Ni Mellodine A. Antonio
“MAKE my eulogy simple.”
Napabalikwas ng bangon si Amiel.
Kunot ang ilong na kinusot-kusot ang mga mata.
Duda kung tama ang pagkakabasa.
“Seryoso ‘ko.”
Kasunod na mensahe nito.
Lumipad na nang tuluyan ang natitira pang antok ng dalaga.
Kaaga-agang drama naman nito, sabi ng isip niya. Pero di niya maitatwa ang takot na biglang yumakap sa kaniya.
“’Kala ko pa-better ka na.”
Nagtimpla siya ng kape.
Pampagising ng kaluluwang binulabog ng isang kaluluwang tuliro – aburido.
Mabilis ang tugon ng kausap niya. “Malabo pa. Malabo na.”
“’Kala ko ba, laban lang,” dagdag niya. Dinagdagan niya ang kape. Kailangan niya ng tapang – kahit na hiramin muna niya mula sa kapeng kinakanaw.
“Pagod na ‘kong lumaban. Nauubos na ‘ko.”
Sumalampak siya ng upo.
Tumungga ng kapeng pumaso sa ngalangala niya’t dila.
Imbes na ibaba ang tasa dahil sa pagkapaso, tumungga ulit siya. Kailangan niyang maramdamang gising ang dugo niya mula ulo hanggang paa.
Diniinan niya ang sentidong unti-unting ginagapangan ng kirot.
Naglamay siya ng mga report na isa-submit sa Lunes. Linggong-linggo, ang hirit ng kausap niya, pang-Biyernes Santo.
“Hindi ko alam kung ano ang kulang. Ginawa ko naman lahat ng makakaya ko. Iyong mga alam kong gusto niya – makakapagpasaya sa kaniya. Pero ganito pa rin, e. Sa wala pa rin nauwi.”
Nagtirik siya ng mata.
Nakukulili na ang tenga niya.
Parang sirang plaka.
Parang piniratang CD sa Quiapo’t Divisoria.
“Sabagay, kasalanan ko. Huli na no’ng gawin ko’ng mga gusto niya. Kaya sabi niya, gagawin ko rin naman pala bakit kung kelan huli na.”
Paulit-ulit na iyon.
“Ganito na lang ba ‘ko…?” May pag-aalinlangang tanong nito. “Ganito na nga lang siguro ‘ko.” May katiyakang bitaw nito.
Ilang araw na ganoon at ganon ang usapan nilang dalawa.
“Natatakot na ‘ko. Nauuwi ang lahat sa ganito.”
Iyon at iyon din.
“Iyong una. Tapos, iyong pangalawa. Pangatlo na ‘to, e.”
Gusto na ni Amiel na asarin ang kausap. Sabihing: This is a recording!
Nagpigil ang dalaga.
Wala sa timing. Baka mapikon. Baka kung ano ang gawin.
ANG problema, ayon kay Dan: “Sarili!” mariing bitaw. “Iyon at iyon naman kasi ang reklamo nila sa ‘kin, e.” Mga nakarelasyon ang tinutukoy nito.
Kumunot ang noo ni Amiel nang mapansing tuwing magkakaharap sila, may hawak itong baso. Ang laman – kung hindi si Pareng Empy, si Pareng Dador.
Napailing-iling ang dalaga.
“Natatakot ako. Baka sa susunod, di na totoo ‘yong nararamdaman ko. Paano kung parang rebound na lang?”
Nanlaki ang mga mata ng dalaga at napabulalas siya ng tawa.
“Nakakainsulto ka!” Hindi itinago ni Dan ang yamot sa ginawa ng dalaga.
“Nakakatawa ka kasi!” Hindi siya humingi ng paumanhin. Hindi rin hininaan ang tawa.
“Ano’ng nakakatawa sa mga sinabi ko?” asar pa ring hirit nito sa kaibigang pulang-pula ang mga pisngi na pinagtatawanan siya.
Parang hindi kaibigan, a. Alam naman na may mabigat siyang pinagdaraanan, kung makatawa para bang biro lang ang sakit na dala-dala niya.
“Ikaw!” Nanunulis ang nguso ng dalaga. “Ikaw ang nakakatawa!” tapat na tugon ni Amiel sa kaibigan.
Bumadha ang pagkapahiya sa mukha ng lalaki.
“Ano ka, teenager? Rebound…? Hello! Naririnig mo ba’ng sarili mong sinasabi? Hoy! Ang tanda mo na ‘no!”
Rebound…!
Sira ulo ba ‘to?
Rebound!
Tse!
