“Huwag mo ‘kong pahirapan,” pakiusap niya. “Huwag mong pahirapan ang sarili mo. Huwag mong pahirapan ang sitwasyong mayroon tayo.”

Ni Mellodine A. Antonio

BINABAAN ako, Ma’am. Di ko alam ang galit niya. Pakisabi na lang pasensiya sa abala. Nakikipag-usap naman ako nang maayos, binabaan ako. Sige, Ma’am. Pasensiya na po.

Kung naiba-iba ang pagkakataon, matatawa siya nang malakas sa mensaheng ipinasa sa kaniya ng isang kaibigan mula sa isang taong blocked na ngayon sa lahat ng platform kung saan siya nito puwedeng makontak.

Natatawa siyang galing sa isang lalaki ang ganoong mensahe.

Sa himig na gustong iparating, tila uhuging bata na nagsusumbong sa nanay nito. Isinusumbong ang pag-ayaw niyang kausapin ito – ang tahasan niyang pagpapakitang wala na siyang interes na makipag-ugnayan pa rito.

“Iyong totoo, MU ba kayo?” seryosong bitaw. Mabigat at may bahid ng akusasyon mula sa lalaking katabi niya sa buong magdamag at ngayo’y nakikibasa sa mensaheng natanggap niya.

“Ano’ng MU?” kunot-noong tanong niya. Itinabi sa gilid ng kama ang cellphone.

“M-U,” pagbibigay diin nito. “Mutual Understanding.” Maasim ang mukhang nagpatuloy ng paliwanag. “May intindihan sa relasyong walang label. Walang usapan na ‘kayo’ pero iyong turingan sa isa’t isa, parang may ‘kayo’ sa pagitan n’yo.”

Lalong kumunot ang noo niya.

Alam naman niya ang kahulugan ng MU pero ang gusto niyang malaman ay kung paanong napasok ang isyung iyon sa usapan nilang dalawa.

Itinaas niya sa dibdib ang kumot para itago ang kahubdan na ngayo’y nakadarama na ng lamig sanhi ng kanina pa buhay na aircon.

“Iyong message parang galing sa syotang clingy para sa syotang nakikipaghiwalay na,” puno iyon ng paninibugho.

Nagpigil ng tawa sa nakikitang reaksiyon ng lalaking kanina pa di maitago ang pagngingitngit kahit ano pang pigil nito.

Tumalikod ito. Padarag.

Mabilis niya itong hinabol ng yakap.

Bahagya at masuyong kinagat-kagat ang kaliwang balikat.

“Magtapat ka nga.” Humarap itong muli sa kaniya. Seryosong hinuli ang kaniyang mga mata.

Matiim ang pagkakatingin. Inaarok ang katapatan niya.

Natawa siya nang mahina.

Sumiksik siya sa dibdib nito.

Di naman kailangang sukatin ang katapatan niya. Mula’t mula, tapat siya.

Dama niya ang init na nagmumula sa katawan nito.

Sininghot niya ang pamilyar – kinakikiligan niyang amoy nito – amoy matapang! Amoy na kaya siyang ipaglaban. Amoy na kaya siyang protektahan at panindigan.

“Parati naman akong tapat sa ‘yo, a.”

“May relasyon ba kayo?” matigas ang bitaw ng tanong nito.

Hindi na niya napigil ang pagbuga ng hagikgik na pinipigilan. “Cute ka ‘pag nagseselos na ganyan. Feeling ko ang haba ng kakapiranggot kong legs.”

Kumunot ang ilong ng katabi niya. Bahagyang pumiksi. “Huwag mo ‘kong libangin. Sagutin mo’ng tanong ko!”

Lalo naman niyang isiniksik ang sarili sa dibdib nito. Lalo ring lumakas ang hagikgik niyang nauwi sa malakas na tawa. Sa edad nilang iyon, natatawa siyang may ganito pang ganap sa pagitan nila.

Di na nito napigil ang sarili.

Natawa rin ito.

Nahawa sa pagbungisngis niya.

Mas mahina nga lang kumpara sa tawa niya. Pigil dahil gustong panindigan ang pagiging seryoso.

“Ako, sure na walang gusto sa kaniya.” Totoo iyon. Sigurado siya sa sagot niyang iyon.

