN NG AGHAM AT MATEMATIKA

Ang pangalang Marie Sklodowska Curie (1867-1934) ay maaaring nabasa o narinig n’yo na. Sa mga mahilig sa trivia at paksang agham, malamang na alam ninyong siya ang Polish physicist-chemist na nakadiskubre ng mga chemical elements na radium at polonium kung saan siya ay ginawaran ng Nobel Prize for Chemistry noong 1911. Ang maaaring hindi ninyo alam ay ito ang pangalawang Nobel Prize na kaniyang natanggap. Ang una ay sa larangan naman ng Physics kung saan siya at ang kaniyang asawang si Pierre Curie (1859-1906) at ang French physicist na si Henri Becquerel (1852-1908) ay magkasamang ginantimpalaan dahil sa kanilang pangunahin at natatanging gawa sa “Theory of Radioactivity.” Siya ang kauna-unahang babaeng nagwagi ng Nobel Prize at ang kauna-unahang nagwagi nito sa dalawang kategorya. Bukod dito, siya rin ang kauna-unahang babaeng naging professor sa University of Paris noong 1906. Katangi-tangi siya sa pagkatatag ng makabagong konsepto sa Physics at Chemistry sa kabila ng mga balakid na hinarap niya sa kaniyang bansang Poland na noon ay bahagi ng Russian Empire at sa nag-ampon sa kaniyang bansang France dahil sa isa siyang babae. Hindi niya ipina-patent ang kaniyang mga natuklasan upang malaya itong mapag-aralan ng ibang mananaliksik sa agham. Maraming parangal at gantimpalang ibinigay sa kaniya, subali’t sinabi niyang ang mga ito ay ipagkaloob sa mga scientific institutions kung saan siya ay kasapi. Ayon sa Gwiazda Polarma, ang kauna-unahang Polish-language na pahayagan sa America, sinabi ng bantog na German theoretical physicist na si Albert Einstein (1879-1955) na “siya marahil ang nag-iisang taong hindi nasira ng dahil sa katanyagan.”

Si Sophie Germain (1776-1831) naman ay isang French mathematician, physicist at philosopher na nakilala sa mga natatanging paksa sa Number Theory at Elasticity Theory. Siya ay isang magandang halimbawa ng isang babaeng nagtagumpay sa kabila ng matinding gender prejudice ng kaniyang panahon. Nagsimula siyang maging interesado sa paksang matematika sa edad 13 anyos. Noon ay lubhang magulo sa kinaroroonan nila dahil sa simula ng French Revolution kaya’t hindi siya maaaring lumabas ng bahay. Naituon niya ang paglilibang sa silid-aklatan ng kaniyang ama kung saan nakatawag sa kaniyang pansin ang aklat ni Jean-Etienne Montucla (1725-1799) na L’Histoire des Matematiques (“Kasaysayan ng Matematika”). Tutol ang kaniyang mga magulang sa pagkahilig niya sa paksang ito dahil sa isip nila ang matematika ay hindi para sa mga babae. Noong 1794, nang siya 18 taong gulang, itinatag ang Ecole Polytecnique sa Paris. Ito ay akademya para turuan ang mga nagnanais maging mathematicians at scientists. Dahil siya nga ay isang babae, hindi siya maaaring makapasok, subalit nakakuha siya ng mga lecture notes sa iba’t ibang kurso at aralin. Ang mga mag-aaral ay inaatasang magbigay ng obserbasyon at pahayag tungkol sa mga paksang-aralin. Naging interesado siya sa lectures ng faculty member na si Joseph-Louis Lagrange (1736-1813), at nagpadala siya rito ng kaniyang mga analyses sa ilalim ng pseudonym na M. LeBlanc. Namangha si Lagrange sa mga analyses ni Germain, at lalo siyang namangha nang malamang siya ay isang babae. Noong 1798 nang inilimbag ang Essai sur la theorie des nombres (“Sanaysay Sa Teorya ng mga Numero”) ni Adrien-Marie Legendre (1752-1833), naging interesado siya sa Number Theory. Ang kaniyang mga gawa, manapa sa Fermat’s Last Theorem, ay nagbigay ng pundasyon para sa pagsasaliksik ng mga mathematicians sa sumunod na isang daang taon. Pagkatapos nito ay nabaling ang kaniyang interes sa paksang-agham na elasticity. Nagkaroon ng patimpalak ang Paris Academy of Sciences tungkol sa mga eksperimento sa vibrating metal plates ng German physicist na si Ernst Florens Chladni (1756-1827). Tatlong beses siyang sumali, nabigo sa unang dalawa, at nagwagi sa ikatlo kung saan ginamit na niya ang tunay niyang pangalan. Siya ang kauna-unahang babaeng nagwagi sa patimpalak na ito. Marami sa kaniyang mga gawa at pag-aaral ang nagamit ng mga sumunod na henerasyon sa mga pagtuklas sa larangan ng matematika at agham. Dahil dito, bilang pag-alaala sa kaniyang mga nagawa, maraming termino sa matematika at agham ang ipinangalan sa kaniya.

