"Ito po ba ang mga ninakaw sa inyo, G. Rantelas?" anang hepe ng pulis na inilatag sa mesa ang mga alahas at salapi!

Ni ROBERTO S. TEODORO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 6, 1950)

HALOS hinimatay si Lucina nang matunghan ang pahayagan. Iyon na nga ang sinasabi ng kanyang mga magulang, kaya sila ayaw na si Muro ang kanyang mapangasawa.

            “Kung iyan ang mapapangasawa mo, kung ang Maurong iyang ang magiging manugang namin ng nanay mo, mamabutihin pa namin ang makita kang patay!” ang wikang himig sumpa ni Don Venancio sa anak niyang si Lucina na noon ay iyak lamang nang iyak.

            “Ang bata namang ire, hindi kita pinagkulangan ng pangangaral, anak!” ang sabad ni Donya Ana. “Sinabi huwag mararahuyo sa tamis ng dila ni Mauro, sapagkat hindi natin alam ang kanyang pagkatao.”

            “Ngunit, nanay,” ang panangis noon ni Lucina at yumupyop sa dibdib ng kanyang ina.

            Sa awa ni Donya Ana ay inakay ang luhaang bunso at inihatid sa kanyang silid.

            “Ano ang ibig mong sabihin kanina, anak? Ano ang nangyayari sa iyo? Gaano kahirap ba namang limutin si Mauro? Siya ay isang karaniwang kawani lamang. Sukatin mo nga kung gaano siya kaalangan sa atin? Iyan ang ikanagagalit ng tatay mo, karaming lumiligaw sa iyong may kapararakang tao ay si Mauro pa ang iyong napili-piling ibigin.”

            “Inay, hindi mo lamang nalalaman!”

            “Ang alin nga?”

            “Ako’y…” kasaliw ng iyak ay ibinulong sa ina ang kanyang kalagayan.

            “Santisima Trinidad na bata ito, bakit ka gumawa ng ganyan?” ang mangiyak-ngiyak na ring paninisi ni Donya Ana. “Paano ang gagawin natin ngayon? Sinabi na ng tatay mo, kung si Mauro rin lamang ay mabuti pa ang mamatay ka na. Kilala mo naman ang tatay mo kung magsalita, hindi siya nababago ng ganu’n-ganoon lamang.”

            “At mamamatay na nga ako nanay, kung hindi rin lamang si Mauro ang magbabangon ng aking puri,” ang sa pagitan ng kanyang hikbi ay wika ni Lucina.

NAGTANAN si Lucina. Nagpakasal sila ni Mauro. Nawalan ng anak si Don Venancio. Lahat ng kasangkapan ng anak ay ipinasunog, pati kahuli-hulihang sapatos, payong, abaniko, aparador, damit.

            “Patay na ang anak natin at kailangang mangawala ang anumang bakas ng isang patay na.”

            Buhat noon ay namahay na lamang sina Mauro at Lucina sa isang dukhang tahanan sa pook ng Pako. Pinagkakasiya nila ang maliit na kita ng lalaking buhat nang mag-asawa ay natutong magtipid, magpakasipag at magtipon. Hindi na siya nagtaksi buhat nang makasal sila ni Lucina. Bawat sentimo ay naging mahalaga sa kanya. Ipinanatang kahit siya mahirap ay maipakikilala rin sa kanyang biyenan na siya ang makapagpapaligaya sa kanyang asawa.

            Sa paligid-ligid ng pook na iyon ay nakapupuri ang lahat ng kanilang kapitbahay sa kabutihang magpamilya ni Mauro. Naging huwaran siya roon sa kanilang lugar. Maligaya naman sa pagsasama nila si Lucina. Nasisiyahan itong magluto, manahi at maglaba. Nang sumilang ang kanilang panganay na si Ben ay naragdagan naman awa ng Diyos ang suweldo ni Mauro. Sa habag ng lalaki sa kanyang asawang natatalos niyang tila prinsesa nang nasa piling pa ng mga magulang nito, ay nagpilit siyang makatubos ng isang utusan sa isang Ahensiya sa Paghahanapbuhay.