“Ang lakas mong mambasag!” Mabilis nitong tinungga ang laman ng baso. Pagkababang-pagkababa, tinagayan ulit ang sarili.
Umayos sa pagkakaupo si Amiel.
Kinuha ang pagkakataon para titigan ang kaibigan.
Bagong ahit pero mukhang aburido.
Nakaipit sa likod ang isang bahagi ng kuwelyo. Parang na-Tulome – iyon bang naiputan sa ulo – Nalalaki!
Akala niya noon, babae lang ang nalolosyang. Pati pala lalaki.
“Bakit tinatagay mo pa, sasairin mo rin namang lahat?” Itinulak niya nang marahan ang bote ng alak sa harap ng kaibigan. “Pinahihirapan mo pa’ng sarili mo, e.”
Hindi niya pinansin ang pagngalit ng mga bagang nito. Manipestasyong naiinis na ito sa kaniya.
Sanay na siya rito.
Kabisado na niya ang kilos nito.
“Ginagabi-gabi mo ‘ata’ng pag-inom,” puna niya sa nakikita niyang bagong bisyo ng kaibigan.
“Ngayon lang. May pinagdadaanan lang,” pangangatwiran nito.
“Bakit di mo araw-arawin maliban sa gabi-gabi? Mas mabilis ang pagsira ng atay mo kapag araw-araw at gabi-gabi. Siguro ilang buwan lang, dilaw na pati kuko mo bukod sa mata.”
Nagtapon ito ng masamang tingin sa kaniya.
“Alam na alam mo naman ang pinagdadaanan ko, e.”
Gigil niyang tinapatan ang boses nito. “Hoy! Hindi ka dumadaan lang!” Hindi siya nagpatinag sa himig nitong handang makipag-away. “Tumatambay ka na riyan!”
Nagbaba ng tingin ang lalaki.
Hinawakan ang baso.
Nilaro-laro.
Dumukwang ang dalaga.
Kinuha ang bote.
Tinanggal ang takip na magaan ang pagkakasara.
Inilapit sa mukha ng kaibigan.
“Huwag ka’ng mahiya sa ‘kin. Tunggain mo na!” Ipinagduldulan niya ang alak rito. “Masakit ang pinagdadaanan mo, e. Dapat intindihin ka ng lahat ng tao sa paligid mo, e. Pamanhirin mo’ng utak mo sa alak. Sirain mo’ng lahat ng laman-loob mo! Lasunin mo’ng dugo mo!” sarkastikang bitaw.
Marahas nito iyong tinabig.
“Huwag mo naman akong ganyanin!” saway nito sa kaniya.
Nakadama ng hiya sa sarili ang lalaki.
“So, ano’ng gusto mo, beybihin kita? Aluin?”
Matigas ang sagot nito. “Oo! Pero kung di mo naman kayang gawin ‘yon sa akin, at least, intindihan mo ‘ko! Huwag mo namang insultuhin ang pagkalalaki ko! Huwag mo naman akong tratuhing parang bata na ang ipinagkakaganito dahil lang sa laruang nawala!” Inihilamos nito ang dalawang palad sa aburidong mukha. “Amiel naman!”
“Dan naman!” gagad ng dalaga. “Dan naman!”
Naglaban sila ng titigan.
Walang gustong magbaba ng tingin.
Namumula ang mga mata ng lalaki sanhi ng iniinom na alak at pinipigilang pag-iyak.
Naniningkit ang mga mata ng dalaga.
Nagpupuyos ang kalooban.
Naiinis.
Nagngingitngit sa kaibigan.
Nagagalit sa ginagawa nitong pagsira sa sarili.
“Help me!” paos ang boses nito. Naroon ang pagsuko sa pinagdaraanan. “Please… Help me, please…” pagsusumamo nito sa kaniya.
Tumungo si Amiel.
“Dan, four years.” Di niya mapigil ang maging emosyonal. “Four years na tayong magkaibigan. Sa loob ng panahong ‘yon, hindi kita nakitang ganiyan. Ngayon lang.”
Hindi niya itinago ang nararamdamang pagkadismaya sa ginagawa nito sa sarili. Malakas ito. Matatag ang pagkakilala niya. Rationale being ang kilala niyang Dan. Hindi iyong ganito. Hindi tulad nitong kaharap niya.
“Why are you doing that to yourself? You’re more than that! You’re bigger than what you’re facing! You’re…” Natutop niya ang noo. “Shit!”
