Daluyong

Ang batang kangina pa nakaramdam ng pananakit ng tuhod ay hindi nakatiis na di tumawag sa ina. “Nanay…”

Ni Rogelio R. Sikat

TAHIMIK at walang patid ang pagluha ng dalawang maiikling kandilang tumatanglaw sa munting dalanginan. Hindi kumikilos, hindi man lamang humihilig ang ningas ng tapat na kandilang ang inihahandog na ginintuang liwanag sa nakatirik na pagpapasakit ay gumagawa pa ng isang nakadipang anino sa dinding na sasag.

Ang batang kangina pa nakararamdam ng pananakit ng tuhod ay hindi nakatiis na di tumawag sa ina.

“’Nanay…”

Mahina ang tinig ng bata nguni’t sa katahimikang lumulukob sa kanila ay narinig iyon ng ina. Naunawaan niya kung ano ang kahulugan ng ingit na iyon Matagal na silang nakaluhod: na malaki na rin ang iniikli ng kandila sa altar. Matagal na, mataas na rin ang naaakyat ng mga nagkasapin-saping patak ng kandilang sumusugba na sa may ningas.

Kagyat na tumungo ang ina at nagsimulang magkurus.

Sa ngalan ng Ama, ng Anak…” Ang iba pang mga kataga’y hindi na nakapamutawi sa labi ng ina: sa diwa na lamang niya ito nagkatinig. Nang muling umingit ang anak ay ipinasiya na niyang ipagpaliban ang kinagawiang pagninilay-nilay. Sumalampak siya sa malamig na sahig na kawayan.

“Tapos na ang pagdarasal,” aniya sa pinasayang tinig, “ano’ng gagawin ngayon? Ano’ng gagawin?”

“Maglalaro kami ‘li, ‘Nay… Baril-barilan,” maagap na tugon ng panganay. “Tapos na ang ating dasal…”

“Ow, hindi!” nakangiting iling ng ina. Binalingan ang bunsong noo’y siya ang tinititigan. “Anak, ano’ng gagawin? ‘Yong turo ng Nanay sen’yo…”

Sandaling kumurap-kurap ang malilinaw na mata ng bata. Pagkaraan ng ilang saglit na pag-iisip ay bigla nitong ginagap ang naghihintay na kamay ng ina at idiniit iyon sa noo.

“Magmamano, ‘Nay! Magmamano!” Nayakap niya nang mahigpit ang mabait at matalinong bunso. Pinupog niya ito ng halik; sa leeg, sa pisngi, sa noo. “Kay bait ng aking bunso! Kay bait na talaga!”

At sa munting umpukang iyo’y naghari ang kaligayahan. Ngayo’y di lamang kapayapaan ang nadarama niya: sa puso niya’y naroon ang tigib na kasiyahan. Ang kanyang bunso’y sadyang natatangi: sa lahat ng bunso ay ang bunso niya ang pinakamabait!

Hinagod muna niya ang buhok ng bunso bago ito inutusan:

“Sige, yayain mo’ng Kuya. Mano tayo ‘kamo sa ‘Tay… “

Nalarawan sa mukha ng bunso ang pagtataka.

“Oo, anak, magmamano sa Itay…”

Niyaya ng bunso ang kapatid na panganay. Gising ang kanilang ama nang datnan nila ito. Dinatnan nilang nakatitig sa bubungan ang kanilang ama na walang kakurap-kurap.

“’Tay…” anang bunso, “mano po…”

Tila walang narinig ang ama: hindi man lamang gumalaw ang kamay nito. Nakita ng dalawang bata ang pag-alon ng manipis na dibdib ng nakahiga. Nang sa muling pagtawag ng bunso’y hindi pa rin nito iniabot ang kamay, ay hinawakan na ito ng bunso at buong paggalang na idiniit iyon sa noo. Sinundan siya ng panganay.

Nag-ibayo ang katahimikan sa loob ng dampa. Payapa ang lahat. Payapang-payapa maliban sa dibdib ng inang noo’y nagmamasid. Naluha siya nang makitang hindi pinansin ng asawa ang dalawang anak. Nguni’t mabilis niyang pinahid ang luha sa mata at masayang tinawag ang mga anak:

“Me ipakikita nga pala senyo ang nanay ngayon… halikayo…”

Tumindig siya at inabot ang isang kandila sa altar. Pagkaraa’y tinungo ang kalapit na hapag. Mula sa hapag ay may inilabas siyang aklat.

Itinulos ng ina sa sahig ang hawak na kandila, naupo at binuksan ang aklat. Noon lamang niya maipakikita sa mga anak ang aklat na iyon. Sa pahinang maraming larawan siya tumigil sa pagbubukas.

“Sino iyan?” tanong niya sa mga anak at itinuro ang isang batang may magandang mukha, may mahabang buhok at may dalawang pakpak.

Muling kumurap-kurap ang bunso. Hindi pa nito nakikilala ang batang itinuro ng ina.

