MANG KINTING KALANSAY

Ang mga tao’y napatakbo sa gilid ng estero. Nakita nila si Mang Kinting Kalansay na nagpapala sa gilid ng estero.

Ni Andres Cristobal Cruz

(Unang nalathala: LIWAYWAY, Agosto 4, 1958)

UMULAN-umaraw, laki man o kati, ang estero sa aming looban sa Tundo ay inaagusan ng maburak na tubig. Nilulutangan man ito o hindi ng mga nalunod na hayop, mga nabubulok na waterlily, o ng mga nakabalot sa papel na patalilis na itinatapon, may ipinatatangay itong alingasaw sa hanging sumusuba’t pailanlang na nawawala sa makikipot na puwang sa pagitan ng mga bahay sa magkabilang sementadong gilid ng estero.

Kung mahina ang sikmura mo, o kaya’y matalas ang iyong pang-amoy, walang pipigil sa iyo kung takpan mo man ang iyong ilong. Kaya nga lamang ay may magdaramdam sa iyo. Iba na ang usapan kung tagaroon ka. Lalo na kung sipunin ka, sa hinaba-haba ng panahon ay walang salang masasanay ka na rin sa amoy at tanawin ng estero. Isa lamang sa aming Looban ang hindi nasanay dito.

Ito’y si Mang Kinting Kalansay na kapatid na matandang binata ni Aling Chayong na labandera.

“Kinting Kalansay” ang ibinansag ko sa kanya sapagka’t siya’y payat, labas ang parilya, ‘ika nga. Malalalim ang kanyang mga mata na lalong nagpalitaw sa mga buto ng kanyang pisnging hindi kaaaninagan ng bahid man lamang ng kalusugan. Datapwa’t kung sino yata ang payat ay siya pang matibay. Kung di ba naman, matagal na sana naming napagkapihan si Mang Kinting Kalansay. Sa malalanghap lamang niya sa estero, sana’y matagal na siyang matigas pa sa kulig.

Bagong lipat pa lamang sila sa isang kuwarto sa entresuwelo ng aming bahay na nasa tabi ng estero ay napansin ko na ang pagka-delikado ni Mang Kintin. Katapat ng munti kong silid ang kuwarto nilang mag-anak. Bagama’t may pamangking nagdadalaga si Mang Kintin, hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit madalas kong idikit ang aking tainga sa sahig na hinihigan ko at kung bakit nang malaunan ay nakagawa ako ng isang butas. Ang butas na iyon ay kasamang natakpan nang dikitan Mang Kintin ng Manila paper ang dinGding at itaas nga entresuwelo.

Hindi nakawawala sa matalas kong sa matalas kong pandinig ang mga reklamo ni Mang Kinting Kalansay sa kanyang kapatid na si Aling Chayong pag dumarating ito upang mananghali, galing sa laundry sa labasan sa Juan Luna.

            Ayaw ni Mang Kintin sa entresuwelo. Malapit sa estero at nakawawalang-gana. Humanap na raw sila ng ibang lugar na malapit sa Torres High School na pinag-iiskuwelahan ni Bella, at mas importante sa lahat ay walang estero.

            Hindi naman nagkulang sa pagpapayo si Aling Chayong. Saan man sila maghanap sa Tundo, wala silang makikitang entresuwelo na ang bayad ay mas mababa pa sa amin. Kahit na wala ay umuubra. Si Inang ay talagang mapagpasensiya.

            Ako lamang talaga, sa aming magkakapatid, ang madaling mabuwisit. Paano naman, pati pambaon ko sa U.P ay nagkakulang. ‘Yon nga lamang, kung sa pakintaban at pahusayan ng damit, walang tatalo sa akin. Talagang pinaghuhusay ni Aling Chayong ang paglalaba’t pamamalantsa sa aking mga damit pampasok. Gustung-gusto ko ito lalo na kung katulong niya sa pamalantsa o paglalaba ang anak niya si Bella. Sa kanilang tatlo, kay Mang Kintin lamang ako suya.

            Nguni’t ayokong lumaban sa patpatin. Baka siya kulangin pang pampainit man lamang ng aking katawan. Baka hindi pa ako pagpawisan ay sumama lamang ang loob ko. Hindi ko naman malalabanan at matanda sa akin.

            Isang Linggo ng hapon, naroon ako sa itaas ng may dalawang baitang na hagdan nina Aling Chayong. Kunwari’y hinihintay kong matapos ang damit kong pinapalantsa ni Bella. Si Aling Chayong ay nasa banyo sa kapirasong bakuran namin sa likod. Sa loob ng banyong nakasusi sa gilid ng estero nilalabhan niya ang marurumi naming damit. Si Mang Kintin ay nasa entresuwelo. Nakataas pa ang isang paa nito sa bangkitong inuupan sa tabi ng mababang banggerahan at tatanaw-tanaw sa estero. Nakikita kong pinipigil niya ang kanyang paghinga kung may malakas na hangin. Kung wala naman, sinisinghot niya ang lagi niyang dalang maliit na tubo para sa mga taong may nagbabarang ilong. Ang pagsinghot sa munting tubong ito at ang paglalagay ng pabango o ng mentolatum sa butas ng kanyang ilong ay turo ko sa kanya sa pamamagitan ni Bella.