Pilya siyang ngumiti nang makitang tila naghihintay pa ng kasunod niyang sasabihin ang lalaking nakakita ng lahat-lahat sa kaniya. “Pero iyong kung may gusto siya sa ‘kin—” Nang-aasar niya itong kinindatan. “Hindi ako sure do’n!” May kasama iyong matinis – malanding tawa.

Kinabig siya nito.

Mahigpit na niyakap.

Pinupog ng halik.

Sa tuktok.

Sa noo.

Sa magkabilang pisngi.

Sa tungki ng ilong.

Sa leeg.

Sa batok.

At nagtagal sa labi – ipinararating ang pagmamahal – pag-aangkin.

Mainit na pag-ibig.

“E, sa akin?” nakatitig na tanong.

Siya naman ang kumilos para halikan ito.

Buong mukha. Sa buhok.

Sa noo.

Sa magkabilang pisngi.

Sa tungki ng ilong.

Nagtagal sa mga labi.

“Sigurado akong mahal na mahal kita at mahal na mahal mo ako.” Madamdamin iyon. Puno ng katapatan. Galing sa puso.

“I FAILED my life!”  

Laglag ang mga balikat na sa di na niya mabilang na pagkakataon, pagbubukas nito ng sarili – pagbabahagi ng mga pagdaramdam. Pag-iisa-isa sa kaniya ng mabibigat na pinagdaraanan. “Everything I touch, burns!”

Kita sa malalalim na mga mata nito ang pagkatalo.

Naroon sa tono ng boses nito ang pagkabigo.

Iling ang tugon niya sa sinabi nito. Matamang nakikinig sa tila walang katapusang hinaing ng taong di sinasadyang napalapit sa kaniya.

“Masama akong tao.”

Napailing siya ulit. Hindi nito iyon miminsang sinabi. Kung minsan, naririndi na rin siya. Hindi nga lang niya masalag nang husto dahil ayon dito, siya na lang ang inaasahan nitong makaiintindi sa pinagdaraanan nito dahil lahat ng taong malapit dito, lumayo na. Umayaw na umintindi pa sa mga pinagdaraanan niya.

“Nauubos ako.” Magkasalikop ang mga palad nito. Gigil na sinabutan ang sarili.

Pigil niya ang sariling akbayan – haplusin ang likod nito. Hindi siya touchy person.

“Daming negative na nangyayari. Durog na durog na’ng pakiramdam ‘ko.”

Pinagmasdan niya ito.

Madalas nitong sabihing:

“Good catch daw ako sabi ng mommy’t daddy ko. Graduate ako ng college. Professional. Maganda’ng trabaho ko. May sariling bahay at lupa. May sasakyan. May ipon sa bangko. Hindi lahat ng kaedad ko, may gano’n. Kaya tama’ng parents ko, good catch talaga ‘ko.

Nagbaba siya ng tingin. Ayaw niyang salubungin ang mga mata nito. Baka mabasa ang laman ng isip niya, masaktan ito nang husto dahil taliwas sa mga salita ng magulang ang nakikita niya rito.

HINDI makatulog.”

Kasama ng mensaheng iyon ang larawan ng alak na mag-isa nitong inuubos.

“Sana makatulog na tapos di na magising,” dagdag nito.

Napabuntonghininga siya.

Heto na naman siya. Sabi ng isip niya pero ligalig ang puso niya.

Naroon ang takot.

Di maitatwa ang kaba.

Nag-aalala siya. Lumala ang mga ginagawa nito. Ang kaso, di tulad noon, di na niya kayang umalalay. Mali. Ayaw na niyang umalalay. Sawa na siyang umalalay. Pagod na siya. May mga responsibilidad siyang napapabayaan dahil ito ang inuuna niya – hindi dahil iyon ang gusto niya kundi dahil parating may sense of urgency ang mga mensahe’t tawag nito. At ang tipikal na siya, mabilis na mataranta lalo pa’t alam na alam niyang pinaggagawa nito kapag aligaga sa mundo – kapag desperado.

“Kung sakali, may pupunta kaya? May iiyak ba? Ilan ang sugal ang dadayuhin at makikitsismis lang tungkol sa akin?” May kasama iyong tumatawa at umiiyak na emoji.

“Sino ‘yan?”

Ikinapitlag niya ang boses mula sa likuran niya.

Itinaas niya ang cellphone para ipakita rito. “Siya pa rin. Siya ulit. Siya naman lagi.”

