Isang Tagpo sa Betanya

Ang daang iyon ay humangga sa paanan ng isang mababang burol.

Ni Martin Santiago

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Abril 13, 1953)

AT ang kabantugan ng Gurong taga-Nazaret ay nakarating at lumaganap hanggang sa Betanya…

Katulad ng kanyang ginagawa, saanmang bayan pumasok, ay ikinakalat ang magandang balita at nagpapagaling ng mga maysakit, napalalakad ang mga pilay at lumpo, napalilinis ang mga may ketong, napadidilat ang mga bulag. Pinag-uuspan siya sa lahat ng dako­­-­­–ng mga magsasaka sa mga ubasan at bukirin ng mga trigo, ng mga mangangalakal sa mga pamilihan, at ng mga maharlika sa kanilang mga umpukan, pigingan at pagsasaya.

Ang mga balita tungkol sa Gurong taga-Nazaret ay nakasapit din sa pandinig ni Maria Magdalena, ang tinatawag na “Makasalanang bulaklak” ng Betanya. Sa simula’y hindi niya pinag-ukulan iyon ng halaga, Nguni’t nang mainit na katanghalian nang araw na yaon, sa pagkakatayo niyang sumasagap ng hangin sa lilim ng gumagapang na mga baging ng ubas sa isang panig ng kanyang marangyang asotea, ay napagmamasdan niya sa lansangan ang parang agos ng mga taong nagsisipaglakad. Batid niyang ang mga taong iyon ay patungo sa kinaroroonan ng sinasabing Gurong taga-Nazaret.

Hindi napaglabanan ni Magdalena ang mapataka. Nasaksihan niyang sa Betanya ay marami nang dumalaw na mga tanyag na tao, mga prinsiping tagapagmana ng kaharian, mga mangangalakal na kilala sa kayamanan, mga pantas at magong bansag sa karunungan, nguni’t ang mga mamamayan ng Betanya ay hindi naligalig na katulad ng pagkaligalig sa Gurong ito. Hinuhugasan ng mga tao saanman magtungo. Ang mga aral Niya’y pinagtatalunan sa lahat ng umpukan.

Langitngit ng sandalyas ng mga paang pumapanhik sa mababang hagdan ng asotea ang nakapukaw kay Magdalena. Marahan siyang pumihit upang tingnan kung sino ang dumarating. Natambad sa kanyang paningin ang kapatid na si Lazaro. Pawisan at marumi ang tunika. Mula nang pumasok sa Betanya ang Guro ay noon lamang umuwi ng bahay si Lazaro.

———-

“Ang Gurong taga-Nazaret na iya’y isa ring lalaki, Lazaro…” wika ni Maria Magdalena na lumakad-lakad sa harap ni Lazaro na ang hawak na kumpol ng ubas ay inihagud-hagod sa kanyang namumurok na pisngi.

“Pati ba ikaw ay naliligalig sa Gurong iyan?” tanong niya kay Lazaro.

Kumilos siya sa pagkakatayo at lumakad na taglay ang buong kaalindugan ng kanyang sarili. Ang mahaba at maitim niyang buhok at marahang pinapagaspas ng hangin. Tinungo niya ang mahabang mesang marmol sa isang panig ng asotea at dumampot siya ng isang maliit na kumpol ng ubas sa bandehang pilak na kinalalagyan ng mga sariwang prutas.

“Kahanga-hanga ang kanyang turo, Magdalena …” narinig niyang sagot ni Lazaro. “Ang kautusan ni Moises at mga Propeta ay binuo niya sa isang utos: ‘Ibigin ang Diyos ng una at higit sa lahat at ang kapwa-tao na katulad ng sarili.’

Napakibit-balikat si Maria Magdalena na sinabing iyon ang kapatid. Napansin sa kanya ni Lazaro ang isang malamig na pagwawalang-bahala. Alam ni Maria Magdalena na ang mga tao lamang ang gumagawa ng mga utos, mga bagong utos na idinaragdag sa isang libo’t isang utos na makapagpapabigat sa malayang pamumuhay ng mga tao. Wala siyang pakialam sa anumang utos. Wala siyang utos na sinusunod kundi ang utos ng kanyang sarili—- Mabuhay nang malaya at samantalahin ang lahat ng magandang bagay na maipagkakaloob sa kanya ng buhay.

Isang mahiwagang ngiti ang sumungaw pagkatapos sa mga labi ni Maria Magdalena. May naglagos na kislap sa kanyang maiiitim na mga mata na kung itinititig ay may kapangyarihang nag-uutos sa kahinaan ng isang pusong-lalaki upang sumamba at mangayupapa sa kanya. Sa anyong iyon ng kapatid ay parang may nabasa si Lazaro na binabalak ng puso ni Maria Magdalena.