“Sorry!” Naramdaman niya ang pagtayo’t paglapit nito sa kaniya. “Sorry!” Hawak nito ang magkabilang braso niya. “Sorry,” ulit nito. “Sorry, mahina ako. Sorry, hindi ko kayang ayusin ngayon ang buhay ko. Sorry, I’m a mess! I’m a big mess!” Kasabay ng pagkabasag ng boses ang pagpatak ng mga luha nito.
“ANG hina ko ‘no?” bulalas nito.
Nanghihinayang siya na ang pinakamahalaga para sa isang tao ay parang di yata niya naibahagi rito bilang kaibigan. Iyong pagpapahalaga at pagmamahal sa sarili. At sa pagiging lalaki — paninindigan sa pagkalalaking taglay

Umiling si Amiel. “Ano ba ang higit pa sa mahina?” mariin ang bitaw ng mga salita niya. “Ang mahina kasi puwede pang palakasin kung gugustuhin. Magtiyaga lang. Maging determinado lang.” Naniningkit ang mga mata niya sa pinipigilang damdamin. “Iyong higit pa roon –” Nasa mga mata nito ang paghihintay sa sasabihin niya. “Wala nang pag-asa!”
Rumehistro ang pagkapahiya sa mukha nito.
Kitang-kita ng dalagang nasaktan ang lalaki.
Nakitang nabasag niya ito.
Hindi nagpatinag si Amiel.
Tapos na ang panunuyo.
Ayaw na niya itong aluin.
Pagod na siya sa pagsalo.
Pagal na sa pagtatakip.
Moment of truth.
Now or never.
“Gano’n ba ang tingin mo sa akin?”
Umiling ang dalaga. “Hindi!”
“E, bakit gano’n?”
“Gano’n mo ipinakikilala at ipinakikita ang sarili mo. Hindi lang sa akin – sa lahat.”
Tumango-tango ito.
“Kaya ba nila ‘ko iniwan?”
“Hindi ko alam. Kayo lang ang nakaaalam kung ano ang totoo sa pagitan n’yo.”
Napapailing siya. Nanghihinayang na ang pinakamahalaga para sa isang tao parang di yata niya naibahagi rito bilang kaibigan. Iyong pagpapahalaga at pagmamahal sa sarili. At sa pagiging lalaki — paninindigan sa pagkalalaking taglay. Kunsabagay, magkaibang tao sila na may magkaibang paniniwala at prinsipyo. May hangganan ang kaya niyang ibigay at gustong tanggapin nito.
“I-assess mo rin ang mga nangyayari sa iyo para malaman mo kung paano ayusin ang sarili mo.”
“Pa’no ko ba aayusin ang sarili ko?” pagod na pagod na tanong nito. Halos sabunutan ang magulong buhok.
Umiling si Amiel. “Ewan ko. Itanong mo sa sarili mo habang nakatingin ka sa salamin.”
Ibinagsak nito ang sarili sa malambot na sofa.
“I am a man of nothing,” mababaa ng boses na bitaw.
“Nobody can have everything,” mabilis niyang sagot. “Iyong gaan at bigat, a matter of perspective. Hindi naman gagaan o mareresolba ang problema kapag nagmukmok at nagpakasira ka. Hindi rin naman babalik ang umalis kapag nakita o nalamang wasak na ang iniwan niya,” makahulugan niyang sabi. “Pero puwedeng bumuo mula sa guho. May malilikha kahit doon sa inaakala nating sirang-sira na.”
Umiling-iling ito. “Wala na siguro ‘kong pag-asa,” sumusukong sabi.
“Ang daming taong wala na meron ka pero humahawak sa pag-asa. Tapos, ikaw, magkakaganiyan ka! Gumising ka nga sa katotohanan!”
“Gising naman ako. Gising na gising. Kaya damang-dama ko lahat ng sakit. Kaya nga alam kong wala na ko’ng pag-asa kasi gising ako. Nakikita ko. Nararamdaman ko,” mabilis at matapang na salag nito.
“AMIEL…”
Napapitlag pa siya sa mahinang tapik ng mommy ni Dan sa kaliwang balikat niya. Naalimpungatan siya mula sa malalim na pag-iisip.
Nahihiya at nakauunawa siyang tumango.
Nag-angat siya ng mata.
Hinanap ang mga pamilyar na mukha.
Iyong mga kaibigan at kakilala nila ni Dan.
“Sabi ni Dan, make his eulogy simple,” simula niya. Nagpakawala siya ng malalim na hangin mula sa baga. “But how can I make it simple when he himself is a very complicated person?”
Umugong ang mahinang tawanan.
Naroon ang pagsang-ayon sa kaniyang binitiwan sa disenteng hagikhikan.
