Ni Joyce Marasigan Giron
MALUNGKOT ang batang si Carmel. Hindi na naman magkaterno ang kutsara at tinidor na inilagay ng kanyang Nanay Tina sa plato niya. Iyong kutsara, may disenyong bulaklak sa hawakan; iyong tinidor, wala. Paano siya kakain niyan?
“Terno dapat, Nanay Tina,” sabi niya.
“Naku, bata ka. P’wede na ‘yan. Makakain ka rin naman,” sagot ng kanyang Nanay Tina.
Marahang kumain si Carmel. Pakiramdam niya ay walang lasa ang inihandang pork chop ng kanyang Nanay Tina na paborito niya.
“Terno dapat, Nanay Tina. Hindi bagay na pink ang kurtina tapos green ang throw pillows,” sabi ni Carmel.
“P’wede na ‘yan. Wala nang makakapansin niyan. Ikaw lang,” ang may pagkainis na sagot ng kanyang Nanay Tina.
Malungkot na nagpunta sa kanyang kuwarto si Carmel. Pakiramdam niya ay hindi masayang magtigil sa sala kapag hindi pareho ang kulay ng kurtina at mga punda ng throw pillows. Magkukulong na lang siya sa kuwarto niya kesa makita ang mga ito.
Ganoon parati ang sagot ng kanyang Nanay Tina. Puwede na raw iyan. Huwag daw siyang magreklamo. Nag-iinarte lang daw siya.
“’Yung kumot ko, dapat unicorn din kasi unicorn ang nasa unan. Terno dapat palagi,” naiiyak na sabi ni Carmel.
Bumuntonghininga na lang ang kanyang Nanay Tina. Sa dami ng ginagawa nito, minsan hindi na nito napapansin na hindi pare-pareho ang nakukuhang kumot, punda ng unan, kurtina, throw pillow cover, at iba pa. Pero hindi ito makaligtas sa mga mata ni Carmel.
Paminsan-minsan, kapag maganda ang gising ng kanyang Nanay Tina ay sinusunod nito ang sabi ni Carmel.
“Nanay Tina, ‘yung hand towels, dapat kapareho no’ng potholder na sunflower ang design. Hindi p’wedeng ‘yung potholders ay bulaklakin tapos ‘yung towels ay checkered. Terno dapat palagi,” sabi ni Carmel.
“Ay, bata ka. Sige, mamaya hahanapin ko ‘yung katernong hand towels,” sabi nito kay Carmel.
Kung napapansin ni Carmel na hindi terno ang mga gamit sa bahay, lalo na kung hindi terno ang mga ipinapasuot sa kanya at inilalagay sa kanyang buhok.
“Nanay Tina, di dapat ‘yan ang pantali ko sa sa buhok. Kapag blue ang suot ko, ‘yun din ang dapat,” sabay turo sa asul na ribbon sa cabinet niya.
“Ay, oo. Mali talaga ako. Terno dapat,” sabi Nanay Tina sabay ngiti kay Carmel.
Kung napapansin ni Carmel ang mga gamit na hindi nagtutugma-tugma ang kulay at disenyo sa bahay at sa suot sa kanya, mas higit niyang napapansin kung hindi terno-terno ang suot ng Daddy niya.
“Nanay Tina, bakit brown ‘yung sapatos na hinahanda mo para kay Daddy? Blue ang pantalon niya at pang-itaas. Dapat ay …..”
“Alam ko na, dapat ay terno. Sige, papalitan ko. ‘Yung asul na ang ihahanda ko,” hindi na hinayaan ng kanyang Nanay Tina na tapusin niya ang sasabihin.
Magalang naman ang pagpuna ni Carmel sa kanyang Nanay Tina ng mga gamit na hindi terno. Namana niya sa kanyang Mommy na dapat terno-terno ang mga bagay sa bahay. Napakagandang pagmasdan ng bahay nila kapag pare-pareho ng kulay at disenyo ang mga kutsara, tinidor, plato, kurtina, throwpillow covers, handtowels, potholders, tuwalya sa banyo at iba-iba pa. Turo rin sa kanya ng Mommy niya na maging magalang. Kaya naman hindi nagagalit ang kanyang Nanay Tina sa kanya kapag sinasabi niya ang mga bagay na hindi terno.