“Maria Magdalena…” nagugulumihanang wika ni Lazaro, “mayroon kang iniisip laban sa Guro?”

Matunog na halakhak ang itinugon ni Maria Magdalena. Nakagimbal sa pandinig ni Lazaro ang halakhak na iyon.

“Sinasabi mong iniaaral niyang ibigin ang Diyos nang una at higit sa lahat…” turing pa ni Magdalena na lumakad-lakad sa harap ni Lazaro na ang hawak na kumpol ng ubas ay inihagud-hagod sa kanyang namumurok na pisngi. “Hindi niya maiibig ang kanyang Diyos nang higit sa akin kapag ako’y kanyang nakita, Lazaro!”

“Huwag ka sanang baliw, Magdalena!”

Muling tumawa si Maria Magdalena. Mahaba at matunog ang kanyang tawa.

“Siya’y lalaki lamang… lalaki lamang… hindi siya mapapaiba sa ibang mga lalaki….”

Ang daang iyon ay humangga sa paanan ng isang mababang burol.

———-

MAINIT pa ang araw nang hapong yaon. Kasama si Maria Magdalena ng langkay-langkay na mga taong nananalunton sa isang baku-bakong daan na patungo sa labas ng kabayanan ng Betanya. Hindi niya alam kung saan hahangga ang daang iyon, ang tanging alam niya ay “kung saan patungo ang karamihan ay doon matatagpuan ang gurong taga-Nazaret.” Nakatalukbong siya ng lambong na sutla, at iyon ang ipinananakip sa kanyang mukha upang di siya makilala ng mga tao. Nguni’t napag-uukulan din siya ng pansin dahil sa halimuyak ng ungguwento na nagsisilbing pabango sa kanyang dinaraanan.

Ang daang iyon ay humangga sa paanan ng isang mababang burol. Nagkakatipon doon ang iba’t ibang uri ng tao. Mga magsasaka, mangangalakal, ang mga kabilang sa mahaharlikang angkan ng Betanya; ang mga maysakit, mga lumpong nasa kanilang higaan, mga pilay at mga bulag na inaakay, at mga may ketong na iniilagan ng karamihan. Ang mga taong iyon ay umpuk-umpok sa lalim ng mga puno ng higos at palma, at nagsisipagkanlong sa matinding init pa ng araw nang hapong yaon.

“Saan ko ba matatagpuan ang gurong taga-Nazaret?” tanong ni Maria Magdalena sa isang nakasalubong habang ang lambong niya’y maingat na naitatakip sa mukha upang huwag siyang makilala.

“Pumanhik siya sa burol upang mapag-isa. Ugali niya ang mag-ukol na ng mga sandali ng pananahimik sa sarili bago humarap sa karamihan. Mayamaya’y mananaog siya…” sagot ng pinagtanungan.

Saglit na tinanaw ni Maria Magdelana ang burol. Hindi mahirap na salungahin ang landas na papanhik. Ikinubli ng lambong ang ngiting gumuhit sa kanyang mga labi. Isang mainam na pagkakataon iyon, naisaloob ni Maria Magdalena. Papanhikin niya ang burol. Makakatagpo niya ang sarilinan ang gurong taga-Nazaret.

Ang kanyang maseselang mga paang sanay na magsuot ng sandalyas na may kalupkop na ginto, ay hindi nangiming pumanhik sa landas na bakil-bakil. Nalilibang ang kanyang isip. Nasisiyahan ang kanyang loob sa isang inaasam na tagumpay. Hindi masasayang ang kanyang pagpapagod. Ang kabantugan ng Gurong  taga-Nazaret ay makakasangkapan niya sa lalong ikababantong ng kanyang sarili. “Pati ang Guro ay napaibig niya, napangayupapa sa kanyang paanan… talagang si Maria Magdalena ay isa ring Diyos sa kagandahan” ang para niyang naririnig na magiging bulung-bulungan sa Betanya.

At matibay ang pananalig niya sa sarili na ang gurong taga-Nazaret ay mapaiibig ng kanyang kagandahan nang walang pasubali. Lalaki ito, naisaloob pa niya, at kilala niya ang kalikasang-lalaki. Walang lalaki na nakilala niya na di nagnasa sa kanyang ganda. Sa mga iyon, siya man ay isa ring bathalang pinangayupapaan, sinamba, at sa paanan niya’y inihandog ang kayamanan, kabantugan at pati buhay, mapag-ukulan lamang ng kanyang pagkalugod at pagtingin. Sinungaling na sa harap ng kanyang kagandahan ay may mapag-ukulan pa ng higit sa pag-ibig ang isang lalaki, kahit iyon ay pag-ibig sa isang Diyos.