            Bakit daw hindi sinusunog ng mga tao ang kanilang basu-basura sa halip na itapon ito sa kanal. Ako man ‘ka ko ay nabubuwisit sa estero kung minsan. Ang totoo’y sinabi ko lamang iyon upang may mapag-usapan kami. Baka niya mahalatang mas marami akong tingin sa kanyang pamangking si Bella kaysa sa damit kong pinapalantsa nito.

            Hindi na naglubay sa kasasatsat ang “buhay na kalansay” sa aming silong. Kesyo pinanggagalingan ng sakit ang estero, ng lamok at ng kung anu-anong masama sa katawan at kaluluwa ng tao. Kung siya raw ang alkalde sa Maynila, ang mga kanal na katulad ng nasa likod-bahay namin ay patambakan niya at gagawing lugar na pagpapatayuan ng mga bahay ng mga iskuwater.

            – Maganda ‘yan, — sagot kong walang paniniwala.

            – Aba, talaga! — ayon naman ni Mang Kintin kaagad.

            – Ang problema ho’y dapat magawa iyan ngayon, – wika kong nakatingin kay Bella.

            Sa akin, si Bella ay dalaga na. Nakatutuwa siyang tingnan, lalo na kung ipinahahalata kong medyo masama ang tama ko sa kanya, medyo lang naman.

            – Nasa inyong kabataan ang ikahuhusay ng inyong buhay, – wika ni Mang Kintin na huminga pa nang pagkalalim-lalim. Ang tutunog naman ng kanyang singhot sa tubong kontra-sipon nguni’t sa kanya’y kontra sa masamang hangin ng estero.

            – Ang hirap ho nito, – simula ko, – ang mga kabataan ang nahihirapan ngayon dahil sa maraming pagkukulang ng matatanda.

            Biglang nagalit si Mang Kinting Kalansay. Tumayo pa ito, at pagkalapit sa aking pasugod ay sinurut-surot ako. Naninibasib siya at mabalasik ang kanyang mukha. Hindi ko akalaing sa humpak na dibdib niya ay makasabog ang animo’y bulkang galit. Akala ko pa’y nagbibiro. Wala raw akong karapatang magsalita ng ganoon, kahit na kung saan pang impiyerno ako nag-aaral ng kung anong A.B. Doon naman ako nagalit.

            Isinumbat ko sa kanya ang kanyang pagkadelikado. – Kung ganoon pala’t hindi ninyo matiis ang amoy, di maglinis kayo sa estero! – hamon ko sa kanya. Sabi ko pa’y dapat siyang magpasalamat sa akin at natutuhan niyang suminghot ng tubong kontra-amoy. – Tanungin ninyo si Bella, – sabi ko pa.

            Sandali lamang naman ang naging alitan naming yaon. Napatakbo si Aling Chayong. Si Inang naman ay muntik nang mahulog sa hagdanan sa pagbaba. Ako ay kinagalitan nang husto, di kasi. Iginiit ko naman na si Mang Kintin ang may kasalanan. Sinabi ko lamang na ang mga kabataan ay nahihirapan ngayon dahil sa maraming pagkukulang ng matatanda ay nag-alsa boses na siya kaagad. Lalong nagalit si Inang. Magdiskargo raw ako kay Mang Kintin. Siya ay matanda at kailangan ay nagpitagan ako sa kanya alang-alang man lamang sa kanyang katandaan.

            Bilang pagbibigay kay Inang ay sumunod akong pabantulot. — Kayo na ang bahala, nabigla ako kangina, — sabi ko kay Mang Kintin kinagabihan.

            Nguni’t bago ako tumalikod ay inulit ko ang aking paniwala na ang matatanda ang dapat magsilbing patnubay ng kabataan at huwag iasa ng mga ito ang lahat sa kabataan. Akala ko’y magkakaingkuwentro na naman kami. Hindi na siya kumibo. Tumahimik na rin ako.

            Si Bella ang nagsabi sa akin ng tungkol sa kanyang amain. Kinabukasan ng hapon, sinundo ko si Bella sa Torres High School. Maaga ang labas ko sa U.P. Alam ko ang oras ng kanyang pag-uwi. Siya’y fourth year na, at ako naman ay first year sa U.P.

Ang mga tao’y napatakbo sa gilid ng estero. Nakita nila si Mang Kinting Kalansay na nagpapala sa gilid ng estero.

Naglakad kami papauwi. Hindi kalayuan ang amin, at kung malayo man ay mapalapit ito dahil sa magkasama kami ni Bella. Nagtaka pa siya nang sabayan ko siya paglabas sa pintuan ng haiskul. Ang kanyang amain ang naging paksa niya hanggang sa makarating kami sa dapat naming paghiwalayan. Ayokong mahalata ninuman sa aming looban ang tungkol sa pagsundo ko kay Bella.

