Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 23, 1950)
(IKA-3 LABAS)
SABAY sa pagkakatanghal ng pangit na mukha ng lalaki sa liwanag, ay natanghal din naman ang isang makabagong laboratoryo, na nasasangkapan ng mga pambihirang aparato. Ang naturang laboratoryo ay mahininuhang ari ng isang dalubhasa at may kakahayahang manggagamot.
Luminga-linga ang pangit na lalaking natanghal sa liwanag, na wari’y may hinahanap na isang mahalagang bagay. Isang ngiting tigib ng kasiyahan ang namilaylay sa mga labi ng matandang lalaki, nang matapunang-tanaw ang isang memorandum na siyang talaan ng kanyang natuklas na kadalubhasaan. Ibinaling ng pangit na lalaki ang kanyang mga mata sa gawing kaliwa ng maputing mesang tistisan na kinapapatungan ng umiiyak na sanggol. Isang malutong na halakhak ang pinawalan sa mga labi ng ubaning lalaki, nang makita niya ang isang dagang kosta na tatalun-talon sa munting kulungang metalika.
“Dalawang mahahalagang bagay ang aking maisasakatuparan,” ang bulong sa sarili, tapos mapawi ang malutong na halakhak na pumuno sa laboratoryo, “paghihiganti at pagpapabata!”
“Ang maputing dagang nasa kulungang kawad na metalika ay isang matanda nang daga, na marami ring taong inalagaan ng pangit na lalaki, dati’y hindi na halos makakilos sa katandaan ng pagkain, ngunit napalakas at nagbalik sa kasiglahan at kabataan.
Uugud-ugod na lumapit sa kulungang metalika ang matanda. Hinawakan at itinaas ang haula, saka…
“Nabigyan kita ng lakas at panibagong buhay,” ang wika ng lalaking tatangu-tango, “ngayon nama’y susubukin ko sa aking sarili ang tuklas na pinagsunugan ko ng kilay.”
Tumalun-talon na naman sa haula ang puting daga, na mandi’y nagpapasalamat sa matandang gumawa ng kanyang panibagong buhay. Lalo nang nag-umapaw sa damdamin ng matanda ang malaking galak. Nakikita na niyang matutulad siya sa matandang daga na pinanumbalikan ng lumpas na kasiglahan. Tandang-tanda pa niya: isang bagong silang na daga, ang kinunan niya ng glandula at ipinalit sa mahinang glandula ng matandang daga. Kumuha rin siya ng dalisay na dugo sa puso ng bagong silang na daga, inilahok sa kanyang tinuklas na pormula at itinurok sa matandang daga. Sukat sa bagay na ito’y lumakas ang mahinang daga. Hindi lamang lumakas, kundi naghalili pa ng balahibong makislap, pagkatapos ng isang buwan.
Huminga nang maluwag ang pangit na lalaki, matapos gunigunihin ang nangyari sa kanyang pagsubok sa matandang daga, hanggang sa…
“Maaari bang hindi ako magbalik sa dating kabataang katulad ng puting dagang ito?” ang wikang dahan-dahang ibinaba ang tangang haula. “Oo, magbabalik ako sa aking kabataan, at hindi lamang ako kundi pati na ang minamahal kong kabyak sa buhay. Gagawin kong lahat ang paraan upang kaming dalawa’y magbalik sa tinalikdang kahapon; malakas, sariwa, masigla at nasa kabataan!”
Inihanda na ng matanda ang kanyang mga kagamitan sa pagtistis. Narinig na umandar ang kanyang aparato sa laboratoryo. Handang-handa na siyang utangin ang buhay ng sanggol ng mga Montez upang mapanumbalik lamang ang kanyang kasiglahan at maisakatuparan ang marubdob na paghihiganti.