Binasag niyon saglit ang kanilang kalungkutan.
Nilingon niya ang kaibigan.
Payapang nakahiga sa higaang hindi ito ang pumili at marahil, di inakalang ganoon kagara ang paghihigaan sa kaniya.
“Marami kaming pinagsamahan. Maraming pinagsaluhan pero isang bagay ang di ko naibigay sa kaniya…” Kinagat niya ang pang-ibabang labi para pigilin ang pagpatak ng mga luha. “I-iyong pag-unawang gusto niya… P-pag-intinding higit sa kaya kong ibigay sa kaniya.”
Ang dami niyang gustong idagdag.
Gusto niyang magpaliwanag.
Gustong-gusto niyang sabihin ang lahat ng laman ng dibdib para maibsan ang bigat pero ayaw niyang mabihadhad ang pinagdaanan ng kaibigan.
“It was a roller coaster ride. At tulad ng kahit na anong ride, titigil at titigil ito. Hihinto. Kailangang bumaba ng mga nakasakay.”
Isang marahas na pagpahid sa pisnging pinatakan ng mainit na luha ang kaniyang ginawa.
Pigil ang panginginig ng mga labi at baba maging ang pagtatagis ng mga ngipin upang mapagtakpan ang sakit na umaalipin sa buo niyang pagkatao simula ng sandaling malaman niya ang ginawa – sinapit – desisyon nito.
“Tapos na ang roller coaster ride, Dan.” Nakatingin siya sa nakahigang kaibigan. “Sana naging makabuluhan sa ‘yo ‘yong bawat minutong magkasama tayo at mga taong mahal mo. Sana masaya ka sa desisyon mong pahintuin ang pagkatakbo nito sa panahong ikaw ang nagtakda dahil pagod ka na at hilo.”
Bumigay siya.
Pumiyok.
Sumigok.
Umalog ang mga balikat niya.
“Hindi simple, Dan. Hindi simple ang pangyayaring ito,” halos bulong iyon. “Pero iintindihin ko. Iintindihin namin kahit ang hirap – sobrang sakit!”
Nilapitan niya ito.
Dinukwang.
Hinaplos ang salaming nakaharang sa kanilang pagitan.
Aminado siyang naroon ang guilt dahil hindi niya napansin ang huling text nito dahil abala siya sa tambak na trabaho.
“Sana buhay pa ‘ko bukas. I’ll message you.”
Dumating ang bukas pero hindi na ang mensahe nito.
“Tumawag siya sa ‘min,” kuwento ng mommy nito nang dumating siya. “Hirap na hirap magsalita. Di raw siya makahinga. Pinuntahan namin agad kasama ng ambulansiya pero…”
“Salamat sa masasaya… kahit doon sa malulungkot at masasakit na alaala…” Pumiyok siya.
“Ilang araw na siyang nagpipigil manigariIyo’t uminom. Natutuwa nga kami sa bahay. Nabuhayan kami ng pag-asa na okey na siya,” dagdag ng ina nito. “Hindi namin sukat akalaing hahantong sa ganito ang kagustuhan niyang makabangon ulit. Alam kong pagod na siya sa maraming gulo pero nararamdaman naming gusto niyang makabawi. Gusto niyang ayusin ulit ang buhay niya gaya ng madalas mo raw ipayo sa kaniya.”
Napatango-tango siya nang maalala ang sinabi nito noon sa kaniya: “Pagod na ‘kong lumaban. Nauubos na ‘ko.”
“Baka nga kailangan mo na rin ng pahinga.” Gusto niyang hanapin ang mabuti sa mga pangit na pangyayari. “Pahingang di mo rito nasumpungan. Pahingang ipinagdamot sa ‘yo ng marami mong karanasan.”
Muli niyang tinitigan ang payapa nitong mukha sa pagkakahimlay.
Matagal niyang di nakita ang kapanatagang iyon sa mukha ng kaibigan.
Baka nga kailangan na ni Dan ng pahinga. Baka nga dahil sa sobrang bigat, ito na ang kagaanang hinahangad niya.
Di niya napigil ang pag-uunahan ng masaganang luha mula sa kaniyang namamaga nang mga mata.
Sana…
Nakagat niya ang pang-ibabang labi.
Dama niya ang sakit – labis na sakit – kung sa pagkakagat na iyon na sanhi ng pagdurugo nito – o sakit na galing sa pinakaubod ng kaniyang pagkatao, di niya tiyak.
Sana… Sana… masumpungan na nito ang kapahingahang hangad at matagal na ipinagkait sa kaluluwa nitong pagal na.