Maraming naglalabasan sa social media na mga batang magagaling sa Math na kayang sagutin ang mga multi-digit computations subalit, sa ibabaw ng lahat ng ito, wala na marahil tatalo kay Shakuntala Devi (1929-2013). Siya ay isang Indian mental calculator, astrologer at writer. Ang kaniyang ama ay isang circus performer at natuklasan nito ang kamangha-manghang kakayahan ni Shakuntala nang ito’y tatlong taong gulang pa lamang habang ang bata ay tinuturuan niya ng mga card tricks. Noong siya ay anim na taong gulang, ipinakita niya ang kaniyang galing sa mental arithmetics sa University of Mysore sa harap ng mga nanggigilalas na mag-aaral at professors. Hindi siya nagkaroon ng formal education, subalit nagagawa niyang paglaruan ang mga numero sa kaniyang isip na humihigit sa kakayahan ng isang doctorate degree holder sa mathematics. Noong 1977, nang siya ay nasa America, ang mga mag-aaral ng Southern Methodist University sa Dallas ay tinanong siya kung ano ang 23rd root ng isang 201-digit number. Gamit lamang ang kanyang isip, naibigay niya ang kasagutan sa loob lamang ng 50 segundo. Kinailangan pang gamitan ng UNIVAC 1101 Computer sa US Bureau of Standards upang mapatunayan na tumpak ang kaniyang sagot. Ang computer ay kailangan i-program ng mahigit 13 libong instructions bago nito naibigay ang sagot sa loob ng 62 segundo. Dahil sa kakayahan niyang ito, tinawag siyang “Human Computer.” Noong Hunyo 18, 1980, ipinakita niya ang mental computation ng dalawang 13-digit numbers – 7,686,369,774,870 x 2,465,099,745,779 – na random na pinili ng Department of Computing ng Imperial College, sa London. Ang tamang sagot na 18,947,668,177,995,426,773,730 ay naibigay niya sa loob lamang 28 segundo. Ito ay naitala sa 1982 Edition ng Guinness Book of World Record. Sa kaniyang aklat na Figuring: The Joy of Numbers (1977), ipinaliwanag niya ang ilan sa mga pamamaraan na ginamit niya sa mabilis na pagkuwenta. Noon namang 1988, inimbitahan siya ni Arthur Jensen (1923-2012), professor ng Educational Psychology ng University of California sa Berkeley, upang masubok ang kaniyang galing. Isa sa mga tanong ay hanapin ang seventh root ng 170,859,375, na kaniyang nasagot sa isang iglap. Ang author ng aklat na The Great Mental Calculators (1983) na si Steven Bradley Smith ay nagsabi, “Ang mga resulta (ng mga pagsubok kay Shakuntala Devi) ay malayong humihigit kaysa sa ano mang nakatala kaya ito ay matutukoy na hindi kapani-paniwalang kamangha-mangha.”
SA DAIGDIG NG PANITIKAN AT SINING
Kung si Shakuntala Devi ay dinaig ang computer sa kaniyang bilis sa pagkuwenta, isang Pilipina mula sa Candon, Ilocos Sur, naman na nagngangalang Maria Teresa Calderon ang nailagay rin sa talaan ng mga kamangha-manghang dilag. Ito ay sa speed reading o pagbasa ng mabilis. Ang isang mag-aaral sa pamantasan ay nakababasa ng kasingbilis ng kaniyang pagbigkas, humigit-kumulang 250 salita bawat minuto na may 60% comprehension (60 porsiyentong pagkakaintindi). Kung ang isang tao ay nag-aral ng speed reading, maaaring umabot ang kakayahan niya sa 2,000 hanggang 2,500 salita bawat minuto na may 70 hanggang 75 porsiyentong pagkakaintindi. Noong 1968, sa isang speed reading class, binasa ng noon ay 15 taong gulang na si Calderon ang tatlong pahinang college level essay na naglalaman ng 3,135 na salita sa loob ng 3.5 segundo na may 100 porsiyentong pagkakaintindi. Ito ay mahigit 53,000 words per minute (wpm). Ayon sa Associated Press, “Bago mabasa ng mga karaniwang tao ang label na nasa isang cereal box, natapos nang mabasa ni Calderon ang kalahati ng isang aklat o higit pa….” Sa isang pagkakataon, pinabasa siya ng nakabulatlat na dalawang pahina ng isang pocketbook na naglalaman ng mahigit 1,200 salita at nagawa niya ito sa isang iglap (0.8 segundo). Nagawa niyang basahin ang buong nobela ni Nathaniel Hawthorn na The Scarlett Letter sa loob ng 20 minuto at ang nobela ni J. D. Salinger na The Catcher in the Rye sa loob ng 40 minuto. Maraming skeptics ang nagsasabing hindi kayang gawin ng isang tao ang ganito kabilis na pagbasa. Kaya upang tunay na subukin ang kaniyang bilis, pinabasa siya ng isang aklat tungkol sa random subject na golf, at nagawa pa rin niyang basahin ito sa bilis na mahigit 37,000 wpm. Ang nagtala sa kaniya sa Guinness Book of World Records at Encyclopedia Britannica ay nang ipabasa sa kaniya ang maikling kuwento ni Stephen Vincent Benet na “The Devil and Daniel Webster” na may halos 6,000 salita. Nagawa niya ito sa loob ng 4.45 segundo na may 100 porsiyentong pagkakaintindi. Ito ay humigit-kumulang 80,000 wpm. Ang record na ito ay hindi na nahigitan pa ninuman.