            Kaya pala tumandang binata si Mang Kintin ay dahil sa paglalagalag. Siya ang pinakamatanda sa pitong magkakapatid, at si Aling Chayong ang pangalawa sa bunsong namatay dahil sa sakit. Ang ibang kapatid ay namatay rin nang sila’y matatanda na. Nagkawatak-watak silang magkakapatid hanggang sa mangamatay na at ang natira ay silang dalawa ni Aling Chayong. Nang magbalik mula sa kung saang paglalagalag si Mang Kintin ay pumisan na kay Aling Chayong at mula noon ay hindi na humiwalay. Saka ko lamang naisip na kaya nagalit sa akin si Mang Kintin nang sisihin ko ang mga matatanda ay dahil sa naipaalala ko marahil ang naging pagkukulang niya sa kanyang mga kapatid.

ILANG araw mula noong magkasigawan kami ni Mang Kintin ay nagkagulo sa aming looban.

            – Aba! Masama ito! – ani Panching na pangulo ng aming Klub Kabataang Pag-asa ng Looban.

            – Ano kaya ang nakain? — tatawa-tawang wika ni Bening na kalihim namin.

            – Magkakahiyaan mamayang gabi, ano? – paalala naman ni Caring na ang tinutukoy ay ang matatandang magsisiupo sa gilid ng estero at maninigarilyo hindi upang bumugaw ng mga lamok.

            Napadungaw ang nakatira sa bahay na nasa gilid ng estero. Napasubok sa mga siwang-siwang ang mga walang bintana, at kaming mga bata naman ay napatakbo sa gilid ng estero.

            Si Mang Kintin ay nasa gilid ng estero. May dala itong isang pala at isang mahabang tulag. Ang mga basurang nasa gilid ay pinapala niya at itinatapon sa gitna ng kanal, at ang mga nakasampid na nalunod na hayop ay itinutulak niya sa pamamagitan ng tulag.

            – Ano kaya ang nakain ni Mang Kinting Kalansay? – pagtataka ng mga kasama ko sa Klub Kabataang Pag-asa ng Looban. — Lumuwag yata ang turnilyo!

            — Nakuuu! Mang Kintin, baka mapa’no kayo diyan! – paalala ng Nanang Trining ko, – manong hayaan na ninyo ‘yan.

            Waring hindi narinig ni Mang Kintin ang hiyaw ng aking Nanang Trining. Nagpatuloy ito. Pagpukol niya ng laman ng pala sa estero ay natanaw niya ako sa kabilang pampang. Sandali lamang ang pagtatama ng aming mga mata. Ako man pala ay natanaw ng aking Nanang Trining.

            Hindi ko na hinintay na sigawan ako. Nagmamadali akong tumawid sa pamamagitan ng tulay na nasa pagliko ng estero at dahan-dahan kong nilapitan si Mang Kinting Kalansay.

            Ipinaabot ko sa kanya ang pala. Ayaw niya. Ang pantulak, ‘ika ko. Ayaw rin niya. Sige na raw, kaya raw niyang gumawa. Nagkibit-balikat ako. Iniwan ko si Mang Kinting Kalansay.

            Wala raw nakakita sa pagkahulog ni Mang Kintin sa kanal. Mabuti raw at hanggang baywang lamang ang tubig at may dala siyang kawayan. Lubog na ang araw sa kabila ng Velasquez nang maisipan daw ni Bella na sunduin ang kanyang amain. Akala raw ng mga tao ay umuwi na sapagka’t hindi na nakita sa gilid ng estero. ‘Yon pala ay tumama ang kanyang ulo sa matalim na sementadong gilid ng estero at nawalan ng ulirat. Marahil daw ay tangka nitong umakyat uli bago nawalan ng malay at bumagsak sa gitna ng matataas at malagong talahib sa gilid ng estero roon sa malayo sa labasang malapit sa tulay. Mabuti na lamang at dumating nga si Bella.

            Ilang araw ding naratay si Mang Kintin. Kinahapunan ng sumunod na araw, ako naman ang pinagtatawanan at pinagsasabihang naluwagan ng turnilyo. Ang hindi natapos ni Mang Kinting Kalansay ay aking tinapos. Nilinis ko ang kabilang pampang ng kanal. Ang mga kasama ko sa Klub Kabataang Pag-asa ng Looban ay nakatulong ko pa.

            Nguni’t ano mang dami ng pawis na itinigis ko, gaano man kalaki ang pananakit ng aking katawan, ng aking mga buto, buo sa aking paniniwala na higit na malinis pa rin ang kabilang pampang ng estero na nilinis ni Mang Kintin.

            Naipangako ko sa aking sarili na balang araw ay maghahandog ako kay Mang Kinting Kalansay ng isang dalisay na alaala sa isang katotohanan ng buhay na ipinamalas niya sa akin. Kaya’t isinulat ko ang kuwentong ito.