“Namamaalam o nagpapa-guilty?”

Nagkibit siya ng balikat. “Di ko alam. Parang pareho,” amin niya rito. “Hindi ko na rin alam kung ano ba ang gusto niya. Hindi ko na kasi tiyak kung ano ang reaksiyon ang gusto niyang makuha, e.”

“Pupunta ka ba?” May mensahe uling pumasok sa telepono niya. Kasama niyon ang emoji na hating puso. “Dadalawin mo ba ‘ko?”

“KELAN mo ‘ko kakausapin?”

Sunod-sunod na naman ang pasok ng mga mensahe. Nalilito na siya sa mga dapat tipahin sa laptop at pang-aabala ng cellphone na tila batang nagmamarakulyo ang maya’t mayang tunog.

Kumilos siya.

Inabot niya iyon.

Saglit na tiningnan.

Napamulagat – 20 messages!

Napailing siya.

Hindi niya binuksan isa man.

Malalaman nito kung nabasa – binasa na niya ang mensahe.

Maya-maya, sunod-sunod ang ring.

Itinaob niya ang cellphone matapos tanggalan ng tunog.

Ayaw tumigil.

Naalibadbaran siya sa pag-ilaw-ilaw nito kaya pinatay niya nang tuluyan para makadama siya ng kapayapaan at matapos ang mga dapat tapusin.

May mga prayoridad siya. Iyon ang madalas ipaalala sa kaniya ng asawa. May ilang pagkakataong hayagan nitong sinasabi, di lamang basta ipinadarama ang pagdaramdam sa kaniya kapag ito ang unang inaasikaso niya.

Noong una, aaminin niyang di niya ito naiintindihan. Hanggang nitong huli, damang-dama niya ang pagkakabalam ng ilang gawain dahil lagi – parati – sa tuwina – nagpapaasikaso ito sa kaniya! Nagpapabebe! At nagsisimula na siyang mainis. Mairita!

Sa pagkakataong ito, kailangan niyang unahin ang trabaho niya na maraming maapektuhan sakaling mabitin sa kasasagot niya sa mga hinaing nito sa mundong di rin naman niya alam ang dapat isagot.

Kaya, maghapon niyang isinubsob ang sarili sa tila di matapos-tapos na gawain matapos magbilin sa asawa na di muna niya mahahawakan ang cellphone maghapon dahil sa pagiging abala niya.

“MAY lakad ka ba bukas?”

Ayaw siyang tantanan ng mga mensahe nito.

“Magpapasama sana ako sa Cavite,” dagdag nito. “May magaling daw na faith healer do’n, e. Balak ko sanang magpagamot. Baka sakali, magamot niya ang maraming mali sa nararamdaman ko. Baka iyong faith healer ang makapagbigay ng lunas sa lahat ng sakit na nararamdaman ko. Baka gumaling iyong maraming sugat na kahit di nakikita, damang-damang ko.”

Napailing siya sa mga mensahe nito.

“Ayaw mo ba talaga ‘kong kausapin? Please naman, o. Kahit saglit lang. Kahit konting-konting oras lang.”

Isinandal niyang likod sa silyang kinauupuan.

Kahit saglit lang, ulit ng isip niya sa sinabi nito.

Saglit lang samantalang noon isa hanggang tatlong oras sila kung mag-usap sa telepono kahit halos maghapon na silang magkasama. Pero ngayon, kahit saglit lang na pakikipag-usap ang ipinapakisuyo pero hindi niya mapagbigyan – ayaw niyang pagbigyan – hindi niya kayang pagbigyan!

“Huwag mo ‘kong pahirapan,” pakiusap niya. “Huwag mong pahirapan ang sarili mo. Huwag mong pahirapan ang sitwasyong mayroon tayo.”

“NATATAKOT na ‘ko sa kaniya, e,” mahinang amin niya sa isang kaibigan. “Marami siyang binibitiwang salita at ginagawa na pakiramdam ko, lampas sa pagiging magkaibigan ang kahulugan.”

“Tulad ng –?”

“Huwag ko siyang bitiwan. Huwag kong sukuan. Kung kagaya lang ako ng mga nauna, di sana ganiyan ang buhay niya…”

And…?” Dama nito ang may itinatago siya.