            Ayaw sana si Lucina sapagkat nanghihinayang siya sa sampung pisong ipasasahod sa magiging katulong niya. Ngunit mapilit si Mauro at muntik pa silang magkatampuhang mag-asawa sa paggigiit ng lalaki na ngayong may anak na sila ay kailangan na ang kawaksi sa bahay ng asawa, sapagkat may isang sanggol na siyang pagkakaabalahan.

            Ipinagdadalantao na niya ang pangalawa nilang supling nang si Mauro ay maragdagang muli ng sahod.

            Babae ang kanilang ikalawang anak. Dalawang taong mahigit na si Ben nang sundan ng isang babae, ni Lucinang munti, na inilagyo ni Mauro sa kanyang asawa.

            Bago naging tatlong taon si Ben ay makalawa na uling naragdagan ang suweldo ni Mauro. Ngunit ang kanilang kaligayahan ay dinalaw na bigla ng lungkot at halos himatayin si Lucina nang hapong iyong mabasa ang pahayagan at hindi na makauwi si Mauro.

            Sa piitan niya dinalaw ang asawang hindi makalabas sapagkat walang tagubilin ang piskalya na siya ay makalayang pansamantala sa pamamagitan ng lagak. Mabigat ang kasalanang sinasagot ni Mauro. Pagpatay at panghaharang ang kasalanang ibinubuhat sa kanya.

            Ang matandang lalaking hinarang niya, ayon sa bintang ay isang mayamang asendero, si Don Prudencio na nagkataong kumparing buo pa naman ni Don Venancio.

            “Hindi mo ginawa ang gayon, Mauro, hindi, sabihin mo sa aking hindi, sapagkat paniniwalaan kita!” ang umiiyak na wika ni Lucina sa kanyang asawa nang siya ay pahintulutan ng mga kinaukulang pinuno na makausap ang kanyang asawa sa pagitan ng mga rehas.

“Talagang hindi,” ang mahinahong wika ni Mauro. “Maniwala ka, Lucina, hindi ko magagawa ang ganoon at hindi ko gagawin kahit tayo magdildil ng asin!” ang matatag na wika ni Mauro. “Ngunit ang kamalian ko ay kung bakit pa ako tumakas, nang marinig ang silbato ng mga pulis. Dapat sana ay napaabot ako sa pook ng pinangyarihan ng harangan.”

            “At naroon ka, bakit?” ang nandidilat  ang mga mata ay tanong ni Lucina.

            “Ipinatubos mo sa akin ang hikaw mo, hindi ba? Kaya ako nagdaan sa Bahay Sanlaan. Nang paliko na ako sa hindi kalayuan sa Bahay Sanlaan ay nakarinig ako ng isang taghoy. Pagbaling ko sa kaliwa ay nakita ko ang isang lalaking tarak sa dibdib ng isang napakalaking balisong, saka nang ibaling ang tingin ko sa dulo ng isang madilim na eskinita ay namataan ko ang isang lalaking tumatakas. Dumalo ako sa nakabulagtang lalaking dinadaluyan ng saganang dugo sa kanyang dibdib. Kung bakit ko pa napakialamang nahugot ang balisong, bumulwak ang dugo at napuno ang kamay ko. Nang marinig ko ang silbato at makitang wala nang buhay ang matanda ay kinilabutan ako. Naisipan kong tumakas. Ngunit natutop ako ng dalawang pulis sa isang sulok ng lansangang sukol. Naiwan ko pala sa tabi ng bangkay ang aking karterang nalaglag sa lupa buhat sa aking bulsa ng amerikana dahilan sa pagkatakbo ko. Ang kartera ko ay may “Identification Card” ko, may larawan at may mga tarheta ko. Ang balisong ay may bakas ng aking daliri, ang amerikana ko ay may dugo. Hindi na ako pinawalan ng mga pulis nang dumating at masiyasat sa himpilan ng mga sekreta.”