“Sino, ‘Nay?” ganting-tanong ng bunso.

“Ang batang ‘tong me pakpak ay anghel. Mabait siya, anak. Gusto siya ng lahat. Ang ganda ng kanyang pakpak, ‘no?”

“Sa’n siya nakatira, ‘Nay?” agaw na usisa ng bunso at tinitigan siya nang buong paghanga.

“Hindi na siya nakatira dito. Do’n sa langit siya nakatira. Do’n sa bahay ng Diyos. Do’n ay mabubuting bata lamang ang nakatira.”

Tumigil muna siya sa pagpapaliwanag at tinarok kung nawawatasan siya ng dalawang anak.

“’Nay, ‘Nay, ano ‘to?” tanong ng bunso at itinuro ang larawan ng isang batang maitim, may pakpak-paniki, may mahabang buntot, may dalawang sungay at nakapagitna sa naglalagablab na apoy.

Ito ay isang bata rin. Dati siyang mabait. Pero naging salbahe siya. Umitim ang kanyang kulay, naging pakpak-paniki ang kanyang pakpak, tinubuan siya ng mahabang buntot, ng sungay. Siya ang…”

Naramdaman ng ina ang paggitgit ng bunso sa kanyang dibdib.

“S-S—Sa’n siya na-na-nakatira, ‘Nay?” halos pabulong nang tanong ng bunso.

“Do’n sa impiyerno. Do’n sa apoy, do’n sa kumukulong langis, at ang kasama niya’y pawang masasamang bata…”

“’Nay…”

Napatingala siya sa dinding na sasag, sa itaas, sa dambanang niluluhaan ng kandila. Nagkakabunga ang pagmumulat niya sa kanyang mga anak. Nguni’t ang sumanib na kaligayahan sa kanyang puso ay dagling napawi nang maalala niya ang kabiyak. Mabait ang kanyang mga anak nguni’t… nabibigo…nabibigong tulad niya…

Napalingon siya nang marinig ang isang paos na tinig. Binitawan niya ang kumalong na bunso. “Sige, kayo naman ng Kuya ang tumingin sa libro. Humanap pa kayo ng anghel…”

Isang wari ay napakalayong landas, isang napakalayong agwat ang hinakbang niya patungo sa higaang kinalalatagan ng salantang asawa.

“Nagugutom ako,” anang nakahiga, “gatas sana…”

Maliksi siyang lumabas sa kusina upang tumingin ng gatas. Nang wala siyang matagpuan ay madali siyang nagbalik sa loob.

“Sandaling-sandali lang,” sabi niya. At sa kanyang loob: Titingin muna ‘ko sa tindahan…

Ang batang kangina pa nakaramdam ng pananakit ng tuhod ay hindi nakatiis na di tumawag sa ina. “Nanay…”

TAGLAY ng kanyang anyo ang naglahong kalusugan. Tulad ng kandila sa altar na gumagawa ng kurus, ang kandilang nakatulos sa sahig ay gumagawa rin ng anino ng higaan sa dinding na sasag. Nguni’t wari’y higaang-higaan lamang, kundi sa anino ng nakataas niyang ulo. Ano ngang anino ang magagawa ng kanyang walang buhay na mga paa? Anong anino ang maibibigay ng manipis at tuyot niyang dibdib?

Matagal na siyang inari ng higaang iyon. Matagal na, matagal na siyang naangkin ng higaan, nguni’t gayong higit siyang inilalapit ng higaan sa lupa’y hindi pa rin naaagnas ang moog ng nabago niyang pananalig. “Maghanda ka na,” paalala ng kanyang asawa noon, nang siya na rin ang magtapat dito na ang gupo niyang katawa’y hindi na makatatagal. “Malaki pa ang pagkakataon…” Marami pa siyang tinanggap na paalala sa kabiyak. Halos gabi-gabi. Ang kanyang katawa’y gupo nguni’t ang kanyang isipan ay hindi nagagapi. Gabi-gabi, sa tuwi niyang maririnig ang mahinang tinig na nananalangin ay nararamdaman niyang tila umiinog ang kanyang diwa, natatangay sa laot ng alinlangan. Nag-aalinlangan siya’t higit na nakasisiya sa kanya ang pag-aalinlangan. Aywan niya kung bakit.

Noo’y gabi ng kanyang kaarawan. Masaya ang kanyang kaarawan. Ang tanging hindi nakipagdiwang sa kanyang kaarawa’y ang kalikasan. Bago nahigop ng bundok ang araw ay napansin na nila ang malamig at pasumpong-sumpong na paghihip ng hangin. May daluyong.

At hindi nga nagkabula ang kanyang hinala. Sa unang salpok pa lamang ng hangin sa tagiliran ng kanilang dampa ay napaghulo na niyang nasa landas na ng pangwawasak ang daluyong na kangina pa iniiwi-iwi ng hangin. Naghanda silang bigla: pati ang ilawan nila’y ipinaloob niya sa salop upang di mahipan ng hangin.