Tinantiya niya ang sarili kung kaya niyang sabihin ang narinig niya mula rito na nagpalito sa kaniyang mundo at dahilan kung bakit lumayo – umiwas siya rito.

Ilang sandali ang pinalipas niya bago muling bumuka ang bibig. “B-aka ako raw ang …” Malalim ang paghigit niya ng hangin sa dibdib. “Baka ako r-raw ang k-kapalit ng pinakahuli niya. Sa ‘kin daw payapa ang mundo niya. Ako lang daw ang nakakontrol sa kaniya lalo na kapag galit siya. Ako raw ang nakapagpapaliwanag ng magulong isip niya.”

Hey! Sure ka bang wala kayong relasyon?” Gulat na gulat ang itsura nito sa mga narinig. “You’re not simply friends for him. He treats you more than a friend! Sigurado ka bang wala kayong ibang usapan? Talaga bang ang relasyon n’yo, magkaibigan lang?”

Tango ang sagot niya rito.

“Hindi ba kayo MU?”

Matinding iling ang tugon niya saka sinapo ang nagsisimulang pumintig na noo.

MU na naman.

Iyon na naman.

Narinig na naman niya iyon.

“Walang mutual na gano’ng pakiramdam sa pagitan namin. Walang gano’ng klaseng understanding. On my end, we’re friends, that’s it. No more; no less!”

“On your end how about on his end?”

Nangunot ang kaniyang noo. “Ano’ng gagawin ko?” Helpless niyang tanong.

“Baka mas tamang kausapin mo na para tumigil na kaysa mangulit pa. Para matahimik na. Para magkaroon kayo ng closure.

Closure? Pang lovers lang ‘yon, e. Wala naman kaming gano’ng relasyon. Pure friendship lang meron.” Pati kaluluwa niya, gustong magprotesta.

“Sa iyo, e, sa kaniya?”

Tila iyon alingawngaw na paulit-ulit na bumibingi sa kaniya. Parehong-pareho ang bitaw ng ilang taong nakaaalam ng nangyayari sa kanilang pagitan.

Puwede ka bang makausap? Kahit saglit lang? Please naman…

Ilang ring ng telepono at mensahe ang dumating bago siya nagpasiyang sagutin ang tawag.

“Kumusta ka?” bungad nito.

“Ano’ng kailangan mo?”

“Kumusta ka na?” ulit na tanong nito.

“Sabihin mo’ng kailangan mo may ginagawa ako.”

“Kumusta ka na?”
Nagsimulang makulili ang kaniyang tenga. “Ano nga ang kailangan mo?”

“Gusto ko lang marinig ang boses mo. Gusto lang kitang kumustahin. Gusto ko lang na makausap ka tulad ng dati nating –”

“Marami akong ginagawa, e,” putol niya sa mga sasabihin pa nito.

Dinig niya ang pinipigilang pagdaramdam bagaman damang-dama niya ang kalungkutan nitong taglay.

“Dati naman kahit marami kang ginagawa, may oras ka sa akin. May oras ka para sa atin,” may tila bikig sa lalamunan nito. “Bakit biglang nag-iba? Ano’ng mali kong nagawa? Bakit parang binitiwan mo ‘ko bigla? Bakit para mo kong initsapuwera nang gano’n-gano’n lang?”

Hindi siya kumibo. Hinayaan niya itong magsalita nang magsalita.

“Akala ko, mahalaga ko sa ‘yo. Akala ko, may lugar ako sa puso mo. Akala ko –”

Tumikhim siya bago nagsalita. “Iyong pagpapahalagang ibinigay ko sa ‘yo, pagpapahalagang ibinibigay ko sa lahat ng mga kaibigan ko. Iyong oras na mayroon ako sa iyo, gano’n din ako sa iba pang tulad mo. May lugar ka sa puso ko kasi kaibigan kita pero iyong higit do’n, wala.”

“Kahit konti, wala?” mabilis nitong balik-tanong.

“Wala. Kaibigan lang talaga.”

Basag ang boses nito nang muling magsalita. “Kahit ba, awa, wala?”

May kirot iyon sa pandinig niya.

“Gusto mo bang awa lang ang maging pundasyon?” mababang-mababa ang tinig niya. “Sa akin kasi, di puwedeng gano’n, e. Masyadong mababaw kung awa lang. Nakakababa rin ng pagkatao kapag gano’n ang batayan.”