“Ngunit hindi ikaw ang pumatay at humarang, sabihin mong hindi ikaw, asawa ko!”

            “Hindi ko magagawa ang gayon, Lucina. Hindi ko gagawin!” ang marahang wika ni Mauro.

            Umiiyak si Lucina nang siya’y pilitin ng mga tanod na umalis na at lampas na sa taning na oras ang pahintulot na kanyang makausap ang asawa.

            Subalit lalo nang nagulat si Lucina kinabukasan ng umaga nang mabasa sa pahayagang nakatakas si Mauro at nakaagaw pa ng rebolber ng tanod. Magdamag na nilisa ng mga tiktik at mga pulis ang lahat ng pook na maaaring katagpuan kay Mauro at nang umagang iyon, kasalukuyan pang binabasa ni Lucina ang pang-umagang pahayagan nang dumating ang mga tiktik na naghahanap kay Mauro.

            Hinalughog ang mga silid, ang kisame at lahat ng panig ng tahanan nila. Wala si Mauro. Nang usisaing masinsinan si Lucina kung umuwi si Mauro sa kanila nang gabing nagdaan ay sinabi ng babae, na, hindi.

            Buhat noon ay nawala na si Mauro. Hindi na siya umuwi ng bahay. Iyak lamang nang iyak si Lucina. Sa iilang buwang nakaraan buhat nang mangyari sa kanilang buhay na mag-iina ang sakunang yaon ay malaki na ang kanyang itinanda.

            Abut-abot ang balitang dumarating sa kanya ukol sa pagsisi ng kanyang ama. Ngunit hindi siya nagkamaling umuwi sa kanyang mga magulang. Kung ilang ulit nang palihim na dumadalaw sa kanya ang ina, nang patago kay Don Venancio at hinihimok siyang manikluhod sa ama at aminin ang kasalanan niya, at baka patawarin at kahabagan din, ay hindi napahinuhod si Lucina. Nang walang magawa si Donya Ana ay iniwanan na lamang ang kanyang anak ng magugugol nito at ng mga apo.

            Dinoble ni Lucina ang pagtitipid. Pinaalis na ang utusan at siya na ang nangatawan sa pag-aasikaso sa kanyang tahanan at mga anak. Tatanggap sana siya ng mga tahiin, ngunit ayaw ni Donya Ana.

            “Kung ayaw kang umuwi sa atin ay hindi kita pinipilit. Ngunit huwag kang makatanggap-tanggap ng tahi. Ako ang bahalang magdala sa iyo tuwing katapusan ng buwan ng gagastahin ninyong mag-iina. Hindi nga lamang maaaring napakalaki ang gugulin ninyo sapagkat hindi nalalaman ng tatay mo ang lahat nang ito. Baka mahalata ay lalong mahirap ang mangyayari. Mabuti sana kung makababalik uli agad ang asawa mo at mapabubulaanan ang ipinagbibintang sa kanya,” ang wika pa ni Donya Ana.

            “KAILAN uuwi si tatay, inay?” minsang silang mag-iina ay nasa harap ng kalan at naghaharap ng sinaing, ay naitanong ni Ben, habang si Lucina ay may hawak na pang-ihip sa apoy sa kalan.

            “Inay, henga ng kukis, ” wika ni Ben na inilahad ang palad.

            “Sa isang buwan, anak!” ang sagot ng mapanglaw na inang lumingon sa kabila upang huwag makita ng musmos na anak ang kanyang luha.

            Tatlong taon na ang nakaraan noon at halos nakalimutan na ng mga taga-Maynila ang saksakan at harangan sa malapit sa isang Bahay Sanglaan. Si Mauro ay hindi pa rin nakikita.