Ngunit biglang nangulimlim ang mga mata ng matandang lalaki, nang maisip niyang wala siyang makakatulong sa gagawing pagtistis sa kanyang sarili. Maaaring katulungin niya ang kanyang matanda na ring asawa. Ngunit nangangamba naman siya sa karamdaman nito sa isip, na bahagyang nasira mula nang mamatay ang kanilang bugtong na anak na lalaking aaniming taong gulang, na siyang kaisa-isang naging bunga ng kanilang pagmamahalan, sa humigit-kumulang sa limampung taon nilang pagsasama. Sa gayong mga pagbubulay-bulay, ay nangamba at natakot ang matalinong matanda sa pagtistis sa kanyang sarili, na maaaring ikapahamak ng kanyang buhay.
Huminga nang maluwag ang pangit na lalaki, matapos gunigunihin ang nangyari sa kanyang pagsubok sa matandang daga, hanggang sa…
Samantala’y kumilos na ang mga alagad ng batas sa pagtalunton sa bakas ng mahiwagang lalaking hindi nakikita na tumangay sa bugtong na anak ng mga Montez. Nalathala pa sa mga pahayagan ang malaking pabuyang ipagkakaloob sa sinumang makapaghihimaton sa kinaroroonan ng batang nawala. Naging paksa ng salitaan ng buong Maynila ang mahiwagang lalaking maysa-tagabulag. Laging okupado ang telepono ng mga Montez. Naligalig pati na kanilang malalayong kamag-anak.
Walang tila ang luha ng magbahay ni Ricardo Montez. Hindi man lamang makausap ng kahit sino. Takot na takot ang inhinyero na baka kung mapaano ang kanyang asawang walang iniwan sa nasisiraan ng pag-iisip. Walang sandaling hindi tinatawag ang sanggol na nawala.
Unti-unting nakuyom ni Ricardo ang sampung daliri ng kanyang mga kamay, nang magunita ang malubhang pangyayari sa kasal nilang mag-asawa. Ginapangan ng kilabot ang kanyang buong katawan at biglang nanlaki ang kanyang mga mata.
“Rodora!” ang tawag sa kanyang asawang sabay luhod sa tabi ng kama, “natatandaan mo ba ang malubhang kapahamakang nangyari sa araw ng ating kasal?”
Si Rodora na nakasubsob sa bunton ng mga unan ay pumihit at minasdan ang asawa, saka…
“Ano ang itinatanong mo sa akin?” ang pagulat na usisa kay Ricardo. “Kapahamakang nangyari sa araw ng ating kasal?”
“Oo,” ang tugong walang pag-aalinlangan ng minero. “Ang batang nasagasaan ko sa pagmamaneho, nang patungo tayo sa lunsod ng mga pino.”
Tinakpan ni Rodor ang kanyang mukha ng dalawang palad, saka…
“Bakit mo ipinagunita sa akin ang malungkot na pangyayaring yaon, sa mga sandali pa namang inaalaala ko ang nawala nating anak?” ang hihikbi-hikbing pahayag ni Rodora sa basag na tinig. “Utang na loob, itikom mo ang iyang mga labi. Huwag mo sanang piliting maging baliw ako!”
Hindi na nagsalita si Ricardo. Natakot siya sa anyo ng asawa, na baka kung magpatuloy pa siyang magsalita ay kung ano pa ang mangyari. Tumayo na lamang ang inhinyero at nagpalakad-lakad sa kanilang silid. Isa-isang binulay-bulay sa isip ang sakunang nangyari sa kanila, pagkatapos na pagkatapos ng kanilang kasal.
Panaginip waring natanghal sa kanyang guniguni ang pangit na pangit na mukha ng isang matandang lalaking siyang ama ng aaniming taong gulang na batang lalaking namatay sa gulong ng kanyang awtong paakyat sa lunsod ng Bagyo. Nanumbalik sa kanyang hinagap ang buong pangyayari at pati na pagsasagutan nila ng matanda:
“Huwag na lamang ninyong dalhin sa hukuman ang malubhang pangyayari ay babayaran ko kayo ng malaking halaga,” ang nagunita ng minerong ipinakiusap niya sa ama ng batang lalaking nasagasaan.