“Baka naman kahit konti, meron? Kasi sa akin, meron. Malaki. Malalim.” Gumagaralgal ang boses nito. Nawala ang yabang. Tila nauubos ang lakas. “Akala ko pareho tayo ng nararamdaman. Akala ko iyong pagsama mo sa ‘kin – Iyong pagbibigay mo ng oras – Iyong pakikinig – Iyong …”

“Kaibigan kita! Kaibigan ako! Gano’n ako sa lahat ng kaibigan ko kahit tanungin mo sila isa-isa.”

“Hindi ako espesyal?” Dama ang pagdaramdam sa boses nito.

“Huwag mo ‘kong pahirapan,” pakiusap niya. “Huwag mong pahirapan ang sarili mo. Huwag mong pahirapan ang sitwasyong mayroon tayo.”

“Tulad lang pala ‘ko ng iba mo pang kaibigan sa ‘yo.”

“Oo,” matapat niyang tugon. “Nagkataon lang na lalaki ka at babae ang marami sa kanila kaya baka nag-akala ka ng iba. Huwag mo ring pagkamalang magkapareho ang pagmamalasakit at pagmamahal.”

Namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa.

Bagay na kakatwa dahil sanay sila na parating nag-uunahan sa pagsasalita.

Sinasapawan ang bawat isa.

So, I think, this is it!” pagkuwa’y sabi niya.

Are you saying goodbye?”

“Best for us, I believe.”

“Dahil di ako espesyal. Tulad din ako ng iba. Walang kakaiba. Mali ako ng pandama. Akala ko… Iyon pala…”

“Doon mag-a-apologize ako. Baka mali ang mensaheng naipahatid ko sa ‘yo. Pero gano’n lang talaga ako. Sorry kung gano’n ang naramdaman mo dahil sa mga ginagawa ko. I just thought ‘yon ang normal sa mga magkakaibigan. Di ko nai-consider na lalaki ka at babae ako – na puwedeng magkamali ng interpretasyon – na posibleng wrong signal pala ang naipararating. Genderless ako sa pakikipagkapuwa. At doon, hihingi ako sa iyo ng pag-unawa.”

Don’t apologize. Mas naaawa ako sa sarili ko. Kahit konti pala o kahit awa, wala. Bakit ba hindi ko nakitang pinagmamalasakitan mo lang ako? Na gano’n ka kahit na kanino? Bakit ba inakala kong espesyal ang tulad ko sa ‘yo?” May kasamang singhot ang halos paos na boses nito. “Hindi nga siguro ko good catch kaya inaayawan ako – iniiwan.”

“Huwag mong masyadong pabigatin. Nagi-guilty ako. Ayokong nakakapanakit, sadya man o hindi.” Pumatak ang mga luha niya. “Sorry…”

Madalang at mababa ang boses nito nang muling magsalita. “M-Malalampasan ko rin s-siguro ‘to katulad ng maraming dinaanan at pinagdaraanan ko. Salamat sa lahat. S-salamat sa lahat-lahat,” mabigat na panapos nito.

Nag-click out ang aparato bago pa siya nakasagot sa sinabi nito.

Bahagya siyang napapitlag nang may mga bisig na pumulupot sa beywang niya.

Masuyo siya nitong pinaharap.

Nakatitig sa mga mata niyang dinadaluyan ng luha.

“What is that for?” nakauunawang tanong. “N-nakapanakit ako… Di ko sinasadya.”

Niyakap siya nito.

Mahigpit.

“Di mo kasalanan. Nakita lang niya ang magaganda mong katangian.” Inilayo siya nito nang bahagya.

Ginawaran ng halik sa noo.

“Kaya nga ako na-inlove sa ‘yo nang todo dahil nakita ‘yong mga nakita niya sa ‘yo.”

Namula at napangiti siya sa sinabi nito.
“Pero mas masuwerte ako sa kaniya dahil marami akong nakita na di niya nakita at hinding-hindi niya makikita kahit kailan,” pilyo nitong bitaw.

Tuluyan na siyang natawa at mahigpit na yumakap dito. Masuyong inihilig niya ang ulo sa balikat nito. Tiyak na tiyak siya sa kung ano ang nakapagitan sa kanila. Hindi Magulong Usapan o Malisyosong Ugnayan kundi lantad, may katiyakan at siguradong relasyong masarap at matamis nilang pinagsasaluhan.