            Walang sinumang nakakaalam na si Mauro ay nakasakay nang gabing iyon sa huling biyaheng patungo sa timog. Buhat sa Aloneros ay nakarating hanggang Sorsogon. Nagpalit ng pangalan at mga damit. Nagpatubo ng bigote at nagsalamin ng may matingkad na kulay. Nakatagpo ng isang uri ng hanapbuhay na magbibigay ng pagkakataon sa kanya upang makapaglakbay sa malalayong bayan. Nagtinda siya ng mga aklat, mga awit at mga kurido, mga kasaysayan ng mga santo at santa at nang malaunan ay mga imahen ng iba’t ibang santo at santa hanggang sa siya ay makarating sa Mindanaw.

            May ilang taon na siya  roon. Namumuhay nang buong tahimik at kahiwagaan sa isang pangalan. Hindi siya nagkamaling sumulat kailanman sa kanyang asawa upang huwag na siyang matunton. Bahagyang kapabayaan lamang ay maaaring mabunyag ang kanyang pagbabalatkayo at baka madakip uli siya. Ganoon na lamang ang takot niya sa piitan at ang dahilan kaya siya tumakas ay sapagkat wala siyang kasalanan at dahilan sa wala nga siyang sala at aayaw niyang magdusa sa bilangguan.

            Isang gabing siya’y kasalukuyang nagsasara na ng kanyang maliit na tindahan ng mga santo at santa at mga librong ukol sa mga kasaysayang pampananampalataya ay may biglang nasok na isang lalaking sa malas ay takot na takot.

            “Ano ang kailangan ninyo?” ang usisa ni Mauro sa lalaking yaon.

            “Para na ninyong awa, hinahabol ako ng mga pulis!” ang humihingal na wika ng lalaki na itinago sa ilalim ng isang upuan ang dala niyang rebolber.

            “Bakit kayo hinahabol?”

            “Ako po’y nanloob. Ngunit hindi ko po balak na kuning lahat ang alahas at salaping ito, ang kailangan ko lamang ay kaunting halaga upang huwang lamang mamatay ng gutom ang asawa ko at mga anak.”

            Kung bakit hindi sinasadya ay tuluyang inilapat ni Mauro ang pinto ng tindahan at pinatay niya ang ilaw. Nakaraan ang mga pulis na humahabol. Hindi nakita ang lalaki.

            “Sino ang nilooban ninyo?” ang halos paanas na wika ni Mauro.

            “Si G. Marcial G. Rantelas po!”

            Kilala ni Mauro ang mayamang usurerong nilooban, na kinamumuhian ng mga manggagawa sa abakahan sapagkat malaking magpatubo sa mga pagpapautang.

            “Katunayan po ay iiwan ko na sa inyo ang mga alahas na ito, bukas, at ang kaunting salapi lamang ang aking kukunin.”

            Madilim-dilim pa ay umalis na ang mahiwagang magnanakaw na yaon. Iniwan nga ang supot ng alahas at maraming salapi kay Mauro, pati na ang rebolber.

            Nang makaalis ang magnanakaw na patagu-tago pang tumalilis sa madilim pang lansangan ay binuksan ni Mauro ang supot. Kay-raming alahas niyon at napakamamahal na alahas. Pinagbibiling-biling niya ang singsing at ang mga hikaw. Ang loob ng dalawang singsing ay may titik na P. L. at ang likod ng mga hikaw ay may mga letrang D. S. L., samantalang ang isang pulseras na natatamnan ng mga brilyanteng nagkurap-kurap ay mga titik namang N. S. L.

            Labing-anim na pirasong lahat ang alahas, subalit dahilan sa kalalakihan ng mga bato ay mapagkikilalang napakalaking kayamanan ang mga yaon.

            Ang kuwalta ay binilang niya at hustong labing-anim na libong piso.