Isang gabi, may kasamang babae ang Daddy niya pag-uwi nito.
“Carmel, siya si Tita Karla. Dito siya titira sa atin,” sabi ng kanyang Daddy.
Hindi maintindihan ni Carmel kung bakit may ibang babae na titira sa kanila. Paano na ang Mommy niya?
“Bukas, dadalaw tayo sa Mommy mo. Ipapakilala ko si Tita Karla sa kanya,” sabi ng Daddy niya na parang nababasa ang kanyang iniisip.
“Nanay Tina, salamat terno na ang kurtina at throw pillow covers,” sabi niya.
“Si Tita Karla mo ang pumili niyan,” sagot ng kanyang Nanay Tina.
Napapansin ni Carmel na tinutulungan ng kanyang Tita Karla sa pag-aayos ng bahay ang Nanay Tina niya. Ito na rin ang naglalagay ng kutsara at tinidor sa kanyang plato. Terno ang inilalagay. Dinadagdagan pa nito ng ternong baso.
Namana ni Carmel sa kanyang Mommy na dapat terno-terno ang mga bagay sa bahay.

Ang damit ng kanyang Daddy, maayos din. Terno palagi ang sapatos nito sa pantalon at pang-itaas.
May dagdag na ngiti pa ngayon na suot ang Daddy niya.
Minsan, nahuli ni Carmel na tinitingnan ng kanyang Tita Karla ang larawan ng Mommy niya na nakapatong sa kanilang piano. Nakaasul na damit ang Mommy niya at nakangiting hawak ang tiyan. Siya ang laman ng tiyan ng Mommy niya. Nakalagay ito sa kulay asul na picture frame dahil paborito ng Mommy niya ang kulay na ito. Pinunasan nang marahan ng kanyang Tita Karla ang larawan pagkatapos ay tumungo na ito sa kuwarto nila ng kanyang Daddy na dala-dala ang larawan.
Gustong habulin ni Carmel ang kanyang Tita Karla at tanungin kung bakit nito tinanggal ang larawan ng kanyang Mommy sa kinalalagyan nito.
“Tita …,” hindi nakapagsalita si Carmel. Wala nang iba pang salitang lumabas sa kanyang bibig. Nanatili lang siya sa kanyang kinaroroonan. Malungkot na naupo sa silya.
Hinihintay niya ang paglabas ng kanyang Tita Karla mula sa kuwarto niya.
Inabot na ng gabi ay hindi pa rin lumalabas ang kanyang Tita Karla. Balisa na si Carmel at iniisip kung paano niya sasabihin sa Daddy niya ang ginawa ng kanyang Tita Karla.
Dumating ang Daddy ni Carmel. Sinalubong ni Carmel ng halik at pagkatapos ay inabot niya ang tsinelas. Hinintay ni Carmel na maupo ang Daddy niya bago niya sinimulang ikuwento ang ginawang pagtatago ng kanyang Tita Karla sa larawan ng mommy niya.
“Daddy, kanina ay nakita ko si Tita Karla na dala-dala ang picture ni Mommy na nakapatong diyan sa piano,” sabay turo ni Carmel sa piano.
Hindi niya alam na lumabas na ng kuwarto ang kanyang Tita Karla at marahang ibinalik nito ang larawan ng Mommy niya na ngayon ay nakalagay sa bagong picture frame.
“Carmel, pinalitan ko ng frame ang larawan ng Mommy mo kasi may lamat na ang salamin. Nabagsak daw ni Nanay Tina noong isang araw,” nakangiting sabi ng kanyang Tita Karla.
Lumapit si Carmel sa piano at tiningnan niya ang larawan na nasa mas malaking picture frame na kulay asul.
“Alam ko paborito ni Mommy mo ang asul,” sabi ni Tita Karla kay Carmel na may kasamang kindat.
Terno na rin ang puso ni Carmel at ng Tita Karla niya.









