TALISMAN

Ipinasok sa isang madilim na laboratoryo ang sanggol ng mahiwagang nilalang na nagtakas sa kanya at ipinatong sa isang nangingislap at maputing hapag na tistisan.

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 16, 1950)

(IKA-2 LABAS)

LITUNG-LITO ang pag-iisip ng minerong si Ricardo Montez sa hiwagang kanyang namamalas. Tumalaga siya sa anumang mangyayari. Hindi niya mapapayagang mawala ang kanyang pinakamamahal na anak, ang kauna-unahang bunga ng kanyang asawa. Habang ipinapanaog ng kung sinong may sa-malikmata ang kanyang bunso ay matulin naman siyang sumusunod.

            “Magtigil ka… magtigil ka!”  ang kanyang sansala sa hindi nakikitang nilalang na ipinalalagay niyang siyang may buhat sa bata.

            “Huwag kang pangahas!” ang narinig na tinig ng inhinyero. “Pag nagpatuloy ka nang paglapit sa akin ay ibabagsak ko ang batang ito sa lapag nang baldosa hanggang sa mamatay.”

            Kinilabutan si Ricardo. Napatigil siya sa gitnang baytang ng mataas na hagdanan. Natakot siya sa nagbabantang tinig. Hindi niya mapapayagang ibagsak ng kung sinong maligno ang bulaklak ng kanilang pagmamahalan ni Rodora, kaya’t dinaan ng minero sa pakiusap:

            “Kung sino ka man ay nakikiusap akong huwag mong itakas ang aking anak. Nakatalaga akong magbigay ng malaking halaga huwag mo lamang siyang itakas. Tutubusin ko ng pupung libo!”

            “Ha-ha-ha-ha-ha!” ang malutong na halakhak na bumingi sa mga pandinig ng nakikiusap sa ama. “Hindi ko kailangan ng salapi. Ibig kong malasap mo ang bigat at saklap ng mawalan ng isang anak na minamahal.”

            Kinilabutan si Ricardo sa kanyang narinig. Sumasal ang tibok ng kanyang puso sa buung-buong tinig ng hindi nakikitang lalaking nagsalita. Matay niyang wariin ay para na niyang narinig ang naturang tinig. Humakbang siya ng isang hakbang na palapit sa batang tila nakalutang sa hangin. Ngunit nakita niyang tumaas ang bata at narinig na naman niya ang mahiwagang tinig: “Gumawa ka pa ng isang hakbang at ihahampas ko sa baldosa ang anak mo!” Parang ipinako ang mga paa ng minero. Nanindig ang kanyang mga balahibo.

            “Huwag! Huwag!” ang nawika ng amang nahihintakutan. “Utang na loob, huwag mong ihampas sa baldosa ang anak ko. Uulitin ko sa iyo: marami akong salapi sa bangko. Ako ang may-ari ng isang malaking minang ginto sa lalawigang Bulubundukin. Magtakda ka ng halagang ibig mo.”

“Ha-ha-ha-ha-ha!” ang lalong malakas na halakhak na bumingi sa mga pandinig ni Ricardo. “Uulitin ko naman sa iyo, na hindi maaaring bayaran ng salapi ang hangarin ko. May kasabihan tayo: kung ano ang utang ay siyang dapat na pagbayaran.”

            “Wala akong natatandaang utang na dapat na singilin sa akin,” ang nagugulumihanang salita ng minero.

“Napakamalilimutin mo,” ang saad ng lalaking hindi nakikita. “Kulang pang kabayaran ang anak mo kung magtutuos tayo.”

            At nakita na ng amang unti-unting lumalayo ang kanyang anak na tila tangay ng hangin. Halos pagtutukan ng dibdib ang inhinyero. Natulig ang kanyang mga pandinig sa mga tili at palahaw ng kanyang asawang sumusunod sa kanya sa hangdanan.

            “Ang anak ko! Ang aking anak!” ang tili ni Rodora at nakita na lamang na nabuwal at lumagabog sa lapag ang kahabag-habag na ina.

            Hindi malaman ni Ricardo, kung sino ang ang gigibikan sa kanyang anak at sa kanyang asawang napahandusay. Niyari sa sariling sundan ang kanyang anak. Bumilang ng ilang hakbang ang kanyang mga paang pababa sa hagdanan upang sundan ang kanyang bunso.

            “Tigil!” ang malakas na sansala ng malaking tinig ng lalaking hindi nakikita. “Kung ibig mong mabuhay ang iyong anak ay huwag kang sumunod sa akin!”

            Nakita ni Ricardo na nabuksan ang dahon ng pinto sa silong at lumabas ang batang nakalutang sa hangin. Patakbong lumabas din ang minero, ngunit hindi na niya nakita sa sungit ng dilim ang kanyang pinakamamahal na anak. Walang nanuot sa kanyang pandinig kundi ang iyak ng batang naghari sa katahimikan. Maliksing nagbalik sa tahanan ang inhinyero. Inabutan niya sa makapanhik ng hagdanan ang unti-unti nang natatauhang asawa. Pinagko ni Ricardo ang kanyang asawa at dinala sa silid. Gayon na lamang ang paghihimutok ng kaawa-awang ina.

            “Ang anak ko… ang bunso ko!” ang pahikbing wika ng lumuluhang babae.

            Walang iniwan sa isang baliw si Rodora na nanambitang wari’y namatayan ng bunsong pinakamamahal sa buhay. Samantalang gulo ang isipang binuksan naman ng inhinyero ang kahon sa kanyang mesang susulatan upang kunin ang rebolber at sundan ang bakas ng mahiwagang lalaking hindi nakikita na nagtakas sa kanyang bunso.