            Ngunit nang maitago na niya ang mga alahas at salapi na hindi niya mapagpasiyahan kung dapat niyang isauli o hindi, ay biglang tila sinaksak ang kanyang alaala. Nagunita niya ang kanyang alaala. Nagunita niya ang sinasabi ng pahayagan noong araw na siya’y madakip. Sinasabing ang namatay ay si Don Prudencio Lintalaw, asawa ni Donya Dionisia S. ni Lintalaw, mga magulang ni Bb. Nenita S. Lintalaw. Nagbalak siyang muli sa pinagtagpuan sa mga alahas at inisa-isa uling yaon ay pinagsuri. Ang mga sinsing ay lumilitaw na kay Don Prudencio dahilan sa mga titik sa loob. Ang dalawang pares na hikaw at isang sinsing ay kay Donya Dionisia, ang dalawang pares na hikaw, dalawang pulseras, dalawang singsing at isang kulyar ay sa anak na dalaga.

            Upang makatiyak siya ay gumawa ng isang sulat para sa pulisya sa Maynila.

            Anang sulat niya:

            “…kaya upang malutas ang krimen at harangang may tatlong taong nahigit nang natitiklop ay hinihiling na ilathala sa mga pahayagan sa Maynila ang talagang hustong deskripsiyon ng mga alahas na kinuha sa katawan ng pinatay na si Don Prudencio, pati bilang ng brilyante ng bawat piraso, pati sipi ng katibayan ng Ahensiyang tinubusan ng mga nasabing alahas.”

            Dalawang araw pang naglayag si Mauro hanggang sa isang bayan sa Kabisayaan upang maihulog ang sulat at nang hindi matunton ang may kagagawan nito. Isang linggo rin siyang nawala sa Dabaw bago nagbalik buhat sa Bisaya.

            Ngunit dumating na muli kinagabihan nang araw na dumating siya, ang mahiwagang magnanakaw.

            “Wala rin pong nangyari. Namatay rin po ang asawa ko sa karamdaman, at ang mga anak ko ay kinuha na ng aking kapatid na siyang mag-aalaga sa kanila, sapagkat pinagsisisihan ko na po ang aking nagawa at katunayan ay kukunin ko ang mga alahas at salapi sa inyo at isasauli ko sa aking pinagnakawan saka ako dudulog na kusa sa pulisya,” anang lalaki.

            “Marangal kang lalaki, kaibigan. Mabuti ang naisipan mo,” ang wika ni Mauro na ang nasa isip ay iba kaysa sinasabi ng nagsisising lalaki. Ang nasok sa ulo niya ay dalhin ang lalaki at ang alahas at salapi sa pulisya. Paparoonin ang sinasabing Marcial at ipatunton ang mga alahas.

            Sinamahan nga niya ang lalaki at tuwiran silang nagsadya sa himpilan ng pulisya. Inamin ng lalaki na siya ang nanloob sa G. Marcial G. Rantelas na sinasabi. Kinaon si Marcial. Ipinakilala ang nanloob.

            “Iyan nga, iyan nga ang umakyat sa bahay ko at nagnakaw sa pamamagitan ng kanyang rebolber!” ang wika ni Marcial pagbungad pa lamang ng pinutan ng tanggapan.

            “Ito pa ba ang mga ninakaw sa inyo, G. Rantelas?” anang hepe ng pulis na inilatag sa mesa ang mga alahas at salapi.

            Isa-isang sinuri ng mayamang si Marcial ang mga alahas, binilang ang salapi at ang wika.

            “Husto ang alahas, ngunit ang salapi ay kulang ng limang daang piso.”

            “Nagasta ko na po ang limang daang piso,” ang amin ng nagnakaw.

            Napiit ang magnanakaw, subalit naiwan sa tanggapan ng pulisya ang deskripsiyon ng mga alahas at ang mga “serial number” ng mga salaping papel de banko. Ang resibong kinakakabitan ng deskripsiyon ay nilagdaan ni Marcial na katunayang natanggap niya ang mga ninakaw na yaon.