Sumapit siya sa ibabaw ng burol. May ilang lalaki na natagpuan niyang nangakaupo sa ilalim ng mga punungkahoy. Marurumi ang mga tunika. Inakala niyang wala roon ang hinahanap, pagka’t ang nasa isip niyang larawan ng Gurong taga-Nazaret ay may tindig ng isang prinsipe o kaya’y kisig ng isang mayamang mangangalakal. Nilampasan niya ang mga iyon at hindi siya nagtanong.

Nagpatuloy siya sa paglalakad. Mula sa kakapalan ng mga punong palma sa isang panig ng burol, ay isang lalaki ang nakita niyang lumabas. Naisaloob niyang baka sa pinanggalingan ng lalaking iyon naroroon ang Gurong taga Nazaret. Sinalubong niya ito.

“Hinahanap ko ang Gurong taga-Nazaret, hindi mo ba siya nakikita?” itinanong ni Maria Magdalena, at pinag-igi niya ang pagtakip ng lambong sa kanyang mukha na walang ipinakikita kundi ang kanyang mga mata sa pag-iingat na huwag siyang makilala, pagka’t sa buong Betanya ay kilala ng lahat ang kanyang kagandahan.

“Ikaw man ba’y humahanap din sa kanya, Maria Magdalena,” isinagot ng lalaki sa kanyang pagtatanong.

“Nakilala mo kung sino ako?” pataka niyang sagot.

Nahagod ng kanyang tingin ang kabuuan ng lalaki. Hindi niya kilala ang kanyang kaharap. Malinis ang tunika. Aliwalas ang mukha at ang mga mata’y matapat na nakatitig sa kanyang mga mata.

“Ibig mo ring makarinig sa kanya ng magagandang balita?” wika ng lalaki.

Napilit ni Maria Magdalena ang isang tawang nagwawalang bahala.

“Napakinggan ko na ang usap-usapan tungkol sa kanyang mga aral, nguni’t hindi ako naniniwala…” sagot niya.

“Bakit mo siya hinahanap?”

“Marami kang itinatanong. Kung alam mo kung saan ko siya matatagpuan ay ituro mo sa akin…”

“Matatagpuan mo siya kung ang hinahanap mo ay ang mga salita ng buhay.”

“Sinabi ko na sa iyong di ako naniniwala sa kanyang iniaaral…” may pagkayamot na sagot ni Maria Magdalena. “Naparito ako upang sabihin sa kanyang siya ang unang di makagagawa sa kanyang iniuutos. Sa harap ng aking kagandahan ay hindi niya maiisip nang higit sa akin…”

Parang hindi natinag ang lalaki sa kanyang sinabi. Nanatiling matapat ang pagkatitig sa kanyang mga mata.

“Hindi ka naniniwala…” pabulalas na wika ni Maria Magdalena. “Hindi ka naniniwalang mapaiibig ko siya sa aking kagandahan. Nakita mo na ba ako… ang ganda ni Maria Magdalena? Ayaw kang maniwala? Pagmasdan mo ako … pagmasdan mong mabuti…” at inalis ni Maria Magdalena ang kanyang talukbong na siya ring ipinanakip sa kanyang mukha.

Humantad sa paningin ng kanyang kaharap ang buong kaalindugan ng kanyang mukha. Nilaro ng simoy ang kanyang mahaba at maitim na buhok. Nguni’t isang mapait na pagkasiphayo ang naramdaman agad ni Magdalenang parang dumakot sa kanyang puso. Nakatitig sa kanya ang lalaki. Pinagmamasdan siya. Nguni’t wala siyang nakikitang bahagya mang pagnanasa, na katulad ng nakita niyang naglalagablab na pagnanasa mata ng mga lalaking tumititig sa kanyang ganda. Nabaghan siya.

“Hindi ka bigo sa iyong hangad, Magdalena…” narinig niyang wika ng lalaki. “Maganda ka nga at iniibig ka niya. Nguni’t hindi ang kagandahan mong iyan ang kanyang iniibig kung ikaw… ang kagandahan ng buhay na nasa iyo.”

Nagpatuloy na sa paglakad ang lalaki. Naiwan si Magdalena na gahis at natitigilan. Sinong lalaki iyon na hindi man lamang natinag sa kanyang kagandahan? Napagulantang si Maria Magdalena sa pagkaramdam ng isang kamay na humawak sa isang bisig niya. Nakita niya si Lazaro.

“Lazaro, sino… sino ang lalaking iyon?”

“Siya… ang Gurong taga-Nazaret, Magdalena.”

Napakapit nang mahigpit si Maria Magdalena sa kamay ni Lazaro. Napapikit siya nang mariin sa kagulumihanan ng kanyang sarili. Nguni’t sa balintataw niya’y parang naiwang nakalimbag ang matatapat ba mga matang wari’y humahanap ng higit na kagandahan sa kanyang kaluluwa kaysa kaalindugan ng isang panlabas na anyo.