Nang manlatay na ang bumangis na hangin ay nakarinig sila ng lagitik. Alam niya kung ano ang lagitik na iyon: lagitik ng sumusuko nilang suhay. “Papanaugin ko!” sabi niya. Nguni’t sa pagpanaog niyang iyo’y hindi na siya nakapanhik. Nabagsakan siya ng puno ng mangga habang isinasaayos niya ang suhay.

“Hindi ka na makalalakad pang muli… Napinsala ang iyong mga paa sa pagkakaipit ng sanga ng mangga…” pagtatapat ng manggagamot na sumuri sa kanya.

Napukaw siya sa pagdidilidili nang marinig ang maingay na pagsasagutan ng magkapatid.

“Ano ba iyan?” tanong niya.

“Pinilas niya, ‘Tay ang anghel. Hindi raw ako iyon. Ako raw ang… ang… d-d dimonyo, ‘Tay….” Umiiyak na pagsusumbong ng bunso. “Ako raw…”

Nalarawan ang poot sa kanyang mga mata. Naglatang ang paghihimagsik sa kanyang dibdib. At sa kanyang kalooba’y bumugso ang isang daluyong: daluyong ng paghihimagsik… daluyong ng paghihinanakit…

UULAN… Malamig ang hangin… Naglalagalag ang panganorin… May darating na… Ipininid ng ina ang bintanang napinid ma’y nag-iwan pa rin ng ga-daling siwang.

“Narito na ang gatas,” amuki pagkatapos sa kabiyak.

Umiling.

“’Kala ko ba’y nagugutom ka?”

Muling umiling ang maysakit. Nakita na lamang niya ang mahinang pagdagok nito sa gilid ng higaan. Sa dagok na iyo’y naroroon ang lahat ng lakas na maibibigay ng maysakit.

Sinalat niya ang noo ng kabiyak.

“Nilalagnat ka…”

Buong kabaitang bumiling ang lalaki. Sana’y lalabas na siya nang mapunang humihikbi-hikbi ang kanyang bunso sa isang sulok. Yumuko siya’t kinalong ang bunso.

“Bakit, anak?”

“’Nay, ‘Nay, sabi ng Kuya… sabi ng Kuya… a-ako raw ang…”

Umiyak na yumakap ang bunso sa ina.

“S-sabi ng Kuya… a-ako raw…”

Hindi naituloy ng bunso ang sasabihin. Gumuhit ang kidlat at sinundan ng dagundong ng kulog. Sa bubunga’y narinig nila ang pagsabay ng hanging may kasamang ulan. Hinahagud-hagod pa niya ang buhok ng bunso nang marinig nila ang isang ugong na napapalapit. Nakikilala niya ang ugong na iyon. Pati ang nakahiga’y napakislot.

Sa muling pagsabukay ng hangin sa dampa ay namatay ang kandila sa altar. Tinakbo niya ang salop sa kusina upang isilid doon ang natitira pang may sinding kandila, nguni’t pagbabalik niya’y patay na rin iyon. Nang kumalat ang dilim ay narinig niya ang tinig ng bunso.

“Nanay… Nanay… Sa’n ka, Nanay, Nanay!”

“Narito ‘ko, anak! ‘Lika rito!”

“Madilim, ‘Nay! Natatakot ako! Natatakot ako! Natatakot ako, Nanay!”

Sa gitna ng dilim, sa gitna ng nag-aalimpuyong daluyong, sa gitna ng malakas na pag-iyak ng bunso ay iba ang lumalaman sa kanyang isip. Hindi ang pag-ingit-ingit ng suhay ng kanilang dampa. Hindi ang pagyuyutyutan ng magkakayakap na pisig sa kanilang bubong.

MAY daluyong pa rin sa labas ng munting dampa nguni’t ang daluyong sa kanyang isip ay unti-unti nang napapawi, unti-unti nang namayapa. Napanatag ang inaalon niyang dibdib. Napawi ang pagbabaga ng kanyang noo.

Kinapa niya ang posporo sa palababahang kalapit ng kanyang higaan at tinawag ang asawa. Pinasindihan niya ang kandilang nasa sahig. Ipinaglagay sa loob ng salop upang mapanatiling buhay. Nang magliwanag ay umanino ang higaan sa dinding na sasag. Nguni’t sa aninong iyo’y nagkaroon ng pagbabago. Hindi lamang ang kanyang ulo ang nagpapahayag ng mayroong nahihiga sa higaan. Malinaw ring umanino ang magkadaop niyang palad na nakapatong sa dibdib.

(Ang akdang ito ay lumabas sa ilalim ng Pitak ng mga Bagong Dugo na pinamamahalaan ni Liwayway A. Arceo. Ito rin ang unang akda ni Sikat na lumabas sa pitak na ito. Ngunit bago nito, una nang nabigyan ng pagkakataon si Sikat sa Liwayway sa naunang Pitak ng mga Mag-aaral na pinamamahalaan naman ni Pablo N. Bautista.)