            Kinabukasan ay nagbalik si Mauro sa pulisya. Ipinakita sa pulis ang lathala ng pahayagang labas sa umaga nang araw na nagdaang umungkat sa krimen at harangan sa Maynila may ilang taon na ang nakalilipas at saka ang deskripsiyon ng mga alahas na inihambing niya at ng hepe ng pulis sa resibong nilagdaan ni Marcial.

            Nang araw ring iyon ay dumating sa kay Marcial na kinaalang-alanganan sa pook na iyon, ang hepe ng pulis at ipinakita rito ang pahayagan. Nang malito si Marcial sa pagpapaliwanag ukol sa mga titik sa likod ng mga alahas, kung paano niya nabili ang mga iyon, ay nagkaroon ng pagkakasalungatan ang mga pahayag ni Marcial.

            Ilang araw lamang, sakay ng eroplano ay dumating sa Dabaw ang dalawang batikang tiktik. Siniyasat si Marcial at naalisan ito ng maskara. Nakilala siya ng mga tiktik na siya ang si Fausto Tutok na may mahabang rekord sa pulisya na nagka-asawa ng isang may sinasabi sa Timog, lumipat sa Dabaw pagkatapos at namalaging hindi naaabot ng kamay ng katarungan.

            Sa wakas, nang siyasatin si Marcial o si Fausto sa Maynila ay napatunayang siya ang humarang kay Don Prudencio nang manggaling ito sa Bahay Sanlaan. Siya rin ang sumaksak sa matanda nang ito ay magtangkang lumaban.

            Noon lamang nakauwi si Mauro sa kanyang mga anak at asawang galak na galak sa kanilang pagkikita.

            Gaya ng pangako ni Don Venancio, mapabulaanan lamang ang kasalanang ipanataw sa kanyang manugang, sapagkat lubhang kahiya-hiya iyon, ay makapapanhik na sa kanya ang mag-asawa, sina Mauro at Lucina at ang dalawang anak ay kinaon ni Donya Ana.

            “Ngunit sa pagkakatira ko ho tatay sa Dabaw ay nakilala kong malubay ang mangalakal at maghanapbuhay roon,” ang nasabi ni Mauro sa biyenan nang sila’y may ilang araw nang nasa piling ng dalawang matanda.

            “Ano ang ibig mong sabihin, Mauro?” ani don Venancio.

            “Binabalak ko pong kaming mag-anak kay doon manirahan, tutal, ako naman ay marami nang kakilala roon at marami na ho akong nabiling lupang abakahan doon.”

            “Hindi ko kayo pinipigil na mag-asawa, ngunit isang bagay lamang ang ipinagbilin ko sa inyo, ang kabaitan, ang karangalan at pagtawag na palagi sa Diyos ay huwag ninyong lilimutin, sapagkat iyang ang mabisang patnubay ng tao sa kapanatagan ng pamumuhay.”

            At isang araw nga ay sumakay ang mag-anak sa isang bapor na patungo sa timog, upang doon na mamuhay at magpalago ng kanilang kabuhayan.

            Sa iilang araw pang ipinagkikita ng mag-asawa ay nabalik sa kasariwaan ang katawan ni Lucina, muli siyang bumata at nagbalik ang kanyang kagandahan.

            Sa bapor ay tila sila bagong kasal lamang kung hindi kapiling ang dalawang anak na laging nasa kanilang kamarote at ayaw lumabas sa takot sa giniwang-giwang ng sasakyan kung napaparaan sa kalawakang malalaki ang alon.

            “Maligaya ka na ba, Lucina?”

            “Oo, maligayang-maligaya na ako, ngayong maibalik mo sa aming mag-ina ang karapatan namin sa kaligayahan at katiwasayan. Ngayon ay hindi na tayo paglalaruang muli ng tadhana, sapagkat lagi tayong tatawag sa Diyos!”

            “Kaawaan sana tayong lagi ng Diyos!” ang naisagot ni Mauro na minamasdan ang kalawakan ng dagat buhat sa kinatatayuan nilang malapit sa barandilya ng kubyerta ng sasakyan.

(WAKAS)