Alam n’yo ba kung sinong manunulat ang may pinakamaraming nobelang nailimbag? Wala sa kalingkingan sa dami ng kaniyang nobelang isinulat at nailimbag sina Barbara Cartland, Agatha Christie, Joanne Katleen (J.K.) Rowling, at Carolyn Keene. Siya ay ang manunulat na Kastila na si Maria del Socorro Tellado Lopez (1927-2009), na higit na kilala sa kaniyang mga penname na Corin Tellado at Ada Miller. Mula sa unang nobela niyang Atrevida apuesta (1946) hanggang Doce en solitario (2006), mahigit 4,000 nobela niya ang nailimbag at umabot na sa mahigit 400 milyon ang nabili sa loob ng anim na dekada. Noong 1962, inihayag ng UNESCO na siya ang “most read Spanish writer” na pumapangalawa lamang kay Miguel de Cervantes, ang may-akda ng Don Quixote. Naging bahagi rin siya ng mga tala sa Guinness Book of World Records 1994 Edition. Marami sa kaniyang mga katha ang naging inspirasyon ng mga telenovela na naipalabas sa mahigit 40 bansa.

Ang Eisner Award ay isang prestiyosong gawad-parangal na pinakamimithi ng mga nasa comic book industry. Ito ang katumbas ng Academy Awards sa larangang ito. Bihira ang mga kababaihang nagwawagi nito, maaaring isa sa bawat 100 lamang. Ang karangalan bilang unang babaeng nagwagi ng Eisner Award ay nakamit ng American-Chinese writer na si Marjorie Liu. Bagama’t siya ay nagtapos sa mga kursong East Asian Languages and Cultures at Biomedical Ethics sa Lawrence University, at nagtapos din ng Law sa University of Wisconsin, pinili niyang maging isang manunulat. Ang unang nobelang kaniyang ginawa ay ang paranormal romantic adventure na Tiger Eye (2005), subalit sa simula ay tinanggihan ito ng mga publisher, at inabot pa ng mahigit dalawang taon bago ito tinanggap ng Dorchester Publishing at nailimbag. Ang kaniyang nobelang A Dream of Stone and Shadows ay naging New York Times bestseller noong 2006. Sumunod ay sinubukan niyang makapasok bilang writer sa Marvel Comics. Ang unang assignment niya para sa Marvel ay ang X-Men spin-off na NYX: No Way Home (2008). Siya rin ang sumulat na huling 21 isyu ng Astonishing X-Men (2012-2013). Noong 2015, inilabas ng Image Comics ang serye niyang Monstress, na nakatawag-pansin at sinubaybayan ng mga mambabasa. Naglalaman ito ng mga pagsasaliksik at paglalarawan tungkol sa racism, feminism at mga epekto ng digmaan. Sa kaniyang obrang ito, ginawaran siya ng Eisner Award, ang kauna-unahang babaeng nagkamit nito sa 30 taong kasaysayan ng patimpalak. Nagwagi rin ang unang tatlong volumes ng Monstress ng Hugo Awards (gawad-parangal sa mga obrang science fiction) sa tatlong sunud-sunod na taon (2017-2019), bilang Best Graphic Novel. Kung ang pag-uusapan naman ay ang sining ng painting o pagpinta, may ilan ding kababaihan ang naging tanyag sa larangan ito na pinagharian ng maraming mga maestro ng artistic canvas. Sa aking mga nasaliksik, ang itinuturing kong pinakamagaling na babaeng painter ay maaaring bibihira ang nakakikilala.