“Hindi mapapantayan ng anumang halaga ang bangkay ng aking anak!” ang nagunita niyang gumagaralgal na tinig ng matandang lalaki. “Hindi kita isasakdal, pagkat anuman ang iparusa sa iyo ng hukuman ay hindi maging sapat na kabayaran para sa buhay ng iyong pinuti! Ang batang iya’y siyang kaisa-isa naming anak na mag-asawa! Bugtong na bulaklak ng aming pagmamahalan sa loob ng humigit-kumulang sa apatnapu’t limang taon naming ipinagsama!”
“Patawarin ninyo ako,” ang nagunit ni Ricardong isinagot niya noon sa matanda. “Hindi ko sinasadya ang pangyayari.”
“Sa sinadya mo o hindi ay may malaki kang pagkautang sa akin, na balang araw ay sisingilin ko. Nakilala kita: si Ricardo Montez ka, na kahapon lamang ay naging laman ng mga pahayagan ang inyong larawang mag-asawa. Mamumunga rin ang inyong pagmamahalan!”
Kinilabutan si Ricardo Montez, pagdating sa bahaging ito ng kanyang alalahanin. Naramdaman niyang mabilis ang takbo ng kanyang dugo sa mga ugat.
“Nalalaman ng Diyos na hindi ko sinasadya ang pagkakasagasa sa iyong anak,” ang tanda pa niyang nawika sa mababang tinig sa ama ng batang lalaki.
“Hindi ko akalaing sa pagliliwaliw naming gagawin ng aking anak ay patayin ng isang walang patumanggang magmatakbo ng awtong katulad mo,” ang nagunita niyang malayong tugon ng ama ng bata. Uulitin ko: magkaanak din kayong mag-asawa, at ang unang bunga ng inyong pagmamahalan ay siyang magiging kapalit ng namatay kong bunso.”
Muntik nang mapasigaw si Ricardo Montez, pagdating sa pagkagunita sa banta ng matandang lalaki. Buhay na buhay na nanumbalik sa hinagap ng inhinyero, na ang matanda’y nagtaas ng mukha sa langit at bumulung-bulong, pagkatapos ay yumukod at dinampot ang patay na batang lalaki at inilulan sa kanyang awtong nasiraan ng makina, na paakyat din sa lunsod ng mga pino.
“Hindi ako magsasakdal,” ang nagunita pa niyang salita ng matanda nang nasa awto na. “Walang makaalam nito kahit na sino kundi tayu-tayo lamang. Ngunit tandaan ninyo: nawa’y huwag na sana kayong magka-anak upang hindi ko ipataw sa inyo ang marubdob na paghihiganti!”
Pagkatapos na muni-muniin ang malubhang sakunang nangyari ay parang baliw si Ricardong lumapit sa telepono at tumawag sa himpilan ng mga tiktik upang ipagbigay-alam ang bagay na kanyang naalaala. Buung-buo ang kanyang hinalang ang pangit na matandang lalaki ay siyang may kagagawan sa pagkawala ng kanyang anak. Samantala’y maliwanag na maliwanag ang laboratoryo ng matandang manggagamot. Napakuluan na niya ang mga kailangang kagamitan sa pagtistis na gagawin sa sanggol na kukunan ng glanula. Ngunit nang mga sandaling itutuon na lamang ang matalim na pantistis ay isang matandang babae ang lumitaw sa liwanag at sinambilat ang sanggol at hibang waring humagulgol nang iyak:
“Salamat at nabuhay ang aking anak! Sa wakas ay nagbalik ka rin sa aking piling pagkatapos ng humigit-kumulang sa limang taong aking paghihintay.”
Nanlaki ang mga mata ng pangit na lalaki. Tinangka niyang agawin ang batang siyang tanging makapagpanumbalik sa kanyang kabataan, ngunit maliksing umiwas ang matandang babaing sabik na sabik sa bata.
“Ano? Papatayin mo ba ang anak ko?” ang wikang pinanlilisikan ng mga mata. Huwag mo siyang agawin sa mga bisig ko. Sabik na sabik ko siya makalong.”
(Itutuloy)