            “Huwag kang mabalisa, Rodora,” ang alo ng inhinyero sa asawa. “Gagawin kong lahat ang aking magagawa upang mabalik ang ating anak.”

            At lumapit sa telepono ang naliligaling na ama. Tumawag siya sa himpilan ng mga tiktik at ipinagbigay-alam ang malubhang nanyari sa kanilang tahanan.

            “Uubusin ko ang ating kayamanan, mabalik lamang sa atin ang bata,” ang malakas na salita ng minero.

            Gulung-gulo sa tahanan ng mga Montez, nang dumating ang mga alagad ng batas na magsisiyasat. Nanlaki sa pagtataka ang mga mata ng inspektor nang sabihing itinakas ang bata ng isang kung sinong hindi nakikita, ngunit maliwanag na nagsasalita. Siniyasat ng tiktik ang lahat ng mga kasambahay, mula sa kusinera hanggang sa tsuper. Walang nasabing anuman ang mga utusang babae. Nang kunan ng tanong ang tsuper ay nanginginig na nagsalit:

            “Nagising ako sa kahol ng aso. Walang anu-ano’y nakita kong nabuksan ang pinto sa silong at muling napinid. Kinalibutan ako, pagkat wala naman akong nakitang sinumang pumasok. Maingat akong bumangon at kumuha ng kaputol na bakal, saka lumapit sa pintuan. Isang tapik ng kung kaninong kamay ang bumagsak sa aking balikat, na aking ikinapalukso. Lumingon ako sa tumapik sa akin, ngunit wala naman akong nakitang tao. Isang mahina ngunit malutong na halakhak ang gumulat sa akin, saka… Manahimik ka, kung di mo ibig na mamatay. Ang narinig kong salitang siyang nagpatayo sa aking mga buhok at balahibo. Matulog ka at manahimik at kung hindi’y bubutasin ko ng punlo ang bungo.             “Ibig kong sumigaw, ngunit wala namang tinig na lumabas sa aking nanunuyong lalamunan. Napatakbo na lamang akong pabalik sa silid ko sa silong. Gininaw ako sa malaking takot. Hindi naman nalaunan at narinig ko ang pag-uusap ng aking panginoon at ng mahiwagang maligno. Nakita ko ring nakalutang sa hangin ang batang umiiyak.”

Huminga nang bahagya ang tsuper, saka…

            “Wala na akong natatandaang iba pa,” ang pangwakas na salita ng tsuper. “Mula ngayo’y nagbibitiw na ako sa aking gawain. Hindi ako makatatagal sa bahay na may lumalabas na multo.”

            Tumangu-tango ang inspektor na nagsisiyasat sa mga ipinahayag ng tsuper. Binalingan ng tingin ang inhinyero at inusisa:

            “Wala ba naman kayong kagalit?”

            Umiling ang inhinyero.

            “Huwag kayong magagalit,” ang ulit na salita ng inspektor, “nang nanliligaw kayo sa inyong asawa, wala ba kayong naging karibal?”

            “Marami!” ang agarang pakli ng minero, “ngunit wala naman akong sinumang naging kataniman sa kanila.”

            “Ano ang natatandaan ninyong sinabi ng hindi nakitang kausap, samantalang tumatakas na dala ang bata?” ang ulit na masusing tanong ng tiktik.

            Nagnilay-nilay ang minero. Sinikap niya mapanumbalik sa isipan ang pinakamahalagang bagay na sinabi ng tinig ng lalaking hindi nakikita, hanggang sa…

            “Inalok ko siya ng salapi, huwag lamang itakas ang anak ko,” ang tugong marahan ng inhinyero. “Matigas siyang sumagot sa akin: Hindi ko kailangan ang salapi! Ibig kong malasap mo ang bigat at saklap nang mawalan ng isang anak na minamahal.”

            “Kung gayo’y may naghiganti sa inyo, ang gayong pangungusap ay babala ng malubhang paghihiganti.”

            Kinilabutan ang nakikinig na ina sa ipinahayag ng tiktik at napilitang takpan ng mga palad ang kanyang nanlalamig na mukha.

            “Isipin ninyong mabuti,” ang ulit ng tiktik, “kung sino ang inyong kagalit.”

            “Talagang wala akong natatandaan!” ang matuling pakli ng minero. “Walang wala! Ang totoo’y marami pa nga akong kaibigan, na iniligtas ko sa maraming kagipitan.”

            Samantalang nagsisiyasat ang mga tiktik sa tahanan ng mga Montez ay ipinasok sa isang madilim na laboratoryo ang sanggol ng mahiwagang nilalang na nagtakas sa kanya at ipinatong sa isang nangingislap at maputing hapag na tistisan.

            “Ha-ha-ha-ha-ha!” ang marahang halakhak na narinig sa aninong pumasok sa silid. “Sa wakas ay natupad ko rin ang aking paghihiganti. Maibabalik ko na ang aking sarili sa kabataan. Magiging bata akong nasa kasibulan.”

            At iniluwa ng mahiwagang lalaki ang talismang nakasubo sa kanyang bunganga. Isang anino ang nagpasimulang makita sa madilim na silid. Binuksan ang susian ng ilaw. Biglang nagliwanag at natanghal ang buong kapaanyuan ng isang matandang nuno ng kapangitan.

(Itutuloy)