Siya ay si Lavinia Fontana (1552-1614), isang mannerist painter mula sa Bologna, Northern Italy. Ang mga obra niya ay maihahambing ko sa mga masterpieces ng mga alamat na sina Sandro Boticelli (c. 1445-1510) at Francisco Goya (1746-1828). Hindi ako nag-iisa sa pananaw na ito. Sa kaniyang pahayag tungkol sa La Bella Nani (1559, “Larawan ng Isang Dilag”), kung saan si Fontana ang pinatutungkulan ng kaniyang obra, inilagay siya ng Italian Renaissance painter na si Paolo Veronese sa pedestal ng imortalidad. Samantalang sa Considerazioni sulla pittura (c. 1621, “Mga Pananaw sa mga Pinta”) ni Giulio Mancini (1559-1630), siya lang ang kaisa-isang babaeng napabilang sa listahang ito na pinagbabatayan ng maraming arts collector ng mga painting masterpieces. Natuto ng pagpinta si Lavinia sa kaniyang ama na isa ring mahusay na pintor at kung saan nakuha niya ang istilo nito. Si Lavinia ay nakilala at naging matagumpay sa genres ng mythology at religious paintings. Siya ang kauna-unahang babaeng career artist sa kasaysayan ng sining, na mula sa kinikita niya sa pagpipinta ay naitaguyod niya ang kaniyang buong pamilya, kabilang ang asawa at 11 anak. Isipin pa na ito ay panahong hindi pinagkakatiwalaan ang mga babae sa larangan ng sining ng pagpipinta. Siya rin ang itinuturing na unang babaeng pintor na nagsalarawan ng hubad na katawan ng mga babae, bagay na isang maituturing na taboo para sa mga kababaihan. Naihalal din siyang kauna-unahang babae sa Academia di San Luca sa Roma. Dahil sa dami ng kaniyang mga obra, siya ay itinuturing ding “most significant” at “most prolific artist” ng ika-16 na siglo.”

SA PAGLALAKBAY SA KALAWAKAN
Sa kasaysayan ng space exploration, si Valentina Tereshkova ang kauna-unahang babaeng nakarating sa kalawakan. Simple lang ang naging buhay ng pamilya ni Tereshkova. Ang kaniyang ama ay isang tractor driver at sarhento sa Soviet Army, na nasawi sa Finnish Winter War (1939-1940), at ang kaniyang ina naman ay manggagawa sa textile factory. Sa murang edad, nahilig siya sa skydiving at parachuting. Ito ang naghatid sa kaniya upang mapili sa Cosmonaut Program. Noong Hunyo 16, 1963, pumaimbulog sa kalawakan si Tereshkova sakay ng Vostok 6, at tatlong araw siyang umikot sa daigdig ng 48 beses, at natala sa kasaysayan bilang “Unang Babae sa Kalawakan.” Bukod dito, siya rin ang kauna-unahang babaeng nagtagumpay sa isang solo space flight at, sa edad na 26 taong gulang, ang pinakabatang nakagawa nito. Ginawaran siya ng Order of Lenin, ang pinakamataas na gawad-parangal sa isang sibilyan, at itinanghal na “Bayani ng Soviet Union.” Nang tanungin siya kung ano ang maibibigay ng Soviet Union sa kaniya bilang pasasalamat sa mga nagawa niyang karangalan para sa bansa, hiniling niyang mahanap at maibalik ang labi ng kaniyang amang namatay sa pakikipaglaban sa digmaan. Ito ay ginawa ng pamahalaan at isang monumento ang itinayo sa Lemetti, Karela, bilang pag-alaala. Pagkatapos nito, pumasok siya sa Zhukovsky Air Force Academy at nagtapos bilang cosmonaut engineer noong 1969. Natanggap niya ang doctorate of engineering noong 1977. Naging spokesperson siya ng Soviet Union at sa bahaging ito, tumanggap siya ng United Nations Gold Medal of Peace at ikalawang gawad na Order of Lenin. Nagretiro siya sa Air Force noong 1997 sa ranggong Major General. Noong 2007, inanyayahan siya na ipagdiwang ang kaniyang ika-70 kaarawan sa tahanan ni Prime Minister Vladimir Putin, kung saan sinabi niya na nais niyang lumipad patungo sa planetang Mars kahit pa ito ay isang one-way trip.
Malayo na ang narating ng mga Eba, na batay sa Bibliya, ay hinugot ng Maykapal mula sa tadyang ni Adan. Malayo na tayo sa panahon nina Sappho, Helen ng Troy, at Cleopatra na mga “pumaimbulog ang liyab sa mundo”.

Isa pang babaeng Russian cosmonaut ang sumunod sa yapak ni Tereshkova. Ito ay si Svetlana Yevgenyevna Savitskaya. Siya ay anak ng isang Air Force General. Nahilig din siya sa skydiving at parachuting na nagsimula nang siya 16 na taong gulang. Sa loob ng isang taon ay nakagawa siya ng 450 parachute jumps. Gumawa siya ng sunud-sunod na records sa pagtalon mula sa jet plane at mula sa stratosphere. Ang pinakamataas ay 14,252 metro kung saan bumulusok siyang pababa at binuksan lamang ang kaniyang parachute nang siya ay 500 metro na lamang sa lupa. Si Savitskaya ang pangalawang babaeng nakalipad sa kalawakan. Ito ay naganap noong Agosto 1982, sakay ng Soyuz T-7 spacecraft kasama ang dalawa pang cosmonauts na sina Alexander Serebrov at Leonid Popov. Nasundan ito noong Hulyo 1984, sakay ng Soyuz T-12 kasama sina Vladimir Dzhanibekov at Igor Volk na nag-docked sa space station Salyut 7. Siya ang unang babaeng nakarating sa kalawakan ng dalawang beses. Isa sa mga mission ng Soyuz T-12 ay gumawa ng welding experiments sa labas ng spacecraft habang nasa kalawakan, kaya siya rin ang kauna-unahang babaeng gumawa ng spacewalk o naglakad sa kalawakan na tumagal ng 3 oras at 35 minuto. Katulad ni Tereshkova, nagawaran din siya ng dalawang Order of Lenin, at dalawang beses itinanghal na “Bayani ng Soviet Union.”

Sa mga trivia enthusiasts, kilala n’yo ba kung sino ang unang black woman na nakarating sa kalawakan? Siya ay ang Afro-American chemical engineer, physician at astronaut na si Mae Carol Jemison. Sa edad na 16, nakakuha siya ng scholarship sa Standford University kung saan siya nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Chemical Engineering, na halos kasabay ng pagtanggap niya ng Bachelor of Arts degree sa African and Afro-American Studies. Pagkatapos nito ay pumasok siya sa Cornell Medical College kung saan nakamit niya ang Doctorate sa Medisina noong 1981. Isa sa mga naging inspirasyon ni Jemison sa pagpasok sa NASA Space Program ay ang Afro-American actress na si Nichelle Nichols na gumanap bilang Lieutenant-Commander Uhura sa Star Trek television at movie series. Napili si Jemison na maging isa sa pitong astronauts ng Space Shuttle Endeavour noong 1987, kung saan gumawa siya ng mga medical-related tests at experiments. Ibinandera siya ng Associated Press na “First Black Woman Astronaut.” Nang malaman ng Star Trek: Next Generation actor na si LaVar Burton na masugid na tagahanga ng series si Jemison, inalok niya ang babae kung nais nitong maging bahagi ng TV series. Noong 1993, lumabas si Jemison sa isang episode ng Star Trek: New Generation – “Second Chances” – na gumanap sa papel na Lieutenant Palmer. Kaya siya rin ay naging kauna-unahang astronaut sa tunay na buhay na lumabas sa isang science fiction space adventure series.

(Mga larawang mula sa Wiki Public Domain, filipiknow.net, thebooklist.com, Wikipedia (Luigi Novi), britannica.com, at thisdayinnavigation.com)









